PAGOD man sa maghapong pagtratrabaho sa karendirya, hindi naging hadlang ’yon sa isang disiotso dalaga na ipagpatuloy ang kanilang buhay. Kahit kakarampot ang kanyang suweldo roon pinagtiisan niya alang-alang sa dalawa niyang kapatid. Sampung taon siya ng mamatay ang kanyang ama, dahil tinamaan ng kidlat habang nagtratrabaho ito sa bukid. Hindi nagtagal sumunod naman ang kanyang ina ng dapuan ng sakit na tuberculosis. Halos ’di niya alam ang gagawin no’n napakabata nila nang iwan ng magulang. May tiyahin silang maiituring na kapatid ng kanyang ina, ngunit wala itong pakialam sa kanila at ang pinakamasakit sa lahat kapag wala siyang maibigay na pera rito sinasaktan sila.
Huminga ng malalim si Cristina bago pinunasan ang nagbabadyang pagtulo ng luha. Masakit para sa kanya ang mga pangyayaring ’yon sa kanila. Ngunit ’yon rin ang naging sandalan niya upang harapin at labanan ang hamon ng buhay.
Ilang sandali lang tumayo siya at kinuha ang bag na naglalaman ng kanyang damit na pamalit. Sa hirap ng trabaho niya roon minsan ’di maiwasang mabasa o matuyuan siya ng pawis. Matapos ang pagbibihis agad siyang nagpaalam sa may-ari.
“Madam, aalis na po ako,” paalam niya sa amo, sukbit ang bag sa likod at humakbang palabas ng karinderya.
“Sige, mag-ingat ka. Heto pala ang allowance mo,” Inabutan siya nito isandaan. Bukod kasi suweldo nilang lingguhan ay nagbibigay rin ito ng pamasahe sa kanyang mga tauhan. At kung minsan kapag may mga sobrang pagkain bininbigay na rin sa kanila.
Ngumiti si Cristina at nagpasalamat kay Madam Loi. “Thank you po, Madame Loi.”
“Walang anuman, hija. Pasok ng maaga bukas, ha,” anito saka tumayo at tinungo ang pintuan ng karinderya.
Alas-otso na ng gabi 'yon halos sabay-sabay na lumabas ng karinderya ang mga trabahador. Kasabay rin si Cristina sa daloy ng mga tao na papauwi sa kani-kanilang mga bahay.
“Cristina, sumabay ka na sa ’min,” tawag ni Sarah sa kanya. Magkaakbay sila ng kanyang nobyo habang naglalakad habang si Cristina nasa kanilang harapan.
Huminto si Cristina sa gilid ng daan upang hintayin ang magnobyo. Ang mga ito ang pinaka-close niya sa karinderya at sila rin ang dahilan kung bakit nakapasok siya sa kainan.
“H’wag na baka may date pa kayo. Makaiistorbo lang ako,” tanggi ng dalaga saka ipinagpatuloy ang paglalakad kasabay ng dalawa.
Inakbayan siya ni Sarah. “Ano ka ba? Kailan ka ba naging istorbo sa ’min?”
Umiling si Cristina. “Nahihiya na kasi ako sa inyo. Pati ako damay sa inyong intindihan.”
“Wala ’yon. Ikaw pa ba pababayaan namin? Naaawa nga kami sa ’yo kasi sa halip na i-enjoyed mo ang pagiging kabataan mo. Hayan at nagbabanat ka ng buto para sa mga kapatid mo,” madramang pahayag ni Sarah. Naikuwento kasi sa kanila ng dalaga ang buhay na mayroon sila.
Malungkot na tumanaw sa malayo si Cristina. Hindi naman niya sinisisi ang magulang o ang Diyos kung bakit ganoong buhay ang ibinigay sa kanila. Nagpapasalamat pa nga siya kahit papaano ’di sila pinababayaan ng Maykapal. Lahat ng nakasalamuha niya at mga kasamahan sa karinderya pawang mababait. Isa lang talaga ang problema niya— ang mukhang pera niyang Tiyahin.
“Wala akong magagawa. Baka ’yon talaga ang misyon ko sa buhay,” malungkot niyang saad. Bahagya pang pumatak ang mga luha sa tuwing sumasagi sa isipan ang mga kapatid. Mahal na mahal niya ang mga ito lahat ay gagawin mabigyan lamang sila ng magandang kinabukasan.
Ngumiti si Sarah saka hinawakan ang kamay ng kaibigan. Pinapahiwatig nito na naro’n lamang ang mga ito na handang tumulong sa kanya.
“Alam mo, kaya mong baguhin ang kapalaran ninyo. Hindi Siya ang gumagawa ng ating kapalaran kun ’di tayo. Tanging gabay lamang natin Siya sa pang-araw-araw nating buhay. Nasa kamay mo ang kasagutan, Cristina. Bata ka pa at maganda, maraming opportunity ang naghihintay sa ’yo,” payong kaibigan ni Sarah.
Pagdaan ng isang dyip ay agad silang sumakay na tatalo. Gaya ng dati, sinagot ng magnobyo ang pamasahe niya. Pagdating ng Santa Catalina, bumaba ang dalaga at kumaway lang siya sa kaibigan saka agad na naglakad papasok sa kanilang bahay.
“Ate, may dala ka bang pagkain? Kanina pa kami nagugutom ni Harold, hindi naman nagbigay si Tiya Lorna ng pagkain,” sumbong ng kanyang kapatid na si Janna. Halos mapaiyak si Cristina nang makita ang kapatid na nakaupo sa sahig malapit sa pintuan ng kanilang bahay habang isang kapatid na lalaki naman ay natutulog sa sahig. Bahagyang sinulyapan ng dalaga ang suot na relo, alas-diyes na ng gabi pero hindi pa kumakain ang mga ito.
Mabilis pumasok si Cristina sa loob ng bahay. Binuhat niya si Harold na nakatulugan na ang paghihintay sa kanya at inilapag niya sa papag na may saping banig na plastic. Awa ang nadarama ng dalaga habang nililinisan niya ito bukod sa malaki ang tiyan nito, payat na payat pa ang kapatid.
“Ate, halika na po kumain na tayo,” yaya ni Janna habang inaayos ang pagkain na dala niya.
Lumapit si Cristina sa lamesa saka ipinaghanda ng pagkain si Harold. “Mauna ka na,
papakainin ko muna si Harold.”
“Sige po ate.” Nagsimula ng kumain si Janna.
ISANG nakakabinging katok ang gumising kinabukasan sa magkakapatid agad bumangon si Cristina para buksan ang pintuan. Bago ’yon sinulyapan muna niya ang oras sa kanyang relo at napailing lang dalaga nang makitang alas-singko pa lang ng umaga. Tinungo niya ang kanyang bag at kinuha ang isangdaan na binigay ni Madam Loi kagabi. Kapag ganoong maaga pa sila binubulabog ng kanyang tiyahin alam na ng dalaga ang ibig sabihin—nangangailangan na naman ito ng pera para ipatalo sa sugal.
“Kailangan ko ng pera. Talo ako sa mahjong, kailangan kong bumawi!” galit nitong pahayag kay Cristina.
Ibinigay ni Cristina ang pera sa tiyahin. “Pasensya na po. Ito lang ang maiibigay ko sa inyo, wala pa rin po akong suweldo.”
“Ito lang. Saan ito aabot?” bulyaw nito kay Cristina. Mas lalong uminit ang ulo nito nang makita ang inabot niyang pera.
Buong pusong nagpakumbaba ang dalaga. “Pasensya na talaga, Tiya. Pamasahe ko na lang po ang natitira sa ’kin.”
“Kunin mo ’yon idagdag mo rito!” muling bulyaw nito.
“Pero tiya—” tanggi ni Cristina.
Isang masamang tingin ang ibinigay nito sa kanya na ikinatakot niya ng husto. May ibig sabihin ang mga tingin na ’yon. Kaysa makipagtalo pa ay kinuha niya ang natitirang pera sa bag.
“ibibigay mo rin pala. Dami mo pang satsat.” Sabay batok sa kanya ng tiyahin at nagmadaling umalis.
Pagkaalis ng Tiyahin hindi na napigilan ni Cristina ang umiyak. Awang-awa siya sa kanyang sarili kung bakit kasi 'di niya kayang lumaban sa Tiyahin. Tuloy inaapi-api lamg sila nito at ginagawang gatasan para sa bisyo.
Ilang sandali lang at lumapit ang mga kapatid ng dalaga sa kanya hanggang sa nagyakapan sila nang mahigpit. Pati tuloy ang dalawang kapatid ay nahawa sa kanyang iyak.
“Ate, bakit ’di na lang tayo umalis dito? I-Isama mo na lang ... kami ni Harold sa ’yong trabaho,” Umiiyak na saad ni Janna.
Pinunasan ni Cristina ng kanyang kamay ang mga luha ng kapatid. “Kung gano’n lang sana kadali ang lahat.”
“Ate, nakakatakot si Tiya. Baka ... baka saktan rin niya kami.” saad ni Janna.
Hinaplos ni Cristina ang buhok ng kapatid.
“Hindi mangyayari ’yon, pangako. Hangga’t naririto si Ate ay walang mananakit sa inyo.” turan ng dalaga sa mga kapatid at niyakap niya ang mga ito.
Matapos niyang pakainin ang mga kapatid. Sandali siyang nagpaalam sa mga ito para pumunta sa kapitbahay upang manghiram ng pera para sa kanyang pamasahe at pang-iwan din sa kanyang kapatid.
“Naku! Kung bakit naman kasi nagtitiis kayo r’yan sa magaling mong Tiyahin. Iwanan na ninyo ’yan, para matutong magbanat ng buto. Hindi laging nakaasa sa ’yo,” sermon ni Aling Betty kay Cristina.
“Wala naman po kaming ibang malalapitan. Kung aalis kami sa poder ni Tiya Lorna,” sagot ng dalaga.
Inabot ni Aling Betty ang perang hinihiram niya. “Bakit ayaw mong lumapit kay Tiyo Rolando mo? ’Diba mayaman ’yon?” mungkahi ni Aling Betty. Ang tinutukoy niya ay ang kapatid ng ama ni Cristina.
“Salamat, Aling Betty. Aalis na po ako,” paalam ni Cristina.
Pagdating niya sa bahay nasorpresa siya sa nadatnang bisita. Kausap nito ang mga habang kumakain ng tinapay at pansit.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya sa pinsan—si Britney, pinsan niya sa side ng ama.
Nginitian siya saka inalok ng dalang pagkain. Ngunit ’di man lang ’yon pinansin ng dalaga at kumuha siya ng tuwalya.
“Hindi ka ba talaga sasama sa ’kin sa Manila?” tanong sa kanya ng pinsan. Akma na siyang papasok sa banyo.
Pumihit siya paharap sa kanyang pinsan. “Alam mong wala akong mapag-iiwanan sa mga kapatid ko,” sinamantala niya ang pananahimik bg pinsan at agad siyang pumasok sa loob ng banyo.