HUMIHIKBING hinaplos ng pitong taong gulang na si Thalia ang kanyang tiyan nang kumalam ang kanyang sikmura. Malalim na ang gabi subalit hindi pa rin siya dalawin ng antok dahil sa gutom. Naghuhugas siya kanina ng mga plato nang hindi sinasadyang nakabasag siya at bilang parusa ay hindi siya kakain ng hapunan. Ganoon ang patakaran sa bahay na iyon para sa kanya, kapag may nagawang kasalanan ay may kapalit na parusa.
Mabilis niyang pinunasan ang luha sa kanyang mukha nang makarinig ng mahinang katok buhat sa pinto ng kuwartong tinutuluyan niya, kung kuwarto nga bang matatawag ang maliit na espasyo sa basement na puno ng mga lumang kagamitang hindi na ginagamit. Doon na siya lumaki at doon siya itinatago ng kanyang ama kapag may ibang tao sa mansion.
Sa tulong ng malamlam na liwanag na nagmumula sa ilaw ng basement ay nakita niya ang maliit na pigura ng bata na bumababa sa hagdan. Umayos siya ng pagkakaupo nang makitang ang Kuya Theo niya iyon at may dala itong pagkain para sa kanya. Ngumiti ito nang makita siya pero mabilis din iyong naglaho nang makita ang kalagayan niya.
"Pasensiya na kung ngayon lang ako. Hinintay ko pa kasing makatulog sina Mom and Dad," wika nito bago ibinaba sa kanyang harapan ang dala nitong tatlong food container na may mga lamang pagkain. Nagdala din ito ng isang bottled water para sa kanya.
May kinuha itong panyo sa bulsa at ginamit nito iyon para punasan ang kanyang mukha. Inayos din ni Theo ang kanyang buhok at ipinusod iyon. Binasa rin nito ang panyo para punasan ang mga kamay niya.
"Kumain ka na," wika nito.
"Salamat, Kuya Theo," mahinang wika ni Thalia bago sinimulang kumain.
Si Theo ay ang panganay na anak ng kanyang ama. Matanda ito sa kanya ng tatlong taon at mabait ito sa kanya. Madalas ay si Theo ang nagdadala sa kanya ng pagkain kapag napaparusahan siya. Sobra niya itong kasundo at kapatid ang turing nito sa kanya, ibang-iba sa ugaling mayroon ang isa pa nilang kapatid na babae na laging sobrang init ng bait sa kanya, si Bettina.
Madalas kaya siya napaparusahan ay dahil kagagawan nito.
Tahimik lang na kumain si Thalia at nakabantay lang si Theo sa kanya habang kumakain siya. Katatapos niya lang kumain nang marinig nila ang pagbukas ng pinto dahilan para pareho silang matigilang dalawa. Nakaramdam siya agad ng takot hindi para sa kanya kundi para sa kanyang Kuya Theo dahil baka mapagalitan at maparusahan na naman ito dahil sa kanya. Ilang beses na itong nahuling tinutulungan siya kaya ilang beses na rin itong naparusahan dahil sa kanya.
"K-Kuya..." kinakabahang wika ni Thalia habang nakatingin sa kanyang Kuya Theo. Nginitian lang siya nito bago umupo sa tabi niya bago siya nito niyakap.
"Ayos lang ako, Thalia. Ayos lang akong maparusahan, ang mahalaga ay nakakain at nabusog ka," wika ni Theo habang hinahaplos nito ang kanyang buhok.
"Nanay Betty..." wika ni Thalia nang makita ang mayordoma ng mansion na tumayong kanyang pangalawang ina. Ito ang nag-alaga at nagpalaki sa kanya. Pareho silang nakahinga nang maluwag ni Theo.
"Sabi ko na nga at nandito ka, Theo," wika ni Manang Betty nang makita si Theo sa tabi niya.
"Magandang gabi po, Manang Betty," pagbati ni Theo sa ginang.
"Hindi ka ba natatakot na baka mahuli ka na naman ng iyong ama? Mapaparusahan ka na naman dahil sa pagdadala mo ng pagkain kay Thalia," wika ng ginang.
"Ayos lang pong maparusahan ako, Manang Betty. Hindi ko naman po puwedeng hayaang mamilipit sa gutom ang aking kapatid nang dahil lang sa maliit na kasalanang hindi naman niya sinadya," wika ni Theo na ikinahinga nang malalim ni Manang Betty.
"Mahal na mahal mo talaga ang kapatid mo," nakangiting wika ng ginang habang natutuwang nakatingin sa kanilang dalawa.
"Nag-aalala lang ako sa 'yo at baka kung ano na namang gawin sa 'yo ng iyong ama. Hindi ko naman pababayaan itong alaga ko kaya sa susunod ay ipaubaya mo na lang sa akin ang pagdadala ng pagkain sa kanya," pagpapatuloy ni Manang Betty at nakakaunawang tumango naman si Theo. Sampung taong gulang pa lang ito pero mature na itong mag-isip kaya mabilis nitong naintindihan kung ano ang nangyayari sa mansion lalo na ang maling pagtrato ng pamilya niya sa kapatid niyang si Thalia.
"O, siya... Bumalik ka na sa kuwarto mo at ako na ang bahala sa kapatid mo. Huwag kang mag-alala dahil sasamahan ko dito si Thalia at tatabihan ko siyang matulog."
"Sige po, Manang Betty. Salamat po sa pag-aalaga sa kapatid ko," wika ni Theo na ikinatango ng ginang habang may ngiti ito sa labi.
"Aakyat na ako, Thalia. Good night..." paalam ni Theo kay Thalia bago nito hinalikan sa noo ang kapatid. Naluluhang napangiti si Manang Betty nang masaksihan kung gaano kamahal ni Theo ang kapatid kahit na anak lang ito sa labas ng ama. Ibang-ibang sa pakikitungo ng pamilya nito kay Thalia.
Pagkaalis ni Theo ay iniligpit ni Manang Betty ang kinainan ni Thalia. Inayos naman ni Thalia ang tutulugan nila ng kanyang Nanay Betty habang abala ang ginang. Mayroon lumang kutson sa basement at iyon ang ginagamit niya kaya kahit papaano ay komportable ang kanyang nagiging tulog sa gabi. Mayroon ding maliit na banyo roon na sadyang ipinagawa para sa kanya para hindi na niya kailangang umakyat kung sakaling gagamit siya.
"Kamukha ko po ba si Nanay?" tanong ni Thalia kay Manang Betty habang nakahiga sila. Nakayakap siya sa ginang habang hinahaplos naman nito ang buhok niya.
Saglit pang natigilan si Manang Betty nang marinig ang tanong ni Thalia. Sa tinagal-tagal ng panahong nakasama niya ang bata ay iyon ang unang beses na nagtanong ito tungkol sa totoo nitong ina.
"Kamukha mo siya, Thalia. Kasing ganda mo siya, anak," sagot ng ginang habang binabalikan sa isipan ang hitsura ng mukha ng ina ng bata, si Nathalie. Mahigit pitong taon na rin pala nang huli niyang makita ang ina nito at sa ngayon ay wala siyang balita rito. Umaasa na lang siya at lagi niyang ipinagdadasal na sana ay nasa mabuti itong kalagayan mula nang makatakas ito sa mansion.
"Puwede po bang magkuwento kayo ng tungkol kay Nanay?" tanong ni Thalia ay bakas sa boses nito ang pagkamausisa na ikinahinga nang malalim ni Manang Betty.
"Nagmula sa probinsya ang iyong ina. Menor-de-edad pa lang siya nang mamasukan sa mansion bilang kasambahay. Maraming pangarap ang iyong ina at isa na roon ay ang makapagtapos ng pag-aaral kaya siya nakipagsapalaran dito sa lungsod. Lahat ng perang kinikita niya ay iniipon niya para sa kanyang pag-aaral. Habang nandito siya sa mansion, tulad mo ay ako ang nagsilbing ina niya..." pagkukuwento ng ginang habang binabalikan sa isipan ang naging buhay noon ni Nathalie sa mansion.
Isang taon pa lang noon si Theo at si Nathalie ang nagsilbing babysitter nito. Noong una ay naging maayos naman ang lahat pero hindi nagtagal ay napansin niya ang pagiging ilag at pagiging balisa ni Nathalie kapag nasa paligid si Mr. Agustin, ang ama ni Theo. At huli na nang malaman ni Manang Betty ang tungkol sa paulit-ulit na seksuwal na pang-aabuso ng kanilang among lalaki kay Nathalie na inilihim sa kanya ng dalaga dahil sa takot at naging pagbabanta ni Mr. Agustin dito.
Hanggang sa nalaman nilang nagdadalang-tao si Nathalie at wala silang nagawa kundi tanggapin na lang iyon. Wala rin silang nagawa tungkol sa seksuwal na pang-aabuso ni Mr. Agustin sa dalaga dahil maimpluwensiya itong tao at mababalewala rin lang kung sakaling magsusumbong sila na baka maging dahilan pa na pareho nilang ikapahamak. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit walang tumatagal na katulong sa mansion maliban kay Manang Betty na matagal ng katiwala roon.
Napahinga nang malalim si Manang Betty matapos balikan ang nakaraan. Sariwang-sariwa pa sa isipan niya ang lahat lalo na ang pagtitiis ni Nathalie noong nasa mansion pa ito. Kaya kahit papaano ay nakahinga siya nang maluwag nang makatakas doon si Nathalia. Hindi man siya sigurado kung nasa mabuti itong kalagayan ngayon, ang mahalaga ay nakatakas ito sa tila impiyernong kinasadlakan nito noon.
Inayos ni Manang Betty ang kumot sa katawan ni Thalia nang makitang nakatulog na ito. Inayos rin ng ginang ang pagkakahiga nito pero hindi nagtagal ay bumalik ito sa pagkakayakap sa kanya kaya hinayaan na lang niya ang bata dahil tila mas komportable si Thalia habang nakayakap sa kanya.
"Mahal na mahal ka ng iyong ina, Thalia. Nagkataon lang na hindi pa siya handa nang dumating ka at hindi pa niya kaya ang responsibilidad na buhayin ka kaya napilitan siyang iwanan ka sa iyong ama nang tumakas siya. Alam kong hindi mo pa maiintindihan sa ngayon pero sana kapag dumating ang araw na magtagpo ang landas ninyong dalawa... sana ay pakinggan mo ang paliwanag niya at huwag mong ipagdamot ang kapatawarang hihingin niya," wika ni Manang Betty bago hinalikan sa noo si Thalia.