KAPITULO: UNO

3072 Words
Halos dalawampung taon na rin pala mula nang tumira ako rito sa bahay ampunan. Tanging mga madre na ang aking nakagisnan bilang mga magulang. Sila na rin ang kumopkop at nagalaga sa akin buhat nang makita ako sa labas ng simbahan. Ang sobrang bilis ng panahon. Ngayon ay tatlong buwan na lamang bago ako maging isang ganap na madre. Tatlong buwan nalang at matutupad ko na ang pangarap ko. Nangingiti na lamang ako sa isiping mapaglilingkuran ko na nang buo ang Panginoon. Maibabalik ko na ang nararapat sa kanya at maiaalay ko na nang lubos ang buhay ko na tanging Siya ang nagdisenyo. “Sister Blessy, kumusta ang mga bata?” Tanong ni mother Teresa habang papalapit sa puwesto ko. “Okay naman po sila. Halos lahat naman po ay nabigyan na ng kani-kanilang pangangailangan.” Si mother Teresa ang siyang tumayong nanay ko dito sa loob ng ampunan. Siya rin ang nakakita sa akin sa labas ng simbahan kung saan ako iniwan. Ang sabi niya’y nakasilid lamang ako sa isang karton na may mga dugo sa damit. Hindi rin naman nag-iwan ng kahit anong sulat o palatandaan na maaaring magturo sa aking mga magulang. Ngunit kahit anuman ang nangyare sa aking nakaraan, laking pasasalamat ko pa rin sa Diyos dahil binigyan Niya ako ng buhay. “Biruin mo nga naman Blessy, dati-rati ay isa ka lamang batang makulit na palaging nanghihingi ng mga donasyong tsokolate. Ngunit ngayon ay malapit ka nang maging isang ganap na madre.” Masayang pahayag ni mother Teresa na siyang nagbigay galak sa aking puso. Natatandaan ko noong ako'y bata pa, madalas akong magpunta sa storage room para humingi kay mother Teresa ng kapirasong tsokolate. Pasimple akong pumupuslit palapit sa kaniya upang di ako mapansin ng iba pang bata. “Mayroon pa pong tatlong buwan bago ko maialay sa Kanya ang aking buhay.” Ngiting sagot ko. Sa totoo lang, halos di na rin ako makapaghintay na maging tulad nila-- isang madre. "Aba'y malapit na rin at itatanghal ka na bilang isa sa amin." Masayang turan niya na hinimas pa ang aking likod. Kahit sa simpleng hawak lamang ay mararamdaman mo na ang pagmamahal na namumutawi sa puso ni mother Teresa. Ganito rin ang nais kong maramdaman ng iba. "Naghahalo na nga po ang emosyon ko. Sobrang naeexcite at kinakabahan na po ako" "Hahaha. Itong batang ito. Normal yan." Tila natatawa pa nitong komento sa sinabi ko, "Noong ako rin ay malapit ng marekogna ay kinakabahan din ako na hindi maintindihan." "Paano po kapag di ako nakapasa?" Bigla naman akong nalungkot sa sariling pahayag. Hindi ko yata kayang maatim na hindi makapasa sa pagiging madre. Parang may sumasaksak sa aking puso sa isiping aalis ako sa kombento at magtatrabaho para sa tao. "Ano ka ba, Sister Blessy. Kung anuman ang kalooban ng Diyos para iyon sa ikabubuti. Alam naman ng Panginoon ang dalangin mo." Tanging pagtango lang ang naisagot ko. Alam ko naman na ang plano Niya ang siyang mangyayari. Pero please lang po Lord, gusto ko po magmadre. “Tatandaan mo palagi anak, kahit anong mangyare ay palaging nakasubaybay ang Panginoon sayo. Hindi ka Niya iiwan.” “Opo. Tatandaan ko po, mother Teresa.” “O siya, sige na at aasikasuhin ko pa ang mga bagong dating na donasyon” “Salamat po sa paalala. Titignan ko na rin po ang mga bata kung naigayak na ba nila ang mga bago nilang kagamitan.” Matapos makapagpaalam sa isa’t isa ay agad na akong nagtungo sa pasilyo kung nasaan ang mga bata. Patahak sa pasilyo ay matatanaw ang maaliwalas na luntiang hardin. Sa tagal ng panahon ay halos wala namang pinagbago ito. Nakatayo pa rin ang mga punong mangga, santol, at duhat. Sa tabi naman ng puno ng santol ay ang fish pond na iniingatan ng mga madre. Naniniwala kasi ang bawat isa na kapag humiling ka sa tapat ng fish pond ay magkakatotoo ang hiling mo dahil dito sumisinag ang araw at buwan na siyang tanglaw sa kalangitan. Kung pagmamasdan naman ang mga gusali ay makikita na ang kalumaan nito. Sa dalawampung taong nakalipas ay hindi ko nakitang naipaayos ang mga ito. Sumasapat lang kasi sa pagkain at pangangailan ang mga donasyong natatanggap ng bahay ampunan kung kaya't hindi pa naipapaayos ang gusali. Malapit na ako sa ikalawang palapag nang may marinig akong sigaw. “Sister Blessy! Sister Blessy!” Mabilis akong napalingon sa batang tumatawag sa aking pangalan. Tumatakbo ito at tila hingal na hingal. “Bakit ka tumatakbo Wilson? Tignan mo at namumula ka na sa sobrang hingal.” Hinimas ko ang likuran nito na siyang basa sa pawis na animo’y galing sa karera. “Sila Botchok at Botchag po kasi nagaaway na naman po.” Hingal pa nitong sumbong. Nagmamadali kaming tumahak sa lugar kung saan nagkakagulo ang mga bata. Nasa pasilyo pa lamang kami ay rinig na ang mga batang nagsisigawan na akala mo'y pumupusta sa manlalaro. "Botchok, Botchag! Tigilan niyo ang isa't isa!" Mariin kong utos sa dalawa. Si Botchok ay hawak-hawak sa ulo si Botchag, habang ang isa ay nakahawak sa leeg niya. Nang makita ako ng iba pang mga bata ay agad silang nagsipag-tahimik. Lumingon naman ang dalawang paslit na nagkakagulo sa hindi ko malamang dahilan. "Hindi niyo pa ba titigilan ang isa't isa?" Agad na bumitiw ang dalawa sa isa't isa bago yumuko. "Bakit nag aaway na naman kayo? Hindi ba't kabilin-bilinan ko na bawal ang mag away?" "Siya po kasi eh!" sabay nilang sagot sa akin. Mukhang maaga akong tatanda sa kanilang dalawa. Halos araw-araw atang sinusubok sa dalawang batang ito ang pasensya ko. "Ano ba talaga ang nangyare?" Akmang magsasalita ang dalawa para mangatwiran kaya't muli akong nagpaalala, "Bawal magsinungaling at mawawalan ng ngipin." Agad namang tumikom ang kanilang bibig. Hindi naman maitatago sa akin ang pagsisikuhan ng dalawa. Mukhang nag aatubili pa ang mga ito kung sino ang unang magsasalita. Hays. Mga bata pa talaga. "Botchok, bakit mo sinasabunutan si Botchag?" Ako na ang nagtanong dahil baka datnan kaming magulo ng iba pang madre. "Kasi po nikuha niya po ang laruan ko" sagot nito sabay tingin ng masama sa katabi. "Hindi kaya! Tinignan ko lang kasi kamukha yan ng laruan ko!" Inis namang baling ni Botchag sa kanya. Ano pa nga bang pagaawayan ng dalawang ito kundi laruan. "Tinignan lang naman pala ni Botchag yung laruan mo." Saad ko at hinawakan sa pisngi si Botchok. "Hindi po sister Blessy. Peyk nyus po yan!" Sigaw ni Botchok na tinuro pa ang mukha ni Botchag. Agad namang nainis ang isa at dumipensa. "Tinignan ko lang naman talaga eh! Akala mo naman aagawin ko sayo yang laruan mong di matino?" Ang kukulet talaga ng mga ito. Mapapabuntong hininga ka nalang talaga. "Tama na po ang away." Sabay kong hinawakan ang kanilang pisngi at ngumiti. "Hindi ba't ang bilin sa atin ay magmahalan? Bakit po kayo nag aaway? Di po ba bad 'yon?" Kita ko naman ang pagtango ng dalawa at sabay ng pagyuko. "Bati na ba kayo? Mmm?" Tumango pa silang muli kaya't nasiyahan naman ako sa kanilang tugon. "Anong gagawin kapag nagbati na?" Muli kong tanong sa dalawa at kita ang disgusto sa kanilang mukha. Rinig ko rin ang hagikgikan ng iba pang mga bata sa paligid namin. "Magyayakap po." Sabay nilang tugon sa akin. "Pero bago kayo magyakap humingi muna ng tawad sa isa't isa." Dagdag bilin ko pa sa mga ito. "Mauna kang humingi ng sorry sakin kasi ikaw naman mali." Sabi ni Botchag na hinihimas pa ang buhok na magulo dahil sa sabunot ni Botchok. "Edi sorry. Sorry kasi mali ka." Tugon ni Botchok na nagpataas ng dalawang kilay ko. "Botchok, anong tinuro ko sa inyo?" Tanong ko sa kaniya. "Matuto pong magpakumbaba. Sorry po sister Blessy." huminga pa ito ng malalim bago muling nagsalita, "Sorry na Botchag. Mali ka naman kasi talaga kaso mabait ako kaya ako na magsosorry." "Tignan mo po yan sister Blessy." Sumbong pa ni Botchag habang hinahatak nang mahina ang kasuotan ko. "Sorry na nga eh!" Bawi pa ni Botchok "Sorry kasi nagkamali ako ng kaunti. Napagbintangan kita na kinukuha mo yung laruan ko. Sorry na Botchag." "Botchag, may sasabihin ka po ba?" Bigay pansin ko naman dito at agad naman itong tumango. "Sorry kasi sinakal kita kahit medyo deserve mo naman talaga. Pero sorry pa rin." ngiwing saad nito. Pinagyakap ko na ang dalawa bago ko pa makalimutan na humihingi sila ng tawad sa isa't isa dahil sa baligtad nilang ekspresyon. "Wag na po magaaway, okay?" "Opo, sister Blessy." sabay nilang sagot. "Mga bata ano nga ulit yung pinakabisado ko sa inyong verse?" tanong ko sa kanilang lahat. "Love is patient, love is kind and is not jealous; love does not brag and is not arrogant, does not act unbecomingly; it does not seek its own, is not provoked, does not take into account a wrong suffered" Sabay sabay nilang recite ng bible verse. "Very good." Ngiting komento ko sa kanilang lahat, "At dahil diyan, may libre kayong power hug!" Tila nagunahan pa ang mga bata sa pagyakap sa akin. Isa-isa ko silang niyakap bago pinabalik sa kani-kanilang silid. Napamahal na ko sa kombento at bahay ampunan. Kaya't gagawin ko ang lahat para maabot ang pangarap ko. Hindi ako makakapayag na hindi maging isang madre. Sa dami namin noon dito sa bahay ampunan ay ako lamang ang nangarap na maging madre. Lahat halos ng kasabayan ko ay lumuwas at nagtrabaho na sa ibang lugar. Ang iba ngayon ay nasa ibang bansa na at gumagawa ng sarili nilang buhay. Bagama't ganoon ang kanilang kapalaran, hindi naman ako nagsisisi na sumunod sa yapak ni mader Teresa. Noong una ay hindi pumayag sila mother Teresa na magmadre ako dahil malaki raw ang oportunidad ko bilang isang manunulat. Ngunit handa akong talikuran ang aking pagsusulat para sa pangarap na ito. Hindi man lingid sa kaalaman nila ay nais kong maglingkod ng buo sa Panginoon ng walang hinihinging kapalit. Sapat na para sa akin na dinala Niya ako rito upang maglingkod. Sinubukan man nilang pigilin ang aking kagustuhan ay hindi ako pumayag. Sa katunayan, hinanap pa nila mother Teresa ang aking mga magulang. Ngunit ni anino ng taong nagdala sa akin sa labas ng simbahan ay hindi nila nakita. Wala pa namang surveillance camera sa paligid ng simbahan dahil sino naman ang magtatangkang magnakaw sa bahay ng Diyos? Isa pa, ang mga tao sa paligid ay may banal na takot sa Panginoon. Habang nagmumuni ay nakita kong palapit si sister Merlita kaya't sinalubong ko na rin siya. Si sister Merlita at mother Teresa ay halos hindi nagkakalayo ng edad. Hindi ko lamang matandaan kung lima o sampu ang kanilang agwat sa isa't isa. Lahat naman ng madre ay mabubuti ang kalooban kaya lahat ay magkakaibigan. Ngunit pansin ko naman na ang pinakamalapit kay mother Teresa ay si sister Merlita. "Sister Blessy, pinapatawag ka ni mother superior." Nakangiting bungad ni sister Merlita. "Salamat po sa pagsabi" Yumukod pa ako bilang pagrespeto, "Puntahan ko na po si mother superior." Parang nagkakarera ang puso ko sa kaba. Bihira naman kasi akong ipatawag ni mother superior at madalas pa ay kapag may pupunahin siya sa akin. Kaya sa tuwing ipinapatawag niya ako ay sobrang kaba ang aking nararamdaman. Sa lahat ng madre ay tanging si mother superior lang ang may pinakamalakas na awra. Sobrang istrikto nito at konting pagkakamali ay puro sita na ang gagawin niya. Hindi naman siya nagsasalita ng masakit, ngunit bago siya magsalita ay siguradong dadaan ang isang nakamamatay na katahimikan. Huminga muna ako nang malalim bago kumatok sa pintuan ng opisina ni mother superior. Kaya ko 'to! "Mother superior, pinapatawag niyo raw po ako?" "Pasok." Isang salita pero nakakapanindig balahibo. Dahan-dahan kong binuksan ang knob at pumasok. Nag-entrada agad ako ng busilak na ngiti para mabawasan ang kaba sa aking dibdib. Tinignan naman ako ni mother superior bago nagsalita. "Maupo ka." Agad kong tinungo ang upuan sa tapat ng kaniyang lamesa. Tinatantsya ko pa kung inis ba si mother o hindi. Pakiramdam ko kasi ngayon ay nasa pinitensiya ako imbis na opisina ng isang madre. Nakaayos man ang salamin ni mother superior ngunit lagi pa rin niya akong pinaniningkitan ng mata. Tsinita ang mga mata nito at may masungit na pamamaraan ng pagtingin. Hindi rin mawawala ang isang tasa ng kape sa kaniyang opisina na siyang nakakadagdag sa pagiging istrikto niya. "Pinatawag niyo raw po ako, mother." Pahayag ko. "Kaya ka nga nandito, hindi ba?" Masungit na sagot nito na halos magpangiwi sa akin. Dapat lang na unawain ko siya dahil menopause na si mother. Kaya't bilang tugon, napangiti nalang ako nang alanganin. "Kumusta, sister Blessy?" istriktong tanong nito bago humigop ng kape sa tasa. Kahit simpleng pangungumusta ay nagdudulot sa akin ng kakaibang kaba. "Ayos lang naman po ako. Sa katunayan po ay tatlong buwan nalang at magiging ganap na po akong madre." Masayang balita ko sa kaniya. Natatandaan kong si mother superior lang ang hindi pumigil sa akin tungkol sa pangarap ko. Wala akong narinig sa kanya o nakita ng anumang senyales ng pagayaw niya sa naging desisyon ko. Tumaas ang kilay nito bago inilapag ang hawak na tasa, "Balita ko'y palaging may nagaaway na bata sa pangangalaga mo." Napalunok naman ako sa puna nito. Totoong palaging nagaaway sina Botchok at Botchag, di ko naman akalain na iyon pala ang nais niyang kumustahin. "Ah, hindi naman po sa ganoon. Minsan po ay may kaunting pagtatalo lang ang mga bata." "Sa kaunti pa ba naibibilang ang araw-araw nilang pagaaway?" Balik tanong nito na siyang nagpatikom sa aking bibig. Nakakahiya. Inoobserbahan pala ako ni mother superior. Akala ko pa naman ay hindi nakakarating sa kaniya iyon dahil simpleng away bata lang naman ‘yon. Pero siyempre, si mother superior yan kaya imposible na hindi niya mapansin kahit maliit na bagay. "Natutop yata ang iyong bibig, sister Blessy?" Tanong niya pa na lalong nagpadagdag sa aking kaba. Ayoko siyang tignan at baka lumubog lang ako sa aking upuan. Pinustura ko muna ang aking sarili bago nagbigay eksplenasyon. "Mother, hindi naman po siguro maiiwasan ang away bata. Hindi ba’t kayo na rin po ang nagsabi na nandito sila para mahalin, turuan, at madisiplina?" "Isinisisi mo ba sa akin ang lahat, sister Blessy?" "Nako, hindi po! Ang ibig ko pong sabihin ay nasa taon pa po sila na kailangan nang maraming pasensya at pagmamahal." Dagdag eksplenasyon ko upang lubos niyang maunawaan. Minsan mahirap kausap si mother superior. Kapag namali ka ng gamit na salita o tono ng pananalita siguradong maiinis na siya sayo. Dati kapag nagkakamali ako ay hindi niya ko papansinin sa hapag kainan. Yung halos di ko na malunok ang pagkain dahil sa nakakatakot niyang mata. Mukha namang ayon ang sagot ko dahil bumaba na ang nakataas niyang kilay. "Bueno, maiba ako. Sa Lunes ay darating si Padre Bonifacio galing sa Maynila. Ang gusto ko ay isaayos mo ang mga bata at turuan sila kung paano sasalubungin ang pari. Nagkakaintindihan ba tayo, Blessy?" "O-opo, mother. Masusunod po." Aligagang tugon ko. "Siguraduhin mo dahil nakasalalay sa rekomendasyon ko ang pagpasa mo bilang isang madre." Agad naman akong napatango. Nakadepende sa rekomendasyon ng superior kung makakapasa ka bilang isang madre. Kumbaga ay nasa kanila ang last say tungkol sa gawi at ugali mo. Malaking bagay ang magandang rekomendasyon dahil mataas talaga ang puntos nito at mas pinapakinggan ito ng opisyal. Kaya hangga't maaari ay pinapakita ko na karapatdapat ako bilang isang madre. Nakaharap man si mother superior o hindi, palagi kong ginagawa ang tungkulin ko bilang isang lingkod ng Diyos. Dahil para sa akin, higit pa Siya sa kahit na anong uri ng surveillance camera. Nasa sa Kanya pa rin ang huling hatol. "Maidagdag ko rin pala na ikaw ang susundo kay padre Bonifacio." Kulang ang salitang gulat at pagkabigla sa nararamdaman ko. Ni hindi ko nga kilala ang padre Bonifacio na iyon. "May problema ba, sister Blessy?" Nasa tinig ni mother superior ang pagkairita kahit wala naman akong tutol sa utos niya. Siguro ay napansin niya ang pagkabigla ko sa kaniyang pahayag. "Wala po. Tanong ko lang po kung paano po ako makakarating doon? O kahit litrato man lang po ni padre Bonifacio nang sa ganoon ay makilala ko siya kaagad." "Ipapahatid kita kay mang Kanor para hindi mahirapan si padre Bonifacio sa biyahe papunta rito." Sagot niya sa unang tanong bago humigop ulit ng kape. "Tungkol sa litrato, hindi pa dumarating ang mail galing sa bayan. Text palang ang natatanggap ko." Tumango-tango naman ako. Ayoko na magsalita mamaya masamain niya pa. "Wag ka magalala sister Blessy, baka sa Sabado ay dumating na ang mail mula sa bayan." Dagdag pa nito. Halata siguro sa mukha ko na kinakabahan talaga ako. Una, hindi ako sanay sa biyahe. Pangalawa, baka mamaya ay may pagsubok na muling nakalaan sa akin sa pagiging madre na lingid sa kaalaman ko. Ngunit alam kong kahit anong irason ko, o iwas man ang gawin sa utos niya ay paniguradong hindi matitinag ang desisyon ni mother superior. Pero wala naman sigurong masama kung susubok akong maghanap ng rason para hindi ako ang pagsunduin kay padre Bonifacio, diba? "Matanong ko lang po sana. Bakit hindi--" "Ikaw ang susundo o hindi ko pipirmahan ang rekomendasyon mo?" Napatutop agad ang aking bibig dahil sa tanong niya. "Ako po ang susundo. Sobrang excited na nga po ako na makilala si padre Bonifacio." Kinakabahang sagot ko kaya sinamahan ko nang kaunting tawa upang hindi mahalata. Grabe talaga 'to si mother superior, hindi na naawa sakin. Pati rekomendasyon ko idadamay pa. "Kung ganoon ay tapos na ang usaping ito. Maaari ka nang lumabas sa aking silid. Ipapaabot ko na lamang ang listahan ng mga dapat mong bilhin sa bayan." "Po? May bibilhin po?" Parang ewan na tanong ko. Hindi na nagsalita si mother superior. Tanging kilay na nakataas lang niya ang nagpatigil sakin na tila sinasabing "may angal ka?" "Sige po, mother. Hintayin ko nalang po ang listahan. Maraming salamat po." Yumukod ako at nakita ko naman siyang tumango. Pagkalabas ko palang ng opisina ni mother superior ay sumakit na agad ang ulo ko. Kinakabahan ako palagi kapag kaharap siya pero ngayon naging triple ang kaba ko sa kaalamang bantay-sarado niya pala ang bawat kilos at gawi ko. Pero para sa paglilingkod sa Panginoon ay gagawin ko ang lahat upang makapasa sa pagiging madre. Hindi ako papayag na may hadlang. Kahit magutos pa si mother superior sa akin nang sobrang dami ay ayos lang basta mapirmahan ang rekomendasyon ko. Tatlong buwan na pagsubok at magiging madre na ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD