"Ano na Siana?" Nag snap sa harapan ko si Princess Phoebe.
Kanina pa 'ko wala sa sarili. Ano ba naman 'yan!
Iiritahin na naman ako nito.
Oras ng break time kaya naman kanya-kanya nang labasan at magagarbong lunches ang ibang mga princess na katulad ko. Hindi ko naman kailangan 'yong magagarbo, sapat na sa 'kin ang masasarap kahit simpleng mga pagkain ni Sonia at Maria.
“Princess Phoebe, may sinasabi ka ba?”
Nakita ko ang pagguhit ng ngiti niya. Heto na naman siya at tila nasasaniban na naman nang masamang espiritu.
"As I've said, do you have a party? Kasi kung wala, isabay mo na nga sa 'kin at wala kang kailangang isipin na gastos. I know what you have in your palace."
May kurot sa puso akong naramdaman. Pero nagawa ko naman siyang ngitian kahit minamalditahan niya ako.
"H-hindi na. Mauuna ang birthday ko sa 'yo at ayoko naman na abalahin ka pa. Isa pa, dito ko ipagdidiwang ang kaarawan ko.” Pilit ko siyang nginitian.
Iyon ang gusto ng ama ko. Gusto ko rin 'yon noon pa dahil aaminin ko nakakaramdam din naman ako nang inggit. Pero iyon 'yong pakiramdam na nauunawaan ko naman kung ano lang ang mayro'n kami sa palasyo at wala.
Ngayon, hindi ko na alam kung gusto ko pa ba ipagdiwang 'yon sa ganitong sitwasyon. Ayokong malaman ni ama na nanliliit ako sa mga princess na kasamahan ko. Kahit kasi iyong hindi anak ng hari't reyna ng palasyo ay may iba talagang nakapapantay o nakahihigit pa sa mga kakayahan na kayang ibigay sa 'kin ni ama. Pero naiintindihan ko. Ayoko lang nang pakiramdam na minamaliit nila maging ang kakayahan ng aking ama.
"Oh?" I've seen how wicked Phoebe is. "Is that sure? I'm excited! This is the first time na sa Griffin's school mo gaganapin ang kaarawan mo.” Iyong saya niya, alam ko na para 'yon sa mga kakatwang naiisip niya sa kaarawan ko.
Nginitian ko siya.
"Siana, kahit anong mangyari kailangan manatili kang masaya sa araw na 'yon."
Nagdahilan ako para 'di makasama sa tea party. Hindi ko na kailangan gumawa nang imbitasyon. Kapag sa eskuwelahan ipinagdiwang ang kaarawan, awtomatiko na isa 'yong party na imbitado ang lahat. Unless, may estudyante kang gustong hindi kasama. At sa punto na 'yon, p'wede bang kahit ang bruhang si Phoebe lang?
Abala ko sa pagtitiklop ng espesyal na kulay rosas na papel nang dumating si Sonia sa aklatan para ibigay ang mirienda ko.
"Princess, anong ginagawa mo?"
"Imbitasyon para sa Kamahalan."
"Alam ko na hindi naman siya dadalo. Pero taon-taon ko siyang ginagawan nang imbitasyon." Nangiti ako nang mapait. Wala siyang oras sa ganitong walang kakuwenta-kuwentang bagay.
"Siya nga pala, princess—"
Nag-angat ako nang tingin kay Sonia.
"May isusuot ka na ba sa kaarawan mo?"
Tumango ako.
"Iyong isinuot ko nang pumunta 'ko sa Emperador. Napakaganda no'n."
Tumango-tango siya.
"Naalala ko lang iyong regalo sa 'yo ng kamahalan noon na hindi pa kumasya sa 'yo dahil may kalakihan. Tingin ko kasi sukat na siya sa ngayon."
Bigla naalala ko rin ang sinasabi nitong regalo ng kamahalan.
"Simple ang kasuotan na 'yon pero malaki ang halaga ng mga itim na bato na nakapalamuti. Kung sakali na may magtatanong sa 'yo tungkol sa kamahalan, kahit paano may maipapakita kang bagay na kahit hindi siya dumalo, mayro'n naman siyang regalo sa 'yo at inaalala kita."
Ewan ko ba pero napangiti ako. Alam na alam ni Sonia ang pinagdaraanan ko palagi. Kahit hindi ko naman ikinukuwento sa kanya lahat.
Halos tatlong oras din bago ko natapos ang magarbong letra ng imbitasyon ko para sa kamahalan. Nangiti ako nang isara ko 'yon at lagyan ng laso.
"Ikaw mad dog ka, masyado ka nang paimportante! Tingnan mo kung gaano kaganda 'tong imbitasyon ko sa 'yo at may mga bato pa 'yang palamuti pero wala ka naman din magiging pakialam." Ewan ko ba, nakakalungkot na hindi maging kapansin-pansin. Lalo na sa ganitong kagandahan.
Dumaan sa isipan ko ang hitsura niya.
Peste! Napakaguwapo! Alam ko na bakit ko siya pinakasalan!
Pero ang emotionless nang mga reaksiyon niya.
"Kung kasama mo 'ko, nasisiguro kong magiging makulay 'yang buhay mo. Pero ayoko rin makasama ka. Baka maubos ang positive energy ko sa pagiging negative energy mo." Kausap ko sa sulat as if, ang emperador 'yon.
Ipinaabot ko na 'yon kay Sonia para ipadala niya sa kamahalan.
Tumanaw ako sa balkonahe mula sa aklatan. Kitang-kita ko ang palasyo ng Emperador. Malayo pero napakayabang talaga. Dahil malaki't bilog na bilog na buwan, naliwanagan no'n ang itim na itim niyang palasyo na tila gawa sa mamahaling batong itim.
"Kamahalan—" tawag ko sa kanya sa hangin.
Nangiti ako nang maisip ko na ang isa ro'n ay ang silid nito. Sa laki no'n nagmimistula 'yong malapit pero ang totoo ay napakalayo no'n sa palasyo namin.
"Kamahalan, dumalo ka sa kaarawan ko—" nangiti ako pero nag-iinit ang mga mata ko. "Kailangan mo dumalo dahil pinagkakatuwaan nila 'ko dahil inasawa mo 'ko pero kahit kailan hindi mo 'ko binisita. Kahit kailan, hindi ka dumalo sa mahahalagang okasyon ng buhay ko!" Nakagat ko ang ibabang labi ko para 'di mapalakas ang pag-iyak ko. Parang ngayon ko lang tuluyang mailalabas ang sama nang loob ko. "Kung hindi mo 'ko pinakasalan, edi sana hindi ako nagiging mainit sa paningin nila ngayon. Bakit mo kasi ako pinatulan kahit ten years old lang ako! Pedo!"
Sa ‘ming lugar ay uso ang kasunduan at kasalan kahit sa batang edad lalo kung ito ay katulad ng emperador at hari o mula sa isang noble family. Pero kahit gano’n, hindi naman magsasama ang dalawa sa iisang lugar at mananatili pa rin sa kani-kanilang tahanan. Para lang iyong tali na mag-uugnay sa ‘ming mga pamilya. Ang pagkakataon lang na magkikita kami ay ang pagdalaw at mahahahalagang kasiyahan. Maaari pa kaming magsama nang kami lang dalawa sa edad na labing-anim dahil iyon ang wastong edad sa ‘ming lugar at maaari kaming magsama bilang mag-asawa sa edad naman ng labing-walo ng pinakabata.
Hindi ko alam kung ilang taon ang tanda niya sa 'kin pero alam ko na malaki ang agwat. Iyon lang, may lahing bampira ang kamahalan kaya naman hindi siya tumatanda. Kaya ang tulad ko na hindi imortal katulad niya'y hindi naman talaga gugustuhin nang katulad niya habang-buhay.
Pinahid ko na ang luha ko. Baka makita pa 'ko ni Sonia at isipin na naman niyang inaatake na naman ako nang kabaliwan ko.
"Hay! Lumuwag naman ang pakiramdam ko." Kausap ko sa sarili ko.
Naramdaman ko ang katawan na dumiin sa likuran ko. Hindi siya si Sonia. Lalaki siya. Abot-abot ang kaba ko dahil ang amoy niya na tila napakabangong bulaklak—iisa lang ang naamoyan ka nang gano'n kahali-halinang amoy at hindi ko pa ‘yon makalilimutan dahil kakikita lang namin ng lalaking ‘yon no’ng isang araw.
Naramdaman ko na hinawakan niya ang braso ko at pinihit ako paharap sa kanya.
"K-kamahalan—"
Halos mapalundag ako nang masilayan ko siya.
Nakamaskara siya pero parang tagos-tagos sa kaluluwa ko ang titig nang magkaibang kulay ng mga mata niya. Itim na itim siya sa suot na baluti't kapa.
Naramdaman ko ang palad niyang pumahid sa luha ko na naglalandas pa rin pala.
Matiim ang titig niya.
Paano siya nakarating dito?
Wala akong narinig na hudyat na dumating siya mula sa palasyo namin.
Tumungo siya sa 'kin dahilan para bumilis ang t***k nang puso ko. Para akong hihingalin at nahihirapan akong huminga sa presensiya niya.
"Dadalo ako kung ninanais mo."
Hindi pa rin siya ngumingiti.
Halos lumabas ang puso ko sa sinabi ng baritono niyang boses.
"H-hindi kam-kamahalan! A-ano w-wala 'yong sinabi ko—"
"Hindi mo ba gustong sa kastilyo ko ganapin ang kaarawan mo?"
Peste! Nasa halusinasyon na ba 'ko! Normal pa ba 'ko?
"A-ayoko ro'n kamahalan! A-ano, alam ko na 'di mo gusto ang maingay—s-saka gusto ni ama at gusto ko rin sa eskuwelahan—" halusinasyon nga sinagot ko pa rin!
Nagulat ako nang halikan niya 'ko sa noo.
"Siana, hindi pa ba tayo magsasama sa kastilyo?"
Natigilan ako sa sinabi niya. Parang biglang tumigil lahat sa paligid ko. Para 'kong nalunod sa mga mata niya. At paulit-ulit sa isipan ko ang huling tanong niya.
“Nangako ka sa ‘king hanggang kamatayan magiging sa ‘kin ka.”
Kumabog nang husto ang dibdib ko, para akong babagsak ano mang oras. Wala akong maalala pero walang dahilan para magsinungaling ang kamahalan. Ano ang nakaraan ko? Mas malalim ba ang ugnayan namin noon? Pero paanong magiging malalim ang ugnayan namin kung bata lamang ako nang magpakasal kami, walang muwang kaya wala nang halos maalala.
"T-teka, kamahalan!"
Sasabog ata ang puso ko sa pagkakatitig niya. Peste, ang guwapo talaga ng kamahalan kahit mata lang niya nakakabusog na.
"Paano ka nakarating dito? S-saka nabati ka ba ng maayos?" Nanghilakbot ako sa naisip ko. Paano kung wala si ama at hindi preparado ang lahat sa pagbisita niya? Baka maging malaking isyu pa ‘to!
“Siana,” pukaw niya sa ‘king atensiyon.
"Kamahalan! Pasensiya na, wa-wala pang sumalubong sa 'yo? Alam mo, hindi kasi talaga handa ang kaharian namin para sa 'yo. I mean, ano, hindi mo ako binibisita noon--" mukhang mali-mali pa nasasabi ko!
Natigil ako sa pagsasalita at halos pigilan ko ang paghinga ko nang tumungo siya habang nakatingala ako sa kanya. Iyong puso ko halos magwala sa loob nang dibdib ko.
"Magpahinga ka na."
Hinalikan niya 'ko sa noo.
Hindi ko alam kung tumigil ba ang daigdig ko sa ginawa niya, dahil sa isang iglap naglaho siya sa harapan ko.
Marahan kong hinawakan ang noo ko. Muli kong iniikot ang katawan ko paharap sa kastilyo ng Emperador.
Pakiramdam ko pagod na pagod ang boses niya nang sinabi niyang magpahinga na 'ko.
Argh! Ayoko magkainteres sa kanya.
"Princess--"
Nagulat ako kay Sonia.
"Sonia--"
"Kanina pa kita hinahanap. Sarado ang balkonahe kaya akala ko wala ka rito, princess... Naipadala ko na ang liham.”
May kakayahan ba ang Emperador na makarating nang gano'n kabilis? O sa pagiging malawak nang imahinasyon ko, akala ko totoo na 'yong tagpo namin?
Sa sobrang lungkot at dismaya ko sa puwedeng ibato na pang-iinsulto sa 'kin, lumikha na 'ko nang imahinasyon na maiimbitahan ko siya sa isang salita lang? Pero hindi ba at bampira sila? Puwedeng kaya niya talagang makarating bigla sa ‘king harapan. Alam ko naman na laganap na ang mga taong ‘di pangkaraniwan sa New World pero ang lugar siguro naming ang pinakamaraming tao pa rin kaya nakakamangha at nakagugulat pa rin kung may ibang ikikilos ang katulad ng kamahalan.
"Nakahanda na ba ang hapunan?"
"Oo, princess."
Nginitian ko si Sonia.
Nauna na 'kong maglakad paalis sa balkonahe.
Isa lamang selfish request ang imbitahan siya at pilitin papuntahin. Tama na 'yong liham na alam niyang inaalala ko siya.
Sabi ni ama, ang emperador ay napakaraming gawain. At ang mga gawain na 'yon ay hindi basta-basta.
Alam ko na mahalaga ang kaarawan sa bawat isa, pero hindi tamang ipagpalit niya ang mas mahalaga at maraming puwedeng komplikasyon para lang daluhan ang isang pagtitipon.
"Siana, nalaman ko kay Sonia na may napili ka nang isusuot sa kaarawan mo."
"Opo, ama..."
Sa ibang kaharian fiestahan ang isang hapag. Simple lang ang sa 'min ni ama. Baka nga mas magarbo pa ang ibang noble family kahit hindi sila anak ng hari.
Kaya napakasakit talaga sa 'kin sa tuwing masisisi o mamaliitin ang ama ko. He's a good king. He made sure that our people is his priority.
And I'm so blessed to be his daughter.
"Napili ko po ang nakaraang regalo ng emperador. Suhestiyon po iyon ni Sonia na nagustuhan ko naman."
Pilit akong ngumiti.
Tumango-tango siya. Nasa mata niya ang kasiyahan.
"Dati isa ka pa lamang mapilit na bata na lahat nang gusto ay dapat makukuha. Habang nadaragdagan ang edad mo, mas nakikita ko na ang pagbabago. Katulad na katulad ka nang iyong ina," may kislap ng kalungkutan sa mga mata ni ama.
"Ang emperador, alam mo naman na abala siya hindi ba, anak?" Biglang bago niya.
Tumango ako at mas pinasaya ko ang ngiti ko.
"Ama, sinanay mo 'ko na maging maunawain kaya wala sa 'kin kung 'di dumating ang emperador. Naiintindihan ko na mas marami siyang mas mahalagang dapat asikasuhin." Hindi rin ako gano'n kaimportanteng babae.
Hanggang sa oras na dapat na natutulog ako, gising na gising ang diwa ko.
Totoo kaya siya kanina?
Halusinasyon na masyado lang realistic kaya?
Marami na kayang naging babae ang emperador?
Marami na kaya siyang inihiga sa kama niya?
Sino sa mga prinsesa ang aasawahin pa niya?
Nangiwi ako nang pumasok sa isip ko si Phoebe. Anong klaseng panlalait ang aabutin ko kapag asawa na rin siya ng Emperador?
Iyan lang ang laman nang isip ko hanggang sa makatulog ako. At iyong disappointment na realistic imagination lang ang nakatayong emperador sa ‘king harapan.