"NAKABALIK na si Wilfredo Agustin at alam na niyang nawawala si Thalia. May mga tauhan siyang inutusan para hanapin si Thalia kaya mas mabuti kung mananatili lang si Thalia dito sa loob ng bahay sa ngayon," seryosong wika ni Darren na ikinatiim ng bagang ni Matthew. Kasalukuyan silang nasa salas at pinag-uusapan ang planong pagpapabagsak sa mga negosyo ni Wilfredo at ang tungkol sa pagbabalik nito.
"Kumusta si Manang Betty? Hindi ba siya sinaktan ni Wilfredo? Ang ibang mga kasambahay sa mansion?" bakas ang pag-aalalang tanong ni Matthew. Nagkatinginan ang kambal at doon pa lang ay alam na ni Matthew ang ibig sabihin ng dalawa, sinaktan ni Wilfredo si Manang Betty at ang ibang mga kasambahay sa mansion.
"Napakasama talaga niya! Ang dami nang nadamay na mga inosente sa kahayupan niya!" nagtatagis ang bagang na wika ni Matthew. Humigpit ang kanyang pagkakahawak sa basong may lamang alak at halos mabasag na iyon sa kanyang kamay.
Gustong-gusto na ni Matthew na ilagay sa kanyang mga kamay ang hustisyang nararapat sa pagkamatay ng mag-asawang Williams para matapos na ang lahat pero kapag ginawa niya iyon ay parang wala na rin siyang pinagkaiba kay Wilfredo. Madudungisan lang ng maitim nitong dugo ang mga kamay niya at magiging makasalanan siya. Kaya ipapaubaya na lang niya sa batas ang hustisya para sa pagkamatay ng mga magulang niya pero bago iyon ay sila muna ang kikilos para unti-unting pagbayarin si Wilfredo, ang batas na lang ang bahalang lumitis at tumapos sa kasalanan at mga kasamaang ginawa nito.
Mabilis lang silang makakuha ng impormasyon sa nangyayari sa loob ng mansion dahil mayroong binayarang tauhan ang kambal para magmanman doon. Mayroon din silang tauhan na nagmamanman sa bawat galaw ni Wilfredo maging sa loob ng kompanya nito.
Sa ilang araw na pagkilos ng dalawa para pabagsakin ang kompanya ni Wilfredo ay halos nasa kamay na agad nila ang tagumpay dahil halos kalahati ng mga shareholders ng kompanya nito ang pumanig sa kambal at willing na ibenta sa kanila ang mga shares ng mga ito sa kompanya. Marami na ring mga investors ang umatras dahil sa kagagawan ng dalawa dahilan para mas lalo siyang humanga kina Warren at Darren.
Napakabilis at napakalinis ng mga itong magtrabaho at hindi na siya magtataka kung isang araw ay nakalugmok na sa putikan si Wilfredo dahil sa kagagawan ng kambal. Wala pang alam si Wilfredo na unti-unti nang nagigiba ang haligi ng kompanyang itinayo nito gamit ang perang kinamkam nito sa pamilyang Williams at magugulat na lang ito isang araw sa tuluyang pagbagsak niyon. At sisiguraduhin nilang wala silang ititira kay Wilfredo hanggang sa bumalik ito sa putikang pinagmulan nito.
"Kaya mas mabuting itago muna natin si Thalia dahil ang utos ni Wilfredo sa mga tauhan niya ay kailangang maibalik sa mansion ang dalaga... buhay man o kahit hindi na humihinga," seryosong wika ni Warren at sa isang iglap ay tuluyang nabasag ang basong hawak ni Matthew. Tumulo ang dugo sa sahig galing sa palad niya habang mariin niyang kimkim ang ilang piraso ng bubog galing sa basong nabasag dahil sa matindi niyang pagkakahawak. Sobrang bilis niyang maapektuhan lalo na pagdating kay Thalia.
"Subukan lang niya. Hindi ako magdadalawang-isip na dungisan ang mga kamay ko ng dugo niya oras na may masamang mangyari kay Thalia..." nagngangalit na wika ni Matthew. Gagawin niya ang lahat para hindi na madamay pa si Thalia sa kasamaan ng demonyo nitong ama, sisiguraduhin niyang hindi mahahawakan ni Wilfredo kahit na dulo ng daliri ng dalaga o kahit na ang hibla ng buhok nito. At hindi niya hahayaan na muling pang magkrus ang landas ng dalawa.
"Ang kamay mo..." bakas ang pag-aalala na wika ni Darren nang makita ang dumudugo niyang kamay.
"Ayos lang ako," wika ni Matthew at ipinagsawalang-bahala ang sugat sa kamay niya. Walang paalam na tumayo si Warren at saglit na umalis at pagbalik nito ay may dala na itong first-aid kit. Umupo ito sa tabi niya at walang salitang nilinisan ang sugat niya sa kamay bago nito iyon binalot ng malinis na gasa.
"Sa susunod ay 'wag kang magpapadala at magpapatalo sa emosyon mo. Magagamit 'yan ni Wilfredo laban sa 'yo. Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya, baka dumating ang araw na gamitin niya si Thalia para mapabagsak at matalo ka..." seryosong wika ni Warren matapos nitong gamutin ang sugat niya. Natigilan si Matthew sa narinig at parang bigla siyang natauhan dahil totoo ang sinabi ni Warren. Si Thalia ngayon ang nagsisilbing kahinaan niya, nagsisilbing kahinaan niya ang nararamdaman niya para sa dalaga.
"Hindi namin sinasabing pigilan mo ang nararamdaman mo para kay Thalia. Pero sana ay maging handa ka oras na maging sangkot siya sa laban ninyo ng kanyang ama," dagdag ni Darren sa sinabi ng kakambal nito.
"Sa ngayon ay wala pa akong plano oras na mangyari ang sinasabi ninyong dalawa. Sa ngayon ay poprotektahan ko muna at iiwasang muling mapasakamay ni Wilfredo si Thalia. Hindi ko hahayaang madamay pa siya at maging kasangkapan sa away sa pagitan namin ng kanyang ama," wika ni Matthew na ikinatango ng kambal.
"Huwag kang mag-alala dahil nasa likod mo lang lagi kaming dalawa. Tutulungan ka namin sa abot ng aming makakaya," wika ni Darren na sinang-ayunan ni Warren. Tumango si Matthew at nagpasalamat sa dalawa.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang tatlo ay pare-pareho silang bumalik sa kani-kanilang mga kuwarto para magpahinga. Malalim na ang gabi kaya sigurado si Matthew na tulog na si Thalia na iniwan niya kanina sa kuwarto. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kanyang kuwarto sa pag-aakalang natutulog na ang dalaga pero nakita niya itong gising pa habang nakaupo sa kama at nakatutok ang atensyon sa telebisyon.
"Bakit gising ka pa?" kunot-noong tanong ni Matthew na umagaw sa atensyon ni Thalia buhat sa pinonood nito. Bumaba ang mga mata niya sa damit na suot ng dalaga. Damit niya ang suot ni Thalia, kumuha siguro ito sa closet niya.
"Pasensiya na kung pinakialaman ko ang gamit mo. Mas komportable kasi akong matulog kapag damit mo ang suot ko," wika ni Thalia nang makita nitong nakatingin siya sa damit na suot nito.
"Ayos lang. May suot ka bang pang-ibaba?" hindi napigilang tanong ni Matthew dahil hindi niya makita kung may suot itong pag-ibaba sapagkat natatakpan ng pang-itaas nitong suot ang ibabang bahagi ng katawan ni Thalia dahil malaki para dito ang damit niya.
Tumango ito "Maiksing shorts po..." sagot ni Thalia na ikinahinga ni Matthew nang malalim. Hindi maaaring ganoon lang ang suot nito sa pagtulog lalo na at nagdesisyon siyang sa kama na siya matutulog katabi ng dalaga.
Dumiretso si Matthew sa closet kung saan nakalagay ang mga damit ni Thalia. Hinanap niya ang pajama na binili niya para sa dalaga at nang makita iyon ay ibinigay niya iyon kay Thalia na ikinakunot ng noo nito.
"Ganiyan ang isuot mo tuwing matutulog ka. Simula ngayong gabi ay sa tabi mo na ako matutulog dahil baka tumakas ka na naman," wika ni Matthew pero kumunot ang kanyang noo nang makitang nagliwanag ang mukha ni Thalia, tila nagustuhan nito ang sinabi niya.
"Talaga po?" malawak ang ngiting tanong nito.
"Bakit parang masaya ka pa?"
"Mas gusto ko po kasi ang may katabing matulog. Pakiramdam ko po kasi ay ligtas ako kapag may katabi ako," sagot ni Thalia dahilan para biglang matigilan si Matthew. Ligtas nga ba ang dalaga sa tabi niya? Sa kapahamakang dulot ng ibang tao ligtas ito habang nasa tabi siya nito. Pero pagdating sa kanya? Hindi siya sigurado...
Ipinilig ni Matthew ang ulo para alisin ang mga bagay na tumatakbo sa isipan niya lalo na ang posibleng mangyari habang magkatabi sila ng dalaga sa ibabaw ng kama. Hindi niya puwedeng pairalin ang kapusukan niya dahil baka iyon pa ang maging dahilan para lumayo ang loob ng dalaga sa kanya, hindi man sa ngayon pero pagdating ng araw na makawala ito sa pagiging inosente nito sa maraming bagay. Pero makaya niya kayang pigilan ang sarili na huwag angkinin si Thalia? Kung makaya man niya pero hanggang kailan niya kayang magtiis? Tao siya, hindi bato.
"Ano pong nangyari sa kamay mo?" biglang tanong ni Thalia dahilan para matauhan si Matthew. Hindi niya namalayan na nakaalis na pala ito sa kama at nakalapit na sa kanyang puwesto. Hawak na rin nito ang kanang kamay niyang nasugatan. Suot na rin nito ang pajama na ibinigay niya.
"Wala ito. Aksidente kong nabasag ang baso kanina kaya nasugatan ako," sagot ni Matthew sa dalaga.
"Masakit po ba?" muling tanong nito pero sa halip na umiling ay tumango si Matthew. Napangiti siya nang marahang hipan ng dalaga ang kamay niyang may benda at pinatakan pa nito ng halik iyon.
"Gagaling na po 'yan," parang batang wika ni Thalia na mahinang ikinatawa ni Matthew.
"Salamat, baby..." malawak ang ngiting wika ni Matthew at hindi napigilang patakan ng mabilis na halik sa labi ang dalaga. Bahagyang nagulat ito sa ginawa niya pero hindi nagtagal ay matamis itong ngumiti sa kanya. Mahina siyang tumawa nang humikab ito.
"Malalim na ang gabi. Matulog ka na," wika ni Matthew na ikinatango ni Thalia bago ito bumalik sa kama.
"Hindi ka pa po matutulog?" tanong ng dalaga nang makahiga ito. "Tabi ka na po rito..." dagdag pa nito at tinapik pa ang puwang sa kama sa tabi nito. Napailing at napangiti na lang si Matthew sa pagiging cute ni Thalia. Para talaga itong bata dahil sa kainosentehan nito. My Baby Thalia...
Nakapaglinis na ng katawan si Matthew kanina bago niya iwanan sa kuwarto ang dalaga para kausapin ang dalawa kaya hinubad na lang niya ang kanyang suot na pang-itaas at pang-ibaba, itinira niya lang ang suot niyang boxer shorts. Hindi man lang nag-iwas ng tingin sa kanya si Thalia nang alisin niya ang mga saplot niya sa katawan na mahina niyang ikinatawa. Lumapit siya sa kama at humiga sa tabi ng naghihintay na dalaga.
"Matulog ka na," wika ni Matthew kay Thalia nang makahiga sa tabi nito. Malawak ang ngiting tumango ito at napamura na lang siya nang yakapin siya ng dalaga at isiniksik ang sarili sa katawan niya bago nito ipinikit ang mga mata. Sunod-sunod na mura ang kumalawa sa bibig ni Matthew nang mabilis na naapektuhan ang katawang-lupa niya, lalo na nang maramdaman niya ang pagkabuhay ng nasa pagitan ng kanyang mga hita. Calm down, buddy. Hindi pa ito ang oras para magpasikat ka. God! Anong klaseng parusa 'to? Tukso, layuan mo ako...