“HINDI ko alam kung anong sasabihin ko,” iyon ang nasambit ni Nida nang pakawalan siya ni Renato mula sa mahigpit nitong pagkakayakap sa kanya.
Isang mabait na ngiti ang pumunit sa mga labi ng lalaki. “Hindi mo naman kailangang magsalita. Dahil kahit wala kang sabihing kahit na ano, nakikita ko sa mga mata mo na kailangan mo ako.”
Hindi nakapagsalita sa sinabing iyon ni Renato si Nida.
Hindi dahil sa kawalan ng pwedeng sabihin kundi dahil sa katotohanang totoo naman talaga ang sinabi nito. Kailangan niya ng isang taong masasandalan ngayon.
“Alam kong mahal mo ang ama ng batang nasa sinapupunan mo. Pero kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon at susubukan mong buksan ang puso mo para sa akin, alam kong matututunan mo rin akong mahalin,” pagpapatuloy ng lalaki.
“P-Pero, hindi ba parang hindi naman yata tama at hindi rin magiging patas para sa iyo na ipaako ko sa iyo ang isang batang hindi mo naman responsibilidad? Ang isang batang hindi mo naman obligasyon?”
Noon hinawakan ni Renato ang dalawa niyang mga kamay saka pinisil ang mga iyon.
Sa totoo lang, iyon ang unang beses na hinayaan niya si Renato na mahakawan nito ang kanyang kamay. Aminado siyang medyo nakakaramdam siya ng hiya. Subalit, sa kabilang banda ay naroon parin ang katotohanang kahit papaano ay kinakalma ng binata ang magulo niyang isipan at nababagabag niyang kalooban.
“Wala akong ibang pinangarap kundi ang makasama ka sa habang buhay, Nida. At kung ibibigay mo sa akin ang pagkakataon na iyon, makakaasa ka na kahit anong mangyari ay hindi kita bibiguin. Aalagaan kita at higit sa lahat, bibigyan kita ng dahilan para mahalin mo ako ng lubusan.”
Bakas sa tono ng pananalita ni Renato na tunay sa kalooban nito ang sinabi.
Ngumiti siya.
At sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon siya ng dahilan para salubungin ang mga titig ni Renato sa kanya.
“S-Sige, pag-iisipan ko ang alok mo,” iyon ang naging pagtugon niya.
Kahit wala pa mang katiyakan kung tutuusin ay nakita na agad ni Nida ang naging epekto ng sinabi niyang iyon kay Renato.
Nakita niya sa mga mata ng lalaki ang kakaibang kislap na kahit kailan ay hindi niya nakita doon. At kahit hindi niya aminin, alam niya sa sarili niyang natuwa siya sa kanyang nasaksihan.
*****
ISANG lingo ang halos ginugol at pinadaan ni Nida para pag-isipan ng mabuti ang alok ni Renato sa kanya. Pero kahit sabihin pang pinaghintay niya ang binata ay hindi parin ito nawala sa tabi niya. Nanatili ang kababata niya sa kanyang tabi. At isa iyon sa mga dahilan kung kaya naisip niyang tanggapin ang alok nito at sumang-ayon sa gusto nitong mangyari.
“Talaga? Nobya na kita?”
Hindi kalakasan pero halatang halata sa tono ng pagtatanong ni Renato na walang pagsidlan ang kasiyahang nararamdaman nito nang mga sandaling iyon.
Araw iyon ng Linggo at minabuti niyang magpasama sa binata sa pagsisimba. Iyon ay dahil sa plano na talaga niya itong kausapin tungkol sa desisyon niyang ito.
Magkakasunod na tumango si Nida. “Alam ko hindi tama pero---,”
“Itatama natin ang lahat, at tutulungan kitang gawin iyon, Nida. Mahal na mahal kita at wala akong hindi kayang tanggapin tungkol sa iyon. Ang nararamdaman ko para sa iyo ay ang klase ng pagmamahal na pwedeng subukin ng kahit anong problema, pero nakatitiyak ako na kahit ano pa ang mangyari ay hindi kita magagawang talikuran at pabayaan.”
“S-Salamat, maraming salamat,” iyon lang ang nasabi niya,
Nakangiting ikinulong ni Renato ang kanyang mukha sa mga kamay nito. Pagkatapos niyon ay hinalikan siya nito sa noo bago mahigpit na niyakap.
“Dakila ang pag-ibig ko para sa iyo, Nida. Iyan sana ang huwag mong kalilimutan kahit na ano pa man ang mangyari,” pakiusap pa nito saka hinalikan ang kanyang ulo.
Hindi umimik si Nida sa sinabing iyon ni Renato.
Siguro nga sa panahon ngayon ay nasa puso parin niya ang ama ng batang nasa sinapupunan niya. Pero umaasa siya, at naniniwala siyang hindi magtatagal ay magagawa niyang mahalin ang lalaking ito. Hindi dahil kailangan niyang gawin iyon dahil sa katotohanang ito ang nanindigan sa kanya. Kundi dahil sa ipinakikita nitong malinis nitong hangarin at matinding pagsusumikap upang mapaibig siya.
*****
NANG gabing iyon ay sa bahay nila naghapunan si Renato. Sa pagkakataong ito ay ipinakilala na niya ang lalaki bilang kanyang nobyo.
Natuwa ng husto ang mga magulang niya sa balitang iyon.
Ang totoo kasi ay matagal naring boto ang nanay at tatay niya kay Renato, Dahil nga mga bata pa lamang sila ay palagi na itong nasa tabi niya at hindi siya iniwan minsan man.
“Mabuti na lang pala at hidi nila alam ang tungkol doon sa dati mong nobyo,” si Renato iyon nang magkatabi silang nakaupo sa ilalim ng puno ng gumamela sa kanilang bakuran.
Napabuntong hininga si Nida sa narinig. “Sa tingin ko iyon ang ginusto ng Diyos, dahil mangyayari ang ganito,” sagot niyang nilingon si Renato saka nginitian.
Binalikan siya ng ngiti ni Renato saka inakbayan. “Sa tingin mo ba, kailan mo gustong sabihin natin sa kanila ang tungkol sa kasal?”
Sa tanong na iyon ay kusang napatuwid ng kanyang upo si Nida. Pero sa kabila ng labis na kalituhan na muling nabuhay sa isipan at diwa niya ay pinagsikapan parin niyang pag-isipan ang tungkol doon.
“Kung ikaw ba ang tatanungin, kailan mo ako gustong pakasalan?” tanong niya kay Renato.
Noon umangat ang sulok ng labi ng binata saka siya matamis na nginitian. “Kung maaari lang sana, sa lalong madaling panahon?” sagot nito.
Hindi malaman ni Nida kung ano ba ang mararamdadman niya nang mga sandaling iyon. Nahahati ang puso niya sa kalungkutan at katuwaan.
Masaya siya dahil sa kabila ng lahat ay magkakaroon na ng solusyon ang problema niya. At higit sa lahat ay may ama na kikilalanin ang anak niya oras na maisilang niya ito.
Pero sa kabilang bahagi ng kaniyang puso ay alam niyang oras na maganap ang kasalan ay tuluyan na ngang matutuldukan ang lahat ng posibleng maging ugnayan pa nila ng dati niyang nobyo.
Sinungaling siya kung hindi niya aaminin na kahit papaano ay umaasa parin siyang babalikan siya nito. Pero gaya ng sinabi niya, alam niyang malabo iyon.
Siguro kailangan lang talaga niyang tanggapin na ang bahaging iyon ng buhay niya ay tapos na.
At kailangan rin niyang harapin ang katotohanang iniwan siya nito at hindi pinanindgan.
Kailangan na niya itong kalimutan. At tutulungan siya ni Renato na gawin iyon.