Chapter 5: Recollections

1878 Words
Limang buwan na ang nakaraan... “Ate, hindi ka ba uuwi? Limang taon ka na d’yan sa Paris, hindi mo ba ako nami-miss!?” paglalambing ko kay Ate Via. Malapit na ang ika-dalawampu’t apat kong kaarawan pero hindi pa rin siya umuuwi. “Baka naman pwedeng 'yon na lang ang regalo mo sa akin!? Ang presensya mo!?” Narinig ko ang pagngisi ni ate sa kabilang linya, “You shut up little wimp! Alam mo kung bakit naririto ako, hindi ba?” “Pero ate, graduate na ako! May trabaho na nga ako eh, kung gusto mo ako naman ang bubuhay sa ‘yo!?” pagmamalaki ko pa sa kaniya. “Ang yabang nito. Magkano ba ang sahod mo d’yan bilang nars ha? Kakaumpisa mo pa lang, baka kulang pang pambili ng panty mo 'yan!?” “Ano ka!? Bakit ako bibili ng panty eh ang dami mong pinadadala lagi!?” natatawa kong sabi. Sa tuwing magpapadala kasi siya ng balikbayan-box hindi talaga nawawala ang mga branded na underwears sa mga 'yon. "Umuwi ka na, sige na ate, please?" “As much as I wanted to, Rhian, I… I can’t. Intindihin mo na lang.” She can’t? Bakit ba hindi pwede!? At paano ko naman kaya iintindihin eh hindi ko nga maintindihan? Sa totoo lang hindi naman ganoon kahirap ang pamumuhay namin. Bago mamatay si papa, nakapagpundar naman siya ng bahay at lupa. Mayroon din naman kaming maliit na negosyo na siyang pinatatakbo ni Tiya Amanda; ang coffee shop na isinunod nila sa pangalan ng aming ina. Chantal. Iyon ang pangalan ni mama. “Bakit, ate!? Kahit isang linggo lang naman—” “I have to go, Rhian. Tinatawag na ako ng boss ko,” aniya at nakarinig nga ako ng boses ng lalaki sa kabilang linya. “Tatawagan na lamang kita ulit. Bye.” “S-Sandali! Ate!!!” Nais ko pa sanang kausapin siya pero agad niyang binaba ang tawag. Ganoon siya palagi. Sa totoo lang ay nagtatampo na ako sa kaniya pero… wala naman akong magawa. Isa pa, siya lang ang kapatid ko at ipinangako namin noon kay papa na kailanman poprotektahan at hindi namin pababayaan ang isa’t isa. Kaya lang kasi… ewan ko ba, parang nag-iiba na talaga siya. “Ang ate mo ba ang tumawag?” tanong ni tiya at mapait itong ngumiti sa akin nang lingunin ko siya. “Hayaan mo na ang Ate Via mo, baka abala lang siya sa trabaho. Uuwi din iyon.” “Kailan pa? Kapag mamamatay na ako?” ismid ko saka ako napailing. “Gusto ko lang naman siyang makita uli. Sa tagal niya doon, ano ba naman ang kahit isang linggo man lang na pagdalaw nya dito!?” “Rhian, pasasaan pa at uuwi din ang ate mo. Maghintay ka lang iha.” …. At dumating na nga ang araw ng kaarawan ko pero hindi pa rin talaga nagpakita sa amin si Ate Via. Tinawagan ko na lang si Steffi, ang malapit kong kaibigan na siya ding kasamahan ko sa trabaho. Naka-duty pa siya samantalang ako naman ay nag-file ng dalawang araw na 'leave of absence' kaya naman wala akong pasok ng araw na ‘yon. Gayon pa man ay maaga akong nagising upang dumaan sa simbahan kasama si Tiya Amanda. Dahil kaarawan ko, nanalangin ako at nagpasalamat. Hindi ako madalas na nakakapunta ng simbahan dahil sa trabaho, kaya naman ipinakiusap kong wag sanang magtampo sa akin ang langit gaya ng pagtatampo ko kay Ate Via dahil matagal na itong hindi nagpapakita sa akin. “Mahabaging langit… kaarawan ko po ngayon, baka pwede naman po akong humiling?” bulong ko sa aking pagdadasal. “Kung hindi uuwi ang ate ko, baka naman… p-pwedeng ibigay mo na lang po ang lalaking para sa akin? Baka tama lang din po kasi si Steffi. Baka kaya ko kinukulit si ate ay dahil wala akong ibang binabalingan ng aking atensyon. P-Pero… n-natatakot po akong maloko na gaya ng sa mga kaibigan ko kung kaya po… kung may ibibigay kayo sa akin, sana… s-sana siya na ‘yong lalaking para sa akin talaga. ‘Yong lalaking… nakatadhana para sa akin! Kung pwede lang naman po sana. Amen.” "Hoy Rhian! Ano ba naman 'yang hinihiling mo! Magbebente-kwatro ka pa lang, anak, makahiling ka naman sa langit, akala mo ay magmemenopause ka na bukas!" pabulong ngunit mariing sabi sa akin ni tiya. Napalingon ako sa kaniya at nangunot ang noo ko, "Ang talas naman ng pandinig mo, tiya! Narinig mo pa 'yon?" "Haayyy magtigil ka Rhian!" aniya at nauna na sa paglabas ng simbahan. "Kahit hindi mo hilingin sa langit, darating ang tamang lalaki para sayo kung mayroon man! Maghintay ka lang!" Nagtakip na lang ako ng aking bibig upang pgilan ang pagtawa. Palibhasa kasi'y matandang dalaga, natuyo na lang sa paghihintay ng lalaking tinadhana sa kaniya. Naku! Ayaw kong maging ganoon! Kaya kung may oportunidad lang na magkaroon ng presentableng jowa, iga-grab ko na talaga agad! .... Sumapit ang gabi at nayayamot talaga ako. Paano kasi'y nahulog kanina ang cellphone ko at nabasag ang tempered glass. Kakapalit ko lang nito noong nakaraang linggo, mukhang magpapalit na naman ako. Ang kinaiinis ko lang ay may ilang parte na durog talaga, hindi ko tuloy mabasa ng maayos ang mensahe ni Steff at hindi ko din mapindot ang parteng iyon. Good thing na lang hindi naman nasira ang cellphone ko. Sa pagkairita ko, napagpasyahan ko na lang na alisin ang tempered glass kaysa naman buong gabi akong mairita. Papapalitan ko na lamang ito bukas kapag napadaan ako sa Cyberzone. Naratnan ko si Steff at ang iba pa naming mga kasamahan sa trabaho na nagsisimula ng uminom. Nang makita nila ako ay agad silang naghiyawan at kumanta ng 'Happy Birthday'. Sinuotan pa nila ako ng sash at korona saka sinindihan ang kandila ng cake na pahihipan nila sa akin. "...Happy birthday, happy birthday! Happy birthday... Rhian!!! Whooo!!!" Tawang-tawa naman ako at hiyang-hiya dahil pati mga nag-iinuman sa kalapit naming mga mesa ay nakikanta at nakipalakpak din sa kanila. Matapos kong humiling ay hinipan ko na ang kandila na mas lalo pang nagpalakas ng ingay nila. "Cheers! For Rhian!!!" hiyaw ni Gale. Nagtaasan naman sila ng kani-kanila nilang inumin at inabutan naman din ako ni Steff. "Cheers!" pagbabanggaan namin ng aming mga baso saka namin sabay-sabay na nilagok ang alak na laman ng mga ito. "Whooo! Happy birthday!!!" "Thank you! Thank you!!!" pasasalamat ko sa kanila. Sinulit namin ang gabi. Sobrang saya ko no'n dahil sa kakulitan nila lalo na nang mga tamaan na sila ng kalasingan. Nang mas lumalim pa ang gabi ay nagwala naman kami sa dance floor. Bigay-todo kaming sumayaw na animo'y wala ng bukas at dahil doon, halos nakalimutan ko bigla ang pagtatampo ko kay Ate Via. "Oh, sh—t! I'm sorry! I'm sorry!" ani ng boses ng isang lalaki na bumangga sa akin. Muntik na akong matumba ngunit mabuti na lamang ay nahawakan niya ako agad sa aking bewang. Nasalo niya ako na para bang sumayaw kami ng Tango. May kadiliman ang bar ngunit naaaninag ko pa rin ang mukha niya mula sa malilikot na ilaw na sumasabay sa beat ng tugtog. Napakapit din pala ako sa kaniyang leeg at ang mga mata namin ay sandaling nagtama ng mga tingin. A-Ang gwapo niya! "Rhian!" ani Steff na siyang nagpabalikwas sa akin upang bumitaw ako sa lalaking 'yon at umayos na ako ng aking pagkakatayo. "Rhian? Wow, what a pretty name," ani ng lalaki at ngumiti sa akin ng matamis. "It suits you." Tumikom naman ang bibig ni Steff at pasimple akong siniko na para bang kinikilig. Paano ba namang hindi siya kikiligin, bukod sa gwapo nga ito ay mukha ding yayamanin! Sino nga kaya ang lalaking ito? "Thank you," yoon lang ang nasabi ko. Kahit na may itsura sya, sa totoo lang ay tila wala namang epekto 'yon sa akin. Hindi din naman talaga ako marunong humarot kaya siguro wala pa rin akong boyfriend hanggang ngayon. Tatalikod na sana ako nang bigla naman niyang hawakan ang kamay ko. "Wait, ahmmm..." "Hoy, wait daw! Kausapin mo na, girl! Di ba gusto mo ng magka-jowa? Chance mo na 'to!" bulong sa akin ni Steff at pinandilitan ko siya ng aking mga mata. "Manahimik ka nga! Baka marinig ka! Naku!" gigil ko ding bulong sa kaniya, pero dahil sa sinabi niya, bigla ko tuloy naalala ang ipinalangin ko sa simbahan at ang hiniling ko nang hipan ko ang kandila kanina. Hindi ako sigurado pero... hindi nga kaya? "Hm? Yes?" "Well, I... I'm not good at this pero... pwede ko bang hingiin ang number mo?" tanong niya na lalong nagpakilig kay Steff. Ramdam kong gusto nya na akong kuyugin dahil sa sinabi ng lalaki. Sandali ko pang pinagmasdan ang lalaki. Hindi rin ako magaling sa ganoong bagay pero... napapaisip kasi ako. Paano kung siya pala 'yong lalaking hiniling ko? Nagkataon lang ba ito... o dininig agad ng langit ang panalangin ko? Ano nga kaya!? Sabagay, hindi ko malalalaman iyon kung palalampasin ko na lamang ito. Base sa itsura niya... halos tugma naman siya sa kahilingan ko. Presentable, mukhang hindi naman naghihirap sa buhay at mukha namang mabait? Baka siya na nga ito, hindi nga kaya? "H-Ha? O-Okay, sure," tugon ko. Ngumisi siya at agad niyang iniabot sa akin ang kaniyang cellphone. Matapos kong i-type ang number ko ay muli ko na itong binalik sa kaniya. "Before I forgot, I'm Lester Gocheco," pagpapakilala niya saka inabot sa akin ang kaniyang kamay. "Nice to meet you Ms. Rhian." "Gocheco? Saan ko ba narinig ang apelyidong 'yon?" bigla akong napaisip. "Really? You know anyone in my family?" tanong niya sa akin na lumalapit pa ng bahagya upang marinig ko siya. Masyado kasing malakas ang tugtog, naamoy ko tuloy ang mabango niyang pabango. Umiling ako agad. "Baka isa lang sa mga naging pasyente namin. Medyo common din naman ang apelyidong 'yon." "Pasyente?" ani Lester na may ngiti. "Are you guys in a medical team or what?" Nagkatinginan pa kami ni Steff bago sumagot. "Y-Yeah! Ahmn, mga nars kami. Sa Villaflor General Hospital kami nagtatrabaho." "Oh, I see. That's nice!" aniya. Isang lalaki naman ang tumawag sa kaniya at sumenyas. Mukhang tinatawag na siya ng mga kasama niya. Nilingon niya kami ngunit ang kaniyang mga mata ay sandali pang napatitig sa akin. "I'm sorry, I... I have to go! I hope we see each other again." Ngumiti ako sa kaniya at tumango, "Yeah, sure." "I'll call you," ani Lester saka bahagyang tumalikod. "Bye." "Bye," tugon ko at kumaway pa ako sa kaniya ng bahagya. Tumalikod na din kami ni Steff pero ang bruha, kumapit pa sa braso ko at inasar-asar ako. "Yan! Yan! Matuto kang lumandi nang hindi ka natutuyot!" "Steffi! Manahimik ka nga! Bunganga mo!" sita ko sa kaniya pero natatawa din ako. "Sus! Okay lang 'yon!" ismid niya tapos ay gumuhit ang malapad na pagngisi sa mukha nito. "Gwapo 'yon ha! Hindi lang basta gwapo, english speaking pa girl! Mukhang galing sa mayamang angkan! Swerte ka don! Malay mo!" "Sira-ulo ka talaga!" ani ko ngunit maya-maya napangiti na din ako. "Pero... tama ka, malay nga natin? Baka... baka siya na nga." Lester. Lester... Gocheco. Ano nga kayang magiging papel mo sa buhay ko? Ikaw na nga kaya... ang lalaking hiniling ko? Ewan, malalaman ko din yan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD