Bunga si Thalia ng seksuwal na pang-aabuso ng isang among lalaki sa isang katulong. Nang maisilang siya ng kanyang ina ay iniwan siya nito sa poder ng kanyang ama na mayroong ibang pamilya. Hindi siya tanggap ng kanyang ama pero hindi rin naman siya nito itinaboy palayo. Ibinigay siya nito sa mayordoma ng mansion na naging kaibigan ng kanyang ina noong nagsisilbi pa itong katulong doon. Ito ang tumayong kanyang pangalawang ina at ang nag-iisang kakampi niya sa mansion habang lumalaki siya.
Lumaki si Thalia na salat sa maraming bagay at isa na roon ay ang pagmamahal galing sa kanyang totoong magulang. Kulang din siya sa edukasyon dahil hindi siya hinayaang makapag-aral ng kanyang ama sapagkat gusto nitong manatiling lihim ang pagkatao niya. Umiikot lang ang mundo niya sa loob ng mansion kung saan siya nagsisilbing katulong ng sariling ama at ng pamilya nito. Lumaki siya sa pang-aalila at pisikal na pang-aabuso ng sarili niyang kadugo.
Tanggap na ni Thalia ang buhay na mayroon siya sa loob ng mansion. May pagkakataong naiisipan niyang tumakas pero natatakot siya sa maaaring mangyari sa kanya sa labas. Wala siyang ibang kakilala na maaaring niyang puntahan at tumulong sa kanya. Wala siyang taong malalapitan oras na makatakas siya.
Ano nga ba ang magiging buhay ng isang tulad niya sa labas? May tao kayang tatanggap sa kanya? Walang pinag-aralan, lumaking mangmang at inosente sa maraming bagay. Baka mas malala pang pang-aabuso ang naghihintay sa kanya sa labas kaya mananatili na lang siya sa loob ng mansion. At least doon ay sanay na siya at natitiis niya ang pang-aabuso na araw-araw na natatamo niya. At least doon ay may isa siyang kakampi na puwede niyang lapitan at pagsabihan ng lahat ng hinanakit at hinaing niya sa buhay. At least kahit doon ay may matatawag siyang 'pamilya' na ipinagkait sa kanya buhat noong maisilang siya.
Pero ang hindi inaasahan ni Thalia na mangyayari sa buhay niya ay nang dukutin siya. Nagtatapon lang siya ng basura sa labas ng bahay nang may isang sasakyang tumigil sa tabi niya at sapilitan siyang isinakay. Hindi na niya alam ang sumunod na nangyari dahil bigla siyang nakatulog nang may panyong may kakaibang amoy na itinakip sa ilong at bibig niya at nagising na lang siyang nakagapos sa ibabaw ng kama habang may isang matipuno at guwapong lalaki ang tiim na nakatingin sa kanya.
Nagsilbing bihag siya ng isang lalaking nagngangalang Matthew Sebastian. Plano siya nitong gamitin sa paghihiganti sa kanyang ama. Sinubukan niyang ipaliwanag dito na nagkamali ito sa pagdukot sa kanya at mali ang inaakala nito sa kanyang pagkatao dahil ang akala nito ay isa siyang iniingatang prinsesa sa loob ng mansion. Pero hindi naniwala sa kanya ang binata at ipinagpatuloy nito ang planong gamitin siya.
Habang nasa mga kamay si Thalia ni Matthew ay unti-unti niyang nakilala ang binata. Naintindihan niya kung saan nagmumula ang galit nito nang malaman niya ang dahilan kung bakit gusto nitong maghiganti sa kanyang ama. Nakitaan niya rin ng kabaitan ang binata dahil kahit nagsisilbi siya nitong bihag ay hindi siya nito pinapabayaan, pinapakain siya nito at ibinibigay ang lahat ng kanyang pangangailangan... ibang-iba sa naranasan niya sa loob ng mansion na kanyang kinalakihan.
Kakaibang pakiramdam at karanasan ang idinulot sa kanya ng isang Matthew Sebastian. Hindi niya maitatangging naging masaya siya sa piling ng binata kahit na ang tingin lang nito sa kanya ay isang kasangkapan. Ito na kaya ang magbibigay sa kanya ng matagal na niyang hinahangad na kalayaan? O panibagong pasakit at paghihirap ang naghihintay sa kanya sa mga kamay nito na tuluyang magbabaon sa kanya sa labis na pagkabigo at kalungkutan?