"NAPAKASAMA mo talaga! Ito pa ang isusukli mo matapos kang kupkupin ng pamilya ko? Hindi pa ba sapat ang lahat ng ari-arian at kayamanang ipinaubaya ko sa 'yo buhat nang mawala ang aking ama? Ano pa bang gusto mo!?"
Pigil ng sampung taong gulang na si Matthew ang gumawa ng ingay habang pinanonood ang pagtatalo ng mag-asawang umampon sa kanya at ng isang lalaking basta na lang dumating sa bahay nila na may kasamang ilang mga kalalakihan na may mga armas na dala. Nasa kuwarto siya kanina at oras na sana ng kanyang pagtulog nang makarinig siya ng ingay buhat sa ibaba at iyon ang nasaksihan niya nang lumabas siya sa kanyang kuwarto.
Nasa ikalawang palapag ng bahay si Matthew habang nakakubli sa may pader sa itaas ng hagdan. Buhat sa kanyang puwesto ay nakikita niya ang kabuuan ng malawak na sala kung saan niya nasaksihan ang pagbaril at pagpatay sa ilang katulong na kasama nila sa bahay.
Kasalukuyang hawak ng dalawang lalaki ang nagpupumiglas na si Mr. Williams at puno na rin ito ng pasa at sugat sa mukha dahil nanlaban ito kanina. Habang si Mrs. Williams naman ay walang magawa kundi ang tahimik na umiyak habang pinanonood ang asawa dahil may nakatutok ditong baril.
"Ano pang gusto ko? Itinatanong mo kung ano pang gusto ko?" nakangising balik-tanong ng lalaki bago mala-demonyong humalakhak na pumuno sa buong sala.
"Ang gusto ko lahat ng pamamay-ari mo at kayamanan ng iyong ama na ipinamana sa'yo ay maging akin. At kasama na doon ang maganda mong asawa na magiging pagmamay-ari ko naman talaga kung hindi ka lang umeksena," pagpapatuloy ng lalaki bago tinapunan ng tingin si Mrs. Williams habang may kislap ng pagnanasa sa mga mata.
"Huwag mong idadamay sa kasakiman mo ang asawa ko. Ibibigay ko lahat sa 'yo ang pagmamay-ari ko huwag mo lang sasaktan ang pamilya ko."
"Sinungaling!" galit na bulalas ng lalaki nang marinig ang sinabi ni Mr. Williams. "Akala mo ba ay hindi ko malalaman ang tungkol sa itinatago mong ampon? At ano? Siya ang gagawin mong tagapagmana? Sa kanya mo ipamamana ang kayamanan mo at ng angkan natin kaysa sa akin na sarili mong kadugo?"
"Hindi kita kadugo dahil hindi ka totoong anak ni Daddy sa labas. Hindi ko gustong sa ganitong sitwasyon mo malaman ang totoo pero baka matatauhan ka kapag nalaman mo kung ano ang totoo..." wika ni Mr. Williams dahilan para saglit na matigilan ang lalaki.
"Buhat noong una pa lang, nang bigla kang dumating sa bahay kasama ang iyong ina at nagpakilalang anak ka sa labas ng aking ama ay pinaimbestigahan ka kaagad ni Dad. At lumabas na hindi ka niya anak sa labas. Pero noong malaman niyang hindi ka niya kadugo ay kinukupkop ka pa rin ni Dad at itinuring na parang isang tunay na anak. At nang mawala siya, pinamanahan ka rin niya ng ari-arian at kayamanang naipundar niya. Ipinaubaya ko na rin sa 'yo ang ilang ari-arian at kayamanang dapat ay sa akin niya ipamamana dahil kontento na ako sa mga naipundar ko. Tapos ngayon ay ito ang igaganti mo sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa 'yo? Itinuring ka naming kapamilya, itinuring din kitang parang isang tunay na kapatid pero bakit ito ang isinusukli mo? Hindi ka namin itinuring na iba at minahal ka namin na parang isang kadugo," rebelasyon ni Mr. Williams.
"Kasinungalingan! Isang napakalaking kasinungalingan!" galit na sigaw ng lalaki at ilang beses na nagpaputok ng baril na tumama sa ilang kagamitan sa sala. Sinabunutan din nito ang sarili na parang masisiraan ito ng bait dahil sa mga nalaman.
"Alam kong mahirap paniwalaan pero iyon ang totoo. Hindi ka ba nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin dala-dala ang apelyido ni Dad kahit na ipinakilala ka niyang anak sa lahat? Dahil ang totoo ay hindi ka namin kaano-ano at hindi ka namin kadugo. Iyon ang rason kung bakit hanggang ngayon ay isa ka pa ring Agustin at hindi isang Williams," pagpapatuloy ni Mr. Williams dahilan para tila mas lalo pang sumiklab ang galit ng lalaki. Paulit-ulit itong nagpaputok ng baril at wala itong pakialam kung saan at sino ang matatamaan. Tumigil lang ito nang mawalan ng bala ang baril na hawak nito.
"Tumigil ka sa mga kasinungalingan mo! Hindi 'yan totoo! Isa akong Williams! Isa ako sa tagapagmana at dapat makinabang sa kayamanan na mayroon ang pamilya n'yo!" nanggagalaiti at nagngingitngit sa galit na bulyaw ng lalaki habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin kay Mr. Williams.
"Kahit kailan ay hindi ka namin inalisan ng karapatan sa kayamanang mayroon ang pamilya namin. Ibinigay ng aking ama ang lahat sa 'yo maliban sa apelyido niya. Pero bakit hindi pa rin iyon naging sapat sa 'yo? Bakit hindi ka pa rin nakuntento? Ano pang kulang? Bakit kailangang humantong sa ganito?" wika ni Mr. Williams. May dumaang emosyon sa mga mata ng lalaki pero agad din 'yong nawala. Nag-iwas ito ng tingin kay Mr. Williams.
"Kayo na ang bahala sa kanya," wika ng lalaki sa tauhan bago ibinaling ang atensyon kay Mrs. Williams.
"Anong gagawin mo sa asawa ko? Pakawalan mo siya! Huwag mo siyang idamay sa kasamaan mo!" sigaw ni Mr. Williams nang makitang lalapitan nito ang asawa.
"Huwag kang mag-alala dahil kukunin ko lang ang dapat ay naging akin noon pa. Pagsasawaan ko muna ang asawa mo bago ko kayo hayaan muling magsamang dalawa. 'Yon nga lang... baka pareho na kayong mga kaluluwa," nakangising wika ng lalaki bago hinaklit sa braso si Mrs. Williams dahilan para mapatayo ito bago hinila patungo sa hagdan.
"Hayop ka! Pakawalan mo ang asawa ko!" malakas na sigaw ni Mr. Williams at sinubukang magpumiglas sa dalawang lalaking may hawak dito. Nagtagumpay naman itong makawala at nakipagpalitan ito ng suntok sa ilang kalalakihan pero isang putok ng baril ang umalingawngaw sa malawak na sala at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng katawan ni Mr. Williams sa sahig.
"Henry!" umiiyak na sigaw ni Mrs. Williams nang makita ang pagbagsak ng walang buhay na katawan ng asawa sa sahig.
"Napakasama mo! Ano bang nagawa niyang kasalanan para gawin mo ito? Wala kang konsensya! Isa kang demonyo!" umiiyak na wika ni Mrs. Williams habang pinaghahahampas nito ng kamay ang lalaki na siyang bumaril sa asawa. Natigil lang si Mrs. Williams ng pananakit sa lalaki nang pasanin ito na parang isang sako ng bigas kaya ang likod naman ng lalaki ang pinaghahampas nito habang patuloy na nagpupumiglas.
Mabilis na tumakbo si Matthew patungo sa pinakamalapit na kuwarto sa kinaroroonan niya nang makitang paakyat ang lalaki sa hagdan habang pasan nito si Mrs. Williams. Naghanap siya ng puwedeng mapagtaguan at nang makita ang closet ay doon siya pumasok para magtago. Gawa ang sliding door ng closet sa one-way mirror glass kaya nakikita niya ang loob ng kuwarto habang nasa loob siya ng closet pero hindi naman siya nakikita buhat sa labas. At hindi inaasahan ni Matthew na doon dadalhin ng lalaki si Mrs. Williams sa kuwartong kinaroroonan niya.
"Saan n'yo itinatago ang ampon n'yo?" tanong ng lalaki matapos nitong ihagis sa ibabaw ng kama ang walang kalaban-labang si Mrs. Williams.
"Wala siya rito. Ipinadala namin siya sa ibang bansa para doon mag-aral. Huwag mo na siyang idamay, nakikiusap ako..." umiiyak na pakiusap ni Mrs. Williams sa lalaki. Nagsinungaling ito para sa kaligtasan niya.
"Madali naman akong kausap. Pero 'yon nga lang dapat ay may kapalit," nakangising wika ng lalaki bago sinimulang isa-isang alisin ang saplot nito sa katawan. "At siguro naman ay alam mo na kung ano 'yon," dagdag pa nito bago umakyat sa kama at kinubabawan ang kawawang si Mrs. Williams.
"Gagawin ko kahit na anong gusto mo pero mangako kang hindi mo idadamay ang bata," wika ni Mrs. Williams pero isang mapangahas na halik lang ang naging tugon ng lalaki.
Ipinikit na lang ni Matthew ang mga mata para hindi niya makita ang ginagawa ng lalaki kay Mrs. Williams. Tinakpan niya rin ang kanyang tainga para hindi niya marinig ang ingay na nililikha ng dalawa at ang pag-iyak ni Mrs. Williams habang tinitiis ang lahat ng ginagawa ng lalaki sa katawan nito. Ingat na ingat siyang lumikha ng kahit na anong ingay dahil baka mahuli siya ng lalaki.
Hindi alam ni Matthew kung ilang minuto ang lumipas bago siya nakarinig ng putok ng baril kahit na may takip ang kanyang tainga. Dahan-dahan niyang binuksan ang kanyang mga mata at muling bumuhos ang kanyang mga luha nang makita ang walang buhay na hubad na katawan ni Mrs. Williams sa ibabaw ng kama. Tinakpan ni Matthew ang kanyang bibig para pigilan ang hikbing gustong kumawala sa mga labi niya dahil sa sinapit ng mag-asawang umampon sa kanya.
"Patawad pero hindi ako marunong tumupad sa pangako. Hindi ko hahayaang magkaroon ng hadlang para tuluyang mapasa'kin ang lahat ng kayamanan ng mga Williams. Sayang ang sarap mo pa naman sana, 'yon nga lang isa ka na lang tira-tira," dinig ni Matthew na wika ng lalaki habang isinusuot nito ang mga kasuotang hinubad nito kanina.
Nagpakawala si Matthew nang isang malalim na buntong-hininga matapos balikan sa alaala ang nasaksihan noon habang nakatingin sa litrato ng mag-asawang Williams. Hanggang sa mga oras na iyon ay sariwa pa rin sa kanyang isipan ang lahat ng kanyang nasaksihan noong sampung taong gulang pa lang siya, kung paano patayin ang mag-asawang Williams na tumayong mga magulang niya buhat nang ampunin siya ng mga ito. Labinlimang taon na ang mabilis na lumipas pero sariwa pa sa kanyang alaala ang lahat lalo na ang mukha ng taong pumatay sa mag-asawa.
Pitong taon si Matthew ng ampunin ng mag-asawang Williams at mahigit tatlong taon niya lang ang mga itong nakasama. Pero sa ilang taong iyon ay maituturing niyang iyon na ang pinakamasayang tatlong taon sa buhay niya habang kasama niya ang matatawag niyang pamilya na mula pagkabata ay hinahangad at inaasam-asam niya. Nagkaroon siya ng magulang sa pamamagitan ng mga ito. 'Yon nga lang ay pansamantala at tila naging pahiram lamang ang lahat para sa kanya dahil binawi at nawala kaagad ang perpektong pamilyang natagpuan niya dahil sa kasakiman ng isang taong ganid sa yaman.
Lumaki si Matthew sa bahay-ampunan at siya ang suwerteng napiling ampunin ng mag-asawang Williams. Hindi biniyayaan ng anak ang mag-asawa matapos operahan sa matris si Mrs. Williams kaya naisip na lang ng mga itong mag-ampon makalipas ang ilang taon ng mga itong pagsasama bilang mag-asawa. Napakasuwerte ni Matthew dahil sobrang bait ng mag-asawa at itinuring siya ng mga itong parang isang tunay na anak.
Noong una ay hindi muna isinapubliko ang pag-ampon kay Matthew dahil kilala ang Pamilyang Williams sa kanilang lugar. Nabibilang ang pamilya sa isa sa pinakamayamang angkan sa lugar nila kaya hindi agad inianunsyo ang tungkol sa napiling magiging tagapagmana ng mag-asawang Williams. Hindi rin nila gustong biglain si Matthew.
Plano sana ng mag-asawa na ipaalam sa lahat ang tungkol sa kanilang magiging tagapagmana sa nalalapit sanang kaarawan ni Mr. Williams noong sampung taong gulang na si Matthew pero naudlot iyon nang mangyari ang trahedya sa mag-asawa. At kay Matthew lahat mapupunta ang ari-arian at kayamanan ng mag-asawang Williams kapag nasa tamang edad na ito. At nasa kaibigan ni Mr. Williams ang katibayan na nagsisilbing abogado ng mag-asawang Williams na siyang kumupkop kay Matthew nang mamatay ang mag-asawa.
Bilang proteksyon ay hindi muna ginamit ni Matthew ang apelyidong Williams. Ginamit niya muli ang pangalan niya noong nasa bahay-ampunan pa siya. Sa ngayon ay kilala siya bilang isang Matthew Sebastian na isang successful businessman at gagamitin niya ang pangalang 'yon para pabagsakin ang taong pumatay sa mag-asawang Williams. Panahon na para sa paghihiganti niya at gagawin niya ang lahat para mapagbayad ang taong sumira sa pamilyang mula pagkabata ay inaasam-asam niya.