Chapter 2

1502 Words
"SO anong plano mo, bro? Paano mo sisimulan ang paghihiganti sa taong pumatay sa mga magulang mo?" Nag-angat si Matthew ng tingin buhat sa folder na hawak nang marinig ang tanong ni Warren, isa sa kambal na anak ni Mr. Wilson na kaibigan ng kanyang ama. Si Mr. Wilson ang taong kumupkop sa kanya noong nawala ang mag-asawang Williams. Ito rin ang tumatayong abogado ng pamilya niya at kasalukuyang may hawak ng katibayan na sa kanya lahat mapupunta ang kayamanan at ari-ariang naiwan ng mag-asawa. Pagkatapos ng pangyayari noon ay isinama si Matthew ni Mr. Wilson sa ibang bansa at doon siya nag-aral hanggang sa makapagtapos siya. Wala na ang asawa ni Mr Wilson pero may anak itong kambal. Naging kaibigan niya ang kambal na sina Warren at Darren na parang kapatid na ang turing sa kanya. Kasing-edad lang ni Matthew ang kambal at madalas ay nalilito siya sa dalawa dahil identical twins ang mga ito. Ang pamilyang Wilson ang tumayong kanyang pangalawang pamilya mula nang mamatay ang mag-asawang unang kumupkop sa kanya. Makalipas ang limang taon buhat nang kupkupin si Matthew ni Mr. Wilson ay muling nag-asawa ang ginoo pero hindi na ang mga ito biniyaan ng anak. Mabait ang naging bagong asawa ni Mr. Wilson at parang tunay na anak ang naging turing nito sa kanilang tatlo. Tanggap din ng kambal ang bagong asawa ng ama at hindi ang mga ito naging hadlang sa muling pag-aasawa ni Mr. Wilson. Halos tatlong buwan pa lang buhat nang makabalik silang tatlo sa bansa. Naiwan sa ibang bansa ang mag-asawang Wilson dahil sa mga negosyo ng mga ito roon. Inayos muna ni Matthew ang lahat ng dapat na ayusin bago siya nagsimulang kumilos para sa gagawin niyang paghihiganti. At ang kambal ang magiging katulong niya para pabagsakin ang isang Wilfredo Agustin, ang taong pumatay sa mga magulang niya. "Sisimulan ko ang paghihiganti sa pamamagitan ng mga negosyo niya. Unti-unti ko siyang pababagsakin hanggang sa walang matira kahit na isang sentimo sa kanya. Babawiin ko ang lahat ng kayamanang kanyang kinamkam at ibabagsak ko siyang muli sa burak na kanyang pinagmulan," nagtatagis ang bagang na wika ni Matthew bago muling ibinalik ang atensyon sa folder na hawak na naglalaman ng lahat ng tungkol sa taong pumatay sa mag-asawang Williams na nakalap ng kambal. "How about his family, bro? Idadamay mo rin ba sila sa paghihiganti mo?" biglang tanong ni Darren na kasalukuyang kalalabas lang galing sa kusina. May dala itong dalawang mansanas na paboritong prutas ng kambal. Ibinato nito ang isa sa kakambal na nasalo naman ng huli. "Thanks, bro," pasasalamat ni Warren sa kakambal bago kinagatan ang mansanas na bigay nito. Umupo sa tabi nito si Darren na ikinakunot ng noo ni Matthew. "How about me? Where's mine?" kunot-noong tanong ni Matthew kay Darren na ikinakamot nito sa ulo. "Sorry, bro. Nakalimutan kong bumili ng grapes kahapon," nakangiwing wika ni Darren at nag-peace sign pa sa kanya. Kung ang paboritong prutas ng kambal ay mansanas, ang kay Matthew naman ay ubas. Napailing na lang si Matthew sa kambal na abala sa panguya ng mansanas at ibinalik na lang niya ang atensyon sa folder para alamin ang lahat ng tungkol sa isang Wilfredo Agustin at ang tungkol sa pamilya nito. Ayon sa impormasyong nakalap ng kambal ay mayroong dalawang anak si Wilfredo Agustin. Theo ang pangalan ng lalaki na ipinadala ni Mr. Agustin sa ibang bansa noong bata pa ito para doon mag-aral at hindi pa ito bumabalik hanggang ngayon. Nakasaad din doon na nakapagtapos na ito sa pag-aaral at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang sikat na kompanya sa ibang bansa. Tinanggihan din nitong patakbuhin ang negosyo ng sariling pamilya at mas piniling magtrabaho roon. Bettina naman ang pangalan ng babaeng anak ni Mr. Agustin. Isa naman itong modelo at kasalukuyang kasama ng mag-asawang Agustin sa mansion na tinitirhan ng mga ito. Hindi na inalam pa ni Matthew ang lahat ng tungkol sa babaeng anak ni Wilfredo dahil walang koneksyon lahat ng iyon sa negosyo ng ama. Isa lang din ito sa nakikinabang sa kinamkam na yaman ng sariling ama katulad ng ina nito at wala siyang mapapala kung pagtutuunan pa niya ito ng pansin. Wala siyang mahanap na impormasyon tungkol dito na magagamit niya laban sa ama nito. Inalam ni Matthew ang lokasyon ng mansion kung saan kasalukuyang nakatira ang pamilya ni Wilfredo Agustin. At kumuyom ang kanyang kamao nang malamang iyon pala ang mansion kung saan nagmula ang henerasyon ng mga Williams. Kasama iyon sa ipinama sa kanyang ama na kinamkam ni Wilfredo Agustin nang mawala ang kanyang ama. At isa iyon sa pagmamay-ari niya dapat ngayon. Inihagis ni Matthew sa ibabaw ng center table ang folder nang mabasa niya ang lahat ng impormasyon tungkol kay Wilfredo Agustin at sa pamilya nito. Bumuntong-hininga siya dahil hindi pa sapat ang impormasyong nakalap ng kambal para masimulan agad nila ang planong paghihiganti. "Ito lang ba ang nakalap n'yong impormasyon tungkol kay Wilfredo Agustin at sa pamilya niya?" tanong ni Matthew sa kambal na kasalukuyang nag-aagawan sa isang piraso ng mansanas. "Huling piraso na ito at dapat ay sa akin ito mapupunta dahil ako ang bumili nito kahapon," wika ni Darren habang nakikipag-agawan ito sa kakambal. "Bakit kasi ilang piraso lang ang binili mo alam mo namang mabilis maubos ang mansanas dito sa bahay," wika naman ni Warren habang pilit na inaalis ang kamay ni Darren na nakahawak sa mansanas. Kinagat pa nito ang kamay ng kakambal na umani ng malakas na sigaw kay Darren na pumuno sa buong sala. Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa matapos ang nakabibinging sigaw ni Darren. Sabay na tumingin sa kanya ang kambal at parehong napangiwi nang makita ang masama niyang tingin. "May sinasabi ka?" nakangiwing sabay na tanong ng dalawa at parehong nabitawan ang mansanas na gumulong patungo kay Matthew. Dinampot ni Matthew ang mansanas at ipinunas sa kanyang damit bago iyon kinagatan habang nakatingin ang dalawa na parehong nakanganga habang pinanonood siya. "Sa amin 'yan," nakasimangot na wika ni Darren na mabilis na sinang-ayunan ng kakambal nito. "Pinag-aagawan n'yo rin lang naman kaya sa akin na lang," wika ni Matthew bago muling kumagat sa mansanas na ikina-angil ng dalawa. Hindi na lang pinansin ni Matthew ang dalawa habang kinakain niya ang mansanas. Hindi niya makakausap ng matino ang kambal kung hindi mawawala sa paningin ng mga ito ang nag-iisang mansanas na pinag-aagawan ng mga ito kaya nagdesisyon siyang ubusin muna iyon bago ipagpatuloy ang naudlot niyang pag-iimbestiga tungkol kay Wilfredo Agustin at sa pamilya nito. Sa bawat pagkagat ni Matthew sa mansanas ay napapanganga rin ang kambal at sa bawat paglunok niya ay napapalunok din ang mga ito. At sa kanyang huling kagat ay sabay na ibinagsak ng mga ito ang katawan sa sandalan ng sofa na parang pinagbagsakan ang mga ito ng langit at lupa. "Siguro naman ay puwede n'yo na ngayong sagutin ang tanong ko?" nakangising tanong ni Matthew pero inismiran lang siya ng kambal na mahina niyang ikinatawa. Natatawang napailing na lang siya sa pagiging isip-bata ng dalawa... nilang tatlo pala. "Ano ba kasing tanong mo?" napipilitang tanong ni Darren makalipas ang ilang minutong hindi nito pagpansin sa kanya, hindi rin ito nakatiis na ikinangiti niya. "At dahil diyan, ibibili kita ng mansanas mamaya," natatawang wika ni Matthew na mabilis na ikinaliwanag ng mukha ni Darren. "Yes!" masayang sambit pa nito na parang isang batang sobrang nagagalak dahil sa narinig. "Paano ako?" nakasimangot na pagsingit ni Warren. "Para sa inyong dalawa ang bibilhin ko kaya umayos kayong dalawa. Sagutin n'yo ang tanong ko," wika ni Matthew bago muling inulit ang tanong niya kanina. "'Yan lang ang nakalap naming impormasyon tungkol kay Wilfredo Agustin at sa pamilya niya. Mayroon pa kaming isang impormasyon pero hindi pa nga lang kami sigurado kung totoo kaya hindi muna namin isinama diyan. Aalamin muna namin kung totoo o hindi," sagot ni Warren na pumukaw sa atensyon ni Matthew. "And that is?" "Ayon sa nakausap naming ilang naging kasambahay sa mansion... may isang anak na babae pa raw si Mr. Agustin. Nasa mansion lang daw ito at hindi hinahayang lumabas. Nag-imbestiga pa kami tungkol sa bagay na iyon pero wala na kaming ibang makalap na impormasyon kaya hindi rin kami sigurado kung totoo. Para bang isang lihim ang pagkatao ng isa pang anak ni Wilfredo, parang sobrang iniingatan niya ito," sagot ni Darren sa tanong niya. "Hindi n'yo ba nalaman kahit na pangalan man lang niya?" tukoy ni Matthew sa isa pang anak ni Wilfredo. "Thalia... Iyan daw ang narinig nilang pangalan ng isa pang anak na babae ni Wilfredo." "Thalia..." bigkas ni Matthew sa pangalan ng babae. Parang may kung anong emosyon sa dibdib niya ang biglang nabuhay matapos niyang bigkasin ang pangalan ng babae pero hindi niya iyon binigyang-pansin. Natuwa lang siguro siya dahil sa wakas ay may magagamit na siya laban sa taong pumatay sa mga magulang niya. "Mukhang siya na ang magiging susi natin para mapabagsak si Wilfredo Agustin. Siya ang magiging alas natin laban sa kanya kaya kukunin natin siya, by hook or by crook..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD