Chapter 4

2429 Words
NAPAUPO si Ira Mae sa may pathway dahil sa pagod. Nanunuyot na ang lalamunan niya dahil sa uhaw. Gamit ang likod ng kamay ay pinunasan ni Ira ang pawis sa kaniyang noo. Habol niya ang kaniyang paghinga dahil sa layo nang nilakad nito simula pa kanina. Agad siyang napatingin sa gilid nang marinig ang malakas na tawanan. Galing ito sa mga babae na may naggagandahang katawan. Hapit na hapit ang kanilang suot at napakaikli. Kulang na lang ay tanging panloob na lang ang kanilang suotin. Halos napapatingin naman ang mga lalaking napapadaan sa kanila. Sobrang agaw pansin ang apat ng babaeng papalapit sa kaniya. Inisip kaagad ni Ira ang sinabi sa kaniya ng may-ari ng salon na kinausap niya kanina. Inilibot niya ang paningin at doon niya lang napagtanto na nasa harap siya ng club na tinutukoy nito. Napatayo ito sa kaniyang inuupuan nang dumaan sa gilid niya 'yong mga babaeng nagtatawanan at pumasok sa loob ng club. 'Bakit ba kasi ako napunta rito?' tanong ni Ira sa kaniyang isip. Palubog na ang araw kaya nagsisimula na rin ang pagbukas ng mga club sa lugar na 'yon. May mga ilang tao na rin na pumapasok para simulan ang kasiyahan. Napabuntong hininga si Ira sa mga nakita. Kung wala lang talaga siyang tiwala ay baka natagpuan niya na rin ang sarili na isa sa mga babaeng may nag-iiksiang suot at binabastos lamang ng mga kalalakihan. Kinuha niya muli ang mga gamit na nilapag sa sahig at nagsimulang maglakad. Sa paglalakad niya ay naagaw pansin niya ang isang karinderya na dinadayo ng maraming tao. Nakita ni Ira kung paano nahihirapan ang isang matandang babae roon na nag-aasikaso ng mga customers. Nagsasabay-sabay ang mga tao sa pagsabi ng kanilang orders. Hindi naman magkamayaw ang isang babae dahil siya lamang ang nagbibigay at kumukuha ng orders. Nagmamadaling lumapit si Ira doon bitbit ang kaniyang mga gamit. Nang makarating ay nilagay niya ito sa gilid kung saan hindi madadaanan ng mga tao. Lumapit siya sa isang lamesa ng mga lalaking construction worker. "Ano pong order niyo?" tanong ni Ira. "Isang menudo, afritada, adobo, nilagang manok at walong order na rice. Pahingi na rin kami ng sabaw." Tumango naman si Ira nang matapos itong sabihin ng lalaking matanda na may puting bigote. Lumapit siya sa counter at sinabi sa matandang lalaki ang order doon. Nagkatinginan naman ang matandang babae at lalaki dahil sa ginawa ni Ira. Wala naman silang nagawa kung hindi tanggapin ang tulong ni Ira dahil kulang sila sa trabahante at parami na nang parami ang pagpunta ng mga tao para kumain. Nagpatuloy si Ira sa pagkuha at pagbigay ng mga orders. Pinagpatuloy rin ng iba ang kanilang ginagawa sa pagbibigay ng orders sa customer. Ilang oras din ang tuloy-tuloy na pagtatrabaho nila dahil para bang hindi nauubusan ng customers ang kanilang karinderya. Nang matapos ay sabay-sabay silang napaupo sa upuan dahil sa pagod. Kumuha si Ira ng malinis na baso at nagsalin ng tubig. Para bang tumakbo ito ng ilang kilometro dahil pawisan at nanunuyot na ang kaniyang lalamunan. "Thank you, Iha." Napatigil si Ira sa pag-inom nang marinig niyang magsalita ang matandang babae sa gilid nito. Halata sa mukha nito ang pagod pero kapansin-pansin din ang makikinis nitong balat na animo'y alagang-alaga simula bata pa lang. Kasing edad lamang ito ng mga magulang ni Ira pero napakabata pa nito tignan. "Pasensya na po kung nagulat ko kayo sa pagtulong ko. Hindi ko rin kasi mapigilan ang hindi tumulong, lalo na at nakikita ko kayong nahihirapan," sagot ni Ira. Napansin naman ng babae ang mga gamit ni Ira sa gilid. "Bakit may mga dala kang gamit? Naglayas ka ba sa inyo?" Napatingin din si Ira sa mga gamit niya at pilit na ngumiti. "Lumuwas po ako ng Maynila para maghanap ng trabaho. Pero lahat ng napupuntahan ko ay hindi ako nakakapasok," paliwanag ni Ira. "May alam po ba kayo na pwedeng tuluyan dito na mura lang? Wala po kasi akong matutuluyan ngayong gabi." "Wala ka bang pamilya dito?" Napailing si Ira bilang sagot. Kung may pamilya man siya dito sa Maynila hindi niya sasabihin ang totoong dahilan ng pagpunta niya dito. Paniguradong ipapaalam nila ang dahilan nito sa pamilya niya. Ayaw niya lang mag-alala ang magulang niya sa kaniya. "Hindi ako sigurado pero kung wala kang matutuluyan ay pwede ka namang magpalipas ng gabi dito. Sa umaga pa naman kami umaalis dahil kailangan din naming mamili para sa lulutuin namin kinabukasan. Huwag kang mag-alala at babayaran ko rin 'yong oras na ginugol mo sa trabaho kanina." Hindi alam ni Ira kung tatanggapin niya ang offer ng babae kaya nanatili siyang tahimik. "Kami lang kasi ng asawa ko ang nag-aayos ng karinderya, iyong isa ko kasing anak ay may pinuntahan. Sakto ngang nandito ka kaya may tumulong sa amin." "Bakit hindi po kayo kumuha ng isa pang katulong?" Ngumiti ang babae ng pilit. "Wala na kaming ipangsasahod sa kaniya." Nagtaka naman si Ira sa naging sagot nito. Paanong walang masasahod kung napakaraming customers ang pumupunta dito? Nakita ng matandang babae ang reaksyon niya kaya pinagpatuloy nito ang sinasabi. "Nasa hospital kasi ang isa kong anak at naka-confine. Tumataas ang bills niya kaya tinanggal muna namin ang ilang trabahador dito." Hindi nakasagot si Ira dahil naiintindihan niya na kung bakit ganoon na lang magsumikap ang mag-asawang ito. "Ano ngang pangalan mo, Iha?" "Ira Mae Velasquez po." "Ira? Ang ganda naman ng pangalan mo, kasing ganda mo. Ako si Aya, pwede mo akong tawaging Nanay Aya. Siya naman 'yong asawa kong si Fred." Sabay turo ni Aya kay Fred na inaayos ang mga upuan. "Pwede bang tulungan mo na rin kami sa paglilinis? Masakit na rin kasi ang likod ko. Huwag kang mag-alala, ibibigay ko ang sahod mo mamaya." "Huwag na po." Naalala niya rin kasi ang Ate Rissalyn niya na may sakit at alam niyang malaking halaga ang iniipon ng mag-asawa para sa anak nila. Alam niyang malaking halaga rin ang pera na masasahod niya, pero mahalaga rin 'yon sa mag-asawang kasama niya ngayon. "Hindi na, Ira. Tanggapin mo na 'yon dahil malaking tulong 'yon sa iyo. Kikita pa naman kami kinabukasan." Ngumiti na lamang si Ira bilang sagot dahil wala na rin siyang magawa. Nagsimula silang magligpit. Si Ira naman ay nagpupunas ng bawat lamesa. Napatigil lang si Ira sa pag-aayos nang may huminto na magandang sasakyan sa harapan ng karinderya. Nagtataka si Ira kung anong gagawin ng tao sa loob nito sa ganitong lugar? Iniisip nito na baka naligaw lang at magtatanong ito kung kaya't huminto. Hindi nawala ang tingin ni Ira doon hanggang sa bumaba ang isang babae na nasa late thirties. Makukulay ang suot nito dahil sa mga design na bulaklak sa damit niya. Seryoso ang mga mukha at halata ang pagod habang naglalakad palapit sa kaniya. "Madam Flora, kumusta ang project?" Napalingon si Ira sa likuran nito nang marinig niyang magsalita ang babaeng may-ari ng karinderya. Si Nanay Aya. "Sobrang stress. May isa pang nag-backout kung kailan malapit nang i-release. Hindi ko tuloy alam kung saan kukuha ng panibagong model. Halos lahat ng nasa agency ko ay may schedule na," sagot ng babaeng puno ng bulaklak sa katawan na si Madam Flora. Kung titignan ay kasing edad lang ito ni Aya. "Kaya naman pala ganyan kapagod ang itsura mo. Same order ka pa rin ba?" Napatango naman ito sa tanong ng may-ari. "Sige, saglit lang at ako na ang magluluto." Dahil sarado na rin ang karinderya at naglilinis na lamang sila ay naging tahimik ang loob. Napaiwas agad ng tingin si Ira nang lumingon sa kaniya si Madam Flora. Nang maramdaman niyang hindi na ito nakatingin ay binalik niya muli ang tingin sa kaniya na ngayon ay nakaupo na sa isang gilid. May hawak itong cellphone at maya-maya ay may katawagan na. Pinagpatuloy na lang ni Ira ang papupunas ng mga lamesa. Wala naman siyang ibang magawa dahil hindi niya naman kilala ang babae na 'yon. Isa pa ay si Aya na ang nag-asikaso ng mga orders nito. Ilang sandali pa ay may dala ng balot ng pagkain ang may-ari. Napatigil naman si Madam Flora sa pagkausap sa cellphone nang makita si Aya na papalapit. Binigay niya naman ang binalot na pagkain kay Madam Flora. Nang maibigay ay bumalik sa kusina si Aya at kumuha rin ng pagkain para kay Ira. Alam niyang nagugutom na rin ito dahil sa ginawa niyang pagtulong kanina. "Ira, halika muna rito," pagtawag ni Aya sa dalaga. Napatigil si Ira sa paglilinis at naagaw pansin kaagad nito ang mga pagkain sa lamesa na nakahain. "Kanina ka pa nagtatrabaho. Kumain ka na muna." "Pero hindi pa po ako tapos sa pagpu---" Hindi na natapos ni Ira ang pagsasalita nang putulin ito ng kausap. "Si Fred na ang magtutuloy maglinis niyan. Kumain ka na muna." Pinaghila naman si Ira ng upuan kaya wala itong nagawa kung hindi ang sundin ang sinasabi niya. Kung sabagay ay kanina pa siya nagugutom. "Salamat po, Ma'am Aya." "Nanay Aya," pagtama nito sa dalaga. "Salamat po, Nanay Aya," pag-ulit ni Ira. "Walang anuman." Umupo naman ang may-ari sa harapan ni Ira. Tinignan niya itong kumakain habang may ngiti sa labi. "Kumain ka lang nang kumain. Hindi ko rin in-expect na sobrang daming customers kanina. Mabuti na lang at sakto ang pagdating mo." Napatigil sa pagsubo ng pagkain si Ira at ngumiti. Nakatingin ito kay Aya at may iniisip. Hindi niya alam kung sasabihin niya ba o hindi. Napansin naman ni Aya na parang may iniisip ito kaya napatanong siya. "May iniisip ka ba, Ira?" "Baka po pwede niyo akong maging helper. Kahit taga-hugas ng plato o taga-linis lang po. Kahit hindi niyo na po muna ako sahuran. Kailangan ko lang talaga ng may matutuluyan sa ngayon." Napasimangot naman ang may-ari at inisip 'yong anak niya na nasa hospital. Gustuhin niya mang tumulong pero marami siyang bayarin. "Pasensya ka na, Ira. Hindi pa kasi ganoon kalaki ang kita ng karinderya na ito kaya hindi pa ako tumatanggap ng empleyado. Isa pa ay alam mo naman ang dahilan ko." "O-Okay lang po," tanging sagot ni Ira at pilit na ngumiti. "Sobrang laki na po nang naitulong niyo ngayon sa akin." "Aya, ito na ang ang bayad ko," ani ni Madam Flora. Sabay naman silang napatingin nang iabot ng babaeng may suot na bulaklakin ang bayad niya. Biglang naisip ni Aya na baka pwedeng magtrabaho si Ira para kay Madam Flora. Hindi naman ito nagdalawang isip na magtanong. "Madam Flora, baka naman pwede mo siyang ipasok sa agency niyo? Ikaw na bahala kung anong trabaho ang ibibigay mo." Tumingin si Aya kay Ira at ngumiti. "Kaya mo naman, 'di ba?" "Yes po. Kaya ko pong maglinis, maghugas, maglaba, magluto at halos all around na po ako. Kailangan ko lang po talaga ng trabaho ngayon," pagmamakaawa ni Ira sa babaeng may bulaklakin na suot. "Ilang taon ka na ba?" Hindi kaagad makapagsalita si Ira sa naging tanong ng babae sa kaniya. "Siguro naman ay nasa legal age ka na 'di ba?" Tanging pagtango lang ang ginawa nito. Lumapit naman si Madam Flora dito at tinignan ito mula ulo hanggang paa. "Kailangan mo ng trabaho? Kailangan mo rin nang may matutuluyan? Then, work for me." Na-excite naman si Ira sa sinabi ng kausap pero hindi niya ito maipakita. Hindi niya kasi sigurado kung totoo ba ang sinasabi nito. "May potential ang katulad mo. Paniguradong sisikat ka rin basta kailangan mo lang ng tiyaga. Hindi gaanong kalaki ang sahod dahil nagsisimula ka pa lang naman, pero sure akong malaking tulong 'yon sa iyo." Tinignan ng babae ang mga dalang gamit ni Ira sa gilid. "Doon ka muna tumuloy sa condo unit ko. By the way, I'm Hyacinth. Pero pwede mo akong tawaging Madam Flora. Ayon ang madalas na tawag nila sa akin." "M-Madam F-Flora?" nauutal at nahihiyang tanong ni Ira sa kaniya. Hindi niya na hinintay ang sagot ni Ira at inabot nito ang kamay, 'saka nakipag-shakehands. Hanggang ngayon ay tulala pa rin si Ira at hindi makapaniwala. May parte sa kaniya na guminhawa at para bang nabunutan ng tinik. "Sige na at tapusin mo muna ang kinakain mo," wika ni Madam Flora. Pagkatapos kausapin si Ira ay humarap naman ito kay Aya. Samantalang sinunod naman ni Ira ang sinabi ng babae. "How was your son? Babalik pa ba siya?" tanong ni Madam Flora. Nawala naman ang ngiti ni Aya at naisip nito 'yong anak niyang nasa hospital. May sakit ito kaya hindi na nito kayang ipagpatuloy ang pagtatrabaho bilang modelo. "Tell him that I will still wait for him. Hindi ko kayang bitawan 'yong kagaya niyang pinanganak para sa ganoong talent." "Thank you, Madam Flora. Paniguradong matutuwa si Ethan kapag narinig 'yon. Simula bata pa lang ay pangarap niya na 'yon." Ngumiti lamang si Madam Flora bilang sagot. Habang nakikinig lang ng tahimik si Ira sa gilid na nakatingin sa kanila. Naghintay pa sila ng ilang minuto hanggang sa matapos si Ira. "Let's go?" pagyaya ni Madam Flora sa dalaga nang makaharap dito. "N-Ngayon na po?" tanong ni Ira dito. "May balak ka pa bang ipagbukas?" balik na tanong ni Madam Flora sa kaniya. Lumapit naman si Aya sa mga gamit ni Ira at kinuha ito. Inabot niya naman ang mga gamit kay Ira. "Go, Ira, bago pa magbago ang isip ni Madam Flora. Don't worry, maaalagaan ka niya nang mabuti roon," ani ni Aya. Tumingin lang si Ira sa kaniya panandalian at 'saka tumango. "Mag-iingat ka roon, ah? Alam kong sisikat ka rin katulad ng anak ko." Hindi niya alam kung ano ang tinutukoy nito pero magaan naman ang loob niya na tama ang pinasukan niyang trabaho. "Thank you po, Nanay Aya." Ngumiti naman si Aya dito at tinapik ang kanang balikat ni Ira. "Sige na. Kailangan na ring magpahinga ni Madam Flora. Paniguradong bukas ay magsisimula ka na." Pagkatapos nilang magpaalam sa isa't isa ay agad na nilisan nina Ira ang lugar na 'yon papunta sa condo unit na sinasabi ni Madam Flora. Habang nasa loob ng sasakyan ay hindi napigilang tanungin ni Madam Flora si Ira. "Have you experience joining in a pageant?" tanong ni Madam Flora sa tabi niya. Tumango naman si Ira at nanatiling tahimik. "Good. May experience ka naman siguro kung paano mag-pose at magdala ng damit?" "Opo," maikiling tugon ni Ira. "I'm expecting you tomorrow as one of my models. After the second week, we will launch our events. You are the one who will wear the dress I made." Hindi makapagsalita si Ira pero isa lang ang nararamdaman niya... kinakabahan siya. Dito na ba magsisimula ang pangarap ng ate niya o dito pa lang magsisimula ang journey niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD