ISANG hindi pamilyar na kuwarto ang bumungad kay Thalia nang magising siya. Mayroong malamlam na liwanag sa kuwarto pero hindi iyon sapat para makita niya ang kabuuan ng silid na kanyang kinaroroonan. Pero masasabi ni Thalia na hindi masiyadong kalakihan ang kuwarto dahil sa maliit na espasyo sa magkabilang gilid niya. Wala rin siyang ibang makitang gamit sa loob maliban sa kama kung saan siya nakahiga at sa isang maliit na bedside table kung saan nakapatong ang isang lampshade na pinagmumulan ng malamlam na liwanag na nagsisilbing tanglaw sa madilim na silid na iyon kaya kahit papaano ay nakakaaninag siya.
Habang inililibot ni Thalia ang paningin sa loob ng kuwarto ay biglang bumalik sa isipan niya ang nangyari at kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Ang naaalala niya ay nagtatapon lang siya ng basura sa labas ng gate matapos nilang maglinis sa mansion dahil siya ang inutusan ng kanyang Nanay Betty. Walang ibang tao sa mansion kundi sila lamang mga kasambahay kaya malayang nakakagalaw si Thalia sa loob dahil wala ang kanyang ama at ang pamilya nito.
At habang nasa labas ay may isang sasakyan ang tumigil sa gilid niya at biglang may nagtakip ng panyo sa kanyang bibig at ilong. Pagkatapos niyon ay wala na siyang ibang maalala dahil bigla siyang nakatulog. Kinain ng takot ang buong pagkatao ni Thalia lalo na nang makita ang sariling nakagapos ang mga kamay at paa. Hindi rin siya makabangon dahil nakatali ang kamay niya sa magkabilang sulok ng headboard ng kama.
"Mabuti naman at gising ka na..." Isang boses ang kumuha sa atensyon ni Thalia habang sinusubukan niyang makawala sa taling nakagapos sa mga kamay niya. Nagmula iyon sa madilim na sulok ng silid na hindi naaabot ng malamlam na ilaw kaya hindi niya makita ang mukha ng taong nagsalita. Pero alam niyang lalaki ito base sa boses nito.
"S-Sino ka? Bakit mo ako dinala dito?" lakas-loob na tanong ni Thalia sa taong dumukot sa kanya. Nanginginig ang kanyang boses dahil sa sobrang takot at nagbabadya na ring tumulo ang kanyang mga luha. Hindi niya akalain na may iba palang tao sa loob ng madilim na silid na kinaroroonan niya at sigurado siyang kanina pa siya nito pinagmamasdan nang hindi niya namamalayan.
Lalong kinabahan si Thalia nang maaninag niya ang bulto ng isang tao na unti-unting lumalapit sa kanyang puwesto at tumigil ito sa paanan ng kama kung saan sapat ang liwanag para makita niya ang mukha nito. Namilog ang mga mata ni Thalia nang makilala ang lalaki. At sa hindi malamang dahilan ay biglang nawala ang kaba at takot na nararamdaman niya kanina nang masilayan niya ito.
"I-Ikaw?" gulat na wika ni Thalia dahil ito ang lalaking nakakita sa kanya noon sa mansion.
"Ako nga. I am glad that you still remember me, Thalia Agustin..." wika ng lalaki na matiim na nakatingin sa kanya habang nakatayo ito sa paanan ng kama.
Kumunot ang noo ni Thalia dahil hindi niya naintindihan ang ibang sinabi ng lalaki dahil hindi siya nakakaintindi ng lengguwaheng ginamit nito. Lumaki siyang nakakulong sa mansion kaya hindi siya nakapag-aral dahilan para lumaki siyang mangmang. Tanging si Nanay Betty niya lang ang matiyagang nagturo noon sa kanya kung paano sumulat, bumilang at bumasa pero hindi pa rin iyon sapat kaya limitado lang ang kaalamang mayroon siya na maihahalintulad lang sa isang batang nag-aral sa kindergarten.
Maraming mga bagay siyang hindi alam at isa iyon sa dahilan kung bakit takot si Thalia na tumakas sa mansion. Dahil bukod sa wala siyang taong matatakbuhan, hindi niya rin alam kung anong buhay ang naghihintay sa kanya sa labas. Natatakot siyang maabuso dahil sa pagiging ignorante at inosente niya. Baka mas malala pa ang sapitin niya sa labas oras na tumakas siya.
"Hindi po ako isang Agustin. Hindi po ipinagamit ng aking ama sa akin ang apelyido niya dahil anak niya lang po ako sa labas," wika ni Thalia at kita niya ang pagkunot ng noo ng lalaki.
"Anak sa labas?" kunot-noong tanong ng lalaki na inosenteng ikinatango ni Thalia.
"Opo, anak niya lang po ako sa isang katulong," sagot ni Thalia at kumunot ang noo nang makitang nagsalubong ang mga kilay ng lalaki na tila hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.
"Are you playing with me, young lady? Huwag ka nang gumawa ng kuwento dahil kahit anong gawin mo ay hindi mo masisira ang plano kong paghihiganti sa iyong ama. At ikaw ang gagamitin ko para maisakatuparan 'yon," tila galit na wika ng lalaki na mas lalong ikinakunot ng noo ni Thalia dahil hindi niya maintindihan ang unang sinabi nito.
"Po? Hindi po kita maintindihan," inosenteng wika ni Thalia. "At ano pong paghihiganti sa aking ama? May nagawa rin po ba siyang kasalanan sa 'yo? Sa pamilya mo?" sunod-sunod na tanong niya.
"He killed my parents," sagot ng lalaki na lalong ikinakunot ng noo ni Thalia. Pakiramdam niya anumang oras ay may dugong lalabas sa kanyang ilong dahil hindi niya maintindihan ang mga salitang ginagamit ng lalaki.
"Pasensiya po pero hindi po kita maintindihan. Hindi po kasi ako nakakaintindi ng lengguwaheng ginagamit mo," nakangiwing wika ni Thalia na ikinanganga ng kausap. Pero hindi rin nagtagal ay tumiim ang bagang nito na parang nasagad na niya ang pasensya ng lalaki. Tumalim ang tingin nito sa kanya at parang anumang oras ay susunggaban na siya nito sa ibabaw kama para gawan ng hindi maganda.
Pero kahit ganoon ang nakikita niyang reaksyon ng lalaki sa harapan niya ay hindi malaman ni Thalia kung bakit hindi siya nakakaramdam ng takot dito. At sa halip na matakot ay nakuha pa niyang humanga sa taglay na kakisigan at kaguwapuhan ng lalaki na nakatayo sa harapan niya.
"Niloloko mo ba ako?" nakatiim ang bagang na tanong ng lalaki na mabilis na ikinailing ni Thalia.
"Hindi po! Nagsasabi po ako ng totoo!" mabilis na sagot niya sa lalaki.
Huminga ito nang malalim. "Pinatay ng iyong ama ang mga magulang ko," wika ng lalaki dahilan para matigilan si Thalia. Kita niya ang pagdaan ng galit sa mukha ng lalaki nang banggitin nito ang mga magulang, galit para sa kanyang ama. At hindi niya maiwasan ang hindi makaramdam ng awa para sa lalaki.
"At ako po ang gagamitin mong kasangkapan sa plano mong paghihiganti sa ama ko? Nagkakamali ka po ng taong dinukot dahil wala po akong halaga sa kanya," wika ni Thalia pero parang hindi pinaniniwalaan ng lalaki ang mga sinabi niya.
"Nice try, pero hindi mo mabibilog ang ulo ko," nakangising wika nito bago siya tinalikuran.
"Saglit lang po!" mabilis na pigil ni Thalia sa lalaki nang makitang iiwanan siya nito sa silid. Huminto ito pero hindi siya nito nilingon.
"Puwede po bang pakalas ng tali sa mga kamay at paa ko? Masakit na po kasi. At puwede rin po bang humingi ng pagkain? Nagugutom na po kasi ako," wika ni Thalia dahilan para mabilis na humarap sa kanya ang lalaki habang may hindi makapaniwalang reaksyon sa mukha.
"Baka nakakalimutan mong bihag kita ngayon at wala kang karapatang utus-utusan ako," masungit na wika nito pero bumaba ang mga mata nito sa kanyang tiyan nang malakas na tumunog iyon.
"Pakiusap po, gutom na gutom na po kasi ako..." nakasimangot na wika ni Thalia na mabilis na ikinaiwas ng tingin ng lalaki sa kanya. Huminga ito nang malalim bago muling lumapit sa kama at sinimulang kalasin ang tali niya sa paa. Napangiti si Thalia sa ginawa ng lalaki pero muli siyang sumimangot nang hindi nito kalasin ang tali niya sa kamay.
"Ito pa pong nasa kamay ko, nangangalay na po kasi ako..." utos niya sa lalaki pero iningusan lang siya nito.
"Aray!" daing ni Thalia nang mahinang pitikin ng lalaki ang noo niya.
"Huwag mo akong utusan," masungit na wika nito na ikinangiwi ni Thalia. Pinaluwagan ng lalaki ang tali sa headboard na nakatali sa kamay niya at hinayaan siya nitong makaupo sa kama.
"Salamat po," pasasalamat ni Thalia nang medyo paluwagan ng lalaki ang tali sa kamay niya. Kahit papaano ay nabawasan ang pamamanhid at pangangalay na nararamdaman niya.
Pagkatapos masigurong hindi makakawala si Thalia sa pagkakatali ay umalis ang lalaki sa tabi niya. Walang lingon-likod itong naglakad patungo sa pinto para lumabas.
"Huwag mo pong kalilimutan ang pagkain ko," wika ni Thalia sa lalaki nang muling tumunog ang kanyang tiyan.
"She's really impossible..." bulong nito. "Magluluto pa po ako, mahal na prinsesa," dinig niyang sarkastikong wika ng lalaki bago ito tuluyang nawala sa paningin niya.
Naiwan si Thalia na mag-isa sa loob ng silid. Hindi niya alam kung ilang oras na siyang naroon at tiyak siyang nag-aalala na sa kanya ang kanyang Nanay Betty kaya kailangan niyang makaalis sa lugar na iyon. Kailangan niyang mag-isip ng paraan para makawala sa mga kamay ng lalaking dumukot sa kanya sa lalong madaling panahon.