Chapter 3

1914 Words
HALO-HALO ang emosyon ni Matthew habang palapit nang palapit ang sasakyang sinasakyan niya sa mansion kung saan nakatira ang pamilya ng mga Agustin. Ilang araw matapos niyang alamin ang tungkol ng lahat kay Wilfredo Agustin at sa pamilya nito ay inutusan niya ang kambal na gumawa ng paraan para magkaharap sila nito. Hindi alam ni Matthew kung ano ang ginawa ng dalawa at hindi nagtagal ay nakatanggap siya ng isang imbitasyon galing kay Mr. Agustin na inaanyayahan siya nito sa mansion kung saan ito nakatira. At ngayon nga ay ilang sandali na lamang at makakaharap na niya ang taong pumatay sa mga magulang niya. Napaayos ng upo si Matthew nang makapasok ang sasakyan nila sa malaking gate ng mansion. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga nang tumigil ang sasakyan. Ilang beses pa siyang huminga nang malalim para pakalmahin ang sarili at bahagya pa siyang nagulat nang tapikin siya ni Darren sa balikat na kasalukuyang katabi niya sa loob ng sasakyan. Hindi siya hinayaan ng kambal na mag-isang humarap kay Wilfredo Agustin at sinamahan siya ng dalawa. "Relax, bro. Nandito lang kami lagi sa likod mo," wika nito. "Nasa tabi ka niya, bro, wala sa likod..." pangbabara ni Warren sa kakambal na mahinang ikinatawa ni Matthew. Kahit kailan talaga, hindi mawawala ang kalokohan ng kambal. Bumaba silang tatlo sa sasakyan at hindi maiwasan ni Matthew ang hindi mamangha nang makita ang mansion. Makaluma ang disenyo nito pero hindi pa rin kakikitaan ng pagkaluma ang bawat parte ng mansion at halatang naaalagaan ito ng maayos. Nagsusumigaw pa rin ito sa karangyaan kahit na ilang henerasyon na ng mga Williams ang nanirahan doon. "Magandang araw po. Hinihintay na po kayo ni Mr. Agustin sa loob," bungad sa kanila ng isang kasambahay nang makababa sila sa sasakyan. Kumunot ang noo ni Matthew nang makita ang suot na uniporme ng babaeng kasambahay. Sobrang iksi ng pang-ibaba nito at sobrang hapit naman ang pang-itaas. At pansin niya rin ang pagiging hindi komportable ng babae sa suot nito. Bahagya itong nakayuko at hindi nag-angat ng tingin sa kanila buhat nang makababa sila sa sasakyan. Iginiya sila nito papasok sa loob. Nang makapasok sa mansion ay mas lalong hindi maiwasan nilang tatlo ang hindi mamangha nang masilayan nila ang loob. Lahat ng kagamitan doon ay mamahalin at wala siyang makitang bagay sa loob ng mansion na hindi sumisigaw sa pera. Marami rin doong mga antigong kagamitan at ilan na roon ang mga sinaunang mga larawan na mga sikat na pintor ang nagpinta noong mga kapanahunan nila at ang ilang banga na may iba't-ibang mga disenyo na alam niyang hindi lang basta banga, matataas ang mga presyo ng mga ito. "Welcome to my humble abode, gentlemen..." Isang boses ang pumukaw sa atensyon nilang tatlo. Sabay-sabay silang lumingon sa pinanggalingan ng boses at lihim na kumuyom ang kamao ni Matthew nang muling masilayan ang mukhang hinding-hindi niya malilimutan kahit na ilang dekada pa ang dumaan. Malaki man ang ipinagbago ng hitsura nito pero hindi maikakaila sa kanya na ito ang taong pumatay sa mag-asawang Williams. Walang iba kundi si Wilfredo Agustin, ang taong kinasusuklaman niya. "My humble abode, my ass. Hindi ito sa 'yo, ulol!" dinig niyang bulong ni Warren sa tabi niya na mahina namang siniko ni Darren para patigilin. Sobra ang pagtitimpi ni Matthew habang kaharap ang taong pumatay sa mga magulang niya. Pinigilan niya ang sariling sugurin si Wilfredo para paulanan ito ng suntok hanggang sa kung hindi ito manghiram ng mukha sa aso. Sabagay, masahol pa naman sa hayop ang asal nito kaya bagay lang dito kung manghihiram ito ng mukha sa hayop. Pero dapat ay mukha ng hayop na babagay sa masamang ugali nito. "Salamat at pinaunlakan ninyo ang aking imbitasyon. Maupo kayo," wika ni Mr. Agustin bago sila nito iginiya patungo sa gitna ng malawak na living room. "Manang Betty!" may kalakasang pagtawag ni Mr. Agustin at hindi nagtagal ay may lumapit ditong isang kasambahay. Sa tingin ni Matthew ay ito ang nagsisilbing mayordoma ng mansion dahil napansin niyang kakaiba ang unipormeng suot nito kumpara sa ibang kasambahay na nakita niya kanina. Mas maayos at desente ang suot nito. "Ano po 'yon, Señor?" tanong ng ginang habang bahagyang nakatungo. "Ipaghanda mo sila ng maiinom," utos dito ni Mr. Agustin. "Masusunod po, Señor," wika ng ginang. Bahagya itong umatras habang nanatiling nakayuko ang ulo bago ito tumalikod nang hindi man lang nag-aangat ng tingin sa kanila. Nag-angat lang ito ng ulo nang makalayo ito sa kanilang puwesto at nang papasok na ito sa kusina. Napatiim ang bagang ni Matthew sa nasaksihan. Hindi niya gusto ang pagtrato ni Wilfredo Agustin sa mga katulong sa bahay lalo na ang tungkol sa masagwang unipormeng suot ng mga ito. Kailangan din ng mga itong yumuko kapag kaharap ang lalaki na parang isa itong Diyos na sinasamba ng mga ito. Para sa kanya ay hindi na iyon tanda ng paggalang o pagkilala sa isang amo dahil halata naman na ginawa ang patakarang iyon sa loob ng mansion para ipamukha sa mga kasambahay na nasa baba lang ang mga ito na kailangang yumuko sa katulad ni Mr. Agustin na nakatataas at amo ng mga ito. Pigil ni Matthew ang emosyon nang magsimula ang pag-uusap nila ni Mr. Agustin tungkol sa negosyo. Plano niyang mag-invest sa ilang mga negosyo ni Wilfredo na naipatayo nito gamit ang kayamanang kinamkam nito sa mga Williams. 'Yon ang target niya ngayon at doon siya magsisimula para unti-unti itong pabagsakin. Hindi niya muna pakikialaman ang negosyo ng kanyang ama na pinapatakbo nito dahil madali lang 'yong bawiin. Presensya niya lang ang kailangan at ang katibayan na siya ang nawawalang tagapagmana ng mag-asawang Williams. "Kayo na pala ang kambal na anak ni Mr. Wilson. Kilala ko ang inyong ama at madalas ko siyang makasalamuha noon dahil kaibigan siya ng kapatid kong si Henry. Sayang nga lang at maaga siyang binawian ng buhay kaya hindi niya kayo ngayon nasisilayan ngayong malalaki na kayo," wika ni Wilfredo nang magpakilala ang kambal at kung sino ang ama nito. Kung hindi lang nila alam ang nangyari noon at kung ano ang ugaling mayroon ang isang Wilfredo Agustin ay baka napaniwala na sila nito at nakuha nito ang simpatya nilang tatlo nang bumakas ang lungkot sa mukha ng lalaki nang banggitin nito ang pagkamatay ng ama niya. Hindi na sila nagtaka kung bakit mabilis nitong nakuha ang simpatya ng mga tao dahil sa galing nitong umarte. Habang tumatagal ay para ng isang bombang anumang oras ay sasabog si Matthew at kung hindi lang niya kasama ang kambal ay baka hindi na siya nakapagtimpi habang kaharap si Wilfredo. Kanina pa siya pinapakalma ng kambal na nakaupo sa magkabila niyang tabi na maya't-maya niyang nararamdaman ang palihim na paghaplos sa kanyang likod para pakalmahin siya. "Ngayon ko lang narinig ang tungkol sa mga Sebastian. Pero salamat at isa ang negosyo ko sa napili mong suportahan. Ngayon pa lang ay sinisiguro ko na sa inyong tatlo na hindi kayo nagkamali sa desisyon ninyo. Makakaasa kayong hindi lang magiging doble o triple ng perang bibitawan ninyo ang perang babalik sa inyo. It's a pleasure to meet you, Mr. Matthew Sebastian," malawak ang ngiting wika ni Wilfredo. Bumaba ang mga mata niya sa kamay nitong nakalahad sa harapan niya para makipagkamay. "It's a pleasure to meet you as well, Mr. Agustin. And thank you for accepting our proposal," wika ni Matthew bago tinanggap ang pakikipagkamay ni Mr. Agustin. Natapos ang pag-uusap nila at nakuha ni Matthew ang tiwala ni Mr. Agustin. Inanyayahan silang tatlo na roon na magtanghalian na mabilis nilang tinanggihan. Pero bago sila umalis ay humingi ng pabor si Matthew na kung puwede ay libutin niya ang mansion na pinaunlakan naman ni Mr. Agustin. Pinasamahan siya nito sa isang kasambahay. Iniwan niya ang kambal sa loob ng mansion na nagkunwaring interesado sa mga mamahalin at antigong kagamitan na naka-dispay sa malawak na sala. Ang kambal na ang bahalang gumawa ng paraan para maging abala si Wilfredo at hindi ito maghinala habang wala siya. Habang naglilibot sa mansion ay lihim na nagmamasid si Matthew para magbakasakali na makikita niya ang isa pang anak na babae ni Wilfredo. Wala ang mag-ina nito sa mansion dahil nagpunta raw ang mga ito sa mall para mag-shopping. "Puwede mo na akong hindi samahan. Saglit lang naman ang gagawin kong paglilibot. Bumalik ka na sa trabaho mo. Maraming salamat," wika ni Matthew sa kasambahay na nakasunod sa kanya. Tila nag-aalangan pa ito kung susundin siya pero iniwan din siya nito at bumalik sa loob ng mansion. Sa paglilibot ni Matthew ay nakarinig siya ng mahinang boses ng babae kaya hinanap niya kung saan nagmumula iyon. Hanggang sa makarating siya sa medyo likod na bahagi ng mansion kung saan maraming mga tanim na halaman at doon niya natagpuan ang babaeng pinagmumulan ng boses na naririnig niya. Nakatalikod ang babae sa gawi niya kaya hindi nito napansin ang kanyang presensya. Idagdag pa na abala ito sa pagkausap sa mga bulaklak na sigurado siyang mga tanim nito. Hindi malaman ni Matthew kung anong dahilan pero biglang bumilis ang t***k ng puso niya habang nakatitig sa likod ng babae. Mahaba at makintab ang nakalugay na medyo alon-alon nitong buhok. Nakasuot ito ng bestida at pansin niya rin ang maputi at makinis nitong balat. "Ahem!" pagtikhim ni Matthew para kuhanin ang atensyon ng babae. Medyo nakonsensya pa siya dahil nakita niya ang pagkagulat nito. Dahan-dahang humarap sa gawi niya ang babae at namilog ang mga mata nito nang makita siya. Habang si Matthew naman ay tila nabato-balani sa taglay na kagandahan ng dalaga. Mala-anghel ang mukha ng babae na mayroong medyo bilugan at kulay tsokolate na mga mata. Mahahaba rin ang mga pilik-mata nito, matangos ang ilong at kulay rosas ang manipis nitong labi. Hindi niya alam kung ilang minutong naghinang ang mga mata nila ng dalaga at naputol lang iyon nang marinig niya ang boses ni Mr. Agustin sa kanyang likuran. "Mr. Sebastian? What are you doing here?" Saglit niyang nilingon si Mr. Agustin pero pagharap niya muli sa kinaroroonan ng babae ay wala na ito sa puwesto nito kanina. Kumunot ang kanyang noo at nilibot niya ng paningin ang lugar pero hindi na niya ito nakita. "I'm sorry, Mr. Agustin. Nalibang lang ako sa paglilibot sa mansion at dito ako dinala ng aking mga paa," wika ni Matthew at marahan namang tumango si Mr. Agustin pero pansin niya ang biglang pagbabago ng awra nito. "Ayos lang, Mr. Sebastian. Tapos ka na bang maglibot?" "Tapos na po. Salamat po sa pagpayag na malibot ko itong inyong mansion." "No problem, Mr. Sebastian. Anytime ay puwede kang bumisita dito sa mansion. Para maipakilala na rin kita sa anak kong si Bettina," nakangiting wika ni Mr. Agustin. Inihatid siya nito sa kinaroroonan ng kambal. "Mag-iingat kayo sa daan. Sana ay paunlakan n'yo ulit ang aking imbitasyon sa susunod," wika ni Mr. Agustin nang ihatid sila nito sa kanilang sasakyan. "Makakaasa po kayo, Mr. Agustin. Salamat po sa mainit na pagtanggap. Aalis na po kami," wika ni Warren bago binuhay ang makina ng sasakyan. "Kumusta, bro? Totoo ba na may isa pang anak si Mr. Agustin? Nakita mo ba siya?" tanong agad ni Darren sa kanya nang medyo makalayo ang sasakyan nila sa mansion. "She's real, bro. She's f*****g real..." sagot ni Matthew dahil sigurado siyang si Thalia ang nakita niya kanina, ang itinatagong anak ni Wilfredo Agustin. "Tuloy ang plano. Dudukutin natin siya..." dagdag niya habang binabalikan sa isipan ang magandang mukha ng dalaga. Hanggang sa muli nating pagkikita, Thalia... He smirked.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD