Chapter 9

2067 Words
"AKO po ang dumukot kay Thalia," sagot ni Matthew sa ginang na ikinabilog ng mga mata nito. "Dumukot? Bakit mo siya dinukot? Anong plano mong gawin sa kanya? Diyos ko! Huwag mo sanang pabayaang masaktan ang alaga ko," bulalas ni Manang Betty nang marinig ang sinabi ni Matthew. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala para sa dalaga. "Huwag po kayong mag-alala dahil wala po akong planong saktan siya. At kaya po ako nagpunta rito ay para makausap kayo tungkol kay Thalia, tungkol sa buong pagkatao niya," wika ni Matthew na tila ikinahinga nang maluwag ni Manang Betty. Nabawasan rin ang pag-aalala na nakalarawan sa mukha nito. "Mabuti kung ganoon. Pero anong motibo mo at dinukot mo si Thalia? At paano mo nalaman ang tungkol sa kanya?" kunot-noong tanong ni Manang Betty. "Plano ko po sana siyang gamitin sa paghihiganti kay Wilfredo Agustin. Nag-imbestiga po ako tungkol sa kanya kaya ko po nalaman ang tungkol kay Thalia," sagot ni Matthew na lalong ikinakunot ng noo ng ginang. "Paghihiganti?" Marahang tumango si Matthew pagkatapos ay huminga nang malalim. "Pinatay po ni Wilfredo ang mga magulang ko, ang mag-asawang Williams," sagot ni Matthew na muling ikinabilog ng mga mata ni Manang Betty. "I-Ikaw ang nawawalang tagapagmana ng mga Williams?" gulat na anas ng ginang. Muling tumango si Matthew. "At bumalik po ako para maghiganti. Bibigyan ko ng katarungan ang pagkamatay ng mag-asawang Williams. Babawiin ko po ang mga kayamanang kinamkam ni Wilfredo Agustin na pagmamay-ari ng mga magulang ko," walang emosyong wika ni Matthew habang bakas sa mukha ang poot at galit para sa taong pumatay sa mga magulang niya. At hindi siya titigil hangga't hindi niya naibibigay ang hustisya para sa pagkamatay ng mag-asawa. "Ako na ang nakikiusap sa 'yo, hijo... huwag mong idadamay si Thalia sa paghihiganti mo. Wala siyang kinalaman sa kasalanan ng kanyang ama. Katulad ng pamilya mo, biktima lang din siya ng kasamaan at kalupitan ng ama nito. Bunga lang din si Thalia ng seksuwal na pang-aabuso ni Mr. Agustin sa isang katulong," pakiusap ni Manang Betty. Saglit na natigilan si Matthew nang marinig ang sinabi ng ginang. Kung ganoon, nagsasabi ng totoo si Thalia. Totoo ang lahat ng sinabi nito sa kanya. "Kaya po ako nagpunta rito ay para malaman kung nagsasabi siya ng totoo. Marami rin po akong kakaibang napapansin kay Thalia kaya gusto ko po kayong makausap tungkol sa kanya. Puwede ko po bang malaman kung anong klaseng buhay ang mayroon siya sa loob ng mansion? At kung bakit parang lumaki siyang walang alam?" tanong ni Matthew base sa napansin niya sa dalaga sa ilang araw na nakasama niya ito. Tinitigan siya ni Manang Betty na tila binabasa nito ang kanyang pagkatao. Hindi rin nagtagal ay marahan itong tumango na ikinangiti ni Matthew. Nakuha niya ang tiwala ng ginang. "Sumunod ka sa akin. Mas mabuting doon ko ikuwento sa 'yo ang lahat ng tungkol kay Thalia sa lugar na kinalakihan niya," wika ni Manang Betty na marahang ikinatango ni Matthew. "Huwag kang mag-alala sa cctv dahil alam ko ang pasikot-sikot sa loob at labas ng mansion. Nagawan ko na rin ng paraan ang cctv sa may gate dahil ilang araw na akong nag-aabang sa labas para magbakasakali na babalik si Thalia," muling wika ni Manang Betty nang makapasok sila sa gate. Sumunod si Matthew sa ginang at dinala siya nito sa likod na bahagi ng mansion. Saglit pa siyang natigilan nang madaanan nila ang lugar kung saan niya unang nasilayan si Thalia. "Sa lugar na ito madalas tumambay si Thalia. Siya rin ang nagtanim ng mga halaman dito," wika ni Manang Betty nang mapansing natigilan si Matthew sa paglalakad. "Dito ko rin po siya unang nakita," wika ni Matthew at kusang sumilay ang ngiti sa kanyang labi habang inaalala ang araw na una niyang nasilayan ang dalaga. Kung paano siya nabighani sa kagandahang taglay ni Thalia. "Ang alaga ko ba ang dahilan ng matamis mong ngiti sa labi mo ngayon, hijo?" malawak ang ngiting tanong ng ginang na ikinamaang ni Matthew. "P-Po?" nauutal na balik-tanong ni Matthew na mahinang ikinatawa ni Manang Betty. Marahan itong umiling habang hindi nawawala ang ngiti sa labi nito. "Ikaw pala ang ikinukuwento ni Thalia sa akin noon na guwapo at matipunong lalaki na nakakita sa kanya noong araw na iyon," wika ni Manang Betty dahilan para mabilis na mag-iwas ng tingin si Matthew sa ginang. Pinilit niya ring pigilan ang ngiting gustong kumawala sa kanyang labi nang marinig kung paano siya idinetalye ni Thalia noong una siya nitong makita. f**k! Kinikilig ba siya? Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa hindi kalakihang pinto sa likod ng mansion na sa tingin niya ay isang sikretong lagusan papasok sa mansion. Binuksan 'yon ng ginang bago pumasok doon at walang pag-aalinlangan na sumunod si Matthew hanggang sa makarating sila sa isang basement. Basement? Hindi kaya... "Dito lumaki si Thalia. Dito ang nagsisilbing kulungan niya kapag napaparusahan siya at ito na rin ang naging kuwarto niya mula pagkabata hanggang sa siya ay naging ganap na dalaga," malungkot na wika ni Manang Betty dahilan para mapamaang si Matthew. Tama nga ang hinala niya. Nilibot ni Matthew ng paningin ang buong silid at hindi niya lubos maisip na sa ganoong lugar lumaki si Thalia. Sa isang basement na halos wala ng espasyo dahil sa mga lumang gamit na nakatambak roon. Kumuyom ang kanyang kamao dahil hindi niya lubos maisip kung paano pinagkakasya ni Thalia ang sarili sa maliit na espasyo roon. Nagtagis rin ang bagang ni Matthew nang dumapo ang mga mata niya sa isang lumang kutson na sigurado siyang nagsisilbing tulugan ng dalaga. Hindi iyon kalakihan kaya hindi niya alam kung paano roon natutulog ang dalaga sa loob ng maraming taon. "Tulad ng sinabi ko kanina, bunga lang si Thalia ng seksuwal na pang-aabuso ni Mr. Agustin sa isang katulong dito sa mansion noon. Iniwan siya sa mansion ng kanyang ina nang maisilang siya at mula pagkabata ay ako na ang nag-alaga sa kanya," panimula ni Manang Betty habang inililibot rin ang paningin sa kabuuan ng basement katulad niya. Halo-halo ang emosyong nakikita niya sa mukha nito. "Mula pagkabata ay hindi na maganda ang pagtrato ni Mr. Agustin at ng pamilya nito kay Thalia. Kaunting pagkakamali nito ay agad na may kapalit na parusa. Ikukulong siya rito sa basement at hindi bibigyan ng pagkain," pagpapatuloy ng ginang at halos dumugo na ang kamao ni Matthew sa tindi ng pagkakakuyom habang nakikinig sa kuwento ni Manang Betty tungkol sa buhay ni Thalia. Nagtatagis rin ang kanyang bagang dahil sa matinding galit na dumagdag lalo sa galit na kinikimkim niya para sa isang Wilfredo Agustin. "Ako at ang kapatid niyang si Theo lang ang naging kakampi niya rito sa mansion pero nabawasan ang kakampi niya nang sapilitang ipadala ni Mr. Agustin si Theo sa ibang bansa para doon mag-aral. Buhat noong mawala si Theo ay mas lalo pang tumindi ang paghihirap ni Thalia sa kamay ng ama niya at ng pamilya nito. Mula pagkabata ay nagsilbi na siyang katulong dito sa mansion at hindi sumasapit ang isang linggo na hindi siya napaparusahan. Walang araw na hindi siya umiiyak habang nagsusumbong sa akin kung paano na siya nahihirapan," umiiyak na pagpapatuloy ni Manang Betty. Ilang beses na kumurap si Matthew bago tumingala para pigilang pumatak ang kanyang mga luha. Halo-halo ang kanyang emosyon sa mga oras na iyon pero nangingibabaw ang galit at awa. Galit para kay Wilfredo at awa para kay Thalia. "Nang magdalaga si Thalia ay mas lalong lumala ang pang-aabusong natatanggap niya sa sariling ama. Nagsimula na rin itong pagbuhatan ng kamay ni Mr. Agustin. At noong araw na nakita mo siya ay pinarusahan nito si Thalia pagkatapos nitong pagbuhatan ng kamay." Hindi maiwasan ni Matthew ang mapamura nang marinig ang sinabi ni Manang Betty. Nang dahil sa kanya ay nasaktan at naparusahan si Thalia. f**k! Kung hindi niya hinanap noon si Thalia ay hindi sana ito masasaktan at mapaparusahan. It's his damn fault! "Bakit hinayaan n'yong umabot sa ganito? Bakit hindi kayo nagsumbong? Bakit hindi kayo humingi ng tulong? Bakit hindi n'yo siya tinulungang makaalis dito sa mansion?" kunot-noong sunod-sunod na tanong ni Matthew habang nagpipigil ng galit. "Sa tingin mo ba ay may tutulong sa amin kung sakaling magsumbong kami? Hindi 'yon ganoon kadali dahil maimpluwensiya at kilala sa lugar na ito si Mr. Agustin. Kaya rin niyang takpan ang lahat ng kasalanan niya gamit ang pera," malungkot na wika ni Manang Betty. Napahinga nang malalim si Matthew dahil may punto ang ginang sa sinabi nito. At baka kung sakaling nagsumbong ang mga ito at humingi ng tulong ay baka lalo lang lumala ang kalagayan ng mga ito sa loob ng mansion, lalo na ang kalagayan ni Thalia. "At sa tingin mo ba ay hindi ko rin naisip na itakas na lang si Thalia dito sa mansion mula nang umalis si Theo at kahit ngayong malaki na siya? Hindi rin 'yon ganoon kadali dahil wala siyang taong matatakbuhan oras na makatakas siya. At hindi rin magiging madali sa kanya ang mamuhay sa labas dahil sa kalagayan niya. Baka mas matindi pang pang-aabuso ang danasin niya sa labas ng mansion at iyon ang ikinatatakot namin pareho." "Ano pong ibig n'yong sabihin sa kalagayan niya?" kunot-noong tanong ni Matthew dahil iyon ang mas umagaw ng pansin niya. "Walang pinag-aralan si Thalia, hijo. Marami siyang hindi alam dahil lumaki siyang nakakulong dito sa mansion. Nakakautay lang siyang bumasa, sumulat at bumilang dahil pinilit ko siya noong turuan para hindi siya tuluyang lumaking mangmang," sagot ni Manang Betty na ikinanganga ni Matthew. May hinala na silang tatlo na lumaki si Thalia sa pang-aabuso ni Wilfredo pero hindi niya inaasahan na mas matindi pa pala ang sinapit nito sa kamay ng sarili nitong ama. Napakasama talaga nito! "Kaya nakikiusap ako sa 'yo. Huwag mo siyang idamay sa paghihiganti mo... silang dalawa ni Theo," pakiusap ng ginang. "Ipapagkatiwala ko sa 'yo si Thalia. Sana ay ingatan at alagaan mo siya. Ikaw na ang bahala sa kanya. At sana ay huwag mo na siyang hahayaang bumalik sa lugar na ito lalo na sa mga kamay ng napakasama niyang ama," dagdag ni Manang Betty. "Paano po kayo? Hindi po ba kayo nag-aalala na baka sa inyo ibunton ni Wilfredo ang galit niya oras na malaman niyang nawawala si Thalia?" tanong ni Matthew sa ginang. "Huwag mo akong alalahanin, hijo. Ang importante ay nakaalis si Thalia sa lugar na ito," nakangiting sagot ni Manang Betty na ikinahinga nang malalim ni Matthew. "Sumama na lang po kaya kayo sa akin?" pilit na pangungumbinsi ni Matthew sa ginang dahil nag-aalala siya para dito. Umiling si Manang Betty. "Hindi na kailangan, hijo. Hihintayin ko pang bumalik ang isang alaga ko, si Theo," pagtanggi nito sa alok niya. Bumaba ang mga mata ni Matthew sa kamay ng ginang nang hawakan nito ang kamay niya. "Ipangako mo sa akin na aalagaan mo si Thalia. Napakabuti at napakabait niyang bata kaya hindi ka mahihirapang alagaan at pakisamahan siya." "Pangako po. Aalagaan ko po siya kaya huwag po kayong mag-alala," wika ni Matthew na ikinangiti ni Manang Betty. "Salamat, hijo." Halos hindi kayanin ng utak ni Matthew ang lahat ng nalaman tungkol kay Thalia. Paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang lahat ng pinagdaanan ni Thalia sa mga kamay ng sarili nitong ama habang nasa daan siya pabalik sa bahay na tinutuluyan niya at ng kambal. Ilang oras ang naging pag-uusap nila ni Manang Betty at inabot na siya ng tanghali bago nakaalis sa mansion. Nang makarating sa bahay ay hindi nakita ni Matthew ang kambal sa living room. Oras na para sa tanghalian kaya dumiretso siya sa kusina para magluto muna bago niya puntahan si Thalia. Pero pagdating niya sa kusina ay may luto ng pagkain kaya lumabas din siya kaagad para puntahan ang dalaga. Nang makarating sa tapat ng kuwartong kinaroroonan ni Thalia ay natigilan si Matthew nang marinig ang pagtawa nito at ng kambal. Nakabukas ang pinto ng kuwarto at buhat sa kanyang puwesto ay nakikita niya ang tatlo na masayang kumakain habang nakaupo ang mga ito sa sahig dahil bukod sa kama at bedside table ay walang ibang gamit o kasangkapan sa loob ng kuwarto. Pero kahit naman ganoon ay ibang-iba iyon kumpara sa basement na kinalakihan nito. "Papaano nila nagawang saktan at apihin ang isang anghel na katulad mo?" hindi maiwasang tanong ni Matthew habang pinagmamasdan ang masayang si Thalia habang kumakain ito kasabay ang kambal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD