Kabanata 5

2522 Words
NAGING mas seryoso at pormal ang orientation. Kagaya ng isang karaniwang employment procedure ay dadaan din ako sa isang linggong training simula sa Lunes. Sa tingin ko naman ay sapat na panahon na iyon para magamayan ko ang aking magiging duties and responsibilities. Sabi nga ng bago kong employer ay simpleng office job lang ang nakatakda kong gampanan. Makakasama ko rin daw ang dalawang bago ring hire na office assistants na nagpunta noong nakaraang araw lang. Hindi na ako pwedeng umurong pa. I will start to work for him on Monday. Buo na naman ang aking desisyon na h’wag nang ipagpatuloy ang culinary school dahil conflict ang oras ng trabaho at klase. Bukod pa roon, parang hindi ko kayang makaharap ulit si Chef Roman. Hindi pa nga napapatunayan ang akusasyon sa instructor pero, ayokong magtiwala pa. “I guess that’s it,” pagtatapos ni Xavi sa orientation. Tiniyak muna niya na wala na akong ibang tanong bago isinarado ang usapan. “Thank you for your time and I’ll see you again on Monday.” “Salamat din sa tiwala, Mr. Buencamino.” Wala naman talaga akong plano na magtrabaho sa kompaniya niya, but since pinaglalaanan niya ako ng oras, mabuting i-appreciate ko na lang ang oportunidad na itiniwala niya sa akin. “By the way, don’t forget to leave your documents para sabay-sabay kong ma-i-endorse sa magiging HR Specialist.” Bahagya akong tumango. Iniabot ko kay Xavi ang envelop kung saan naroon ang aking mga dokumento. Inilabas niya ang mga papeles at isa-isang tiningnan. Nakita ko kung paano biglang kumunot ang noo niya. Tumingin siya sa akin pagkatapos. Nagbukas siya ng bibig pero, itinikom din niya iyon at wala nang ibang sinabi. Akala ko naman ay may problema na sa papeles ko. Pag-alis ko sa opisina ay dumaan muna ako sa supermarket para bumili ng dog food. Late na akong nakakain ng lunch dahil inabot pa ako ng traffic sa daan pauwi. Pagkakain ay nagpahinga lang ako sandali at pagkatapos ay binisita ko ang aking halamanan at naghanda ng iluluto para sa aming hapunan. “Kumusta ang pag-aaral mo?” tanong ni Jowell na nasa screen ng cellphone ko. Una kong nakausap si Danna thru video call at ipinakita niya sa akin ang paghehele niya sa bunso kong pamangkin. Ang panganay ay pinatutulog naman ng yaya nito. “Okay naman,” maiksing sagot ko dahil hindi ko masabi ka Jowell na tumigil na agad ako sa culinary. Siguradong uusisain niya ang rason ko. “Okay as in okay? Ang gusto kong malaman ay kung masaya ka.” “Masaya naman..." Napahinto ako sandali nang biglang sumulpot ang isang imahe sa aking isip. Ipinilig ko ang aking ulo para alisin ang mukhang iyon at saka ko tinapos ang aking sinasabi. "Masaya dahil... bago sa akin ang lahat.” Pagkasabi ko noon ay biglang sumingit na naman ang mukha ni Xavi. Napailing ako. Kumunot ang noo ni Jowell at pinagmasdan ako. "Are you telling me the truth? Why does it seems that you're bothered by something?" nagdududang tanong niya. Natigilan ako. "Solde, baka kung ano-ano na naman ang iniisip mo. Don't go there again. H’wag mong sinosolo ang problema. May pamilya kang makakapitan. And Alf is there.” I forced a smile. Alam ko na natatakot na si Jowell na maulit ang nangyari sa akin, pero para sa akin ay wala naman siyang dapat ikabahala. Mas matatag na ang isip ko ngayon. Masakit, oo pero maluwag na sa dibdib ko na tanggapin ang lahat. May kaunting bagay lang na gumugulo sa isip ko pero, malalampasan ko rin ito. “Don't worry about me. I’m fine. Masaya ako sa ginagawa ko ngayon kaya h’wag mong isipin na may problema. Kung meron man, pangako, sasabihin ko sa inyo.” Lumipas ang mga araw ng Sabado at Linggo. Aaminin kong hindi lang minsan sumasagi sa isip ko si Xavi pero, kung gaano naman siya kabilis na lumilitaw sa utak ko ay ganoon ko rin siya kabilis na itinataboy. Dumating ang araw ng Lunes. Beinte minutos bago ang alas nueve ay nasa office na ako. Naroon na rin ang dalawa ko pang makakasama- isang babae at isang lalake. Agad din kaming nagpakilala sa isa’t isa. “Ako naman ang pinakamatanda sa ating tatlo kaya Ate Lilian na lang ang itawag n'yo sa akin,” sabi ng bagong officemate ko na babae. Nasa loob na kami ng meeting room at doon naghihintay sa aming boss. “Ako, kahit sa nickname ko na lang na Solde.” Sinundan ko ng ngiti ang sinabi ko. “Eight years ang tanda mo sa’kin, Solde pero, ayokong tawagin kang ate. Sol na lang tutal ako naman si Buddy.” Napangiti lang ako sa birong iyon. Salvador kasi ang totoong pangalan nito pero, Buddy raw ang palayaw. “Ikaw ang bahala," sagot ko nang ulitin pa nito sa akin ang sinabi. Ilang sandali pa ay dumating na si Xavi. Hindi na ako nagulat nang makita siya. Sinasanay ko na nga ang isip ko sa eksistensiya ng taong kamukha ng aking nasirang asawa. Hindi nag-iisa si Xavi nang pumasok sa meeting room dahil may tatlo siyang kasama. Namukhaan ko agad ang middle-aged na lalake sa tabi niya. Ito ang tinukoy niya na partner daw sa kompaniya at nakumpirma ko naman iyon nang ipakilala na niya si Mr. Rufino Candelaria. Ang dalawa pa niyang kasama ay ang HR Specialist at Finance Assistant. Nagpakilala rin sa sarili nito si Mr. Candelaria at nagkwento pa kung paano nila nabuo ni Xavi ang Buena-Can Logistics and Warehousing. Napansin ko na lagi itong nakangiti at paminsan-minsan ay sinisingitan nito ng mga biro ang pagpapaliwanag. “Nagsisimula pa lang ang kompaniya kaya maliit na bilang pa lang tayo sa ngayon, but in the next few weeks, we will be also be occupying the upper floor of this building for the additional job positions," wika ni Mr. Candelaria. "As a team, we need your full cooperation and diligence at your assigned tasks. And I hope for a harmonious working environment with you all.” Pagkatapos ng meeting ay nagsimula na kami sa kani-kaniyang trabaho. Pare-pareho naman kaming dumaan sa orientation last week kaya kahit paano ay alam na namin ang aming mga duties at responsibilities. Si Ate Lilian ay makakasama ang HR Specialist at sila ang in-charge sa recruitment at training ng mga taong ilalagay sa magiging warehouse. Halos pareho naman kami ng trabaho ni Buddy. Magkatabi rin ang aming mesa kaya madali na ang magtanungan kung sakaling may hindi kami alam. We are also advised to approach our superior pero, busy rin at nasa loob ng office nito si Mr. Buencamino. Sa kaniya kasi kami direktang nagtatrabaho since siya rin ang tumatayong Vice President ng Operations and Business Development. Kulang pa talaga sa tao ang main office ng Buena-Can. “Sol…” Sandali kong nilingon si Buddy. “Ano ‘yon?” tanong ko at huminto muna sa aking ginagawa para tingnan ang screen ng computer niya. “Anong problema?” “Wala,” natatawang sagot ni Buddy. “Itatanong ko lang sana kung.... may boyfriend ka ba?” “She’s married. Why do you ask?” Napatingin kami pareho ni Buddy sa nilalang na tumayo at nagsalita sa aming harapan. Medyo nagtaka ako sa isinagot ni Xavi. Malinaw kasi na naka-indicate sa aking papeles na isa akong biyuda. “W-wala po, Sir. Curious lang.” “Iwasan n’yong mag-usap ng mga personal na bagay kapag oras ng trabaho,” pormal na wika ni Xavi bago tumingin sa akin. “Miss Aguilar, iwan mo muna ang trabaho mo. Bibisitahin ko ang magiging warehouse natin sa Cavite at isasama kita.” Napanganga lang ako at hindi nakasagot nang marinig ang huling sinabi niya. Nakilala ko ang driver ni Xavi na si Kuya Boy. Medyo may edad na rin ito at tantiya ko ay mahigit cincuenta na. Sa backseat kami pareho naupo ni Xavi. Halos isiksik ko tuloy ang aking tagiliran sa pinto ng kotse matiyak ko lang na hindi ko madadanggil kahit ang siko aking kasama. Kampante naman sa pagkakaupo ang bagong boss ko. It took us almost two hours before we reached the place. Sa loob ng dalawang oras ay halos hindi naman kami nag-usap ng aking katabi maliban sa binanggit niyang paroroon din sa bubuksan na warehouse ang Facilities Engineer. Ang lalake nga ang kausap niya habang nakasunod lang ako sa kanila na lumilibot sa buong lugar. “May mga darating pang pallet racks this week. Ang ibang heavy equipment naman gaya ng forklift at reach trucks ay makukumpleto sa loob ng dalawang linggo.” Narinig kong sabi ng Facilities Engineer. Apat na malalaking building ang nakatayo sa malawak na lupa at sa itaas ng pinakadulong gusali ay ang siyang magiging opisina. Doon nga kami tumigil pagkatapos naming bisitahin ang bawat building. Nagpasalamat ako nang tahimik nang sa wakas ay nakaupo rin. Ramdam ko kasi ang pamamaltos ng mga daliri ko sa halos isang oras naming paglalakad-lakad. Hinubad ko ang mga sapatos ko upang pahingahin ang aking mga paa. Hindi naman ako madalas magkapaltos kaya malamang na sa suot kong sapatos ko ang mali. Naka-heels kasi ako kaya hindi rin maiwasang sumakit ang aking mga talampakan. “Are you okay, Miss Aguilar?” Napaangat ako ng tingin nang marinig ang tanong ni Xavi. Tumango naman ako at bahagya pang ngumiti para ipakitang walang problema. Ayokong magpapansin dahil lang sa mga paltos sa daliri ko. “Dito na kayo mag-lunch ng assistant mo, Mr. Buencamino. Parating na ang mga in-order kong pagkain.” At dumating nga maya-maya ang aming tanghalian. Nawala ang gutom ko nang makitang puro karne ang ulam sa aking packed lunch. May gulay nga pero, tatlong hiwa lang ng carrots at dalawang piraso ng broccoli. Kaysa malipasan ng gutom ay hindi na ako nagreklamo. Kinain ko na lang ang mga gulay at sumubo ng ilang kutsara ng kanin. Pagkatapos kumain ay nag-usap ulit ang dalawa. Pasado ala una nang nagyayang umalis si Xavi. Sa pagkakataong iyon ay medyo hirap na akong maglakad papunta sa pinaradahan ng kotse. Napabuga ako ng hangin nang sa wakas ay nakaupo na ulit. Iba na ang hapdi sa mga daliri ko kaya siguradong sugat na ang mga paltos kanina. Sa susunod pala ay rubber shoes na lang ang isusuot ko tutal ay wala namang dress code sa opisina. Ilang sandali pa ay umandar na kami palayo sa warehouse. Hindi ko napigilang maidlip sa kalagitnaan ng aming biyahe. Tumuwid ako ng upo at pinakiramdaman ang aking katabi. Mukhang wala naman siyang pakialam kahit matulog pa ako, pero mabuti na rin na wala na ang aking antok. Dalawang kanto na lang kami bago ang building kung saan ang main office ng Buena-Can Logistics and Warehousing. Narinig kong ipinahinto ni Xavi ang kotse kay Kuya Boy sa tapat ng isang drug store. Nilingon ako ng aking katabi. “Bumaba ka. Samahan mo’ko sa loob.” Hindi niya ako hinintay na sumagot. "Dito ka na lang muna, Manong," bilin naman niya sa driver bago lumabas ng sasakyan. Lumabas na rin ako. Halos mapangiwi ako sa hapdi na nararamdaman ko sa mga daliri ng paa ko. Pumasok si Xavi sa drug store. Sumunod na lang ako kahit tila sumusuko na ang aking mga paa. Nakipag-usap si Xavi sa isang babaeng staff at nakita ko kung paano siya magiliw na in-assist nito. Ang lapad pa ng ngiti ng babae habang may ipinapaliwang. Maya-maya pa ay nagbayad na si Xavi ng mga binili. “Maupo ka muna ro’n,” utos niya sa akin nang harapin ako sandali habang hinihintay pa ang resibo. Hinanap ko ang tinuro niya at nang makita ang bench sa labas ng tindahan ay pinilit ko ulit maglakad patungo roon. Naupo ako gaya ng bilin niya. I blew an air. Paghihintayin lang pala ako, bakit pinababa pa ako ng sasakyan? Lalo tuloy namaltos ang mga paa ko. Ilang sandali pa ay lumabas na rin si Xavi dala ang maliit na paper bag. Tumayo ako dahil akala ko ay babalik na kami sa kotse pero, sinenyasan niya ulit ako na maupo. Nagtataka man ay bumalik na lang ako sa pwesto. “Take off your shoes.” Nagulat ako nang tumingkayad si Xavi sa harapan ko. Inilabas niya ang mga laman ng paper bag at doon ko lang na-realize kung ano-ano ang mga iyon. “Ang mga paa mo…” Namilog lalo ang mga mata ko. “A-ano bang gagawin mo?” tanong ko kahit may palagay na ako kung ano. “Stop pretending that you’re fine. Akina ang mga paa mo para malagyan ng band aid.” “A-ako na lang! Kaya ko na ‘yan!” Tiningnan lang ako ni Xavi. Hindi siya sumang-ayon at hindi rin tumutol. Inilahad ko ang palad ko para kunin ang hawak niyang kahon ng ointment at band aid pero, hindi siya natinag at bagkus ay siya na mismo ang humugot ng isa kong paa mula sa aking sapatos. Halos tayuan ako ng mga balahibo sa katawan nang maramdaman ang palad niya sa aking binti. Hindi na ako nakapalag ng ituntong niya ang paa ko sa kaniyang hita at simulang pahiran ng gamot. Maingat ang paglalagay niya pero, kahit ganoon ay hindi pa rin ako komportable. Naghahalo sa dibdib ko ang pagkailang at ang matinding kaba. Pagkatapos ng pamahid ay nilagyan din niya ng band aid ang mga daliri ko. Ganoon din ang ginawa niya sa isa kong paa. Sa loob ng ilang minuto ay halos hindi ako makahinga. Binabayo nang malakas ang puso ko at kung ano-anong bagay ang pumapasok at lumiligalig sa aking isip. At sa wakas ay natapos din siya sa ginagawa sa mga paa ko. “Siguro naman wala kang maidadahilan para hindi makapag-report sa trabaho bukas?” wika ni Xavi nang maisuot ko na ulit ang aking mga sapatos. Hindi ako sumagot. Kahit naman may paltos ay papasok pa rin ako sa trabaho. Tumayo siya at ibinalik sa paper bag ang ointment at ang kahon ng band aid at saka iniabot sa akin. Tinanggap ko na lang ang mga iyon. “Wear comfortable shoes next time." Tumango ako. “S-salamat. P-paano mo pala nalaman na ito ang dapat gawin sa mga paltos sa paa?” bigla ko lang naitanong sa kaniya. Hindi ko kasi talaga naisip na iyon ang gagawin niya kanina kaya niya ako pinababa. Ilang segundo pa ang lumipas bago sumagot si Xavi. “I remember that it’s how my fiancee treats her blisters. I just hope I did it properly.” Natahimik ako bigla sa isinagot niya. Parang may kung anong nagpanginig sa akin at halos mabitiwan ko ang hawak kong paper bag. "Kung okay ka na, bumalik na tayo sa office. Maya-maya lang ay uwian na rin.” Pagkasabi noon ay nauna nang naglakad patungo sa kotse niya si Xavi. Kumilos naman ako para makasunod agad. Kung kanina ay mahapdi ang mga daliri ko kaya ako hirap maglakad, ngayon ay tila naman namimigat ang mga paa ko sa aking bawat paghakbang. Hindi ko alam kung bakit tila nagkaguwang sa aking tiyan at parang nanlamig ang buo kong katawan. Ang natitiyak ko lang ay hindi ko gusto kung anuman itong aking nararamdaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD