KABANATA 5 "FIRST LONG CONVERSATION"

1292 Words
SA sala siya pinatuloy ni Erik para doon nila ituloy ang pag-uusap. Matapos siyang paupuin ay nagtuloy sa kusina ang binata. Hindi naman ito nagtagal dahil bumalik rin ito na may dalang isang baso ng malamig na orange juice at isang platito ng buttered cookies. "Paninda iyang ng kasama ko sa trabaho. Tikman mo, masarap," alok nito sa kanya na ang tinitukoy ay ang mga cookies sa platito. Tumango si Mia saka nakangiting kumuha ng isa. "Masarap nga," aniyang biglang nakaramdam ng gutom kaya nang maubos niya iyon ay kumuha siya ng isa pa. "Pasensya ka na kung gabi na ay napilitan ka pang dumaan dito para lang kausapin ako. Kanina lang din kasi nasabi sa akin ni Mrs. Ramos ang tungkol sa iyo. Hindi ko rin naman alam na ngayon ka pupunta," paliwanag pa ni Erik na nahuli niyang sinusulyapan ang supot ng bigas, itlog na maalat at kamatis sa kaniyang tabi.  Tumawa ng mahina doon si Mia. "Ako nga ang dapat na humingi ng paumanhin sa iyo. Ang totoo kasi kailangang-kailangan ko lang mapagkakakitaan. Ang sabi kasi doon sa trabaho na papasukan ko, kailangan ko munang pagalingin itong mga pasa at sugat sa mukha at katawan ko bago ako makapagsimula," paliwanag niya kay Erik na kung tutuusin ay kanina pa naman niya talaga nakikitang pinagmamasdan ang mga iyon na tinutukoy niya. Nakita rin niya na gumuhit ang awa sa mga mata ng binata at maging sa mukha nito. Pero sandali lang naman iyon. Dahil agad na nagbago ang aura ng mukha ni Erik nang magbuka ito ng bibiga para magsalita. "Nakapagpatingin ka na ba sa doktor?" ang mabait at concerned nitong tanong sa kaniya. Mula sa rim ng baso ng orange juice kung saan umiinom si Mia ay nakita niya ang kaseryosohan sa mukha ni Erik nang sambitin nito ang mga salitang iyon. Noon nahihiyang ibinaba ng dalaga ang baso sa center table saka nakangiting nagsalita. "Wala kasi akong pera, iyon ang totoo kaya gusto kong maghanap ng pwedeng ipaglinis ng bahay o ipaglaba. Hindi ko na inisip ang pumunta sa ospital at magpatingin kasi alam kong gastos lang iyon. Idinadaan ko nalang sa mga simpleng gamot ang lahat para kahit papaano ay mapawi ang pananakit ng katawan at mga sugat ko,"  Noon narinig ni Mia ang malalim na buntong hininga na pinakawalan ni Erik. "Huwag mo nang intindihin ang tungkol sa pera. Tutal employer mo naman ako," anito sa tono na mukhang walang balak magpapigil. Maganda ang ngiti na pumunit sa mga labi ni Mia. "S-Sige, iawas mo nalang sa---," "Hindi na, it's okay. Para makakain narin tayo, bigla kasi akong ginutom eh," sa huling sinabi ni Erik ay muling napangiti si Mia. "Ang alam ko nabanggit sa akin ni Mrs. Ramos na lumabas ka raw kanina para kumain? Alam mo, hindi mo kailangang maawa sa akin, Erik. Tanggap ko naman ang naging kapalaran ko," aniya sa tono na pilit pinatatatag ang tinig.  Pinilit rin niyang huwag haluan ng lungkot ang kaniyang pananalita at nagtagumpay naman doon si Mia.  Tumango ang binata saka siya nito nginitan nang may pang-unawa. "Okay, so paano, halika na?" yakag nito sa kaniya nang mapuna nitong naubos na niya ang juice sa kaniyang baso. Noon tumango si Mia. "Iiwan ko nalang muna dito itong binili ko sa tindahan, okay lang ba?" "Oo naman, daanan mo nalang mamaya," sang-ayon ng binata. SA isang pribadong hospital siya pinatingnan ni Erik. At dahil nga doktor na ang kausap niya ay napilitan si Mia na aminin ang totoo, kahit sa harapan pa ng binata. Well, alam naman niyang alam narin ni Erik ang totoo. Hindi lang ito nagtatanong dahil nahihiya at syempre respeto nito iyon para sa kanya. Sa huling naisip ay lihim na nakaramdam ng tuwa si Mia.  Napakasarap sa pakiramdam na ang isang katulad ni Erik ay binibigyan siya ng klase ng respeto na hindi niya naramdaman noon sa lalaking pinili niyang makasama. Noon muling naramdaman ni Mia ang pamilyar na lungkot na gumuhit sa kaniyang dibdib. "Are you okay?" tanong sa kaniya ni Erik nang mapansin nito ang kaniyang pananahimik.  Nasa loob na sila noon ng kotse nito at dumaan ng drugstore para bilhin ang mga gamot na inireseta sa kaniya ng doktor.  Tumango si Mia saka ang binata na noon ay mataman ang pagkakatitig sa kaniya. "Salamat," aniya, at katulad kanina nagpigil siyang muli ng kaniyang emosyon. "Sa isang linggo huwag mong kalilimutan ang sinabi ng doktor, babalik tayo para matingnan ka niya ulit. So paano, saan mo gustong kumain?" ang masiglang tanong sa kaniya ng binata saka ini-start ang engine ng kotse. Nagkibit siya ng balikat saka tumawa ng mahina. "Ikaw ang bahala, kasi kung ako ang tatanungin mo kahit sa karinderya lang pwede na ako, sa gutom kong ito ako pa ba ang mamimili eh libre na nga," aniyang tumawa muli, pero sa pagkakataong iyon ay mas malakas na. Ilang sandali pagkatapos ay natigilan si Mia nang maramdaman niyang nakatitig sa kaniya ang kasama.  "Erik?" untag niya rito. Noon na pinatakbo ni Erik ang kotse nito palabas ng parking lot ng malaking ospital na iyon. "Wala, masaya lang ako na nakita kitang tumawa ng ganiyan. Saka isa pa, mas maganda siguro kung kumain tayo ng masarap. Isipin nalang natin na reunion natin ito, at celebration kasi for the first time ay nagkaroon tayo ng isang long conversation na kahit noong high school tayo ay hindi natin nagagawa," ang mahabang sabi ni Erik. Nagyuko ng ulo si Mia pero nakangiti.  Totoo iyon, totoo ang sinabi ni Erik. Iyon ang kanilang first long conversation. Hindi dahil wala silang chance noon, kung hindi dahil iniiwasan niya iyon, dahil sa lihim na pagtingin niya para rito. "Mahiyain ka kasing masyado noon Mia, at napakatahimik, bukod sa sobrang talino mo. Nakaka-intimidate kang lapitan at kausapin kasi baka kapag ginawa ko iyon, iniisip ko baka bigla mo akong tanungin ng isang bagay na hindi ko kayang sagutin at mapahiya ako," ang binata na nanatiling focus ang mga mata sa kalsada habang nagmamaneho ito pero hindi parin nagbabago ang tono ng pananalita, ramdam niya ang kasiyahan ni Erik. Ramdam niya na gusto siya nitong kausap. "Ganoon parin naman ako hanggang ngayon, medyo nabawasan nalang siguro dahil sa klase ng trabaho na pinasok ko."  Inaasahan ni Mia na tanong ang isasagot sa kaniya ni Erik dahil sa sinabi niyang iyon pero hindi nangyari. Sa halip ay sinang-ayunan ng binata ang sinabi niya at humaplos iyon ng husto sa kaniyang puso. "Napansin ko nga," anitong sa kaniya. "kung sakali bang mag-set sila ng reunion, gusto mong pumunta? Kasi may group ang batch natin sa f*******:, ginawa ni William," tanong sa kaniya ni Erik kapagkuwan. Sa narinig ay natahimik muna si Mia bago nagsalita.  "Hindi nalang siguro, nahihiya kasi ako. Saka alam ko kapag nangyari iyon, baka pumunta lang si Bernie, baka matunton niya ako," sa huling sinabi ay agad na nakaramdam ng takot si Mia.  Alam naman niya na malaki ang chance na puntahan siya ni Bernie dito sa Maynila oras na malaman nito ang ginawa niya. Pero wala na siyang planong sumama, kahit anong gawin nito ay hindi na siya babalik rito.  "Kunsabagay, alam ko na sasasabihan ko si William na huwag siyang i-invite!" biro pa nito. Natawang muling si Mia doon. "Nakakahiya, huwag nalang, ayoko," sa huling sinabi ay hindi napigilan ng dalaga ang mahaluan ng insecurity ang kaniyang tono. "Kasama mo naman ako, bakit ka mahihiya," si Erik na binuksan ang stereo ng kotse nito.  Hindi matiyak ni Mia kung sinadya o nagkataon lang na saktong naka-play ang kantang King and Queen of Hearts ni David Pomeranz sa station kung saan naka-set ang radyo ng binata.  Agad na nagbalik sa isipan ni Mia ang kaniyang first and last dance noong high school, walang iba kung hindi si Erik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD