NAPABALIKWAS si Matthew buhat sa pagkakahiga sa kama nang hindi niya nakita si Thalia sa tabi niya nang magising siya. Tumingin siya sa alarm clock at napamura nang makitang alas-siyete na pala ng umaga. Tinanghali na siya ng gising dahil napuyat siya kagabi dahil sa dalaga. Hindi siya kaagad dinalaw ng antok samantalang sobrang himbing ng tulog ni Thalia sa tabi niya habang nakayakap sa kanya. At halos madaling araw na nang siya ay makatulog.
Paano ba naman siya dadalawin ng antok kung ang pakiramdam niya ay parang nagliliyab ang kanyang katawan dahil sa epekto ni Thalia? Hindi lang iyon dahil nakadantay pa ang isang paa nito sa ibabang bahagi ng kanyang katawan habang yakap siya nito dahilan para lalong magngalit ang nasa pagitan ng kanyang mga hita na nadadaganan ng hita ng dalaga. Kaya nagdesisyon siyang maligo kahit kalagitnaan ng gabi para maibsan at humupa ang init na nararamdaman niya dahil baka kung nagtagal pa iyon ay tuluyan siyang sumabog at si Thalia ang maputukan niya. Hangga't maaari ay ayaw niyang magkasala kay Thalia at samantalahin ang kainosentehan nito.
"Saan na naman siya nagpunta?" tanong ni Matthew na parang may sasagot sa kanya nang hindi niya nakita ang dalaga sa loob ng kuwarto. Pinagalitan niya ang sarili dahil kaya nga siya sa tabi ni Thalia natulog ay para maramdaman niya kung sakaling aalis ito sa tabi niya pero nakaalis pa rin ito nang hindi niya namamalayan. At hindi niya alam kung nasaan ang dalaga sa mga oras na iyon.
Tumakas na naman ba siya?
Nanlaki ang mga mata ni Matthew sa naisip na puwedeng maging dahilan kung bakit wala si Thalia sa kuwarto. Dali-dali siyang bumaba sa kama sa pag-aakalang tumakas na naman ang dalaga. Hindi na siya nag-abalang magsuot pa ng pang-itaas at lumabas siya sa kuwarto na tanging boxer shorts lang ang suot. Muntik pa siyang mahulog sa hagdan dahil sa pagmamadali niya. f**k!
"Warren! Darren!" tawag ni Matthew sa kambal habang bumababa sa hagdan. Dumiretso siya sa kusina at doon niya nakita ang dalawa. At nahinga siya nang maluwag nang makita rin doon si Thalia.
"f**k!" hindi napigilang mura ni Matthew nang makitang may hawak na kutsilyo si Thalia habang abala ito sa ginagawa. Mabilis siyang lumapit sa puwesto nito at kinuha rito ang kutsilyo bago niya masamang tiningnan ang dalawa.
"Bakit n'yo siya hinayaang humawak ng kutsilyo? Paano kung masugatan siya? At bakit siya ang nagluluto?" magkasalubong ang mga kilay na sermon ni Matthew sa kambal na parehong kunot ang noo habang hindi makapaniwalang nakatingin sa kanya. Bahagya pa ang mga itong nakanganga na parang hindi ang mga ito makapaniwala sa naging akusa niya.
"Hala! Bakit parang naging kasalanan pa namin? Nadatnan na namin siya rito sa kusina na abala para ipagluto ka. Pinipigilan pa nga namin siya kanina pero marunong naman daw siyang magluto kaya hinayaan na lang namin siya," wika ni Darren. Bumaling siya kay Warren, tumango ito bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kakambal.
"Nagsasabi po sila ng totoo kaya huwag ka pong magalit sa kanila," pagsingit ni Thalia kaya bumaling ang atensyon niya rito. Huminga si Matthew nang malalim habang nakatingin sa maamong mukha ng dalaga. Sumobra yata ang reaksyon niya. Inosente lang si Thalia, hindi na ito bata na hindi puwedeng humawak ng matatalim na bagay na maaaring makasakit dito.
"Ipagtanggol mo nga kami, Baby Thalia. Agang-aga pa pero ang sungit-sungit na agad ng knight in shining armor mo," wika ni Darren kaya sinamaan niya ulit ito ng tingin pero nginisian lang siya nito.
"O bakit? Selos ka na niyan? Huwag mong sabihin na ipagbabawal mo ring tawagin namin siyang Baby Thalia dahil ikaw lang ang may karapatan?" nakangising dagdag ni Warren sa sinabi ng kakambal na mabilis na ikinaiwas ng tingin ni Matthew. Tila nababasa nito ang iniisip niya. Napailing na lang siya nang marinig niya ang pagtawa ng dalawa. Umiral na naman ang pagiging makulit ng kambal.
Sa halip na patulan ang kakulitan ng dalawa ay ibinaling na lang ni Matthew ang atensyon kay Thalia. "Hindi ako galit. Pero sa susunod huwag kang lalabas ng kuwarto nang hindi ko alam. At hindi mo kailangang magluto dahil ako ang gagawa niyon para sa 'yo, hmm?" wika niya na ikinatango ng dalaga.
"Pasensiya na kung lumabas ako sa kuwarto nang hindi nagpapaalam, ang himbing pa kasi ng tulog mo. Gusto lang sana kitang ipagluto bilang pasasalamat sa mga gamit na ibinigay mo sa akin at sa pagtabi mo sa akin sa pagtulog kagabi," wika ni Thalia at pareho silang napatingin sa kambal nang sabay ang mga itong umubo. Pareho ang mga itong nasamid sa kapeng iniinom ng mga ito. Pinigilan ni Matthew ang tumawa sa hitsura ng dalawa habang kunot-noo namang nakatingin sa mga ito si Thalia.
"Ayos lang kayo?" bakas ang pag-aalala na tanong ni Thalia sa kambal. Sabay ang mga itong tumango.
"Tabi kayong natulog kagabi sa kama?" tanong ni Darren kay Thalia bago ito bumaling sa kanya habang bakas ang pang-aasar sa mukha. Tumango si Thalia dahilan para sumilay ang nakakalokong ngisi sa labi ng dalawa na ikinailing ni Matthew. Heto na naman sila. He sighed.
"Walang nangyari sa amin kaya tigilan n'yo akong dalawa," wika ni Matthew bago pa magsimula ang dalawa, inunahan na niya ang mga ito.
"Talaga ba? At natulog ka sa tabi niya na ganiyan lang ang suot? Nakatiis ka?" nakangising wika ni Warren na tila hindi ito naniniwala sa sinabi niya. Doon lang bumalik sa isipan ni Matthew na naka-boxer shorts lang siya sa mga oras na iyon na ikinamura niya sa isipan.
"So... hanggang kailan mo paninindigan ang pagiging virgin mo? Nasa tabi mo na ang palay, bakit hindi mo pa tukain," pilyong dagdag pa ng kakambal nito.
"Anong pinag-uusan n'yo? Anong palay at tutukain? May alaga kayong manok?" kunot-noong pagsingit ni Thalia na ikinahalakhak ng dalawa na pumuno sa buong kusina. Kahit si Matthew ay hindi rin napigilan ang hindi tumawa sa kainosentehan ng dalaga.
"Bakit kayo tumatawa? May nakakatawa ba sa tanong ko?" nakasimangot na tanong nito.
"Wala. Huwag mo na lang pansinin ang mga pinagsasasabi nilang dalawa," natatawang wika ni Matthew bago marahang pinisil ang kabilang pisngi ni Thalia na lalong ikinasimangot nito.
"Nai-imagine ko na ang magiging first night n'yong dalawa," natatawang wika ni Warren. Ipinilig ni Matthew ang ulo para itaboy ang mga kahalayang biglang pumasok sa isipan niya dahil sa kapilyuhan ng dalawa.
"Kung kailangan mo ng tulong pagdating sa bagay na 'yan, expert kami d'yang dalawa. Magsabi ka lang," nakangising wika ni Darren.
"Tigilan n'yo nga ako," namumula ang mukhang wika ni Matthew na ikinatawa lang ng kambal.
Magkakasama silang tatlong lumaki kaya alam ni Matthew na marami ng naging karanasan ang kambal pagdating sa usaping seksuwal dahil lumaki sila sa isang liberadong bansa. Idagdag pa na may taglay na kapilyuhan ang dalawa habang lumalaki ang mga ito lalo na pagdating sa mga babae noong nag-aaral pa sila kaya hindi na siya nagtaka kung pagdating sa bagay na iyon ay maraming alam ang dalawa.
Umiwas noon si Matthew sa mga bagay na posibleng maging sanhi para mawala ang atensyon niya sa pag-aaral at kasama na roon ang mga babae at night out kasama sina Warren at Darren. Ang nasa isip lang niya noon ay ang makapagtapos sa pag-aaral habang nasa ibang bansa siya at ang makapaghiganti sa taong pumatay sa mga magulang niya. Kaya madalas ay tinutukso siya ng dalawa sa pagiging birhen niya na hindi na lang niya pinapatulan hanggang sa nasanay na lang siya. Wala lang siyang karanasan pero marami siyang alam.
Pinatigil ni Matthew sa pagluluto si Thalia bago siya saglit na nagpaalam sa tatlo. Bumalik siya sa kuwarto at mabilis na naligo bago siya muling bumalik sa kusina para ipagpatuloy ang niluluto ng dalaga. Mabilis lang siyang natapos dahil halos patapos na rin naman si Thalia sa pagluluto nang dumating siya kanina.
"Wow! Ang sarap mo palang magluto. Simula ngayon ikaw na lang ang magluluto dito sa bahay," wika ni Darren nang tikman nito ang niluto ni Thalia. Napailing na lang si Matthew sa kalokohan nito dahil pritong hotdog lang naman ang kinain nito.
Nilagyan niya ng fried rice ang plato ni Thalia at siya na rin ang naglagay ng mga ulam sa plato nito. Nagpasalamat sa kanya ang dalaga na nginitian lang ni Matthew bago niya nilagyan ng pagkain ang plato niya.
"Pero on the second thought huwag na pala. Baka magalit ang isa diyan dahil ang gusto niya ay siya lang ang ipagluluto ng kanyang minamahal na si Thalia," biglang bawi ni Darren na parang nababasa rin nito ang naiisip niya. Ganoon ba talaga siya ka-obvious pagdating kay Thalia kaya madalas ay nahuhulaan ng kambal ang laman ng isip niya?
"Puwede naman po akong tumulong sa pagluluto at sa mga gawaing-bahay. Tinuruan naman po ako ni Nanay Betty. Sanay din naman po ako dahil simula po pagkabata ay gano'n na ang trabaho ko sa mansion," wika ni Thalia dahilan para magkatinginan silang tatlo.
"Hindi mo kailangang gawin dito sa bahay ang mga ginagawa mo sa mansion. Prinsesa ka rito, hindi katulong..." wika ni Matthew pero bulong lang ang huling sinabi niya pero alam niyang hindi 'yon nakaligtas sa pandinig ng dalawang lalaking kasama niya. "At isa pa ay may iba ka nang pagkakaabalahan sa isang araw kaya kami na ang bahala sa mga gawaing-bahay," dagdag ni Matthew na ikinakunot ng noo ni Thalia.
"Pagkakaabalahan?"
"Malalaman mo rin sa isang araw," nakangiting wika ni Matthew. Alam ng kambal ang kanyang plano at tinulungan siya ng dalawa nang sabihin niya sa mga ito ang gusto niyang gawin para sa dalaga. At sigurado siyang magugustuhan iyon ni Thalia dahil iyon na ang magiging simula ng pagbabago nito. Sisimulan na niyang punan at ibigay ang mga ipinagkait dito ni Wilfredo.