“Pa, I’m sorry. Hindi ko alam na may nararamdaman ka na pala and nagawa ko pang magalit sa iyon.” Napatingin si Giovani sa kanyang anak na si Jacob. Napangiti siya at pinalapit ang anak. Umupo si Jacob sa tabi ng kama niya at hinawakan ang kamay ng anak.
“Naiintindihan ko naman kung bakit ka nagalit. Hayaan na natin ang tagpong iyon. Lipas na iyon,” sagot niya sa anak.
“How I wish si Toneth na lang ang doktor mo. Wala akong tiwala sa Dr. Alvin Cabrera na iyon.” Natawa siya. Ganyan talaga ang anak niya noon pa man. Hirap magtiwala sa ibang tao.
“Tiwala naman ako. Hindi naman siya makakapasok dito sa Froilandon kung wala siyang experience talaga.”
“Mukha naman talagang walang experience, papa eh.”
“Don’t say that. Sabi nga nila don’t judge the book by it’s cover,” sabi niya. Napabuntong hininga na lang si Jacob sa kanya. Napatingin sila pareho nang may kumatok sa kanilang pinto. Tumayo si Jacob para buksan ito at nakita ang isang nurse na babae na may dalang isang basket ng prutas at bulaklak. Mabilis na kinuha ni Jacob ang mga ito.
“Galing po kay Mr. Manansala po iyan,” sabi ng nurse.
“Thank you,” sabi niya. Mabilis na umalis ang nurse at kinuha ni Jacob ang isang sobre na nakaipit sa mga bulaklak. Ibinigay ito ng kanyang anak sa kanya. Binasa niya at napahalakhak na lang.
“Hindi pa din nagbabago si Marlon. Sana after ng surgery ko, makabisita naman ako sa kanya.”
“Today is the day!” sabi ni Kent kay Alvin. Napangiti siya ng alanganin. Mamayang alas diyes ng umaga ang naka-schedule na operation nila. Dahil VIP ang pasyente ay malamang halos lahat ng mga kasama nila ay nasa observation deck. “Kaya mo iyan, okay? Inaral na natin ang dapat gawin,” paalala sa kanya ng doktor.
“Tama ka,” sagot niya.
“Ayusin mo ah. Ayokong mapahamak ang ninong ko.” Mabilis silang napalingon atnakita si Toneth na seryosong nakatingin sa kanila.
“N-ninong?”
“Yes, ninong. God father. Malapit sa akin si Mr. Romura. Para ko na siyang pangalawang ama kaya sana ayusin mo. Ayaw ko man pero kailangan kong magtiwala sa’yo,” sabi ni Toneth sa kanya.
“Teka lang Dr. toneth. Imbes na ‘wag mong pakabahin mas lalo mong tinatakot eh,” sabi ni Kent. Tinaasan lang silang dalawa ni Toneth ng kilay.
“Anong tinatakot? Sinasabi ko lang. Besides, a surgeon should not feel nervous. Delikado kapag kinakabahan.” Natahimik silang dalawa ni Kent dahil tama naman ang sinabi nito sa kanila. Napabuntong hininga siya.
“Kaya ko ito.”
“Kaya natin. Hindi naman kita iiwan eh,” sabi ni Kent sa kanya.
Bago mag-alas diyes ay naghahanda na sila para sa operation. Naghugas na sila ng kanilang mga kamay. Maayos nilang nilinis maging ang kuko at braso nila. Isinuot na nila ang kanilang scrubs at surgical gown, masks, gloves, at surgical cap.
Pagpasok nilang dalawa ay naka-ready na ang lahat. Napatingin siya sa itaas at katulad ng inaasahan niya ay halos nandoon lahat ang mga doktor. Napalunok pa siya ng kanyang laway nang makita si Toneth na seryosong nakatingin sa kanya.
“We will now begin the Pancreatoduodectomy,” sabi niya. Tumango si Kent sa kanya. “Scalpel.” Mabilis na ibinigay ng surgical nurse ang scalpel at maingat niyang hiniwa ang abdomen ng pasyente. “Monopolar.” Iniabot naman ito ng nurse. Maingat niyang tinatanggal ang mga tissues hanggang sa ma-expose ang loob nito. Pare-pareho silang napasinghap nang makitakung gaano kalala ang sitwasyon ng pasyente.
“Masama ito,” sabi ni Kent.
“Anong gagawin natin?” tanong niya. Maging si Kent ay hindi alam ang isasagot.
“Anong problema Dr. Alvin?” tanong ni Dr. Agot. Napatingin siya sa itaas.
“May problema po, Dr. Agot.”
“Ano naman iyon?”
“The artery is entangled in the tumor. Kumalat na po ang cancer hanggang sa SMA. Kahit na matanggal ang cancer cells ay hindi pa rin magbabago ang prognosis,” paliwanag niya. Nagsalubong ang mga kilay ni Dr. Agot.
“In other words?”
“It’s inoperable,” sagot niya. Napasinghap ang mga tao sa paligid niya.
“Anong inoperable? Binuksan mo siya tapos isasara mo kaagad? Pinaglalaruan mo ba ang katawan niya?”
“Pero ano pong gagawin ko? Hindi ko pwedeng galawin ang SMA. Mas okay ng isara siya at least buhay pa siya. Kapag pinilit ko ang gusto niyo, maaaring ikamatay niya ito,” katwiran niya. Kita niya ang disappointment sa mukha ng kanilang director.
Sumasakit ang ulo ni Dr.Agot dahil sa mga nangyayari. Hindi pwedeng isasara na lang basta ang pasyente. “Can someone continue the operation?” tanong niya. Lumingon siya para tingnan ang mga doktor nila. Halos lahat ay nag-iwas ng tingin.
“Dr. Agot,” tawag sa kanya ni Deputy-director Dr. Geraldine Osla. “Bakit hindi si Dr. Toneth ang ang pababain mo doon?”
“She failed her oper—” hindi na niya natapos ang sasabihin nang magsalita ulit si Dr. Geraldine.
“Dr. Toneth, can you do that?” tanong nito. Ngumiti si Toneth sa doktora.
“Yes.”
“Then perform an operation.”
Mabilis na lumabas ng deck si Toneth.
“Are you out of your mind? Bakit siya ang pinapunta mo doon?!” sigaw niya.
“Bakit? May iba pa ba? These doctors doesn’t have balls. Mga umiiwas,” sagot ni Geraldine.
“You’re crazy, Dr. Osla.”
“I’m just being bold.”
“If namatay ang pasyente, you and that conceited doctor ang mananagot.”
“Maghuhugas ka na naman ng kamay, Dr. Agot. Bakit hindi ka kasi magtiwala sa kanya. I can see her skills. Besides, hindi naman talaga failed ang una niyang operation. You just didn’t want to admit it dahil sa ego mo. Dahil maging ikaw ay hindi naisip ang ganoong procedure. Hinahayaan lang kita sa mga decisions mo, pagbigyan mo naman ako this time.”
Hindi na siya sumagot pa. Baka kung ano na lang kasi ang masabi niya at mag-away pa sila. Hindi muna dapat sila mag-away away dahil may pasyente pang nakahiga sa operating table.