REBOUND OF FOUL HEARTS
(Note from the Author: Hindi ako bihasa sa mga terminologies at mechanics ng larong basketball. Hindi din ako nanonood o kahit fan man lang ng PBA para alam ko yung pasikot-sikot nito. Maaring may mali sa ilang detalye lalo na sa technicalities ng larong basketball o sa kung paano ang talagang proseso sa PBA. Nagbasa man ako at nagkaroon ng pahapyaw na pagsasaliksik ngunit alam kong may kulang o sobra pa din kaya sana, kayo na lang po ang pupuno sa kung anong kulang at magbabawas sa kung anong sobra. Ang mahalaga lang sa akin sa ngayon at ang ipupunto ko sa kuwento ay ang buhay at pag-ibig nina Andrei at Kyle.-)
Chapter 2
Andrei's Point of View
Masaya ako sa muling pagtatagpo ng landas namin ni Pareng Kyle. Iyon ang gusto kasi niyang itawag ko sa kaniya kahit pa alam kong mas matanda siya sa akin ng pito o walong taon. Iba ang Kaloy na kilala ko noon sa Kyle na nakakausap ko ngayon. Kung iba lang siguro ang gumawa sa akin sa ginawa niyang malakas na pagpukol ng bola sa akin na tumama sa dibdib ko baka kanina ko pa siya nasapak sa mukha. Kanina pa ako nakipagbasagan sa mukha.
"P're, may galit ka ba sa akin? May nagawa ba ako?" iritado kong tanong.
Oo, niligtas niya ang buhay ko noon. Utang na loob ko sa kaniya kung bakit hanggang ngayon buhay pa ako pero hindi ako yung tipong api-apihan. Kung anong ipukol mo sa akin at nasaktan ako, maghintay ka ng mas matinding balik. Kung tigasin ka, baka mapapahiya ka sa katarantaduhan ko. Maaring mukha akong inosente, pero panlabas lang ang ipinapakita ng maamo kong mukha. Sanay ako sa rambulan. Ngunit dahil nagkataong si Pareng Kyle ang gumawa no'n sa akin, kahit papaano napigilan ko ang sarili kong patulan siya.
Lumingon siya sa akin sandali saka niya ako muling tinalikuran na parang walang narinig. Namumuro na siya sa akin. Ibang Kaloy na nga pala ang kaharap ko. Si Kyle na bastos at hindi ang Kaloy na iniidolo ko. Bilib ako sa kaniya noon hindi lang sa galing niya sa paglalaro kundi sa kabutihan din ng kaniyang puso. Binabago nga ng panahon ang tao. Dahil ba naging MVP na ay hindi na sumasayad pa ang mga paa sa lupa?
Mabilis na kumilos ang aking mga paa. Hinabol ko siya. Hindi ko napigilang hawakan ang matipuno niyang braso. Mainit iyon, maskulado kaya may katigasan.
'Nak ng teteng! Bakit gano'n?
May kung anong kakaibang kuryenteng parang dumaloy mula sa pagkakahawak ko sa braso niya hanggang sa bigla na lang akong naging estatwa. Siguro dahil unang pagkakataon iyon na humawak ako ng braso ng kapwa ko lalaki. Nanibaguhan ako. Hindi ako sanay na nakikiusap na harapin ako ng katulad kong astig. Ngayon ko lang kasi idinaan sa pag-uusap ang inis ko. Ngayon lang ako magtatanong kung may nagawa ba akong mali.
"Ano? Nababakla ka na ba?" Nakangisi si Pareng Kyle na tumitig sa akin habang tinatanggal niya ang palad kong mahigpit na humawak sa kaniyang maskuladong braso.
"Ako? Mababakla sa'yo?" napalunok ako.
Gustong-gusto ko na talaga siyang bigwasan. Siya pa lang, sa dalawampu't isang taon ko sa ibabaw ng lupa, siya palang ang nakapagsabi sa akin na nababakla ako.
"Makahawak ka kasi p're eh! Ano ha? Tinitigasan ka na ba?" may halong kindat kasunod ng tawang pang-asar na lalo kong ikinairita.
"Ano ba talagang problema mo ha?" singhal ko sa kaniya.
Mabilis kong hinila ang kamay kong noon ay ramdam ko ang parang galit niyang pagpisil mula sa pagkakatanggal niya sa paghawak ko sa kaniyang braso.
"Ako? May problema? Baka ikaw meron. Ano, may problema ka ba sa akin?" astig niyang tanong. Kitang-kita ko pa ang bahagyang pagbuo ng kaniyang kamao.
Huminga ako ng malalim.
"Akala ko kasi, ikaw pa din yung dating Kuya Kaloy na nakilala ko noon. Yung kilala kong gusto akong turuan, yung sobrang hinangaan ko pero okey na yun p're. Salamat na lang sa pagligtas mo ng buhay ko."
"Oo iniligtas kita kapalit ng sana maayos na takbo ng buhay ko. Wala kang alam sa mga pinagdaan ko pagkatapos ng nangyaring iyon. Kaya yung pasasalamat mong 'yan? Isaksak mo sa baga mo dahil hindi niyan kayang baguhin pa kung paano ako naghirap at nababoy marating ko lang kung nasaan ako ngayon." Makahulugan ang sagot niyang iyon sa akin.
Naguluhan ako sa mga sinabi niya at inasta. Nakita ko sa mga mata niya yung galit. Hindi ko alam kung saan ang pinanggalingan no'n pero alam kong may mali.
Pilit kong pinakalma ang sarili ko. Inisip ko na lamang na maaring patay na ako noon kung wala siya na sumagip sa buhay ko.
"Ngayon, may sasabihin ka pa ba? May problema ka pa ba sa akin?" siga niyang tanong.
Bumunot muli ako ng malalim na hininnga.
Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili kong... "Relaks lang Drei, huwag mong patulan."
"Ano? May sasabihin ka pa?" muli niyang tanong nang nanahimik ako.
"Wala pare. Wala akong problema. Wala na din akong sasabihin pa." pagpipigil kong wika kasunod ng pagtalikod ko sa kaniya.
Pilit kong nilabanan ang paninigas ng kamao ko. Pinagpawisan ako.
'Nak ng teteng! Hindi ako 'to e. Hindi ako sanay magpigil ng galit. Ngunit kay Pareng Kyle, nirespeto ko ang utang na loob ko sa kaniya. Mas binigyan ko ng halaga ang pinagsamahan namin noon.
"Ipakita mo na lang ang galing mo sa court. Baka hanggang sa ensayo ka na lang at hindi ka na aabot pa sa league, pare. Balita ko, may kasabay ka pang pinagpipilian mula sa PBA Draft. Paano kung hindi ikaw ang papasok sa team p're? Huwag ka munang kampante!" pahabol niyang nang-aasar.
Hindi na lang ako sumagot. Narinig ko na lang ang pagsara ng pintuan. Sinisikap kong labanan yung pagkainis kay Kyle. Bumunot ako ng sunud-sunod na malalalim na hininga. Alam kong makakatulong iyon para maibsan yung magkahalong galit at inis.
Binuksan ko muli ang temporary na locker ko. Temporary dahil hindi pa naman ako official na bahagi ng team. Kung hindi ako ang mapili, paniguradong sa kasunod na team na lang ako pero lahat ng bagong player, gusto nilang maging bahagi ng isang team na may pangalan na. Lahat ng player gustong mapabilang sa isang team kung saan ay naging sunud-sunod na ang pagiging champion.
Tumingin muna ako sa paligid. Nakita kong may padaan kaya muli kong pasimpleng isinara ang aking locker saka pasigang tumango.
"Tara na, tol." Si Benjie. Matangkad, maganda ang katawan ngunit walang kadating-dating ang mukha. Siya ang makakatunggali ko sa pagkuha sa bakanteng posisyon sa team. Hindi ko siya kaibigan. Nakilala at nakakalaro ko lang sa PBA draft. Sa ibang university siya. Madalas nakakasagupa ko na din noon ang team niya. Isa siya sa mahigpit na makakatunggali ko at hanggang ngayon kinakabahan pa din akong hindi ko makuha ang pinapangarap ko noon pa dahil kay Benjie.
"Sige tol, sunod ako." seryoso ang pagkakasabi ko no'n. May kasabay pang pagsaludo.
Nang nasisiguro kong wala nang tao na puwedeng makakakita sa akin ay inapuhap ko ang maayos kong itinago na inhaler sa bulsa ng backpack ko. Sa katulad kong may asthma, kailangan ko iyon bago maglaro. Isang sikretong ayaw ko nang ipaalam pa dahil kaya ko namang makipagtagalan sa paglalaro basta mero'n nito. Natatakot kasi akong puwedeng gamitin ng iba ang asthma ko para hindi ako makuha sa team samantalang wala naman akong nakikitang mali basta bago ako sasabak sa laro ay sisinghap muna ako ng inhaler ko.
Bago ko iyon tuluyang inilabas ay muli akong tumingin sa paligid ko.
Wala ng tao pa sa loob. Umaasang sana wala ding papasok na maaring makakita sa akin.
Nang sumisinghap na ako sa inhaler ko ay biglang naramdaman kong parang may nagbukas ng pintuan. Mabilis kong itinago ang inhaler ko kasunod ng paglingon ko sa pintuan ngunit bago ko pa namukhaan kung sino ang akmang papasok ay naisara nang muli ang pinto. Hindi ko alam kung nakita ako ng kung sinuman ang sumilip na iyon pero alam kong mabilis din naman akong tumalikod at naitago ang hawak kong sikreto.
Paglabas ko ay naroon na ang Governor/ Team Manager, Asst. Governor at ang Head Coach na pipili sa amin ni Benji sa tatlong laro namin. Ngayon, ang schedule ng unang laro at kailangan kong magpakitang gilas sa tatlong noon ay nag-uusap at nakadikit sa akin ang kanilang mga paningin.
Nakita ko si Kyle na hawak ang isang bola at nagdidribble. Nang itira niya ang bola at swak na swak ito ay mabilis siyang lumingon sa kinauupuan ng girlfriend niya. Kitang-kita ko kung paano niya binigyan ng flying kiss si Anne na halatang kinikilig din.
Bigla akong nakaramdam ng inggit.
Sana pala pumayag na lang ako nang nagpipilit si Carla na sumama sa akin.
Umupo na muna ako sandali sa gilid habang nag-wa-warm-up pa ang iba. Ilan naman ay nag-uumpukan sa gilid at nagtatawanan.
Si Benjie ang kasama ni Kyle sa court na para bang sila yung dati nang magkakilala. Yung saya na naramdaman ko kaninang makita ko si Kaloy ay tuluyan nang naglaho. Iba yung hinabi ng utak kong Kaloy sa Kyle na nakausap ko kanina.
Di na ako sanay ma-bully. Ayaw ko nang maulit pa iyon. Hinding-hindi na ako papayag pa. Ngunit yung ginawa sa akin ni Kyle kanina, parang bumalik yung lahat ng pinagdaanan ko noong bata pa ako. Ramdam na ramdam ko pa din kung paano ang buhay ko nong hindi ko pa kayang ipaglaban ang sarili ko.
Pagkatapos ng aksidenteng iyon noon ay di ko na muli pang nakita si Kuya Kaloy. Dinalaw ko din naman siya noon ng tatlong beses kasama sina Daddy at Mommy. Nakita kong sa tuwing umaalis kami ay nag-aabot ang mga magulang ko ng pera sa Daddy niya. Para daw iyon kay kuya na nagligtas sa akin. Lagi lang siyang tulog noon. Kinakausap ko siya, umaasang magigising siya kapag nag-ingay ako pero bigo ako. Nagdadala pa nga ako noon ng bola pero pinapaiwan sa labas ng kuwarto niya.
Nang huli akong dumalaw sa kaniya, sinabihan ako nina Daddy at Mommy na magpaalam na sa kaniya at baka matagalan daw bago kami muling magkita. Habang nag-uusap ang mga magulang namin noon ay umupo ako sa tabi ng kaniyang kama. Nakatingin ako noon sa nakabendang ulo niya. Lumingon muna ako kina Daddy bago ko dahan-dahang kinurot ang braso niya. Baka sa paraang ganoon ay magising siya. Inilapit ko pa ang bibig ko sa tainga niya saka ako bumulong.
"Kuya, gising na. Antagal mo na pong tulog. Naiinip na akong hintaying kang magising para turuan mo akong magbasketball. Di ba, nangako kang tuturuan mo ako?"
Ngunit nanatili siyang siyang nakapikit. Noon ay naglakas loob na akong hawakan ang kaniyang mga kamay. Gagap ng maliit kong palad ang noon ay may kalakihan na niyang palad. Pinisil ko iyon saka maluha-luhang nagsabi ng niloloob ko.
"Namimiss na po kita, kuya. Araw-araw, nagdadasal ako na sana magising ka na. Sabi nila Daddy, matagal pa daw bago tayo magkikita pero hihintayin kita sa basketball court sa school. Kahit po gaano katagal, maghihintay ako doon. Paalam kuya." Hindi ko alam pero bigla na lang akong naluha noon. Sa murang edad ay iyon ang unang pagkakataon na parang may mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ko. Hinding-hindi ko makalimutan yung huling araw na iyon nang hinawakan ni Mommy ang kamay ko at inakay palabas ng kuwarto. Unti-unting nabitiwan ko ang kamay ni Kuya Kaloy at noon, nangako akong kung magkita kaming muli ay hinding-hindi na ako papayag pang muli kaming magkalayo. Kung magkikita kami, ako naman ang magliligtas sa kaniya. Ako din ang magbubuwis ng buhay para sa kaniyang kaligtasan.
Mula ng nangyari ang aksidente ay pinagbawalan na ako nina Daddy at Mommy na lumabas pa ng bahay na di sila kasama. Kahit sa school ay naging hatid-sunod na ako hanggang sa aming classroom. Tumagal iyon hanggang sa naging tampulan na ako ng tukso ng mga kaklase ko. Idagdag pa ang pagiging hikain ko, bansot at payat. Dahil doon, ako yung madalas makita ng mga bully na pagdiskitahan. Wala akong kakampi noon. Laging umiiwas dahil takot mapagtulungan. Araw-araw akong nagpupunta sa court kung saan noon naglalaro ng basketball si Kuya Kaloy. Umasa akong isang araw ay naroon siya. Humihiling akong sana naroon siya sa tuwing binubuska ako ng mga batang mas malakas at matangkad sa akin. Sa tuwing itinutulak nila ako at napapaupo, kapag binabangga at pinatatabi saka tinatawanan, nagdadasal akong sana biglang dumating si idol at bibigwasan niya sila ng suntok. Ngunit nagbilang ako ng araw, ng ilang Linggo, buwan at taon ngunit walang Kuya Kaloy ang dumating. Hanggang tinanggap kong pangarap na lang sa akin ang muling pagpapakita ni Kuya Kaloy. Ang sabi nina Daddy at Mommy ligtas ang tumulong sa akin sa kamatayan ngunit bakit hindi na siya muli pang nagpakita. Anong totoong nangyari sa kaniya?
Hanggang sa naisip kong sarili ko na lang ang aking kakampi. Sarili ko lang ang aking makakapitan.
Grade 5 ako nang napansin ko naging mabilis ang aking pagtangkad. Naging magana na din ako sa pagkain kahit pa madalas pa din akong hinihika. Ngunit nang nagkaroon ako ng inhaler at alam ko na ang kahalagahan nito sa akin bago pa man ako matablan ng hika ay sumisinghap na ako no'n. Naging maayos na ang kalusugan ko. Dahil sa tangkad ko at pag-iidolo kay Kuya Kaloy ay nahilig din akong makipaglaro ng basketball sa mga pinsan ko. Bida na ako noon sa kanila. Tuluyan nang hindi ko narinig na sinasabihan ako ng lampa.
Nang minsang bungguin ako ng dating nam-bu-bully sa akin ay hindi na ako pumayag pang maapi. Mabilis akong umiwas at sa pag-iwas ko, siya ang nawalan ng panimbang at tuluyang natumba. Galit na galit siyang bumangon at nang ambaan ako ng suntok ay naunahan ko na siya. Isang malakas na bigwas sa kaniyang panga ang pinakawalan ko kasunod ng isa pa sa kaniyang sikmura. Inilabas ko ang lahat ng galit ko sa ilang taong pagtitiis at pag-iwas sa pam-bubully nila sa akin. Hindi ko pa sana siya titigilan kung hindi lang kami inawat ng guard. Pinatawag ng Principal namin sina Daddy at Mommy ngunit bale-wala lang sa akin ang lahat. Noon ko lang kasi napatunayan na kaya ko na. Hindi na ako muli pang paaapi. Tulad ni Kuya Kaloy, magiging astig ako. Ako ang siga sa buong school.
Madalas na akong naging laman ng Principal's office mula noon. Wala akong inaatrasan, walang kinatatakutan. Dumami ang gusto akong maka-tropa. Ako ang naging lider-lideran sa school namin noon. Kasama ako sa mga hindi matalino ngunit lupon ng mga siga. Mga akala mo patapon ngunit may koneksiyon. Pumasa dahil sa pangongopya. Numero una sa pambubuska. Iyon ako. Iyon ang tatak ko. Astig! Siga!
Nang tumuntong ako ng High School ay naging varsity ako ng basketball. Ako ang pinakamatangkad sa team namin noon bukod sa ako din ang pinakamagaling sa paglalaro. Sa tuwing naroon ako sa court, si Kuya Kaloy ang nasa isip ko, ang liksi niya, ang walang mintis niyang pagtira ng bola. Kahit ilang taon ko na siyang hindi nakikita, nanatiling siya ang naging idolo ko.
Hanggang sa basketball na ang naging buhay ko. Iba kasi yung pakiramdam ko kapag hawak ko na ang bola. Wala na akong ibang naiisip pa kundi yung kakaibang pakiramdam na maipapanalo mo ang team, ang palakpakan ng mga fans ko sa campus, ang mga tili at hiyawan ng mga babae, ang taas ng respeto sa'yo ng kapwa mo lalaki, lahat 'yun hinahanap-hanap ko. Iyon din kaya noon ang mundong ginalawan ni Kuya Kaloy?
Naisip ko, mabuti na lang pala sa mga panahong sikat siya sa campus namin napansin pa niya ang kagaya ko? Sa edad kong labinlima noon, sa tuwing nakakakita ako ng bata na naglalaro malapit sa court kung saan kami nagbabasketball, hindi kailanman pumasok sa isip kong lumapit ni isa sa kanila at magsayang ng kahit katiting na panahon. Ngunit si Kuya Kaloy, ginawa niya iyon noon sa akin. Iba nga siya. Lalo akong napahanga sa kaniyang alaala.
Kapag basketbolista ka at sikat sa campus, dapat may muse. May maganda kang girlfriend. Isang girlfriend na dapat kinahuhumalingan din ng mga kaedad ko. Doon pumasok si Carla sa buhay ko. Noong una, trip lang lahat. Kailangan lang makisabay sa mga katropa kong may mga magagandang tsiks. Ako ang star player kaya dapat akin ang pinakamaganda, pinakamatalino at pinakasikat sa campus. Madali ko lang napasagot si Carla o sabihin na nating walang ligawang nangyari dahil noon pa man, alam ko nang may gusto din siya sa akin. Hindi ako mahilig magpapalit-palit ng girlfriend kaya siguro sobrang napamahal na din sa akin si Carla. Siya kasi ang sumasalo sa akin pagdating sa mga napapayaan kong academic. Siya ang nagpapasaya sa tuwing nalulungkot ako. Siya ang laging kasama ko sa tuwing gusto ko namang magpahinga sa kalalaro ng basketball. Lagi siyang nandiyan sa akin, tinatawag ko man o hindi. Mahal ko siya. Hindi ko alam kung anong maging buhay ko kung wala siya sa tabi ko. Kaya nga mula nang 3rd Year High School palang kami hanggang sa nagtapos kami ng kolehiyo, siya lang ang naging girlfriend ko at siya lang ang paulit-ulit kong naikakama. Kasal na lang ang kulang sa amin para masabing ganap kaming mag-asawa.
Sa College naging kilala ang pangalang Andrei Teng sa UAAP. Rookie of the Year, MVP sa magkakasunod na taon, lahat iyon nakamit ko. Alam kong madali na sa akin ang pagkamit ng aking pangarap. Para itong kaning niluto na, inihain at isusubo na lang sa akin. 2nd Year College palang ako, alam kong makukuha at makukuha na ako sa PBA. Hindi nga lang ako pupuwede pa dahil sa requirement na dapat 21 years old o kung hindi man, dapat tapos ito sa kolehiyo. Ngunit nag-enjoy din naman ako sa UAAP kaya makapaghihintay sa akin ang PBA. Sa lahat ng nakamit kong tagumpay, sigurado na ako sa pagpasok ko sa PBA. Iyon ang ultimate dream ko. At abot ko na ngayon ang pangarap. Sana lang mapasok ako sa San Miguel team dahil iyon ang team na gusto kong mapabilang. Gusto ko noon pa na makasama si Kyle. Umaasa kasi akong magiging patok lalo ang team namin kung kami ang magkasangga bukod sa malakas noon ang hinala kong siya ang iniidolo kong si Kuya Kaloy. Hindi nga ako nagkamali ng hinala, nagkamali nga lang ako ng akala. Akala ko siya pa din yung dati. Akala ko kapag naalala niya ako ay mas magiging dikit pa kami. Yung parang higit pa sa isang tropa. Wala akong kapatid, wala akong kuya at sa kaniya ko sandaling naranasan iyon noon.
Natigil ang paglalakbay ng aking diwa ng marinig ko ang pangalan kong tinawag ng coach namin. Magsisimula na pala ang laro. Nang una hindi ko alam kung saang team ako pero nang makita ko kung nasaan si Benjie, hinulaan ko na lang na siyempre magkalaban muna kami. Dahil si Kyle ang MVP at pinakikilalang pinakamagaling sa labin-apat kasamahan niya sa team, siya ang mamimili kung saang team siya aanib.
"Saang team ka ba Santos?" tanong ni Coach kay Kyle.
Tumingin siya sa akin. Kumindat pa ako sa kaniya, umaasang sa akin siya papanig dahil nga may pinagsamahan din naman kami noon. Umaasa parin talaga akong maaring sinusubukan lang niya ako kanina. Bumilis ang kabog sa didbib ko. Yun bang kabog sa dibdib na alam mong ito na 'yon! Excited na akong maipakita sa mga susuri sa amin ni Benjie na may connections kami sa paglalaro ng kanilang star player na si Kyle. Iyon kasi ang pangarap ko, matagal nang naglalaro sa isip ko na kakana yung pagsamahin ang liksi niya sa paglalaro sa taas ng lundag ko. Paniguradong hahangaan ng lahat yung pinagsamang lakas ng kaniyang katawan sa bilis naman ng aking utak na magplano kung gipit na sa oras o sa gitna ng hindi inaasahang takbo ng laro ng kalaban. Swak din sigurado yung galing ko sa pag-assist kahit pa sabihing pareho lang kaming shooter ni Kyle.
"Dito ho ako coach!" sagot ni Kyle. Naglakad siya palapit sa napili niyang team.
Nanlumo ako nang sa team ni Benjie siya sumama. Inisip ko na lang maaring sa second game, sa team na kinabibilangan ko din siya aanib. Dapat kasi iikot ang lahat ng member ng buong team namin sa amin ni Benjie kaya kapag darating yung game na magkasangga na kami, doon ko ipamamalas yung galing ng tandem naming dalawa.
Jump ball.
Kami ni Benjie ang pinagharap. Mabilis na naglakbay ang aking mga mata sa kung saang direksiyon ko tatapikin ang bola. Nang nakahanap ako ng sa tingin ko ay alam kong bukas sa pagkuha ng bola ay saka ko inabangan ang pagpapailanlang ng bola at nang mabitiwan at naihagis na ito ng referee ay buong lakas at liksi kong tinalon at tinapik iyon. Maliksi din naman si Benjie. Sabay kaming tumalon ngunit mas mataas akong lumundag sa kaniya at mas mabilis ang kamay kong tumapik sa bola. Dahil doon, sa amin ang bola.
Nagsimula ang laro. Pansing binibigyan ng ka-team ni Benjie na bigyan ng pagkakataon na patunayan ang kaniyang sarili. Ngunit pagdating sa akin, halos mamalimos ako ng bola para pasahan ako kahit pa madalas ay open naman ako. Hindi ko alam kung may kinalaman si Kyle doon ngunit kailangan kong ilaban ang kakayahan ko. May kinalaman man o wala si Kyle, kailangan kong magpakitang gilas.
Hawak ko noon ang bola dahil naagaw ko iyon kay Benjie. Gitgitan ang score. 14 sa kanila, 12 kami. Nang nasa field goal na namin at hawak ko ang bola ay noon ko napansin na si Kyle ang nakaguwardiya sa akin. Nasa harap ko siya pawisan ang kaniyang mukha at ang kaniyang mga nangungusap na mata ay titig na titig sa aking mga mata. May gumuguhit na ngiti sa kaniyang labi na hindi ko maintindihan. May kislap sa kaniyang mga mata na hindi ko magawang basahin. Parang may kung anong sumasakop sa aking kakaiba. Naisip kong ito na marahil ang bunga ng sobrang tagal ng panahong inasam kong makalaro siya, ito na yung side effect ng matagal kong paghihintay na mangyari ang pagkakataong ganito.
Then, s**t happens!
Mabilis ang ginawang iyon ni Kyle.
'Nak ng teteng aba!
Sa buong career ko sa paglalaro ng basketball, ngayon lang ako naagawan ng bola habang nagdi-dribble ako. Ngayon lang parang napakabilis iyon nakuha sa akin at huli na para mabawi ko.
Alam kong kahit hindi ko nakikita ang reaction ng mga ka-team ko ay nakapagtatakang gano'n kabilis sa akin makuha ang hawak kong bola. Hindi nila napaghandaan ang bilis ng pangyayari. Sa katulad ni Kyle na maliksi ay mabilis ang pagtungo niya sa kanilang goal.
Hinabol ko siya. Umaasang maagaw kong muli ang bola. Maka-recover sa kakahiyang nangyari. Nang malapit na siya sa goal at akmang i-dunk niya ang sa bola ay sinabayan ko siya para sana harangin siya o ng bola.
Sabay kaming tumalon.
Gusto kong matapalan siya.
Nais niya makapuntos habang kami ay kapwa nasa taas.
Ngunit malas ko.
Swak ang bola.
Nakaposisyon ako sa harap niya nang sabay kaming tumalon. Hindi naging maganda ang pagbagsak ko at ganoon din siya.
Simbilis ng kisapmata ang pangyayari.
Nakatihaya ako at siya ay pumatong sa akin.
Normal lang naman iyon sa larong basketball.
Madalas iyong nangyayari sa akin sa tagal ko nang naglalaro.
Nasanay na ang katawan ko sa mga ganoon ngunit kung bakit may kaibahan ang pagdantay ng matipuno niyang katawan sa akin. Iba yung naramdaman kong init ng katawan niyang dumikit sa katawan ko.
Alam kong napansin niya ang matagal na pagkakatitig ko sa kaniyang mukha. Ang paglunok ko ng aking laway. Ang kakaibang kabog ng aking dibdib. Ang panginginig ng aking bawat kalamnan.
May mali!
Mabilis kong itinulak ang dibdib niyang dumagan sa dibdib ko.
Halos sabay din kaming tumayo.
Nakatingin siya sa akin.
Walang ngiti.
Nakatingin din ako sa kaniya.
Naguguluhan.
Lumapit siya sa akin.
Hindi ako nakakilos kahit na nang inilapit na niya ang mukha niya sa mukha ko.
Lalo tuloy akong naguluhan sa kung ano nga bang nangyayari.
"Akala ko ba maipapakita mo ang galing mo ngayon p're! f**k! Naagawan ka ng bola habang nagdi-dribble. Ang tanga nun 'pre!" pabulong lang iyon.
Hindi ako nakasagot.
Nawala yung kaastigan ko bigla.
"Nasaan yung sigang si Andrei? Bakit hindi niya kayang tapatan ang kayabangan ni Kyle? Sumagot ka tanga!" Iyon ang paulit-ulit na sinasabi ng utak ko ngunit nanatiling tikom ang aking labi.
Tumakbo siya palayo.
Anak ng! Hindi ako nakasagot? Wala akong nasabi man lang para depensahan ko ang sarili ko at iyon ang lalong nagpaigting ng inis ko sa aking sarili.
Anong nangyayari sa akin?
Hindi! Hindi na puwede 'to.
Pinagpapawisan alam ko, hindi lang sa pagod kundi sa kahihiyan sa nangyari. Ni ayaw kong ipakita ang mukha ko sa mga sumusuri sa amin ni Benjie. Nagpapakitang gilas ang itinatapat nila sa akin at ako, heto't umaasang makabawi din.
Itinira ng forward namin ang bola.
Sablay.
Bago bumagsak ang bola ay natalon ko na.
Nag-agaw kami ni Kyle sa pagkuha ngunit sa pagkakataong iyon, mas mabilis ko iyong nakuha. Kailangan kong i-dribble ang bola para makalayo sa kaniya at madiskartehan hanggang sa mabigyan ako ng pagkakataong tumira o makahanap ng mapapasahan. Maliksi ang mga mata kong tumingin sa paligid.
Lahat ng puwede kong pasahan ay guwardiyado ngunit ayos lang yun, e. Kaya ko pang laruin ang bola. May kakaibang ginagawa lang si Kyle sa likod ko na hindi ko nagustuhan. Bagay na noon sa ilang taon kong paglalaro ng basketball ay wala lang sa akin. Bundulin man ako ng kung sino sa puwitan ko habang nagdi-dribble ng bola ay walang malisya ngunit ang ginagawa ni Kyle ay parang iba sa akin. Nakakabastos! Hindi ko kayang masikmura.
Ipinasa ko ang bola sa nakita kong open.
Lumayo si Kyle ngunit hinarap ko siya.
"P're konting distansiya. Nakakabastos ang lapit mo sa akin eh!" may diin iyon. Gusto kong ipamukha sa kaniya na iba ang dating sa akin ng paraan ng pag-guwardiya niya sa akin. Gusto kong malaman niyang ramdam ko 'yong bahaging iyon sa kaniya.
"Nakakabastos? P're naglalaro tayo? Inaano ka ba?" sagot niya. Nakangiti.
Hindi ko na sinagot at pinilit kong ibinuhos ang lahat ng atensiyon ko sa paglalaro.
Gitgitan pa din ang score. Sila pa din ang leading.
Muling ibinalik sa akin ng bola ng medyo malayo na sa akin si Kyle.
Pagkapasang-pagkapasa sa akin sa bola ay agad ko iyong pinakawalan.
Pumaimbulog ang bola.
Lahat nakatingin dahil may kalayuan ang ring sa akin ng itira ko ito.
Nangangamoy ng tatlong puntos.
Ngunit mukhang hindi siya aabot sa ring.
Pigil hiningang nakatingin ang lahat kasama ako.
Hanggang sa walang mintis...
Ringless!
Tinapik ako ng mga kasamahan ko sa balikat.
Nakaramdam ako ng kaginhawaan.
Nakabawi na ako.
Natapatan ni Benjie iyon. Halatang ginagawa lahat ni Kyle ng paraan para si Benjie ang titira at paniguradong dapat pasok ang bawat bitaw niya.
Sa amin ang bola at ako ang may hawak. Sa pagkakataong nagdi-dribble ako, muli kong naramdaman ang kakaibang ginagawa ni Kyle. Ang hindi ko lang paintindihan, puwede naman siyang pumuwesto sa harapan ko habang nagdi-dribble ako para harangan ang bola kapag ititira ko iyon o ipapasa sa iba, puwede din siya sa tagiliran ko ngunit bakit doon siya, doon sa maibundol-bundol niya sa puwitan ko ang bahaging iyon ng kaniyang katawan. Para sa akin isang kabastusan iyon. Uminit ang ulo ko. Hindi ko na kayang pigilan ang pagwawala ng galit sa dibdib ko.
Hinarap ko siya.
Buong lakas kong ipinukol ang bola sa dibdib niya.
Wala na kung wala akong utang na loob, ayaw ko lang yung binabastos ako habang naglalaro.
"Tang ina p're nakakabastos ka ah! Ano bang gusto mong patunayan ha!" singhal ko.
Natigilan ang lahat.
Siya man ay nanlaki ang mga mata sa bigla kong inasta.
Tumayo ang tatlong sumusuri sa akin. Bakas sa kanilang mga mukha ang tanong... Anong nangyayari? Alin doon ang mali?