Chapter 4

1547 Words
MALAKAS ang kabog ng dibdib ni Thalia nang makabalik siya sa basement. Sinamantala niya ang pagkakataon nang mawala ang atensyon ng lalaki sa kanya kanina at mabilis siyang bumalik sa basement na hindi nito napapansin. Sobrang bilis ng t***k ng puso niya dahil sa sobrang kaba at medyo habol din niya ang paghinga dahil sa ginawa niyang pagtakbo para mabilis na makaalis sa lugar na hindi niya inasahang may ibang taong makakakita sa kanya. Alam ni Thalia na may mga bisita ngayong araw ang kanyang ama kaya bawal siyang lumabas sa basement. Pinaalalahanan na rin siya ng kanyang Nanay Betty na huwag lalabas dahil baka magalit na naman sa kanya ang kanyang ama at maparusahan na naman siya. Noong bata pa si Thalia ay hindi niya maintindihan kung bakit kailangan niyang magtago kapag may ibang tao sa mansion lalo na kapag may mga bisita ang kanyang ama. Pero habang lumalaki ay naintindihan niya kung bakit at kung ano ang rason ng kanya ama at iyon ay dahil ayaw nitong malaman ng ibang tao na may anak ito sa labas, kailangang manatiling lihim ang pagkatao niya. Mas naintindihan na rin ni Thalia kung bakit iba ang pagtrato at pakikitungo nito sa kanya. Mula umaga ay hindi lumabas sa basement si Thalia tulad ng gusto ng kanyang ama pero makalipas ang ilang oras ay nakaramdam siya ng pagkabagot kaya naisipan niyang lumabas sa pag-aakalang nakaalis na ang mga bisita ng kanyang ama. May sikretong lagusan sa basement patungo sa likod ng mansion na natuklasan niya noong bata pa siya at doon siya dumaan palabas. Plano niyang manatili lamang sa likod ng mansion kung saan siya maraming mga itinanim na halaman na isa sa mga naging libangan niya. Malabo na magawi roon ang mga bisita ng kanyang ama kaya imposible na may makakita sa kanya roon. Kaya hindi inaasahan ni Thalia na mapapadpad sa lugar na iyon ang lalaki dahilan para makita siya nito. Nagulat siya nang masilayan ang lalaki na katulad niya ay parang hindi rin inaasahan nang makita siya dahil sa nakita niyang reaksyon sa guwapo nitong mukha. Nakatulala lang ito habang nakapako ang mga mata sa kanya. Hindi alam ni Thalia kung ilang minutong nakatitig lang sa kanya ang lalaki. Naputol lang iyon nang dumating ang kanyang ama at sinamantala niya ang pagkakataong 'yon para mabilis na umalis na hindi napapansin ng lalaki. Doon siya ulit dumaan sa sikretong lagusan na dinaanan niya kanina palabas sa basement. Hindi mapakali si Thalia habang nasa basement. Alam niyang nakita siya ng kanyang ama at alam din niyang anumang oras ay dadating ito para parusahan na naman siya. At hindi nga siya nagkamali dahil makalipas ang ilang minuto ay bumukas ang pinto ng basement at pumasok doon ang kanyang ama kasunod si Manang Betty na bakas ang pag-aalala sa mukha para sa kanya. "Señor..." kinakabahang sambit ni Thalia nang makalapit sa puwesto niya si Mr. Agustin. Señor o Mr. Agustin ang tawag niya rito dahil inalis nito ang karapatan sa kanya na tawagin niya itong ama. Pero kahit ganoon ay itinuturing pa rin niya itong ama. Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Thalia dahilan para mawalan siya ng balanse. Napaupo siya sa sahig dahil sa lakas ng sampal na natamo niya galing sa sariling ama. Mabilis naman siyang dinaluhan ng kanyang Nanay Betty. "Tama na po, Señor. Maawa po kayo sa bata..." pakiusap ni Manang Betty sa amo. "Huwag kang makialam dito, Manang Betty! Dapat lang na bigyan ng leksyon ang batang 'yan para magtanda!" sikmat ni Mr. Agustin kay Manang Betty. Hinawakan ni Thalia ang kanyang pisngi na tila namanhid dahil sa lakas ng pagkakasampal ng kanyang ama. Hindi lang iyon ang unang beses na pagbuhatan siya ng kamay ng kanyang ama dahil mula nang magdalaga siya ay madalas ay pisikal siya nitong sinasaktan kapag may nagagawa siyang kasalanan bukod pa sa parusang ibinibigay nito sa kanya. At kahit ngayong dalawampu't isa na siyang taon ay sinasaktan pa rin siya nito. May luha sa mga matang nag-angat si Thalia ng tingin sa ama dahilan para makita niya ang galit na mukha nito habang nanggagalaiting nakatingin sa kanya. "Patawad po..." umiiyak na paghingi ni Thalia ng tawad pero nanatili lang ang galit sa mukha ng kanyang ama. "Hindi ba't sinabi ko na sa 'yo na huwag kang lalabas dito lalo na kapag may bisita ako? Napakatigas talaga ng ulo mo!" angil ni Mr. Agustin kay Thalia habang nanlilisik ang mga mata nito. "Patawad po. Hindi na po mauulit..." "Dapat lang! Dahil kapag naulit pa ito, hindi na kita hahayaang makalabas hanggang sa mabulok ka na sa lugar na ito!" galit na wika ni Mr. Agustin. "Kahit kailan ay hindi ka na nagtanda! Manang-mana ka talaga sa katigasan ng ulo ng iyong ina!" dagdag pa nito. Mas lalo pang bumuhos ang mga luha ni Thalia nang marinig ang kanyang ina. Ang kanyang ina na dapat ay kasama niya sa mga oras na iyon para ipagtanggol siya. Ang kanyang ina na dapat ay magpapalakas ng kanyang loob at karamay niya sa lahat ng paghihirap at pagtitiis niya sa loob ng mansion, sa kamay ng sarili niyang ama. Ang kanyang ina na dapat ay yayakap sa kanya sa tuwing gusto na niyang sumuko para sabihin sa kanyang magiging ayos din ang lahat. Lahat iyon ay hindi niya naramdaman dahil iniwan siya ng kanyang ina, iniwan siya ng taong dapat ay kakampi niya. "Huwag siyang palalabasin dito sa basement! Huwag rin siyang dadalhan ng pagkain para magtanda siya! Let's go, Manang Betty!" wika ni Mr. Agustin bago ito tumalikod para lumabas sa basement. Naramdaman ni Thalia ang pagyakap sa kanya ni Manang Betty. "Tahan na, anak. Susubukan kong dalhan ka mamaya ng pagkain. Kapag nagutom ka, 'yong nakatagong biskwit muna ang kainin mo," naaawang wika ni Manang Betty kay Thalia. "Salamat po, Nanay Betty. Sige na po, umalis na po kayo. Baka po madamay pa kayo kapag nagtagal pa kayo rito," sumisinghot-singhot pang wika ni Thalia dahil sa labis na pag-iyak. Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng kanyang Nanay Betty. Alam niyang gusto pa nitong manatili sa tabi niya para samahan at damayan siya pero wala itong magawa kundi ang iwanan siya dahil iyon ang gusto ng kanyang ama. Naiwang mag-isa si Thalia sa basement nang makaalis si Manang Betty. Kahit nanghihina ay pinilit niyang tumayo bago lumapit sa isang malaking lumang salamin na hindi kalayuan sa puwesto niya. Hindi niya maiwasang hindi mahabag sa sarili nang makita ang kalagayan niya. Basang-basa sa luha ang kanyang mukha habang namumula at medyo namamaga na ang kabila niyang pisngi dahil sa sampal na natamo niya sa kanyang ama. Inayos ni Thalia ang sarili bago siya naglakad patungo sa kama at humiga roon. Pakiramdam niya ay sobra siyang nanghihina kaya nagdesisyon siyang matulog muna para magpahinga. Hindi nagtagal ay dinalaw siya ng antok hanggang sa makatulog siya. Hindi alam ni Thalia kung gaano siya katagal nakatulog basta nagising na lang siya na nag-aalburuto na ang kanyang tiyan. Hindi pa rin nakakabalik si Manang Betty para dalhan siya ng pagkain. Nahihirapan siguro itong humanap ng magandang tiyempo para magtakas ng pagkain sa kusina para dalhin sa kanya. Bumangon siya sa kama para kuhanin ang nakatagong tinapay na binili ng kanyang Nanay Betty para sa kanya na kanyang nagiging pantawid-gutom kapag napaparusahan siya. Napahinga si Thalia nang malalim nang makitang dalawang piraso na lang 'yon. Sapat na lang iyon para malamnan ang kumakalam niyang sikmura para mapawi ang kanyang gutom sa gabing iyon. Habang tahimik na kinakain ni Thalia ang tinapay ay biglang sumingit sa isipan niya ang kanyang Kuya Theo. Kumusta na kaya ang Kuya Theo niya? Bakit kaya hindi pa ito bumabalik? Natatandaan ni Thalia na bukod sa kanyang Nanay Betty ay ang kapatid niyang si Theo ang isa pa niyang kakampi sa mansion noong bata pa siya. Madalas ay ito ang kasama niya sa basement kapag napaparusahan siya at madalas ay ito ang nagdadala sa kanya ng pagkain. Pero isang araw ay nalaman na lamang ni Thalia na dadalhin na sa ibang bansa ang kanyang Kuya Theo para doon mag-aral. Natatandaan pa niya na hindi sila mapaghiwalay nang araw na aalis na ito at labis ang iyak nilang magkapatid habang mahigpit na magkayakap. Ayaw ni Theo na iwanan siya pero wala itong nagawa dahil 'yon ang gusto ng kanilang ama. Napilitan din si Theo na umalis dahil tinakot ito ng ama na sasaktan nito si Thalia kapag hindi nito sinunod ang gusto. Humingi lang ito ng pabor sa ama para maayos na makapagpaalam kay Thalia at ipinangako nito sa kapatid na babalikan ito at iaalis sa mansion, sa poder ng kanilang ama. Pero maraming taon na ang nagdaan ay wala pa ring Theo na bumabalik. At walang naging balita sa kapatid si Thalia mula nang umalis ito. Naisip ni Thalia na mag-iiba kaya ang takbo ng buhay niya kung nasa tabi niya ang kanyang Kuya Theo? Ang kanyang Kuya Theo na hindi takot mapagalitan at maparusahan para sa kanya. Ang kanyang Kuya Theo na lagi niyang kakampi at lagi niyang kasama sa tuwing umiiyak siya. Ang kanyang Kuya Theo na lagi niyang tagapagtanggol at laging nag-aalaga sa kanya noong bata pa siya. Ang kanyang Kuya Theo na mahal na mahal siya. Nasaan ka na, Kuya Theo? Pakiusap, bumalik ka na. Balikan mo na ako...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD