"BAKIT sila naghahalikan?" hindi maiwasang tanong ni Thalia habang nakatutok ang mga mata sa telebisyon kung saan may dalawang taong magkalapat ang mga labi habang magkayakap ang mga ito. Kasalukuyan siyang nasa salas kasama ang kambal na tulad niya ay nakatutok din ang atensyon sa pinanonood. Wala si Matthew dahil umalis ito pagkatapos nilang kumain ng almusal nang makabalik sila sa bahay at halos dalawang oras na itong nasa labas.
Sabay na umubo ang dalawa bago ang mga ito hindi makapaniwalang tumingin sa kanya.
"May inosente nga pala tayong kasama," natatawang wika ni Warren.
"Dahil magkasintahan sila?" tila hindi siguradong sagot ni Darren na ikinakunot lang ng noo ni Thalia. Magkasintahan? Ano 'yon?
"Dahil mahal nila ang isa't isa?" tila hindi rin siguradong sagot ng kakambal nito bago ang mga ito nagkatinginan at ngumiwi sa isa't isa.
May mali ba sa tanong niya?
"Sandali lang... Bakit mo alam na naghahalikan sila?" mayamaya ay tanong ni Darren at sa hindi malamang dahilan ay biglang nag-init ang magkabilang pisngi ni Thalia nang maalala ang paglalapat ng mga labi nila ni Matthew kahapon. Tila napansin iyon ng dalawa dahil sabay ang mga itong mahinang tumawa habang nakatingin sa kanya.
"Naglapat kasi ang mga labi nila at ang sabi sa akin ni Matthew ay halik daw ang tawag do'n. Katulad ng ginawa niya sa akin kahapon," sagot ni Thalia na ikinangisi ng dalawa.
Umayos sina Darren at Warren sa pagkakaupo bago ang mga ito humarap kanya. Pare-pareho silang nakaupo sa isang mahabang sofa at napapagitnaan siya ng kambal. At kung kanina ay sa telebisyon nakatutok ang atensyon ng dalawa, ngayon naman ay nakatutok na ang atensyon ng mga ito sa kanya habang hindi nawawala ang nakakalokong ngiti sa mga labi ng mga ito.
"Anong naramdaman mo nang maglapat ang mga labi n'yo ni Matthew?" tanong ni Darren. Saglit na natigilan si Thalia habang inaalala ang tagpo sa pagitan nila kahapon ni Mattew. Ano nga ba ang naramdaman niya?
"Bumilis ang t***k ng puso ko," inosenteng sagot ni Thalia dahil iyon ang naramdaman niya kahapon habang magkapalat ang mga labi nila ng binata.
"Hindi ka ba natakot? Hindi ka ba nagalit? Bakit hindi mo siya itinulak palayo nang halikan ka niya?" tanong naman ni Darren na muling ikinakunot ng noo ni Thalia. Umiling siya sa dalawa.
"Bakit ako matatakot? Bakit ako magagalit? At bakit ko siya itutulak? Mali ba ang ginawa niya?" naguguluhang tanong ni Thalia. Nagkatinginan ang dalawa bago ang mga ito sabay na bumuntong-hininga.
"Anong pinag-uusapan n'yong tatlo?" boses ni Matthew na kumuha sa atensyon nilang tatlo. Sabay-sabay silang lumingon sa pinto kung nasaan ang binata na kasalukuyang kararating lang. Bumaba ang mga mata ni Thalia sa magkabilang kamay nito na maraming bitbit.
Mabilis na tumayo si Thalia at lumapit kay Matthew para tulungan ito sa mga dala nito. Sinilip niya ang laman ng mga plastic bags at agad na napangiti nang makitang mga damit iyon at iba pang mga gamit. Sigurado siyang para ang lahat ng iyon sa kanya dahil mga pambabae ang lahat ng gamit na dala ng binata.
"Para sa 'yo lahat 'yan. Sabihin mo lang kung may iba ka pang kailangan para mabili ko," wika ni Matthew nang makitang isa-isa niyang tinitingnan ang laman ng mga plastic bags at paper bags na dala nito nang makaupo sila.
"Salamat," wika ni Thalia bago malawak na nginitian ang binata na mabilis na ikinaiwas ng tingin nito sa kanya. Narinig niya ang mahinang pagtawa ng kambal kaya bumaling ang atensyon niya sa dalawa, ganoon din si Matthew. Nasa kanilang dalawa pala ang atensyon ng kambal.
"Anong pinag-uusapan n'yo kanina?" seryosong tanong ni Matthew sa kambal na parehong namilog ang mga mata. Muling nagkatinginan ang dalawa.
"W-Wala... May pinag-uusapan ba tayo kanina. Wala, 'di ba?" pagmamaang-maangan ni Darren na agad namang sinang-ayunan ng kakambal nito.
Napalunok si Thalia nang bumaling sa kanya ang atensyon ni Matthew. "Thalia?" tanong nito sa kanya. "Masama ang magsinungaling," dagdag pa ng binata.
Umiling-iling sa kanya ang kambal na parang sinasabi ng mga itong huwag niyang sasabihin ang tungkol sa pinag-uusapan nila kanina. Kumunot ang noo ni Thalia dahil wala namang masama sa pinag-uusapan nila kanina kaya bakit parang takot na takot sina Warren at Darren na malaman iyon ni Matthew.
"Tungkol sa halik ang pinag-uusapan namin kanina. Itinatanong nila sa akin kung ano ang naramdaman ko kahapon nang maglapat ang mga labi nating dalawa. Kung hindi ba daw ako natakot o nagalit. At bakit daw hindi kita itinulak," tapat na sagot ni Thalia sa tanong ni Matthew.
"Mali ba ang ginawa mo kahapon dahilan para dapat na magalit at matakot ako sa 'yo?" naguguluhang tanong niya sa binata.
"Lagot..." bulong ng kambal na hindi nakaligtas sa pandinig ni Thalia.
"M-May pupuntahan pa pala kami. Maiwan na namin kayo ritong dalawa," nauutal na wika ni Darren bago ito mabilis na tumayo at hinila palabas ng bahay ang kakambal.
"Saan ang mga 'yon pupunta?" kunot-noong tanong ni Thalia habang nakatingin sa dalawang nagmamadaling lumabas. Tumingin siya kay Matthew at nahuli pa niya itong masamang nakatingin sa pintong nilabasan ng dalawa. Galit ba ito? Pero bakit?
"Huwag mo na lang silang pansinin," wika ni Matthew na ikinatango na lang ni Thalia. Ibinalik na lang niya ang atensyon sa mga gamit na binili ng binata para sa kanya at muling sumilay ang matamis na ngiti sa labi niya habang isa-isang tinitingnan ang mga 'yon.
"Ang ganda..." malawak ang ngiting wika ni Thalia habang hawak ang isang bestida. Isinuot niya iyon para isukat at mas lalo siyang natuwa nang makitang sakto lang iyon sa kanya. Tila alam ni Matthew ang sukat ng katawan niya.
Tumayo si Thalia sa harapan ng binata at ilang beses na umikot habang hawak ang bahagyang nakataas na laylayan ng sinukat niyang bestida kaya sumasabay iyon sa pag-ikot niya. Pakiramdam niya sa mga oras na iyon ay para siyang isang prinsesa na nakikita niya noon sa palabas sa telebisyon na umiikot at sumasayaw habang may suot na magandang kasuotan na sumasabay sa bawat galaw at pag-ikot ng katawan nito.
"Ang ganda nga..." dinig niyang wika ni Matthew habang bakas ang pagkamangha sa mukha na pinanonood siya. Pero sa mukha niya ito nakatingin, hindi sa bestidang suot niya.
Sinukat ni Thalia ang lahat ng bestidang binili ng binata at lahat ng iyon ay sakto sa sukat ng kanyang katawan. Mayroong hanggang tuhod ang haba at mayroon ding hanggang paa. Lahat iyon ay nagustuhan niya.
"Nagustuhan mo ba ang lahat ng binili ko para sa 'yo?" tanong ni Matthew nang matapos siya sa pagsusukat.
"Sobra ko pong nagustuhan. Marami po ulit salamat para rito," malawak ang ngiting wika ni Thalia na mahinang ikinatawa ng binata.
Tiningnan pa niya ang ibang mga gamit na binili ni Matthew. Bubuksan na sana ni Thalia ang isang paper bag para tingnan kung anong laman niyon pero mabilis siyang pinigilan nito. Kinuha ni Matthew ang paper bag sa kanya.
"Mamaya mo na ito tingnan sa kuwarto," wika ng binata na ikinakunot ng noo ni Thalia.
"Dito ko na lang po titingnan," wika ni Thalia bago pilit na kinuha ang paper bag kay Matthew pero hindi nito iyon ibigay sa kanya.
"Sa kuwarto mo na lang ito buksan."
"Dito na lang po."
"Huwag makulit, Thalia."
"Bakit kasi ayaw mong buksan dito? Para sa akin naman 'yan."
"Ako ang bumili nito kaya ako ang masusunod."
"Pero bigay mo na sa akin 'yan."
Para silang mga batang nagtatalo habang nag-aagawan sa paper bag hanggang sa hindi sinasadyang masira at mapunit iyon dahilan para mahulog ang mga laman niyon. Kumunot ang noo ni Thalia nang makitang mga damit-panloob lang pala ang laman ng paper bag na ipinagdadamot ni Matthew sa kanya.
"Mga damit-panloob lang pala. Bakit ayaw mong ipakita?" nagtatakang tanong ni Thalia at nag-angat ng tingin kay Matthew. Pansin niya ang pamumula ng mukha nito habang hindi magawang tumingin sa kanya.
Isa-isang dinampot ni Thalia ang mga damit-panloob na nasa pagitan nila nila ng binata. Isa-isa niyang tiningnan at siniyasat iyon sa harapan ni Matthew at base sa magandang tela at iba't-ibang magandang mga disenyo ng mga damit-panloob ay masasabi niyang mamahalin ang lahat ng iyon. At kahit sa parteng iyon ay tila alam ni Matthew ang sukat niya dahil tama ang sukat ng mga damit-panloob na binili nito para sa kanya.
"Ayos ka lang ba? Bakit sobrang namumula ang iyong mukha?" tanong ni Thalia nang muli siyang mag-angat ng tingin sa mukha ni Matthew. Binitawan niya ang damit-panloob na hawak niya bago idinikit ang kamay sa noo nito at namilog ang mata ni Thalia nang maramdamang sobrang taas ng temperatura ng katawan nito.
"Bakit sobrang init mo? Nilalagnat ka ba?"
"A-Ayos lang ako. Hindi ako nilalagnat," nauutal na sagot ni Matthew bago tila napapaso na dumistansya sa kanya. "Mauuna na ako sa kuwarto," dagdag nito bago tumayo at walang lingon-likod na iniwanan siya sa salas.
"Anong nangyari sa kanya?" kunot-noong tanong ni Thalia habang nakasunod ang mga mata sa binata na kasalukuyang umaakyat sa hagdan.