NAPANGITI si Erik habang pinagmamasdan ang picture ng babaeng may ari ng f*******: profile na kaniyang tinitingnan. Walang iba kundi si Nadine.
Noon tahimik na pinakiramdaman ng binata ang kaniyang sarili.
Nasasaktan parin ba siya?
Muli siyang napangiti saka pinatay ang kaniyang laptop.
Masaya na siya, at masaya narin siya para kay Nadine at ganoon rin naman para kay Keira.
At sa nakikita niya ay ganoon rin naman si Nadine. Mukhang sa huli ay natutunan rin nitong mahalin sa loob ng maikling panahon ang lalaking ginusto ng ama nito para sa dating nobya.
Sa ngayon ay isang taon narin siyang single. Dahil katulad narin ng sinabi niya noon, gusto niyang pagtuunan muna ng pansin ang sarili niyang career, at ganoon nga ang ginawa niya. Sabado kaya wala siyang pasok sa trabaho.
Late na siya ng gising at ganoon talaga siya. Pahinga, kailangan rin niya iyon. Nagtuloy si Erik sa kusina para maghanda ng makakain.
Pero wala siya sa mood para magluto kaya minabuti niyang lumabas nalang ng bahay para bumili ng makakain niya. Sa isang eatery siya dinala ng kaniyang mga paa. Paborito niya ang Sinigang na Bangus doon kaya iyon ang inorder niya.
Pagkatapos niyang kumain ay naglakad siyang muli pauwi.
Ganoon ang buhay niya araw-araw. Kung minsan lumalabas siya at sumasama sa mga kasamahan niya sa trabaho para mag-enjoy pero hanggang doon lang iyon. Dahil gaya narin ng sinabi niya kanina, career ang priority niya ngayon.
Papasok na sana siya ng gate nang matanawan ang tindahan ni Mrs. Ramos na madalas niyang tambayan. Naalala niya, nagpapahanap nga pala siya rito ng tao na pwedeng maglaba at maglinis ng bahay niya. Hindi naman stay-in kaya hangga't maaari ay gusto niya na dito rin sa village nila nakatira.
"Magandang gabi po, Mrs. Ramos," ang bungad niyang bati sa ginang saka siya umorder ng isang tasa ng mainit na kape.
"Mabuti at napadaan ka, may nakita na akong pwedeng irekomenda sa iyo," ang masaya nitong bungad sa kaniya.
Napangiti doon si Erik. Mukhang alam na nito na iyon ang totoong sadya niya roon.
"Talaga ho? Maraming salamat po kung ganoon," aniyang binayaran ang inorder niyang kape na nasa papercup.
Tumango si Mrs. Ramos. "Hindi ko alam kung natatandaan mo pa siya, ang alam ko kaklase mo ang batang iyon simula noong nasa elementarya ka," pagbibigay impormasyon pa nito.
Nagsalubong ang mga kilay ni Erik saka nagsindi ng sigarilyo.
"Sino ho?" tanong niya.
"Si Mia. Iyong batang maganda pero mahiyain na alaga ni Ms. Sanchez," anito.
Noon inalala ni Erik ang sinasabi ng ginang. Saka napangiti nang maalala kung sino ang tinutukoy nito.
Naaalala pa niya na ito ang itinanghal na Queen of the Night sa Prom nila noong nasa huling taon sila sa high school habang siya naman ang King of the Night.
Paano nga ba niya makakalimutan ang mahiyain pero napakaganda at napakatalino na si Mia?
Ito ang kanilang Class Valedictorian at madalas itong ipareha sa kaniya ng mga teachers nila dahil nga siya ang pumapangalawa rito.
Matalino, mabait at maganda. Lahat nalang yata ng gusto ng isang lalaki sa isang babae kay Mia mo makikita.
Hindi naman sa hindi niya ito napapansin nang mga panahong iyon. Ang totoo kasi ay okupado ni Keira ang kaniyang puso at isipan noon kaya siguro hindi niya nabigyan ng pansin ang iba. Marami siyang naging girlfriends pero kadalasan ang mga ito ang unang nagpapakita sa kaniya ng motibo.
"Nakakaawa ang kinahinatnan ng buhay ng batang iyon," ang sinabing iyon ni Mrs. Ramos ang pumutol sa ginagawang pagbabalik tanaw ni Erik.
"Bakit ho? Ano po bang nangyari sa kaniya?"
ONE WEEK BEFORE
AGAD na sumikdo ang kaba sa dibdib ni Mia nang marinig ang magkakasunod na pagtunog ng kaniyang telepono.
Sakay siya ng bus paluwas ng Maynila para takasan ang impiyernong buhay sa piling ng kaniyang demonyong kinakasama.
Si Bernie.
Numero lang ang rumehistro doon kaya pinili niya na huwag iyong sagutin. Hindi na siya babalik sa kinakasama niya. Tapos na siya rito at hindi na niya kaya ang magtiis pa. Nang huminto sa pagtunog nito ang kaniyang telepono ay saka niya iyon pinatay.
Hindi na muna siya gagamit ng telepono hangga't hindi siya nakakabili ng bago niyang sim card. Mabilis na naramdaman niya Mia ang nagbabadya niyang mga luha nang maalala ang lahat ng kalupitan na sinapit niya sa kaniyang asawa. Siguro hindi lang talaga siya nito mahal.
Taliwas iyon sa madalas nitong sabihin sa kaniya mula noong high school pa lamang sila at nanliligaw sa kaniya ang lalaki. Sa kanyang pag-iisip ay noon naisipan ni Mia na ilabas mula sa loob ng kaniyang bag ang kaniyang pitaka.
Sa loob niyon ay ang isang litrato na nang masilayan niya ay tuluyan na ngang nagpabalong ng kaniyang mga luha. Litrato niya iyon kasama ang kanyang Nana Rosita. Ang matandang babaeng umaruga sa kaniya mula pagkabata.
Mula nang iwan siya ng maraming taong umampon sa kaniya. Pero hindi naman siya kinayang panindigan kaya sa huli ay sinusukuan lang siya at ipinamimigay ng mga ito.
Siguro kung hindi namatay ang matanda baka hindi umabot sa ganito kasaklap ang pangyayari sa buhay niya. Baka masaya siya ngayon kasama ito at baka, baka hindi si Bernie ang napangasawa niya. Sa huling naisip ay impit na nga napahagulhol si Mia.
Hindi niya alam kung may pag-asa pa siyang makabangon matapos ang lahat ng pinagdaanan niya. Lalo na ngayong alam niya at nakatitiyak siya na hindi magiging madali ang lahat dahil tiyak siyang hahanapin siya ng asawa niya. Pero pagod na siya.
Pagod na siyang maniwala sa lahat ng kasinungalingan nito. Pagod na siyang patawarin ito ng paulit-ulit. At pagod narin siyang mahalin ito.
Tama, sa huli ay natutunan rin naman niyang mahalin ang kinakasama niya. Pero hindi iyon katulad ng pagmamahal na inilaan niya noon sa isang tao na kahit minsan yata ay hindi siya nakita. Isang tao na alam niyang hindi babagay sa kaniya kailanman kaya nagawa niya ang makuntento na lamang sa simpleng pagtanaw niya rito.
Ang kaniyang first love.
Si Erik.
Noon mapait na napangiti si Mia.
Kahit minsan, kahit hindi naman siya napapansin ni Erik noon, kahit lumipas na ang mahabang panahon, hindi ito nawala sa puso at isipan niya kailanman.
At sa huling prom nila sa high school kung saan siya ang nanalo na Queen of the Night habang ito naman ang King of the Night, hindi minsang beses lamang niyang paulit-ulit na piniplay sa kaniyang isipan kung gaano kabanayan ang naging paghawak nito sa kamay niya. At kung paano siya nito isinayaw.
Pero tapos na iyon. Alam niyang magandang alaala iyon na pwede niyang balikan sa kaniyang isipan at hanggang doon na lamang. Dahil kung hindi siya nakita ni Erik noong mga bata pa lamang sila.
Mas lalong higit ngayon na mistula siyang isang basag na plato na piliitin mang ibalik sa dati ay hindi na maaari, dahil may mga bahagi na niya ang napulbos dahil sa kaniyang pagkakabagsak.