PAGKAGISING ni Matthew ay dumiretso agad siya sa banyo para maligo. Pagkatapos niyang maligo ay lumabas siya ng kuwarto at dumiretso sa kusina para magluto ng magiging almusal nila. Tulog pa ang iba niyang mga kasama sa bahay dahil medyo maaga pa. Maaga lang siyang gumising dahil ngayong araw ay plano niyang pumunta sa mansion habang hindi pa bumabalik ang pamilya ni Wilfredo galing sa out-of-town na bakasyon.
Magbabakasakali siya na makakakuha roon ng impormasyon tungkol sa pagkatao ni Thalia na ilang araw nang gumugulo sa isipan niya.
Halos kasisimula pa lang ni Matthew sa pagluluto nang dumating ang kambal na magkasunod na pumasok sa kusina. At sumilay agad ang mapanuksong ngiti sa labi ng dalawa nang makita siya na ikinailing na lang niya. Heto na naman sila, magsisimula na naman ang araw niya sa panunukso ng dalawa. He sighed.
"Good morning, lover boy," nanunuksong sabay na bati ng kambal na hindi na lang pinansin ni Matthew. Sa halip ay kumuha na lang siya ng dalawang tasa at nilagyan iyon ng instant coffee bago nilagyan ng mainit na tubig. Inilapag niya ang dalawang tasa ng kape sa harapan ng kambal na kasalukuyang nakaupo sa hapag.
"Thank you," sabay na naman na wika ng dalawa na ikinailing ni Matthew. Sa maraming taon na nakasama niya ang kambal ay sanay na siya sa madalas na sabay na pagsasalita ng mga ito, madalas ay parang iisa ang tumatakbo sa isipan ng dalawa. Twin instinct, he guessed.
Nagpatuloy si Matthew sa pagluluto at hindi na lang binigyang-pansin ang mapanuksong tingin ng kambal habang umiinom ang mga ito ng kape na tinimpla niya.Tatlong araw na ang mabilis na lumipas buhat nang dukutin nila si Thalia at sa loob ng tatlong araw na iyon ay nasa pangangalaga niya ang dalaga kaya araw-araw siyang tinutukso ng dalawa. Lalo pa at siya ang araw-araw na nagluluto ng pagkain ni Thalia at siya rin ang personal na bumili ng mga gamit na kailangan nito.
Pagkatapos magluto ni Matthew ay kumain siya kasabay ang kambal. Mabilis lang siyang natapos kaya inihanda niya ang pagkain na dadalhin niya kay Thalia habang hindi pa tapos kumain ang dalawa. Nagtimpla rin siya ng gatas para sa dalaga.
"Dadalhin ko lang ito kay Thalia," paalam ni Matthew sa kambal. Tumango lang ang dalawa na parehong abala sa pagkain.
Pagpasok ni Matthew sa kuwartong kinaroroonan ni Thalia ay tulog pa ang dalaga. Ipinatong niya muna sa bedside table ang pagkaing dala bago siya dahan-dahang umupo sa kama, sa tabi nito.
Habang tinititigan ni Matthew ang maamong mukha ng natutulog na dalaga ay bumalik sa isipan niya ang mga bagay na napapansin niya rito sa ilang araw na binabantayan niya ito. At ngayong araw niya makukumpirma kung totoo nga ang hinala niya tungkol sa pagkatao ni Thalia, kung totoo bang lumaki ito sa pang-aabuso ng sariling ama tulad ng kanyang hinala.
Maingat na hinawakan ni Matthew ang pupulsuhan ni Thalia at nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala na ang marka ng pagkakagapos niya rito. Inalis niya ang ilang hibla ng buhok na nasa mukha nito bago niya marahang hinaplos ang makinis nitong mukha.
Napakaganda niya talaga...
Mabilis na inalis ni Matthew ang kamay sa mukha ng dalaga nang marahan itong gumalaw. Unti-unting bumukas ang mata nito na kaagad dumapo sa kanya. Saglit na napigilan ni Matthew ang paghinga nang magtama ang mga mata nila ni Thalia. Ito na yata ang sinasabi nilang 'someone can take your breath away' dahil 'yon ngayon ang nangyayari sa kanya. Thalia really took his breath away when their eyes met.
Ramdam ni Matthew ang malakas at mabilis na kabog ng dibdib niya nang ngumiti sa kanya ang dalaga. "Magandang umaga po," nakangiting bati nito bago bumangon at umupo sa kama.
Tumikhim si Matthew para alisin ang tila nakabara sa kanyang lalamunan. Pilit niyang kinalma ang naghuhurumintado niyang puso dahil sa epekto sa kanya ni Thalia. f**k! Hindi nga yata nagkakamali ang kambal sa sinabi ng mga ito sa kanya. Tinamaan nga yata siya sa anak ng kaaway niya. And this time ay hindi na niya maitatanggi 'yon dahil kahit siya ay nahihiwagaan na sa nararamdaman niya pagdating sa dalaga.
"Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa 'yo na itigil mo ang paggamit ng po at opo kapag ako ang kausap mo?" kunwa'y seryosong tanong ni Matthew na ikinangiwi ni Thalia. Nasabi na ni Matthew ang tungkol sa bagay na iyon kay Thalia noong pangalawang beses na nag-usap sila dahil pakiramdam niya ay sobrang layo ng agwat ng edad nila kapag kausap siya ng dalaga dahil sa paggamit nito ng po at opo sa kanya.
"Pasensiya na. Hindi lang po ako sanay," paghingi nito ng paumanhin at napahinga na lang si Matthew nang malalim nang marinig na naman ang salitang 'po' sa dalaga.
"Dinalhan kita ng almusal. May pupuntahan ako ngayong araw at habang wala ako ay sina Warren at Darren muna ang magbabantay sa 'yo," wika ni Matthew na ikinakunot ng noo ni Thalia. Hindi pa nito nakikita ang kambal mula nang dukutin nila ito.
"Warren at Darren? Sino po sila? Mababait din po ba sila katulad mo? At saan ka po pupunta?" sunod-sunod na tanong ni Thalia at lihim na napangangiti si Matthew nang marinig na tinawag siya nitong mabait. Parang hindi niya ito dinukot kung purihin siya nito. He chuckled.
Bubukas na sana ang bibig ni Matthew para sagutin ang dalaga nang biglang bumukas ang pinto ng kuwarto at magkasunod na pumasok sina Warren at Darren. Namilog ang mga mata ni Thalia nang makita ang kambal at hindi napigilan ni Matthew ang hindi tumawa sa reaksyon nito nang mabilis itong nagtago sa katawan niya.
"S-Sino sila? Bakit sila magkamukha?" nauutal na tanong nito habang palipat-lipat ang tingin sa dalawa. Kahit ang kambal ay natawa na lang sa reaksyon ni Thalia.
"Sila ang tinutukoy kong magbabantay sa 'yo habang wala ako. Kambal sila kaya sila magkamukha," sagot ni Matthew sa naguguluhang dalaga na hindi pa rin inaalis ang tingin sa dalawa. Parang hindi ito makapaniwala sa nasisilayan ng mga mata nito.
"Kambal? Ngayon lang ako nagkita ng kambal na tao. Dahon, prutas at bulaklak lang ang madalas na kambal na nakikita ko," inosenteng wika ni Thalia dahilan para magkatinginan silang tatlo.
Alam ng kambal ang tungkol sa mga napapansin niyang kakaiba sa dalaga dahil ikinuwento niya 'yon sa mga ito. Ang kambal rin ang nagsabi sa kanya na baka totoo ang lahat ng mga sinabi ni Thalia sa kanya at baka lumaki ito sa pang-aagrabyado at pang-aalipusta ng sarili nitong ama at ng pamilya nito.
"Saan ka ba itinago ng iyong ama at para kang lumaking walang alam?" kunot-noong tanong ni Darren.
"Sa basement po..." mahinang sagot ni Thalia bago ito yumuko.
Natigilan silang tatlo nang marinig ang sagot ng dalaga. Tumiim ang kanyang bagang at kumuyom ang kanyang kamao dahil ramdam niya ang matinding emosyon sa boses ni Thalia. Kita rin ni Matthew ang galit sa mukha ng kambal habang naaawang nakatingin sa nakayukong dalaga.
"Lalabas muna kami, bro. Hindi namin siya kayang tingnan habang iniisip namin kung anong klase ang naging buhay niya habang lumalaki siya sa poder ng kanyang demonyong ama," seryosong wika ni Warren bago lumabas ng kuwarto kasama ang kakambal.
"B-Bakit sila umalis? G-Galit ba sila sa akin?" kunot-noong tanong ni Thalia nang makaalis ang dalawa. Bakas ang lungkot sa mukha nito habang nakatingin sa pintong nilabasan ng kambal. Huminga muna si Matthew nang malalim para pakalmahin ang sarili.
"Hindi sila galit. Huwag kang mag-alala dahil mababait sila. Puwede mo silang kausapin habang binabantayan ka nila mamaya," sagot ni Matthew sa dalaga na marahan nitong ikinatango.
Bumaba si Thalia sa kama at hindi napigilan ni Matthew ang mapalunok nang pasadahan niya ng tingin ang katawan nito mula ulo haggang paa. Ngayon niya lang napansin na damit pala niya ang suot ng dalaga na umabot sa kalahati ng hita nito dahil malaki iyon. Iyon ang damit na ibinigay niya rito noong hindi pa siya nakakabili ng mga kailangan nito tulad ng damit, underwear, toothbrush, toothpaste, sabon at mga kung ano-ano pang kailangan nito.
Hindi sigurado ni Matthew kung may suot itong pang-ibaba dahil natatakpan 'yon ng laylayan ng damit na suot nito. At mabilis siyang nag-iwas ng tingin sa katawan ni Thalia nang mapansin niyang may bumabakat sa suot nitong damit at hindi siya ganoon kainosente para hindi niya malaman kung ano iyon.
"f**k! Bakit wala kang suot na bra?" namumula ang mukhang sambit ni Matthew. Ramdam niya ang sobrang pag-iinit ng kanyang mukha at hindi lang iyon dahil nagsisimula na ring uminit ang pakiramdam niya. s**t!
"Sabi po kasi ni Nanay Betty na huwag daw po magsuot kapag matutulog po," inosenteng wika ni Thalia at sinulyapan pa ang sariling dibdib kaya hindi sinasadyang bumaba rin doon ang mga mata ni Matthew. Pinagalitan ni Matthew ang sarili dahil kung ano-ano agad kapilyuhan ang tumakbo sa isipan niya. f**k!
"Nanay Betty?" tanong ni Matthew sa dalaga at pilit na inignora ang kahalayang tumatakbo sa malisyoso niyang isipan.
"Opo, si Nanay Betty. Siya ang nag-alaga sa akin mula pagkabata. Si Nanay Betty lang ang kakampi ko sa mansion," sagot ni Thalia. "Pupunta lang po ako sa banyo," paalam nito bago siya nito tinalikuran.
Lumabas lang si Matthew sa kuwartong kinaroroonan ni Thalia nang matapos itong kumain. Kinausap niya muna ang kambal bago siya umalis patungo sa mansion. Nagbago ang plano niya dahil sa ngayon ay iisang tao lang ang alam niyang makakatulong sa kanya, si Nanay Betty. Ang ginang ang pupuntahan niya sa mansion para kausapin tungkol sa pagkatao ni Thalia.
Habang papalapit ang sasakyan ni Matthew sa gate ng mansion ay may nakita siyang babae sa labas ng gate na tila hindi mapakali. Palinga-linga ito sa paligid na tila may hinahanap. Bakas rin ang labis na pag-aalala sa mukha nito.
Habang pinagmamasdan ang mukha ng ginang ay parang nagiging pamilyar ito sa kanya. Pinilit niyang alalahanin kung saan niya nakita ang babae at napangiti si Matthew nang maalalang ito ang kasambahay na tinawag ni Mr. Agustin para ikuha sila ng maiinom. Kung hindi siya nagkakamali ay tinawag ito ni Wilfredo na Manang Betty at tila umaayon ang pagkakataon sa kanya dahil ang ginang ang gusto niyang makausap kaya siya nagpunta roon.
Itinigil ni Matthew ang sasakyan sa gilid ng ginang. Kaagad na bumaling sa kanya ang atensyon nito nang buksan niya ang pinto ng sasakyan.
"Kayo po ba si Nanay Betty?" tanong ni Matthew sa ginang para masigurong ito nga ang Nanay Betty na tinutukoy ni Thalia.
"Ako nga, hijo. Bakit mo ako kilala?" balik-tanong ng ginang habang kunot-noong nakatingin sa kanya. Kita niya ang bahagyang pagkagulat na rumehistro sa mukha nito nang tila maalala ang mukha niya. "Ikaw ang bisita ni Mr. Agustin noong—"
"Ako nga po. At kayo po ang sadya ko kaya nagpunta ako rito. Gusto ko po sana kayong makausap tungkol kay Thalia," walang paliguy-ligoy na pagputol ni Matthew sa sasabihin ng ginang. Namilog ang mga mata nito nang marinig ang pangalan ni Thalia.
"P-Paano mo nakilala ang alaga ko? Nasaan siya?"