DUMIRETSO agad sa kusina si Matthew pagkatapos niyang iwanan sa kuwarto si Thalia. Nadaanan niya ang kambal sa sala na parehong nakatutok ang atensyon sa telebisyon kaya hindi ng mga ito napansin ang pagdaan niya. Sigurado siyang uusisain siya kaagad ng dalawa kapag nalaman ng mga itong nakalabas na siya sa kuwarto kung saan niya dinala ang dalaga.
Binuksan ni Matthew ang ref para kumuha ng mga sangkap ng lulutuin niya para kay Thalia. Kumuha siya ng karne ng manok at ilang piraso ng patatas para sa adobong lulutuin niya. Madali lang 'yong gawin at mabilis lang 'yong lutuin kaya iyon ang naisip niyang lutuin para sa nagugutom na dalaga na hindi niya akalaing hihingi ng pagkain sa kanya. He smiled.
Napailing na lang si Matthew habang may sinusupil na ngiti sa labi nang maalala ang iniakto ni Thalia habang kaharap siya, ibang-iba sa naging reaksyon nito buhat nang magising at makita ang sariling nakagapos sa ibabaw ng kama. At may kung anong nagdidiwang sa loob ni Matthew dahil tila komportable sa kanya ang dalaga base sa nakita niyang reaksyon nito nang makita siya kanina, kung paano mabilis na nawala ang takot sa mukha nito at kung paano ito makipag-usap sa kanya. And he finds her innocent and cute.
Habang nagluluto ay muling bumalik sa isipan ni Matthew ang naging pag-uusap nila ni Thalia. May parte sa kanya na gustong paniwalaan ang lahat ng sinabi nito pero may parte rin sa kanya na ayaw itong paniwalaan dahil baka parte lang iyon ng pagpapanggap nito para makawala sa mga kamay niya. Kailangan niyang mag-ingat dahil baka mahulog siya sa patibong ng kanyang kalaban, anak ito ng kaaway niya kaya hindi rin imposible na makuha nito ang pagiging tuso ng ama nito.
Mabilis lang natapos si Matthew sa pagluluto at saktong inihahanda niya ang pagkaing dadalhin kay Thalia nang pumasok ang kambal sa kusina. Agad na sumilay ang malawak na ngiti sa mga labi ng dalawa nang makita ang niluto niya.
"Wow! Sakto, bro. Nagugutom na kami," masayang wika ni Darren at aktong kukuha sa pagkaing dadalhin niya kay Thalia kaya tinampal niya ang kamay nito. Nahulog sa sahig ang kutsarang hawak nito kaya gumawa iyon ng ingay. Namimilog ang mga matang nag-angat ng tingin si Darren sa kanya buhat sa kutsarang nasa sahig at halata sa mukha nito na hindi inaasahan ang ginawa niya.
"Kailan ka pa naging madamot sa pagkain, bro?" hindi makapaniwalang tanong nito.
"Hindi ako nagdadamot. Nagluto ako para sa ating lahat kaya kumuha ka ng sarili mong pagkain dahil para 'to kay Thalia," sagot ni Matthew habang abala sa paglalagay ng kanin sa plato na dadalhin niya sa dalaga.
"Para kay Thalia? Ouch! Nakakasakit ka naman ng damdamin, bro." Napailing na lang si Matthew sa tinuran ni Darren. Umakto pa itong nakahawak sa dibdib na tila totoong nagdaramdam sa ginawa niya. Maluha-luha na rin ang mga mata nito. "Itinuring ka naming kapatid at kami ang kasama mong lumaki pero mas inuna mo pa ang anak ng kaaway kaysa sa aming dalawa," dagdag pa nito.
"Bihag ko siya kaya responsibilidad ko siyang alagaan sa ngayon. Hindi ko pa siya napakikinabangan kaya hindi ko siya puwedeng hayaang mamatay sa gutom," katwiran ni Matthew.
Nilapitan ni Warren si Darren at hinaplos ang likod nito."Huwag mong masiyadong dibdibin, bro. May likod ka pa," basag nito sa kalokohan ng kakambal na mahinang ikinatawa ni Matthew.
"Basag-trip ka talaga, bro. Ang ganda na sana ng acting ko. Tutulo na nga ang luha ko, oh!" reklamo ni Darren sa kakambal pero hindi ito pinansin ni Warren at sa halip ay ibinaling nito ang atensyon sa kanya. At hindi gusto ni Matthew ang nakikitang kislap ng kapilyuhan sa mga mata nito.
"Responsibilidad na alagaan, huh? Kumusta naman ang halos dalawang oras na pagbabantay kay Thalia?" nakangising tanong ni Warren na mabilis na ikinaiwas ng tingin ni Matthew.
He's right. Halos dalawang oras niyang binabantayan ang natutulog na dalaga at hindi siya umalis sa tabi nito buhat nang dalhin niya ito sa silid na kinaroroonan nito.
"Saan umabot ang imahinasyon mo habang pinanonood siyang natutulog sa ibabaw ng kama? O hanggang sa imahinasyon nga lang ba?" dagdag pa nito dahilan ng pag-iinit ng mukha ni Matthew. f**k! Lumaki siyang kasama ang kambal kaya hindi malabong kilala ng mga ito ang pagkatao niya.
"H-Hindi ko alam kung ano ang mga sinasabi mo..." pagkakaila ni Matthew sa paratang ni Warren. Pinagalitan niya ang sarili dahil sa biglang pagkautal. Narinig niya ang pilyong pagtawa ng kambal na umiral na naman ang kakulitan at siya na naman ang nakitang target ng dalawa.
Totoo ang sinabi ni Matthew. Wala siyang ibang ginawa kundi ang titigan at panoorin ang natutulog na dalaga sa ibabaw ng kama. Pero totoo rin ang paratang ni Warren dahil kung saan-saan umabot ang imahinasyon niya kanina. Parang biglang nagising ang natutulog na pagnanasa sa katauhan ni Matthew at sobra ang naging pagpipigil niya kanina habang pinanonood ang natutulog na si Thalia. Muntik na siyang nagkasala kanina dahil muntik na siyang bumigay sa tuksong nakahain sa harapan niya lalo na at paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya kung paano aksidenteng naglapat ang mga labi nila ng dalaga noong nasa sasakyan sila.
"Hindi nga ba?" tila hindi kumbinsidong tanong ni Warren.
"Wala akong ibang ginawa kundi ang bantayan siya kaya tigilan ninyo ang pagiging malisyoso ninyong dalawa."
"Okay..." natatawang wika ni Warren bago nilapitan si Darren na kasalukuyang nagsasandok ng sariling pagkain. Kumuha rin ito ng sariling plato bago nakipag-agawan ng sandok sa kakambal.
Napailing na lang si Matthew sa pagiging mausisa ni Warren. Kumuha na lang siya ng tray at inilagay doon ang mga pagkaing dadalhin niya kay Thalia. Iniwanan niya sa kusina ang kambal na nag-aagawan sa mga parte ng manok na gusto ng mga ito. Umiral na naman ang pagiging-isip bata ng dalawa na ikinabuntong-hininga niya.
Pagbalik ni Matthew sa kinaroroonang kuwarto ni Thalia ay nakasimangot na mukha nito ang bumungad sa kanya nang buksan niya ang ilaw sa loob ng silid. Pero mabilis na nagliwanag ang mukha nito nang makita ang pagkaing dala niya. Pinigilan ni Matthew ang ngumiti dahil sa reaksyon ng dalaga. She's really cute and he finds her amusing as well...
"Heto na po ang pagkain mo, mahal na prinsesa," wika niya na ikinahagikhik ni Thalia dahilan para matigilan si Matthew. f**k! Kahit ang paghagikhik nito ay nakukyutan siya.
Ibinaba muna ni Matthew ang pagkain sa ibabaw ng bedside table bago niya kinalas ang tali sa mga kamay ni Thalia. Bahagya pa siyang natigilan nang makita ang marka ng tali sa makinis at maputing balat ng dalaga nang maalis niya ang gapos sa mga kamay nito. Hindi niya maiwasang hindi 'yon haplusin dahilan para mapangiwi at mapadaing si Thalia na mahina niyang ikinamura.
"Masakit ba?" malumanay na tanong ni Matthew habang bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Mahapdi," sagot ni Thalia habang marahang iginagalaw ang kamay nito para mawala ang pagkangalay at pagkamanhid niyon.
"Sorry..." mahinang anas ni Matthew at parang wala sa sariling hinawakan ang kamay ni Thalia at dahan-dahan 'yong inilapit sa labi niya. He kissed her wrist na parang sa pamamagitan ng halik niya ay mababawasan ang iniindang sakit ng dalaga.
"Ano pong ginagawa mo?" nakakunot ang noo at inosenteng tanong ni Thalia dahilan para biglang matauhan si Matthew. Binitiwan niya ang kamay nito at namumula ang mukhang nag-iwas ng tingin sa dalaga. Pinagalitan ni Matthew ang sarili dahil para siyang nawawala sa sarili kapag kasama niya ito.
Fuck! What the hell is happening to me?
Kinuha ni Matthew ang pagkain at inilagay 'yon sa ibabaw ng kama, sa harapan ng dalaga. "Kumain ka na," wika niya habang hindi tinitingnan sa mukha si Thalia.
"Ikaw po, nakakain ka na po ba?" tanong ni Thalia bago nito sinimulang kumain.
Hindi maiwasan ni Matthew ang hindi matigilan sa mga salitang lumalabas sa bibig ng dalaga. Hindi niya rin maiwasan ang hindi maguluhan sa mga ikinikilos nito dahil para siyang nakikipag-usap sa isang bata dahil sa kainosentehang taglay nito. At hindi mawari ni Matthew kung totoo ba ang mga ipinapakita nito o isa lang iyong pakitang-tao para mahulog siya sa bitag nito. Pero sa nakikita niya ay parang natural sa dalaga ang lahat, kung paano ito kumilos at magsalita.
"May dumi po ba ako sa mukha?" kunot-noong tanong ni Thalia at doon lang tila natauhan si Matthew. Hindi niya napansin na nakatitig pala siya sa mukha ng dalaga habang kung ano-ano ang mga tumatakbo isipan niya.
"W-Wala... Kumain ka lang, huwag mo na lang akong pansinin," wika ni Matthew na marahang ikinatango ni Thalia bago nito ipinagpatuloy ang pagkain.
"Salamat po sa masarap na pagkain," malawak ang ngiting wika ni Thalia nang matapos ito. Mabilis na nag-iwas ng tingin si Matthew nang magkasalubong ang kanilang mga mata dahil parang nanlalambot ang tuhod niya habang nakikipagtitigan sa dalaga. Idagdag pa ang epekto sa kanya ng malawak na ngiting nakapaskil sa labi nito.
Marahan lang na tumango si Matthew bilang tugon bago niya kinuha ang tray sa harapan ni Thalia. Bumuntong-hininga siya nang muling makita ang marka ng tali sa pupulsuhan nito. Hindi naman masiyadong mahigpit ang pagkakatali niya sa mga kamay nito dahil iniiwasan niya itong masaktan, sapat lang para hindi ito makawala. Nag-iwan siguro ng marka ang tali sa kamay ng dalaga nang sinubukan nitong makawala pagkagising nito kanina.
"Hindi ko na ibabalik ang mga gapos mo. Pero huwag mong susubukang tumakas dahil marami akong tauhan na nagbabantay sa labas. Hindi sila magdadalawang-isip na barilin ka kapag nahuli ka nila. At hindi mo rin magugustuhan ang parusang ibibigay ko sa 'yo oras na tumakas ka," wika ni Matthew. Nagsinungaling siya tungkol sa bantay dahil silang tatlo lang naman ng kambal ang nasa bahay bukod sa dalaga. Tinakot niya lang ito at mukhang effective 'yon dahil nakita niya ang pagdaan ng takot sa mukha nito.
"P-Parusa? Sasaktan mo rin po ba ako? Hindi bibigyan ng pagkain?" magkakasunod na tanong ni Thalia, bakas ang pangamba sa boses nito.
Mas lalong naguluhan si Matthew sa pagkataong mayroon ang dalaga. Base sa naging reaksyon nito ay sigurado siyang nagkaroon ito ng hindi magandang karanasan sa loob ng mansion.
Kaya isang desisyon ang nabuo sa isipan ni Matthew at iyon ay ang bumalik sa mansion na pinagmulan ni Thalia. Sigurado siyang makakahanap siya roon ng sagot sa mga kaguluhan at katanungan sa isipan niya ngayon tungkol sa dalaga at sa lihim na pagkataong mayroon ito. Gusto rin niyang malaman kung anong klase ang naging buhay ni Thalia sa loob ng mansion sa maraming taong namalagi ito roon, sa kamay ng sarili nitong ama.