KAPITULO: DOS

2280 Words
"Blessy, ipa-ring mo na ang alarm." utos ni sister Merlita. Agad namang sumunod si Blessy sa utos ng kaniyang kasamang madre. Ang alarm na tinutukoy ni sister Merlita ay ang bell na ginagamit bilang alarm upang maipaalam na handa na ang pagkain. Ang bawat bata ay kukuha ng kaniya-kaniyang plato at kubyertos bago pumila sa pagsandok ng pagkain. Isang takal ng kanin at kalahating sandok ng ulam lamang ang ibibigay sa kada bata. Naging patakaran na ito sa loob ng bahay ampunan para maipagkasiya ang budget sa pang araw araw. Kung sumobra man ang pagkain ay itatabi ito para initin sa susunod na araw. "Mga bata pumila na kayo." Nakangiting saad ni Blessy sa mga batang naglalaro pa sa hardin. Habang binibilang niya ang mga batang nasa pila ay may maliit na kamay na humihila sa kaniyang braso. "Sister, inaaway po ako ni Botchag." Humihikbing sumbong ni Botchok sa kaniya. Napabuntong hininga na lamang siya dahil sa sumbong nito. Tiyak kasing panibagong araw, panibagong away na naman. "Hindi ba't kahapon ay nagkasundo na kayong dalawa?" Kano't noong tanong niya. "Kinuha niya po kasi yung plato ko tapos inutusan pa po niya ko." Nakasimangot na sagot ni Botchok "Ikukuha nalang kita ng plato mo." sagot ni Blessy. Para matapos na ang gusot nila at makakain na silang pareho, ako na ang kukuha ng plato. Ang pasaway talaga ng kambal na 'to. Kumuha ako ng plato at iniabot kay Botchok. Nakangiti naman niya itong tinanggap kaya pumunta na ako sa tabi ni sister Merlita para makatulong sa pagsandok ng pagkain. Nang mabigyan na ang lahat ay sabay-sabay kaming nanalangin upang magpasalamat sa pagkaing aming kakainin. Kung tutuusin ay sapat naman halos ang pangsustento sa mga bata. Yun nga lang, hindi naman palagi ay pareho ang natatanggap na donasyon sa ampunan. Hindi naman kami nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno. Ilang taon na ang dumaan, papalit-palit na ng mayor sa bayan at nangakong tutulong dito sa ampunan pero ganun pa rin ang pangakong binibigay nila-- puro napapako lang. Kung pagmamasdan ang mga bata ay malulusog naman sila at lahat ay nagiging masunurin. Minsan nga lang hindi na maiwasan ang kakulitan ng mga ito lalo na kung patungkol sa laruan. Pero syempre, normal lang ang maging makulit sa kanila edad. Kaya masaya ako na maging parte ng kanilang pagkabata. "Sister Blessy, kumain ka na ba?" tanong ni mother Teresa. May dala siyang basket na naglalaman ng prutas. Siguro galing ito sa bayan na pinamili ni mang Kanor. "Kakain palang po. Tulungan ko na po kayo sa bitbit ninyo." Akmang kukuhain ko na ito kay mother Teresa pero iniiwas niya ang dalang basket. "Kaya ko na 'to, hija." Nakangiting saad niya. "Sigurado po ba kayo? Baka po nahihirapan kayo diyan? Hindi ko naman po yan babawasan kapag binigay niyo sa akin. Baka isang kagat lang po." biro ko rito. "Hahaha. Ang batang ito talaga. Hala sige at pumunta ka na ro'n para makakain ka na. Kayang kaya ko na ito" "Kayo po ba nakakain na?" "Kakatapos lang. Nagsabay na kami ni sister Nimfa dahil may dala siyang tsokolate." Pabulong ang saad nito sa huling pangungusap. Tumingin pa siya sa paligid na akala mo'y nagmamatyag. Napailing nalang ako sa sinabi ni mother Teresa. Sino ba namang makakapagsabi na bata lang nag makulit at pasaway? Kahit may edad ay pasaway rin. Tulad nitong si mother Teresa na mahilig kumain ng tsokolate mula kay sister Nimfa, samantalang mataas naman ang kaniyang sugar. Nung nakaraan ay niresetahan na ito para sa kaniyang diabetes pero heto at panay pa rin kain ng matamis. "Mother Teresa, hindi po ba't sabi ng doktor ay--" "Ay nako, hija. Pumunta ka na ro'n bago magsermon." Napabuntong hininga nalang ako dahil sa pagputol niya ng sasabihin ko. Ang kulit din talaga ng isang to. "Sige po, kakain na po ako." Dumiretso ako sa dining area ng mga madre at nakita kong patapos na ang iilan sa kumakain. Anim kaming madre dito sa ampunan at kami ang nakatoka sa pagdidisiplina sa mga bata. Habang may mga workers din naman na galing sa simbahan: si Nana Lucing at Nana Biring. Sila ang tumutulong sa amin sa pagbili ng mga pangangailangan. Si mang kanor naman ay parang personal driver ng mga madre. Siya rin ang tumutulong sa pag ayos ng kagamitan dito sa munti naming tahanan. "Blessy, kumain ka na at aantabayanan mo pa ang mga bata sa kanilang mga gawain." Nakataas kilay na paalala ni mother superior. Si mother superior o Aurora Samulong, ang head nun ng Angels Home Orphanage. Ang nagmamanage ng ampunan at nagbibigay ng gawain sa mga madreng nakatoka rito. Ang katuwang niya sa pagtanggap ng mga papeles ukol sa ipapaampon at aampunin, gayundin sa mga donasiyon ay si mother Teresa Constantino. Pareho silang may angking awtoridad, ngunit mas istrikto nang higit si mother superior kung kaya't takot ang lahat sa kaniya. Lalo na ako. Agad na umupo si Blessy sa tabi ni sister Tina. Kahit naka-ismir ito sa kaniya ay pinabayaan niya nalang. Ang kwento kasi nila sister Nimfa, pinaglihi raw si sister Tina sa sama ng loob kaya palagi nalamang itong naka-ismir. Bihira siya nitong kibuin at madalas lamang kapag may iuutos ito tsaka siya papansinin. Nagkukwentuhan pa sila sister Merlita at sister Nimfa tungkol sa darating na misa nang makarinig sila ng iyakan mula sa labas. Walang pasabing tumayo si sister Tina at lumabas ng dining area. Tatayo na sana si Blessy para puntahan din ang pinagmulan ng iyak nang biglang nagsalita si mother superior. "Papasukin ninyo ang mga bata sa silid. Kaya na ni sister Tina ang pagdidisiplina." saad nito. Nagkatinginan pa silang tatlo nila sister Nimfa at sister Merlita bago tumango at lumabas sa dining area. Pagkarating sa labas ay agad nilang nadatnan ang batang babae na umiiyak. Nakatayo sa harap nito si sister Tina at nang mapansin siya nito ay pinagtaasan siya ng kilay. Hindi niya nalang pinansin ang pagsusungit nito at tinipon nalang ang mga batang para mapapasok sa kaniya-kaniya nilang silid. "Nakakatakot si sister Tina." "Nung nakaraan nga pinalo niya si Botchok eh." "Nakita ko rin na kinurot niya yung tagiliran ni Venise kahapon." Bulungan ng mga bata matapos makarinig ng malakas na sigaw galing sa labas. Mula kasi sa kinaroroonan nila ay maririnig ang sigaw ni sister Tina. Ugali kasi nitong manigaw at mamalo ng mga bata kahit pa isa itong madre. Para kasi rito'y kailangan magkaroon ng takot ang bata upang mapasunod. "Magsipagpasok na kayo at wag pasaway para di kayo mapagalitan." saad ni Blessy bago tuluyang nilisan ang mga ito. Pagdating niya sa pavillion ay nakita niyang nagtatalo sa harap ng bata si sister Nimfa at sister Tina. Nasa pagitan naman ng dalawa si sister Merlita. Habang ang batang babae ay patuloy na umiiyak at nakayakap sa sarili. Napansin niya ring may pasa ito sa kanang braso na dulo't ng patpat na pamalo ni sister Tina. "Ano bang nangyayare sayo, Tina?!" Inis na pagalit ni sister Nimfa. "Dinidisiplina ko lang ang maarteng batang 'yan!" "Disiplina pa ba ang tawag diyan? May pasa na yung bata!" "Ang sabi sa inaral natin, dapat disiplinahin ang mga minamahal. Nakalimutan mo na ba?" "Natutrauma na yung bata sa tinatawag mong disiplina, Tina." Giit pa ni sister Nimfa. "Kaya lumalaking ganyan 'yan dahil kinukunsinti ninyo!" "Wag kayong magsigawang dalawa. Tayo lang ang naguusap dito. Mamaya ay marinig tayo ng mga taong dumaraan sa labas." Saway ni sister Merlita sa kanila. "Tama na po yan. Ako na pong bahala sa bata." sabi ni Blessy. Mabilis na napalingon sa kaniya si sister Tina at tinaasan siya ng isang kilay. "Wag kang nagmamagaling, Blessy. Hindi ka pa madre para sawayin ako." madiin na sita nito sa kaniya. Tila nahiya naman si Blessy sa itinuran ni sister Tina sa kaniya. "Hindi naman po sa ganun. Ang sa akin lang po wag po ninyong ipakita ang pagtatalo sa harap ng bata." marahang paliwanag niya. "At bakit?" Nameywang si sister Tina at mas lumapit sa direksyon niya. "Hindi ba't dahil sa batang ito kaya kami nagtatalo? Tapos ngayon nangingialam ka pa?!" Ikinagulat niya ang sunod nitong aksiyon, gayundin sila sister Nimfa at sister Merlita. Hinila ni sister Tina ang buhok ng bata at malakas na pinalo ng patpat sa puwetan. Mas lalong lumakas ang iyak nito kaya mas sinabutan ni sister Tina ang buhok nito. Dali-dali namang inawat ni sister Merlita si sister Tina kaya't pinuntahan ni Blessy ang bata at mabilis na niyakap at inilayo sa madre. Iwinaksi ni sister Tina ang kamay ni sister Merlita na nakahawak sa kaniya bago muling lumapit sa bata. "Sa susunod. Magtanda kang bata ka! Wag mo kong dadaanin sa pag-arte at iyak!" Dinuro duro pa nito ang noo ng bata bago tuluyang umalis. Patuloy ang pagiyak ng batang si Nicole sa bisig ni Blessy habang pinapatahan naman siya nito. "Pupuntahan ko si mother superior." Nagtitimpi man ng galit ay mahinahon naman ang pagkakasabi ni sister Nimfa, tsaka dumiretso sa dining hall. Hinaplos naman ni sis Merlita ang braso ni Blessy bago nagsalita, "Sundan ko lang si sis Nimfa." "Sige po. Ako na pong bahala sa kaniya." Habang naglalakad papalayo si sister Merlita ay hinintay ni Blessy na kumalma si Nicole. Pinagmasdan niya ang pasa nito sa braso bago hinaplos ang likod. Unti-unti namang tumahan ang bata sa bisig niya kaya nagsimula na niya itong tanungin. "Nicole, bakit ka umiiyak kanina?" Humiwalay si Nicole sa yakap ni Blessy at pinunasan muna ang luha. "Ka-kasi po, narinig kong pinagbubulungan ako ng ibang bata na ba-baliw raw po ako." Muling lumandas ang luha sa mga mata nito at tahimik na humihikbi. Nakunot naman ang noo ni Blessy dahil sa isinagot nito sa kaniya. Bakit naman siya inaasar na baliw ng ibang bata? "Nicole, bakit ka naman nila inaasar ng ganon?" Tumitig sa mga mata ni Blessy si Nicole bago malungkot na ngumiti. Kahit pinilit nitong ngumiti ay makikita pa rin ang matinding lungkot sa kaniyang mga mata. "Minsan po kasi bigla nalang akong sumasaya magisa. Minsan naman po ay umiiyak nalang akong magisa. Kaya tinutukso po nila akong baliw." Yumuko ito at tumingin sa sahig na animo'y nagpipigil ng luhang nagbabadyang lumandas, "Naaalala ko po kasi yung masasayang araw na kasama ko po sila mama at papa. Bago po nagkaroon ng bagyo. Bago po sila n-nawala sakin." Pati si Blessy ay nakakaramdam ng paninikip ng dibdib. Parang kinukurot ang kalooban niya sa kuwento ni Nicole. Alam niyang matinding trauma ang dinaanan ng bata dahil sa nangyari sa mga magulang nito. Niyakap ni Blessy si Nicole at hinaplos ang likod para matuloy ito sa pagkukuwento. "Sister, bigla nalang po akong sumasaya sa alaala nila mama at papa na kumakain kami sa labas tapos pupunta kami ng park at maglalaro." Nasa tinig nito ang sayang dulot ng kaniyang tunay na pamilya. Ngunit mabilis ding nawala ang saya ng mga mata nito at napalitan ng lungkot. "Kaso po. Sa tuwing naaalala ko po na buhay sila mama at papa. Nakikita po sa memorya ko noong kinuha po ako ng rescuer at naiwan sila papa at mama sa bahay." Nanginig bigla ang kamay ni Nicole at tila nahihirapan sa paghikbi. "Hindi po nakasunod sila mama sa center nung gabi na yun. Kaya nung kinabukasan na pagtila ng ulan, tumakas po ako." "Nicole, kaya mo pa bang ikuwento? Hindi naman kita pipilitin na magkwento kung di mo pa kaya." Pag-alo ni Blessy rito. Tumango naman si Nicole at huminga nang malalim. "Pagbalik ko po sa lugar namin, wasak wasak na po yung mga bahay at maraming umiiyak. May nakita po akong mga patay na hayop at bangkay na nakakalat sa daan. Tapos pagpunta ko po sa bahay, nadatnan ko po sila mama at papa na dilat ang mga mata, sugatan at namamanas ang katawan. Bangkay lang ang---" Biglang nahirapan si Nicole huminga habang patuloy na nanginig ang mga kamay. Kita sa mga mata nito ang sakit ng pagkamatay ng sariling magulang. Hindi umaayon ang hikbi nito at paglabas pasok ng hangin sa baga kaya't kinuha ni Blessy ang atensiyon ng bata bago pa lumala ang nararamdaman nito. "Nicole? Nicole, tignan mo ko." Tumingin naman agad ang bata kay Blessy. Hiniwakan ng dalaga ang munting kamay nito at marahang minasahe upang kumalma ang panginginig. "Nicole, huminga tayo ng limang beses ah? Sundan mo ko." Tumango naman ang bata kaya't nagpatuloy siya. "Okay. Inhale. Exhale. Isa pa. Inhale, exhale." Unti unti namang nawawala ang panginginig ng mga kamay nito kaya't inulit ulit lang ni Blessy ang proseso. Madalas kasi noon na ganito ang nangyayari sa dati niyang kaibigan na nakakaranas ng depression kaya tinuruan siya ng doctor sa pwedeng gawin bago lumala ang senaryo. "Hindi na ba masyadong masakit ang paghinga mo?" Tanong ni Blessy. Umiling naman ito at muling yumakap sa kaniya. "Mamaya, ipapakilala kita kina Botchok, Botchag, at Wilson. Siguradong magkakasundo kayong apat." May alinlangan man ay pilit pa rin itong tumango at sumangayon sa sinabi niya. Kulang ang salitang lungkot para ilarawan ang nararamdaman ni Blessy. Alam niyang masakit sa kalooban na husgahan ka sa bagay na hindi mo naman ginusto at bagay na mula sa nakaraan na pilit mong nilalabanan. Lalo pa't sa batang edad ni Nicole ay tinutukso na siya ng mga kalaro at napagkakamalang "kabaliwan" ang mga alaala ng kaniyang magulang. Pagkatapos ay napagbuhatan pa ito ng kamay ni sister Tina sa pagaakalang nagiinarte lang ang bata. Noon pa man ay nais niya nang tulungan ang mga taong nakakaranas ng karamdamang gaya ng kay Nicole. Mahirap ang pakiramdam ng mag-isa at walang umiintindi sayo. Yung pakiramdam na lahat ng taong nakapaligid sayo ay may sari-sariling panghuhusga at kritisismo, habang ikaw ay nasa isang tabi at walang kakampi. Pinapasan ang lahat ng pasakit na dulot ng mga taong hindi makatao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD