Thirty years ago…
“HINDI mo alam kung ano ang sinasabi mo, Renato. Hindi mo anak ang batang ito, pagtatawanan ka ng mga tao,” bakas ang kalungkutan sa tono ng pananalita ni Nida na sinulyapan pa ang kaharap niyang manliligaw.
“Bakit ba hirap na hirap kang paniwalaan ang lahat ng sinasabi ko? Mga bata pa lamang tayo eh magkasama na tayo. Bakit ba parang hindi mo maramdaman na ang lahat ng nararamdaman ko ay para sa iyo lang?”
Kinabakasan ni Nida ng hinanakit ang tono ng pananalita ni Renato sa sinabi nitong iyon. Pero hindi parin niya makita ang kagustuhan niyang sagutin ang sinabing iyon ng binata. Hindi niya matukoy kung dahil ba iyon sa matinding kalungkutan at problem ana pinagdaraanan niya ngayon. Dahil kung hindi, wala naman siyang makitang iba pang dahilan kundi iyon lang.
“Mahal kita Nida, wala akong ibang gustong makasama hanggang sa aking pagtanda kundi ikaw lang,” giit ni Renato.
Alam ni Nida na katulad ng dati ay nakatitig ang lalaki sa mukha niya. Pero hindi niya ito binalikan ng tingin. Nanatili siyang nakayuko at inaabala ang sarili sa pagsasalin ng mga mga naluto na niyang sahog sa halo-halo sa garapon.
“Hindi mo ba nararamdaman na mahal kita, Nida? Kahit na kailan ba wala?” si Renato nang manatili siyang tahimik.
Sa puntong iyon ay napilitan si Nida na salubungin ang mga titig ng lalaking kaharap.
“Hindi ko alam, pasensya na. Magulo ang isip ko ngayon, Renato. Pakiramdam ko hindi gumagana ang isipan ko kaya siguro wala akong maisip na kahit ano,” iyon ang malamig niyang naging pagtugon sa tanong ng lalaki.
Iyon naman kasi ang totoo. Masama ang loob ang niya sa lahat ng nangyari. Pero wala siyang ibang alam na gawin kundi ang tanggapin ang lahat at ituloy ang buhay niya.
Si Renato ay matagal na niyang kakilala.
Katulad ng sinabi nito, mga bata pa lamang sila ay magkakilala na sila. Dahil sa isang barangay lamang sila lumaki. Magkaklase sila mula elementarya hanggang high school.
Noon pa man ay mabait na sa kanya si Renato. May mga babaeng naging nobya rin naman ito at iyon ay dahil sa kagustuhan niya.
Ilang beses narin kasi niyang itinaboy si Renato na pagtuunan ng pansin ang mga babaeng nagkakagusto rito. Pero palagi ay wala ring nagiging successful at nauuwi lamang sa hiwalayan ang lahat ng naging nakarelasyon nito.
“Alam na ba ng mga magulang mo ang tungkol sa kundisyon mo?” ang nag-aalalang tanong ni Renato sa kanya.
Nagbuntong hininga si Nida saka sinimulang balatan ang mga bunga ng kamote na susunod naman niyang isasalang sa kalan na ginagamitan ng kahoy na panggatong.
“Hindi pa, ang totoo hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa kanila ang totoo,” pag-amin niyang muling nagbuntong hininga pagkatapos. “Kung mayroon lang sanang paraan na pwede akong maisip. Paraan na masasabi ko sa kanila ang totoo na hindi sila masasaktan. Kaya lang wala, wala talaga,” aniyang patuloy parin sa ginagawa habang nagpipigil ng sarili niyang emosyon.
Malungkot ang titig na ipinukol sa kanya ni Renato dahil sa sinabi niyang iyon.
“Kung makikita ko lang ang lalaking iyon, hindi ako magdadalawang isip na patayin siya dahil sa ginawa niya sa iyo!”
Humaplos sa puso ni Nida ang sinabing iyon ng kaniyang kababata.
“Hindi mo naman ako kailangang protektahan sa lahat ng pagkakataon, Renato,” iyon ang isinagot niya sa sinabi nito.
Noon humakbang palapit sa kanya si Renato saka hinawakan ang magkabila niyang balikat.
“Pero gusto ko, Nida. Gusto kong gawin iyon sa iyo, matagal na. Hindi mo lang ako binigyan ng kahit kaunting pagkakataon para gawin iyon,” paliwanag ng binata.
Pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya ni Renato. Pero sa kabila niyon ay masasabi niyang hindi hirap sa buhay ang binata dahil nag-iisang anak lang ito.
Mababait ang mga magulang ni Renato na kaibigan rin ng tatay at nanay niya. Kilalang matulungin sa kanilang bayan. Alam rin niyang gustong-gusto siya ng mga ito para kay Renato. Sa huling naisip ay malungkot na nagbuntong hininga si Nida.
Kung natuturuan nga lang sana ang puso. Sa matagal na panahon, siguro o sana kahit papaano ay naturuan niya ang kaniya na mahalin si Renato. Pero wala talaga.
“Hindi naman tama ang gusto mong mangyari. Maraming babaeng mas bagay sa iyo, hindi ako.”
“Wala naman akong ibang pinangarap, kundi ang mahalin mo. Iyon lang. O kahit sabihin nalang nating, matutunan mong mahalin kahit papaano? Iyon lang naman, at alam kong possible iyon. Lalo na kapag nakilala mo na ako. Kapag naikasal na tayo at lumabas na ang batang iyan sa sinapupunan mo makikita mo at mapapatunayan na tama lamang na tinanggap mo ang alok ko. Bigyan mo siya ng isang buong pamilya, Nida. At nakahanda akong ibigay sa kanya ang bagay na ipinagkait sa kanya ng tunay niyang ama,” ang mahabang paliwanag ni Renato sa kanya.
Sa narinig niyang mga sinabi ng lalaking kababata ay tuluyan na ngang humulagpos ang lahat ng pagpipigil na kanina pa ginagawa ni Nida.
May punto naman si Renato sa sinasabi nito. Nasa kanya ang desisyon para maisaayos ang lahat ng ito. Pero alam niyang kapag ginagawa at pumayag siya sa gusto nitong mangyari ay magiging makasarili siya.
“Paano mo sasabihin sa mga magulang mo ang lahat? Paano mo ipaliliwanag sa kanila ang totoong nangyari sa iyo? Na nakipagrelasyon ka sa isang sundalong Kano na sa huli ay sinaktan, binuntis at iniwan ka lang?” pagpapatuloy ni Renato sa tono na kababakasan ng matinding pag-aalala.
“H-Hindi ko rin alam,” aniyang nanginginig ang buong katawan na isinubsob ang kanyang mukha sa sarili niyang mga palad. “A-Alam ko masasaktan sila kapag nalaman nila ang nangyari sa akin. At alam ko rin na magiging sentro ako ng usap-usapan dito sa baryo natin, Renato. Pero anong gagawin ko? Kahit ano naman ang gawin at piliin mo alam kong masasaktan ko ang nanay at tatay ko?” iyon ang umiiyak at halos pabulong niyang sambit.
Nang kabigin siya ni Renato para yakapin ay hindi tumanggi si Nida. Kahit hindi niya aminin, alam niyang nakagaan sa namimigat niyang kalooban ang ginagawa niyang pag-iyak. At dahil nga hindi alam ng nanay at tatay niya ang lahat ay wala rin siyang ibang napagsasabihan ng tungkol sa mga problema niya, maliban kay Renato.
“Hindi ko alam kung anong gagawin ko,” ang pabulong niyang sambit habang umiiyak.
Noon siya pinakawala ni Renato mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kanya. Pagkatapos ay ngumiti ito. Isang nakakaunawang ngiti. At nakita rin niya ang kaparehong damdamin sa mga mata ng binata.
“Tanggapin mo ang alok ko. Magpakasal tayo at aakuin ko na sarili kong anak ang batang nasa sinapupunan mo,” anito sa kanya.
Hindi iyon ang unang beses na narinig niya kay Renato ang mga salitang iyon. Pero may palagay siyang sa isang iglap ay parang mas naunawaan niya ang gusto nitong mangyari. Parang mas naramdaman niya ang katapatan at pagmamahal ng lalaking ito para sa kanya. At iyon ay ang pagmamahal na sa loob ng napakatagal na panahon kahit minsan hindi niya nagawang pagtuunan ng pansin.