KATULAD ng sinabi ni Erik, kumain sila ng masarap dahil sa isang mamahalin na buffet restaurant siya nito dinala. Noon una ay alangan pa siya dahil narin sa suot niyang simpleng walking shorts at tshirt. Pero nang sabihin sa kanya ng binata na okay ang outfit niya ay hindi na siya nagprotesta pa.
"Salamat sa masarap na hapunan," aniya nang ibaba siya ni Erik sa tapat mismo ng bahay niya.
Tumango ito. "Paano, see you tomorrow? Sunduin kita para hindi ka na maglakad?" tanong nito.
Natawa siya ng mahina. "Ano ka ba, isang kanto lang ang layo ng mga bahay natin, maglalakad nalang ako," aniya rito saka umakmang bababa na ng kotse pero napigil iyon nang muling magsalita ang binata.
"Eh, hindi ba naiwan mo sa bahay iyong bigas at itlog na maalat na dala mo kanina? Puntahan nalang kita dito, tapos magdadala narin ako ng mainit na pandesal at liver spread. Sagot mo ang kape ah?" si Erik sa kaniya.
Hindi maunawaan ni Mia kung anong klase ng damdamin ang humaplos sa puso niya dahil sa sinabing iyon ni Erik. Pero kahit anong klase ng damdamin pa iyon, isa lang naman ang sigurado siya. Masaya siya. Siguro dahil sa kabila ng nangyaring hindi maganda sa kanya nitong mga nakalipas na araw ay nagkaroon siya ng isang magandang dahilan ngayon para ngumiti. At si Erik iyon. Ang kaniyang first love.
TEN YEARS AGO...
"WALA 'Tol, nilampaso ka na naman ni Mia. Ang layo ng general average ninyo ngayong third grading oh. Ninety four point forty three ka lang samantalang siya ninety-eight point sixty-eight. Konti nalang makaka one hundred percent na siya," ang malalakas na bulalas ni William habang tatlo sila kasama ni Roy nakatingala sa isang piraso ng bond paper na nakapaskil sa labas ng faculty room ng kanilang adviser na si Mrs. Reyes.
"Alam mo, alam ko kung paano mo matatalo iyan, may idea ako kung paano mo makukuha sa kanya ang first place. Tingnan mo nga malapit na ang graduation natin pero kahit minsan hindi mo naungusan ang babaeng iyan. Talagang matindi siya, kahit saang subject mo ilagay ibang klase," si Roy naman iyon nang nanglalakad na sila patungo ng canteen kung saan sila bibili ng makakain para sa recess.
"Tumigil nga kayong dalawa. Hayaan ninyo iyong tao, okay lang na pangalawa ako palagi sa kanya, walang kaso sa akin iyon," pagsasabi niya ng totoo sa kagustuhan niya matigil na sa kasasalita ang dalawa.
Totoo naman kasi iyon.
Hindi big deal sa kaniya kahit simula noong elementary sila ay palagi na lamang siya pangalawa kay Mia. Matalino naman kasi talaga ito at hindi ito katulad ng ibang babae sa eskwelahan nila na maagang nakikipag-boyfriend at kung anu-ano ang inaatupag.
Si Mia ang tipo ng babae na bahay-eskwela lang ang destinasyon araw-araw.
Nakikita niya itong lumalabas kung minsan kapag may bibilhin sa tindahan na nasa tapat ng bahay nila. Kina Mrs. Ramos. O kaya naman ay tuwing araw ng linggo kapag magsisimba ito kasama ang matandang dalaga at retired teacher na si Ms. Sanchez.
Kung minsan kapag napapadaan siya sa bahay ng mga ito ay lagi niyang nakikita si Mia sa terrace ng malaking bahay ni Ms. Sanchez. Kung hindi ito nagbabasa ay naggagantsilyo o kaya naman ay nagko-cross stitch.
Si Mia ang masasabi niyang babae na pwedeng magustuhan ng kahit sinong lalaki.
Maganda, mabait, simple ang kaligayahan at napaka-talino.
Pero hindi ito katulad ng iba na madaling lapitan. At iyon ang katangian nito na masasabi siyang pinaka naiiba sa lahat. Iyon ang kangian ni Mia na hindi simple. Dahil kung gaano ka-simple ang pagkatao nito ay siya namang kabaligtaran ng aura nito.
Napakatahimik kasi ng dalaga.
Ngumingiti ito pero bihira.
Hindi rin naman niya masasabi na mataray ito dahil wala sa aura nito ang ganoong personalidad.
Siguro dahil iyon sa pagiging independent ng dalaga.
Totoo iyon, nakaka-intimidate si Mia, at isa na siya sa mga kaklase nito na masasabi niyang nakakaramdam ng ganoon. Si Bernie lang naman ang malakas ang loob na laging nakabuntot kay Mia.
Siguro dahil may gusto ito sa kaklase nila.
Si Bernie ang pangatlo sa ranking nila. Sa makatuwid, ito ang sumunod sa kaniya.
At masasabi niyang malayo naman ang agwat nila sa grades. Dahil kung ninety four siya at eigthy nine naman ang general average nito ngayong grading period.
Pero kung siya ay tanggap niyang pangalawa lamang siya kay Mia, hindi si Bernie. Madalas nararamdaman niya ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Hindi lang ito makaporma sa kaniya dahil marami siyang kaibigan na alam niyang nasa likuran lang niya sa lahat ng oras. Habang ito ay kabaligtaran niya.
Kaya nga siguro palagi nalang si Mia ang sinasamahan nito.
"Pero in fairness, iyong karibal mo, nasa likuran mo na naman," si Roy na parang alam ang tumatakbo sa isipan niya.
"Syota ba ni Mia ang lalaking iyon? Bakit lagi silang magkasama?" ang curious na tanong ni William nang papasok na sila ng canteen.
"Anong malay ko," ang sagot niya.
"Bakit hindi mo alam? Hindi ba sa isang baranggay kayo nakatira?" tanong ni William sa kaniya.
Naiiling na nilingon ni Erik ang kaibigan. "Ano ka ba, ni hindi nga ako tinitingnan ni Mia eh. Para nga akong hindi nag-e-exist sa kanya, paano ko malalaman?" pagsasabi niya ng totoo nang nakapila na sila sa canteen.
Hindi na kumibo ang dalawa sa sinabi niyang iyon. Lalo na nang paupo na sila at nakitang nakaupo si Mia at kumakain ng mag-isa sa nag-iisang mahaba at bakanteng mesa sa loob ng kanilang school canteen.
"Sabihin mo na," si Roy kay William.
"Ikaw na, baka mamaya hindi pa ako pansinin niyan mapahiya ako," sagot na bulong naman ni William.
Noon naiiling na tumikhim si Erik. Dahil sa ginawa niyang iyon ay napa-angat ng tingin si Mia at noon nagtama ang paningin nilang dalawa.
Nagtatanong ang mga mata na pinakatitigan siya ng magagandang mga mata ng dalaga.
"Ang ganda talaga niya, napaka-amo ng mukha no?" bulong na naman ni William kay Roy.
"Oo naman, tangina bulong ka ng bulong baka mamaya marinig tayo niyan, nakakahiya," si William naman iyon.
Lihim na pinagtawanan ni Erik ang mga kaibigan niya dahil doon bago niya nakangiting hinarap si Mia.
"Hi Mia, ah wala na kasing bakanteng mesa, baka pwede kaming maki-share sa iyo dito?" lihim na pinagalitan ni Erik ang sarili niya dahil sa estupidong pinagsasabi niyang iyon.
Obvious naman na wala nang bakanteng mesa. Pero huli na para bawiin ang lahat ng nasabi niya.
Noon tipid na ngumiti sa kaniya si Mia bago nagbuka ng bibig para magsalita. "Oo naman, walang problema," ang tanging sagot nito saka ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain habang nagbabasa ng libro.
"Congratulations nga pala, top one ka ulit. Siguradong matutuwa si Ms. Sanchez," ang masigla niya uling winika na muli na namang nakapag-paangat ng paningin ni Mia.
HUMAPLOS sa puso ni Mia ang sinabing iyon ni Erik.
Ang totoo, isa ito sa maraming dahilan ng pagsisikap niya. Pero ang una sa listahan niya ay ang kanyang Nanay Rosita. O mas kilala sa baranggay nila bilang si Ms. Sanchez.
Isa itong matandang dalaga at retired teacher.
Kung paano siya napunta sa poder nito?
Well, masasabi niyang blessing iyon at maswerte siya na dito siya napunta. Dahil pinag-aral siya nito at itinuring na isang tunay na anak.
"Palagi mo nalang nilalampaso si Erik, kawawa naman itong kaibigan namin," sa narinig ni Mia na sinabi ng kaklase nilang si William ay hindi niya napigilan ang matawa.
"Hindi naman, pero thank you," ang mas pinili niyang sabihin para hindi na masyadong humaba pa ang usapan.
Ang totoo naiilang kasi siya at parang hindi makahinga ng maayos kapag nasa paligid lamang niya si Erik. At dahil iyon sa matagal na niyang nararamdaman para sa kaklase niya. Pero dahil nga sa pag-aaral ang priority niya, at alam niyang hindi siya ang tipo ng babae na magugustuhan nito ay walang nakakaalam ng nararamdamdaman niyang iyon maliban sa kaniya at sa hangin.
Nakita niyang nagbuka ng bibig si Roy pero napigil ang lahat ng sasabihin nito nang matanawan niyang pumasok ng canteen si Bernie. Kaklase rin niya ito, at manliligaw.
"Uy, Erik congrats, pangalawa ka na naman," ang bungad ni Bernie kay Erik na noon ay kumakain na ng inorder nitong pansit.
Hindi man nagustuhan ni Mia ang sarkasmo sa tono ng pananalita ni Bernie ay minabuti niyang huwag na lamang kumibo.
Alam niyang napansin rin iyon ni Erik pero hindi nalang nito iyon pinatulan na lihim naman niyang ipinagpasalamat. Pero hindi ni Roy na sumagot sa kaparehong tono na ginamit kanina ni Bernie.
"Oo nga eh, conrgrats din sa'yo 'tol, consistent kang number three. Iyong sumunod sa'yo points lang ang agwat ninyo. Galingan mo, final grading na. Kasi itong bestfriend namin tanggap ang pagiging number two niya. Ikaw, kung sakali bang matalo ka nung top four natin, matatanggap mo ba?" ang sarkastiko na sagot ni Roy na nakita niyang siniko naman ni Erik kaya tumigil sa pagsasalita.
Sa puntong iyon ay minabuti na ni Mia na yayain palabas ng canteen si Bernie. Habang sa isip niya, gusto niyang lapitan si Erik at humingi ng paumanhin dahil sa inasal ng kasama niya.