“AYAW pa rin ba niyang kumain?” tanong ni Arturo sa kasambahay at mayordoma nilang Tasing.
Umiling ang matandang mayordom ana may dalang tray ng pagkain. “Nag-aalala ako sa asawa mo, Arturo,” anitong malungkot siyang tinitigan.
Tumango lang si Arturo. “Sige na Nana Tasing, ako na ang kakausap sa kanya,” pagtataboy niya sa matanda na tinanguan lang din siya bago siya nito iniwan.
Isang lingo na rin ang nakalilipas mula nang makalabas ng ospital si Vivian sa dapat sana ay panganay nilang anak. Apat na taon narin kasi ang nakalilipas mula nang magpakasal sila nito at masasabi niyang pareho silang nasasabik ng magkaroon ng supling. Kaya naman labis ang katuwaan na kanilang naramdaman nang malaman nilang dalawa ang tungkol sa pagdadalantao ng kanyang kabiyak.
Noon mapait na napangiti si Arturo saka itinulak pabukas ang isang silid na nadaanan muna niya bago niya narating ang kanila.
Malungkot siyang nagbuntong hininga nang mabungaran ang isang maganda at malaking nursery room. Para sana sa panganay nila ni Vivian.
Kulay puti ang pintura niyon, kasi nga hindi pa naman nila alam kung babae ba o lalaki ang sanggol. Tatlong buwan pa lamang kasing buntis si Vivian nang simulan nila ang pag-aayos niyon. Pero makalipas ang isang buwan, hindi sinasadyang nadulas sa banyo ang kanyang asawa. Hindi naging maganda ang bagsak nito kaya ito nakunan.
Hindi niya sinisi ang asawa niya dahil sa nangyaring iyon. Nauunawaan niya na aksidente ang lahat at hindi nito iyon ginusto.
Pero iba ang naging epekto niyon kay Vivian.
Dahil kahit pa sabihing walang kahit anong paninisi ang lumabas sa bibig niya kahit na minsan. Si Vivian mismo ang paulit-ulit na gumawa niyon sa sarili nito mismo.
Sa puntong iyon ay minabuti na ni Arturo na isara ang nursery saka na puntahan ang asawa niya na alam niyang nakahiga parin sa kama. At hindi nga siya nagkamali.
“Hey,” iyon ang bungad na bati niya sa kanyang asawa na niyuko niya at hinalikan sa noo.
Hindi ito sumagot at nanatiling nakatitig lang sa malaking screen ng TV na nasa loob ng kanilang kwarto.
“Sinabi sa akin ni Aling Tasing na hindi ka daw kumain?” tanong niya sa mahinahon na tono saka naupo sa gilid ng kama katabi ang nakahiga niyang asawa.
“Wala akong gana,” ang matamlay nitong sagot sa kanya.
Napabuntong hininga nalang si Arturo sa sinabing iyon ng asawa niya bago siya nagbuka ng bibig para magsalita.
“You know what, hindi ko na gusto ang ginagawa mo sa sarili mo. Ayokong magkasakit ka,” iyon ang mahinahon niyang sabi nang manatiling hindi kumikilos ang asawa niya sa posisyon nito.
“Hindi ko rin kasi mapilit na gawing okay ang lahat. I-I’m sorry,” at dito na nabasag ang tinig ni Vivian.
Lalong nagtumindi ang pagkahabag na nararamdaman ni Arturo para sa kabiyak. Kaya naman walang pag-aatubili niyang hinawakan ang kamay nito saka iyon maingat na pinisil.
“Bakit hindi tayo magbakasyon? Baka sakaling makatulong iyon sa iyo?” suhestiyon niya sa mahinahon na tono.
Sa puntong iyon ay nakita niya ang pagpupumilit ni Vivian na pigilan ang tuluyang pagbalong ng mga luha nito.
“Napapagod ka na ba sa akin ha? Arturo?” iyon ang sa halip ay tanong-sagot nito sa kanya.
Mabilis na umiling si Arturo. “No, ang gusto ko lang ay maging okay ka. Para naman kahit papaano ay maibalik mo ng paunti-unti ang dati mong sigla,” iyon naman kasi talaga ang totoo.
“Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ang lahat. Kasalanan ko kung bakit nawala ang anak natin at kung bakit hindi na tayo magkakaroon ng anak.”
Kahit pigil na pigil ang pag-iyak ni Vivian ay damang-dama niya ang sama ng loob at paghihirap sa bawat salitang binibitiwan nito. At nauunawaan niya kung bakit.
Wala kahit sinong babae ang gugustuhing maranasan ang naranasan nito. Lalo na at hindi rin naging madali para sa kanila ang makabuo. Pero mas masakit ay nang sabihin ng doctor na hindi na ito maaaring magbuntis.
“Love, subukan nating magsimulang muli. Magbakasyon tayo? Baka makatulong sa iyo ang bagong kapaligiran?” giit niyang hinalikan ang kamay ng kanyang asawa pagkatapos.
Sa pagkakataong iyon ay kumilos si Vivian at bumangon. Dito naman siya nagkaroon ng chance para yakapin ito. At parang iyon lang din ang hinihintay nitong gawin niya para tuluyang mailabas ang mabigat na dalahin nito sa dibdib.
“Hindi mo kailangang sisihin ang sarili mo. Alam kong hindi madali ang nangyari pero naniniwala parin ako na ang lahat ng nangyayari ay may dahilan. Nandito lang ako, hindi kita iiwan,” aniya habang pandalas ang paghagod sa likuran ni Vivian.
*****
UMIIYAK na naupo si Nida sa panghuling hanay ng upuan sa loob ng malaking simbahan na iyon habang kalong ang anak niyang si Jake. Dalawang buwan na rin ang matuling lumipas mula nang isilang niya ito. At kasabay niyon ang mabilis na naging pagbabago sa ugali ng asawa niyang si Renato.
Sa naisip ay muling impit na napaiyak si Nida.
Hindi niya gustong gawin ito pero wala siyang ibang pagpipilian.
Simula kasi nang isilang niya si Jake ay naging magagalitin na si Renato. Palagi itong lasing at may mga pagkakataon na napagbubuhatan pa siya nito ng kamay.
At iyon ay dahil lang sa katotohanang lumabas na kulay asul ang mga mata ng anak niya.
Sa madaling salita. Ikinagalit ni Renato ang nangyaring iyon dahil naging laman ito ng usap-usapan sa kanilang bayan. Lalo na at sinadya naman talaga nilang lumayo para maitago sa mga tao ang totoo. Na hindi ito ang tunay na ama ng batang ipinagbuntis niya. Pero sa huli ay lumabas rin ang totoo. Dahil kamukhang-kamukha ng ama nitong Amerikano ang batang isinilang niya.
Katulad ng sinabi niya, hindi niya gustong gawin ang bagay na ito. Ang pagpapasyang ito. Pero wala siyang choice. Dahil alam niyang malaki ang chance na kapag napuno si Renato ay baka si Jake naman ang masaktan nito. At hindi niya gustong mangyari iyon.
Mahal na mahal niya ang anak niya. At wala siyang ibang gustong mangyari kundi ang mapabuti ito.
“Patawarin mo ako anak, pero kailangan kong gawin ito. Sana pagdating ng araw ay maunawaan mo kung bakit ko ito nagawa, Jake,” aniya bago inilagay sa loob ng isang kahon ang sanggol na kanyang kalong.
Suot ni Jake ang isa sa mga lampin nitong binurdahan niya ng pangalan nito na si Renato ang nagbigay. Jake.
“Sana paglaki mo, maging doktor ka,” pabulong ulit niyang sambit habang patuloy sa pabalong ang kanyang mga luha.
Walang gaanong tao noon sa simbahan. Sinadya talaga niya iyon para walang makakita sa kanya. Noon din ay inilagay niya sa gilid na bahagi sa loob ng kahon ang isang liham. Habang sa huling pagkakataon naman ay hinalikan niya ang kanyang anak na nang mga sandaling iyon ay mahimbing na natutulog.
“Diyos ko, patawarin mo po ako,” sambit niya saka tumingin sa altar. “Paalam na anak. Hanggang sa muli nating pagkikita,” aniya bago tumayo at umalis na ng tuluyan.