CHAPTER 4

2186 Words
♞♟♜♚ Dalawang buwan nang nag-iintay ng tawag si Reo sa mga game developer company na inaplayan niya at pinasahan ng kaniyang resume sa trabaho. Nag-iintay pa rin na sana ay makahanap na siya ng disenteng trabaho upang sa ganun ay makatulong na siya sa kaniyang ina sa paghahanap-buhay. "Tanga ka ba? Hindi ka d'yan kukuha ng farm bobo!" Humagalpak ng tumawa si Reo matapos niya marinig ang pagwawala ng isang sikat na gamer at streamer na si RU habang naharap sa kaniyang laptop at nanonood ng stream ninto. Paborito niya ang gamer na ito at lagi niyang inaabangan ang babae tuwing nag li-live stream ito sa gabi, gusto niya ang mga larong nilalaro ninto at click na click sila pagdating sa mga larong hilig nilang dalawa. "Saang server kaya siya ngayon? Kung makisali kaya ulit ako sa kaniya?" tanong ni Reo habang nanonood sa dalaga na nakikipaglaro at nakikipag-trashtalk-an sa mga kalaban ninto at kakampi. Minsan niya na kasing nakalaro ang sikat na streamer na ito at hindi niya inaasahan na lagi na siyang aayain ninto tuwing naglalaro siya online ngunit masyado siyang busy sa pag-aaral sa pagpo-program ng kaniyang laro kaya wala na siyang oras para sa game invation ni RU. Crush na crush niya rin ang dalaga at hindi niya nakakaligtaan ang bawat live ninto kada gabi, kung mayaman lamang siya ay paniguradong limpak-limpak na stars na ang ibibigay niya sa live stream ng dalaga para lamang mapansin siya ninto. "Hahaha, ang cute niya ngumiti sana pag naging sikat ang larong ginawa ko ay isa siya sa mga unang susubok ninto," bulong ni Reo sa sarili habang nakatunganga sa harap ng screen at pinapanood si RU nang biglang nag pop-up ang isang email sa screen at laking gulat niya nang mabasa ang nilalaman ninto. Halos mapatayo siya sa gulat at saya nang makita na pasado siya sa final interview ng isang sikat na game developer company sa buong bansa, agad niyang tinawag ang kaniyang ina at kumaripas ng takbo papuntang kusina saka agad na hinanap ang kaniyang ina. "Ma!!! Pasado ako! May trabaho na ako!" hiyaw niya at agad na niyakap ang kaniyang ina na abala sa paghuhugas ng pinggan at agad niya naman nasilayan ang malapad na ngiti sa mukha ng kaniyang ina na halos mangiyak na. "Anong company anak? Iyon bang pangarap mong kompanya?" agad na tanong ng kaniyang ina at mabilis naman siyang tumango ng walang tigil at sabay silang nagtatalon sa tuwa habang puno ng bula ang kamay ng kaniyang ina at pareho silang may luha sa kanilang mga mata. ♞♟♜♚ Dumating na ang araw na iniintay ni Reo, plakadong-plakado ang kaniyang itim na buhok na nakahati sa gitna at kumikinang ang kaniyang makapal na salamin sa mata, plantyado ang puting polo, linis na linis ang itim na sapatos at todo ang pulbo sa pisnge. Para siyang batang papasok sa unang araw ng iskuwela at baduy na baduy sa kaniyang pormahan habang hawak sa kaniyang isang braso ang laptop niya na pinaglumaan na ng panahon. Tumigil siya sa paglalakad at tumingala sa napakataas na building na nasa harapan niya, napatulala siya sa tayog at kinang ng bawat salamin ninto, maraming tao ang nagpapasok at labas sa loob ng building at lahat sila ay halatang abala sa kanilang mga trabaho at gampanin. "I.D mo sir?" tanong ng guard bago pa man siya makaapak sa entrance ng building na nagpaputol sa kaniyang pangangarap at agad niya naman kinapa ang kaniyang cellphone at pinakita ang kaniyang entrance pass email na kailangan niya ipakita sa guard dahil sa wala pa siyang I.D ng kompanya. Nang makita ng guardya ay agad siyang pinapasok ninto at nang makapasok siya sa loob ay muli siyang namangha sa laki ng kompanyang pagtatrabahuhan niya, puno ito ng ibat't ibang poster ng mga sikat na laro na ginawa ng mismong kompanya, mga malalaking LCD screen kung saan pinapakita ang mga laro at character design ng mga papular na laro. "Mr. Salazar?" tanong ng isang lalaki na may hawak na tablet at mukhang abala sa kaniyang trabaho dahil hindi man lang ninto matignan si Reo sa mukha. "Ah, ako nga po," nahihiyang tugon ni Reo at agad na niyuko ang kaniyang ulo dahil sa hiya saka naman tumingin sa kaniyang ang lalaki at seryoso lang na naglakad sa kaniyang harapan. "Sundan mo ako, iniintay ka na ni Mr. Sy." utos niya kay Reo na agad niya naman sinunod at sa paglalakad nila papasok ng kompanya ay hindi niya maiwasan ilibot ang kaniyang mata sa buong paligid at mamangha sa mga nakikita niya sa kompanyang kaniyang pagtatarabuhan simula ngayon. "Ako nga pala si Noel, pwede mo kong tawagin na Ari. Ako ang hahawak sa team na papasukan mo at sa game na bubuoin mo," saad ninto sabay pindot ng numero sa elevator at para naman na windang si Reo sa kaniyang narinig. HIndi siya sigurado sa kaniyang narinig ngunit nahihiya naman siya magtanong tungkol rito. Tama ba ang narinig ko? Game na bubuoin ko? Iyan ang paulit-ulit na tanong sa utak niya hanggang sa hindi niya namamalayan na tumunog na ang elevator at nasa harap na sila ng opisina ng CEO ng kompanya na kaniyang papasukan. "Sa lahat ng aplikante sa nagdaan na buwan ay ikaw lang ang nakapasa sa interview at sa lahat ng exam na ginawa kaya naman kung ako sayo ay wag mo sayangin ang pagkakataon na ito," seryosong saad ni Ari sa kaniya bago pa siya makapasok sa mismong opisina ng magiging boss niya. Pinagbuksan siya ng pinto ni Ari at bago pa man siya makapasok ay nakita niya na ngumiti ito sa kaniya at tinugunan niya rin ito ng ngiti sabay tango bago pa man tuluyan na pumasok sa loob ng opisina. Nangangatog ang kaniyang kamay at hindi alam ang sasabihin, tila ba nanigas na siya sa kinatatayuan niya habang ang boss niya naman ay hindi masilip dahil natatakpan ito ng laptop na nasa harapan ng kaniyang mukha. "Ahmm... good morning po sir," bati niya na nakatawag ng pansin ng kaniyang boss at nang linungin siya ninto ay bigla ito tumayo at masaya siyang nilapitan. "Welcome my friend! Pamadong-pamado ata ang buhok mo? Hindi na 'yan magagalaw ng hangin ah! Hahaha!" saad ninto na kinagulat ni Reo dahil hindi niya inaasahan na bata pa at mukhang matanda lamang sa kaniya ng limang taon ang may ari ng kilalang kompanya na ito. Makulit at maingay rin ang boss niya at siya pa mismo ang nahihiya dahil nakaakbay na ito sa kaniya at masayang-masaya nang makita siya. Ito ang unang pagkakataon na may bumati sa kaniya nang hindi niya kilala at ganito kasaya. "Sa lahat ng mga nag apply ay ikaw lang ang pumasa, gustong-gusto ko na rin subukan ang pinakita mong laro sa amin, binabalak kong gawin iyon at i-launch this year," mabilis na saad ninto at inaya siyang maupo sa maganda at mamahaling sofa sa loob ng opisina niya. Hindi naman makasunod si Reo sa bilis ng mga pangyayari at mga balita na naririnig niya, na parang kanina lamang ay nakatulala pa siya sa harap ng kompanya na pinapangarap niya at ngayon maririnig niya na nais na i-launch ang sariling laro na ginawa niya this year para malaro ng marami. "Ah, matanong kita Mr. Salazar, na visualize mo na ba ang gagawin mong head program para sa VR MMORPG?" tanong ninto sabay pasok naman ni Ari sa loob ng opisina habang may hawak na tray at dalawang coffee mug. "Mr. Sy, hindi ba't dapat ipaliwanag niyo muna sa kaniya ang mga dapat niya malaman sa company? Baka mabigla si Mr. Salazar sa biglaan mong proposal, ni hindi niya pa alam kung saan ang posisyon niya sa kompanya na ito," saway naman ni Ari ang masungit na secretary ni Mr. Sy. "Trabaho mo na iyon Arimunding, basta gusto ko maumpisahan agad ang larong pinakita mo sa amin and wag ka mag-alala, buong team ni sir Ari ay makakatulong mo sa pagbubuo n'un and syempre malaki ang expectation ko rito kaya naman dapat galingan mo," saad ni Mr. Sy kay Reo at napalunok naman ito sabay tango. Buong araw na nasa loob siya ng kompanya ay ipinaliwanag na sa kaniya ang kaniyang dapat gawin, posisyon sa trabaho at miske ang sahod at iba niya pang kailangan ay maayos na ipinaliwanag sa kaniya. "Now, say cheese!" sabi sa kaniya ng isang photographer at ngiting-ngiti naman na humarap si Reo sa camera. Kitang-kita ang brace ng ngipin at halos mawala na ang singkit na mata dahil sa masayang pagkuha ng kaniyang letrato ang unang two by two picture niya na gagamitin sa company I.D niya. Nang mahawakan ang kaniyang sariling I.D at makita ang pangalan niya na nakalagay sa ilalim ng pangalan ng kompanya ay hindi niya matago ang saya at tila ba maluluha na, hindi niya akalain na ilang hakbang na lang siya sa pangarap na nais niyang matupad. Nanginginig ang kaniyang baba dahil sa pagpipigil ng iyak at saya sa magkasabay na oras, tila ba nanaginip pa rin siya sa mga nangyayari sa kaniya ngayon. Para bang lahat ng mga nangyari sa kaniya sa mga nakaraang taon ay isa lamang parte ng bangungot na nais niya nang kalimutan. Habang hawak niya ang I.D na iyon ay hindi niya maiwasan na lalo pa mangarap at maglakad papunta sa direksyon na matagal niya nang nais lakaran, iyon ay makaalis siya sa pang-aalipusta ng lahat, iyon ay makaahon sila sa hirap at masimulan siya tignan ng lahat bilang pantay na tao at hindi mas mababa sa iba. Simula sa araw na iyon ay doon magbabago ng tuluyan ang buhay ni Reo sa hindi niya inaasahan na paraan, ang larong binuo niya ay ang larong magpapabago sa buhay niya at buhay ng iba pang taong sasali sa larong iyon. ♞♟♜♚ Mabilis na lumipas ang mga araw at buwan, unti-unti nagkakaroon ng panibagong pag-asa si Reo sa trabaho na ginagawa niya dahil sa loob ng kompanya na pinagtatrabauhan niya ay hindi niya na ramdaman ang ano mang paghuhusga at pakiramdam niya ay nahanap niya ang lugar na para sa kaniya. Lahat ng tao roon ay kasundo niya, nakakasama niya sa paglalaro at pareho ng mga hilig at kaalaman na paborito niyang pag-usapan. Sa mga lumipas na buwan rin ay unti-unti siyang nakakaipon ng pera at nabibili ang mga pangangailangan nila mag-ina, nakilala rna in siya sa mga balita dahil sa larong binubuo nila na balak i-launch sa loob rin ng taon na ito. Sobrang bilis ng proseso na kinabigla ng iba pang game developer company dahil sa galing ni Reo at hindi na kailangan pa maglaan ng maraming taon at oras dahil sa buo na ang larong ginawa ni Reo, ang kailangan na lang ay ang ilang touch-up sa mga device na gagamitin upang makapasok ka mismo sa laro. Ang larong ginawa ni Reo ay isang klase ng laro na tinatawag na VR MMORPG na ang ibig sabihin ay virtual reality massively multiplayer online role-playing game, kung saan gagamit sila ng mga high-tech machine games controller para tuluyan na mapasok ng player ang mundo ng laro. Kumalat ang balita sa buong bansa at lahat ng mga batikang gamer at mga fans ng game community ay hindi na makapag-intay na subukan ang larong magpapabago sa buong exprience ng game community. "Balita ko nakatanggap ka na naman ng offer mula sa ibang kompanya ah, wala ka bang balak na iwan kami?" tanong ng boss niya na si Mr. Sy habang nanonood sila ng trial practice sa ilang device na ginagawa nila. "Masaya na ako sa company ko Sir, at mas malaki naman ang pasahod niyo kesa sa iba," biro at nahihiyang tugon ni Reo sa boss niya habang pinapanood nilang makapasok ang consciousness ng isang player sa game. Ito ang unang trial nila at halos mapanganga si Mr. Sy dahil perfect at walang problema na nakapasok ang player sa loob ninto ng hindi nagkakaroon ng ano mang brain damage at iba pang malfunction sa program. Buong team ay halos magsigawan kasama ng iba pang doctor na naka-antabay sa ginagawa nilang proseso, mangiyak-ngiyak rin si Reo habang yakap-yakap siya ng kaniyang boss at nagtatalon sa tuwa habang minomonitor nila ang paglalaro ng player sa trial stage ng laro. "Henyo ka ba? Anong gusto mo house and lot?" tanong ng kaniyang boss at panay ang halik sa kaniyang pisnge habang siya naman ay iyak nang iyak, tulo ang uhog at tulalang nakatingin sa monitor habang naglalaro ang player sa game na kaniyang binuo. Alam ni Reo na lahat ng mga gabing wala siyang tulog at kain para lamng mabuo ang larong ginagawa niya ay tapos na, lahat ng mga paghihirap at pagtitiis niya sa mga lumipas na taon ay nagbunga na. Hindi siya makapaniwala na ito na 'yung oras at panahon na pinaka-iintay niya— ang makilala siya ng buong mundo dahil sa larong binuo niya, ang matupad niya ang pangarap niya na makabuo ng isang laro kung saan maipapakita niya ang mundo na nakikita ng mga mata niya. Nakikita mo ba 'to mang Toni? Nagawa ko rin po ang pangarap ko at pangako ko na isusunod ko ang paghahanap ng hustisya sa pagkamatay niyo. TO BE CONTINUED
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD