Chapter 12

1687 Words
"PAHINTAY lang po, Itay. Kukuha lang po ako ng pambayad sa loob," wika ni Thalia sa matandang lalaki na nagpasakay sa kanya patungo sa mansion. "Huwag na, anak. Hindi naman ako namamasada ngayong araw. Nagkataon lang na dito ang daan ko kaya isinakay na kita nang makita kita kanina sa tabing daan," wika ng ginoo na ikinangiti ni Thalia. "Salamat po kung ganoon, Itay. Mag-iingat ka po sa daan," nakangiting wika ni Thalia. Ngumiti sa kanya ang matandang lalaki at tumango bago nito muling pinatakbo ang tricycle na sinakyan niya patungo sa mansion. Kumaway pa siya sa papaalis na ginoo hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin niya. Humarap si Thalia sa malaking gate ng mansion bago pinindot ang doorbell sa gilid niyon. Maaga pa pero sigurado siyang gising na ang mga tao sa mansion lalo na ang Nanay Betty niya. Hindi siya sigurado kung nakabalik na ang pamilya ng kanyang ama buhat sa bakasyon pero umaasa siya na sana ay wala pa ang mga ito sa mansion dahil sigurado siyang mapaparusahan na naman siya oras na malaman ng kanyang ama na ilang araw siyang nawala. Baka akalain ng mga ito na tumakas siya. "Nanay Betty! Ako po ito, si Thalia! Pabukas po ng gate! Nakabalik na po ako!" sigaw ni Thalia habang sunod-sunod na pinipindot ang doorbell. Habang naghihintay sa labas ng gate ay bumalik sa isipan ni Thalia ang tatlong lalaki na tinakasan niya, si Matthew at ang kambal na sina Warren at Darren. Kanina pagkagising niya ay sinamantala niya ang pagkakataon na tulog pa si Matthew na kasama niya sa kuwarto para bantayan siya. Walang ibang tao sa loob ng bahay nang makalabas siya sa silid ng binata kaya malaya siyang nakalabas ng bahay na walang nakakahuli sa kanya. Hindi rin niya nakita ang kambal at wala siyang nakitang kahit na isang nagbabantay sa loob at labas ng bahay. Tila nagsinungaling lang sa kanya si Matthew nang sabihin nito noon sa kanya na maraming nagbabantay sa labas para hindi niya subukang tumakas. Nang tuluyang makalabas sa bahay si Thalia ay hindi niya alam kung saan at aling direksyon ang tatahakin niya dahil hindi niya alam ang lugar na kanyang kinaroroonan. Hindi niya alam kung saan ang daan pabalik sa mansion at hindi niya rin alam ang lokasyon niyon. Ito ang isa sa ikinatatakot niya kaya hindi siya tumakas sa mansion dahil wala siyang alam pagdating sa labas. Habang nasa labas ng bahay si Thalia kung nasaan ang tatlong lalaki, nagdadalawang-isip siya kung itutuloy pa ba niya ang kanyang pagtakas. Natatakot siya na baka kung anong masamang mangyari sa kanya oras na lumayo siya sa lugar na iyon. Pero nang maisip ni Thalia ang kanyang Nanay Betty ay nagdesisyon siyang lisanin ang lugar kung nasaan ang tatlo. Bahala na kung anong mangyari sa kanya at kung saan siya mapunta pero kailangan niyang makabalik sa mansion dahil sigurado siyang sobrang nag-aalala na ang ginang sa kanya. Kahit hindi sigurado ay tinahak ni Thalia ang daan sa kanyang kaliwa kahit na hindi niya alam kung saan siya dadalhin niyon. Naglakad lang siya nang naglakad hanggang sa makalayo siya sa bahay na kinaroroonan ng tatlong binata. Halos kalahating oras din siyang naglalakad nang may isang tricycle ang tumigil sa tapat niya sakay ang isang ginoo na tinanong kung saan siya pupunta. Nang sabihin ni Thalia na sa mansion ng mga Agustin siya tutungo ay pinasakay siya ng ginoo dahil sa direksyong iyon din daw ito dadaan. Noong una ay nagdalawang-isip pa si Thalia kung sasakay ba siya o hindi dahil hindi niya kilala ang matandang lalaki pero sa huli ay sumakay pa rin siya. Dahil bukod sa hindi niya alam kung saan ang lokasyon ng mansion, malayo rin daw 'yon ayon dito. Sa tingin naman niya ay mapagkakatiwalaan ang ginoo dahil mukha naman itong mabait at hindi naman siya nagkamali daw inihatid siya nito sa mansion. Medyo nakakuwentuhan pa niya ang ginoo habang nasa biyahe sila. Sa hindi malamang dahilan ay biglang bumigat ang pakiramdam ni Thalia habang iniisip ang tatlong lalaki. Makikita pa kaya niya ang mga ito? "Thalia? Anong ginagawa mo rito? Bakit ka bumalik?" boses ni Manang Betty na kumuha sa atensyon ni Thalia. Hindi niya namalayan ang pagbukas ng gate dahil ang tatlong binata ang laman ng isipan niya. "Nanay Betty..." naluluha sa tuwang wika ni Thalia bago mahigpit na niyakap ang ginang. Niyakap siya nito pabalik pero hindi rin nagtagal ay humiwalay ito sa kanya. Kunot-noo siya nitong tinitigan na parang nagtataka ito kung bakit naroon siya. "Bakit ka nandito? Hindi ka na dapat bumalik pa," wika ni Manang Betty dahilan para maguluhan si Thalia. Tila hindi nagustuhan ng ginang ang pagbalik niya. Tila may kung anong bagay ang dumagan sa dibdib niya dahil biglang bumigat ang kanyang pakiramdam. "Ayaw n'yo na po ba sa 'kin? Bakit parang hindi po kayo natuwa nang makita ako?" nasasaktang tanong ni Thalia. Tuluyang bumagsak ang kanyang mga luha. "Hindi sa ganoon, hija. H'wag kang umiyak," pagpapatahan sa kanya ni Manang Betty habang pinupunasan ang luha sa kanyang mukha. "Masaya ako na makita ka pero mas mabuti kung hindi ka na bumalik dito. Mas mabuti kung nanatili ka na lang sa piling ni Matthew," dagdag ng ginang. Kumunot ang noo ni Thalia nang marinig ang pangalan ng lalaking dumukot sa kanya. "Paano n'yo po nakilala si Matthew?" naguguluhang tanong ni Thalia. "Nagpunta siya rito kahapon. Sinabi niyang dinukot ka niya at pinuntahan niya ako para alamin ang lahat ng impormasyon tungkol sa 'yo. Mabait na tao siya, Thalia. Hindi ka na dapat umalis sa poder niya," sagot ni Manang Betty dahilan para malinawan si Thalia. "Si Matthew ang makakatulong sa 'yo para makaalis sa lugar na ito, siya ang makakatulong sa 'yo para tuluyan kang makawala sa mga kamay ng ama mo. Siya rin ang makakatulong sa 'yo para makamit ang kalayaan na hinahangad mo," dagdag nito. "Pero paano po kayo? Sumama na lang po kayo sa 'kin. Baka po kung anong gawin niya sa 'yo," nag-aalalang wika ni Thalia na ikinailing ng ginang. "Huwag mo na akong alalahanin. Ang sarili mo ang alalahanin mo," wika nito habang hinahaplos ang pisngi niya. "Sige na, bumalik ka na sa kanya. Ngayon ang balik ng iyong ama, baka maabutan ka pa niya rito," dagdag ni Manang Betty dahilan para muling umagos ang luha sa mukha ni Thalia. Hindi niya maiwasan ang hindi mag-alala para sa Nanay Betty niya. Baka kung anong gawin dito ng kanyang ama. "Pero hindi ko po alam ang daan pabalik. At baka po galit sila sa akin dahil tumakas ako," malungkot na wika ni Thalia. "Huwag kang mag-alala dahil nandito na sila," nakangiting wika ni Manang Betty habang nakatingin sa likuran niya. Tiningnan ni Thalia ang tinitingnan ng ginang at nakita niya ang isang paparating na sasakyan. Hindi nagtagal ay tumigil iyon sa tapat nila at iniluwa niyon ang tatlong binata habang nag-aalalang nakatingin sa kanya. At sa iglap ay natagpuan na lang ni Thalia ang sariling nakakulong sa mainit na mga bisig ni Matthew habang mahigpit siyang yakap. "f**k! Pinag-alala mo ako, Thalia..." dinig niyang wika nito habang yakap siya. Hindi rin nagtagal ay pinakawalan siya nito. "Bakit ka tumakas? Paano ka nakarating dito?" magkasunod na tanong ni Matthew. Bakas pa rin ang pag-aalala sa mukha nito habang nakatingin sa mukha niya. "Mamaya n'yo na 'yan ituloy. Kailangan n'yo nang umalis at baka maabutan pa kayo rito ni Mr. Agustin," pagsingit ng ginang na kumuha sa atensyon nila. "Sige na, Thalia. Sumama ka na sa kanila," wika ni Nanay Betty sa kanya bago nito ibinaling ang atensyon kay Matthew. "Ikaw na ang bahala sa kanya. Alagaan mo siyang mabuti," wika nito na ikinatango ng binata. Hinawakan ni Matthew ang kanyang braso bago siya nito iginiya papasok sa sasakyan. "Aalis na po kami," wika nito kay Manang Betty nang makaupo ito sa tabi niya. Aktong isasarado na nito ang pinto ng sasakyan pero pinigilan niya ito. "Sumama na po kayo sa 'min, Nanay Betty," wika ni Thalia dahil natatakot siya sa maaaring gawin ng kanyang ama sa ginang. Sigurado siyang madadamay ang lahat ng katulong sa mansion kapag nalaman ng kanyang ama na nawawala siya, lalo na ang Nanay Betty niya. "H'wag mo akong alalahanin, hija. Ayos lang ako rito. Hindi ako puwedeng umalis dahil hihintayin ko pa ang pagbabalik ng Kuya Theo mo. Alam kong mag-aalala siya kapag nalaman niyang wala tayong dalawa sa mansion kaya mas mabuting maiwan muna ako rito. Pangako aalis ako rito kapag bumalik na ang kapatid mo. Hahanapin kita, hahanapin ka namin ni Theo," wika ni Manang Betty bago siya nito nginitian. "Heto po ang business card ko. Nariyan po ang contact number ko kung sakaling kailangan n'yo ng tulong. Tawagan n'yo lang po ako kapag may kailangan kayo," wika ni Matthew bago may ibinigay kay Manang Betty. "Salamat, hijo. Sige na, umalis na kayo. Mag-iingat kayo sa daan," wika ng ginang. Tumango si Matthew bago isinarado ang pinto ng sasakyan. Habang nasa biyahe ay namayani ang katahimikan sa pagitan nilang apat. Pinakikiramdaman ni Thalia ang tatlong lalaki, ang kambal na parehong nakaupo sa unahan at si Matthew na nakaupo sa tabi niya na dinig niya ang maya't-mayang pagbuntong-hininga habang nakatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan. "Patawad po. Hindi na po mauulit. Pangako po, hindi na po ako tatakas..." basag ni Thalia sa katahimikan. Humarap sa kanya si Matthew na ikinalunok niya. Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa kanya. "Siguraduhin mo lang na hindi na mauulit dahil sa susunod ay hindi na ako madadalawang-isip na parusahan ka. At sisiguraduhin kong hindi ka makakalakad sa gagawin ko sa 'yo oras na tumakas ka pa, maliwanag ba?" seryosong wika ni Matthew na ikinabilog ng mga mata ni Thalia. "P-Puputulin mo ang mga paa ko?" inosenteng tanong niya habang namimilog ang mga mata. Narinig ni Thalia ang pagtawa ng kambal sa unahan na ikinakunot ng noo niya. "Your innocence is killing me, baby..." dinig niyang bulong ni Matthew bago nito ibinalik ang atensyon sa labas ng bintana. Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pinipigilan nitong ngiti na lalong ikinakunot ng noo ni Thalia. May nakakatawa ba sa sinabi niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD