Chapter 2

1838 Words
"HI, BABAYGIRL." Masuyong bati ni Lucian sa limang taong gulang na paslit, na si Yana, pagkabukas pa lamang nito ng pintuan, na sinundan ng matamis na ngiti, na sa pagkakatanda niya ay tanging dito pa lamang niya naipagkaloob. Pinalaki siya ng kanyang ama bilang isang matigas at walang pusong prinsipe ng kanyang imperyo. Hindi kailanman nito itinuro sa kanya kung papaano ang pakiramdam ng magalak. O, humanga. Lalong-lalo na... ang umibig. "Kanina pa ako naghihintay sa iyo sa dalampasigan, ngunit hindi ka dumarating, kung kaya't hinanap ko na ang inyong tahanan." Masuyo pa ring dagdag pa niya, na umuklo sa harapan nito upang magpantay ang kanilang tingin. Sa isang iglap ay napalitan ng kalungkutan ang kanina ay saya sa mga mata nito. "Sorry. Pero hindi talaga ako makakapunta sa tabing-dagat ngayon, eh." "Bakit naman?" Tanong niya, kahit pa nga ba tila nahuhulaan niya na kung bakit. "Kasi si Mama," sagot nito na bahagya pang lumingon sa loob ng kanilang kabahayan. "May sakit kasi siya, Lucian. Kagabi pa siya hindi bumabangon sa kama kaya kailangan ko siya subuan para makakain siya." Anito nang ibalik ang malungkot pa ring tingin sa kanya. "Pasensya ka na, ha." Anito, at saka tila ba may edad nang nagpakawala ng malalim na hininga. "Baka bukas, 'pag okay na si Mama, pwede na ulit ako pumunta sa tabing-dagat at maglaro." Pilit itong nagpakawala ng isang ngiti, na hindi naman umabot sa mga mata. Tila minamaso ang dibdib ni Lucian sa nakikitang purong pag-aalala at kalungkutan sa mapupungay na mga mata ni Yana. Bakas doon ang kakulangan nito sa tulog at pahinga. Sa mura nitong edad, dapat ay nasa aplaya ito nang mga oras na iyon at masayang nakikipaglaro sa kapwa nito mga bata. Sa halip, ay narito ito at tila hinahamon ang kakatiting pa nitong katatagan na sa tingin niya, anumang sandali ay maaari nang gumuho. At kung ang pagbabasehan niya ay ang mga nalaman niya mula kay Gronos, kani-kanina lamang, tiyak na mas doble ang lungkot at pighati na masisilayan niya sa mukha nito, maya-maya lamang. Hindi niya maintindihan kung bakit naaapektuhan siya, gayong kahit na minsan ay wala siyang naramdamang kahit na ano kapag nakaririnig siya ng malalakas na daing at panaghoy na nagmumula sa mga pinarurusahang kaluluwa sa impiyerno. Kung minsan nga, ay tila musika na iyon sa kanyang pandinig. Ano at bumibigat ang dibdib niya sa simpleng kalungkutan lamang na nababasa niya sa mga mata ng paslit na ito? "Y-yana..." Pinutol ng animo hinang-hinang tawag na iyon ang daloy ng kanyang isipan. Iyon marahil si Maritess, ang ina ni Yana. Kagyat namang lumingon si Yana sa pinanggalingan ng nanghihinang tinig na iyon, bago tila nagagahol na muling ibinalik ang tingin sa kanya. "Ah, sige na, Lucian, ha..." bakas ang pagmamadali sa munting tinig at anyo nito. "Sa susunod na lang... kailangan ko pa kasi alagaan si Mama." Ani pa nito, saka nagmamadali ang kilos na tumalikod na at tumakbo patungo sa kinaroroonan ng sa tingin niya ay nag-iisang silid sa bahay na iyon, bago pa siya makaimik man lamang. Ni hindi na nito nakuhang maisara ang pintuan sa pagmamadali. Wala nang nagawa na umunat na lamang siya ng tayo at sinundan ito ng tingin. Dala marahil ng pag-aalala rito ay kusang humakbang ang kanyang mga paa papasok sa munting tahanan ng mag-ina. Pagpasok ni Lucian ay hindi niya mapigilang marahang igala ang tingin sa buong kabahayan, na kung tutuusin ay kakapiraso lamang naman. Sa pintuan pa lamang, pagbaling sa kaliwa, ay naroonat tanaw na ang may kalumaan nang sofa, na hindi niya alam kung magiging komportable pa ba ang uupo, sapagkat halos nakalabas na ang mga kahoy na ginamit sa tila nabulay nang foam dahil sa kalumaan. Pagbaling naman sa kanan ay ang hapag-kainan na mayroon pang mga hindi nailigpit na pinag-kainan sa ibabaw. Gayundin, ang lababo na naroon pa ang ilang hugasin na hindi pa nahugasan. Base sa hitsura niyon ay mukhang kahapon pa ang mga iyon doon. Hayun, at pinagkakaguluhan na ng mga ipis at iba pang insekto. Nang tumingin siya sa kanyang unahan ay naroon ang silid na pinasukan ni Yana, na hindi na rin nakuha pang isara ang may kalumaan na ring pintuan. Hell! How could they live in such a place like this? Nasaan ang ama ni Yana at bakit nito natitiis na mabuhay ang anak nito sa ganitong klaseng kapaligiran? Huwag nang idagdag pa ang mga taong nakapalid dito, na kung ang pagbabasehan ay ang mga kwento ni Yana, at ang mga nasaksihan, at narinig niya kanina lamang... mukhang walang kasundo ang mag-ina sa lugar na ito. Paano namumuhay ang mag-ina sa ganitong klaseng lugar? "Mama!" Pinutol ng maliit na tinig na iyon ang kanyang pagninilay-nilay. Dagli siyang naglakad papasok sa naturang silid na kung tutuusin ay ilang hakbang lamang mula sa kinatatayuan niya. Doon, ay inabutan niya si Yana na nakaluhod sa gilid ng kama habang hawak ang isang kamay ng kanyang ina. Ang kabila naman nitong kamay ay marahang tumatapik sa yayat na pisngi ng ginang, na sa wari ay ginigising ito. "Ma..." muli ay tawag ni Yana rito. "Mama..." Saka niya napagmasdan ang nakaratay na ina nito. Humpak ang magkabilang pisngi at kahit nakapikit ay kita ang panlalalim ng mga mata. Maputla din ang mga labi nito at halos buto't-balat na ang pangangatawan. Bakas na bakas sa anyo nito ang dinanas na hirap sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Base sa hitsura nito ay alam ni Lucian na gahibla na lamang ang natitirang buhay sa katawan nito. Kahit hinang-hina ay pilit na idinilat pa nito ang mga mata at masuyong tumingin sa anak. "M-mahal n-na m-mahal ki--ta..." saglit pa muna itong tumigil upang marahil ay muling mag-ipon ng kakaunti na lamang nitong natitirang lakas. "...anak. P-patawarin mo s-si M-mama, ha." Muli ay tumigil ito at saglit na pumikit. Sa pagkakataong iyon ay naligis ang ilang patak na luha mula sa mga mata nito. Muli itong dumilat at tumingin sa anak. "S-sorry ku-kung g-ganitong buhay a-ang naibigay k-ko sa... sa'yo. S-sorry, b-baby." Kahit hinang-hina ay nagawa nitong higitin ang munting braso ng anak upang sa huling sandali ay mayakap ito ng mahigpit. Kinintalan nito ng mariing halik sa ulo ang anak bago mahigpit muling niyakap. Ipinikit ang mga mata at umusal ng panalangin sa isipan. Gayon pa man, ay malinaw na narinig ni Lucian ang iniusal nitong panalangin. "Diyos ko, patawarin po ninyo ako sa lahat ng aking mga pagkakasala. Kayo na po ang bahala sa anak ko." Iyon lamang, at wala nang buhay na bumitiw ang mga bisig nitong nakayakap sa maliit na katawan ni Yana. Kitang-kita niya ang paghiwalay ng kaluluwa nito mula sa katawang-lupa. At gaya ng inaasahan, ay naroon na sa loob ng silid na iyon ang sundo nito. Ngunit taliwas sa unang itinakda, si Azrael ang naroon at hindi si Gronos. Ah, may pag-asa pa ang kanyang kaluluwa. Narinig marahil ng Panginoon nito ang pagtawag sa kanyang pangalan. Marahil ay naramdaman ng kaluluwa nito ang paninitig niya, kung kaya bumaling ito sa kanyang kinaroroonan. At base sa tingin nito, alam niyang alam nito, na nakikita niya ito. Bakas din ang gulat sa mga mata ni Azrael nang dumako ang paningin nito sa kanya. Katunayang nakilala siya nito. "Lucian!" Mabilis na bumaling ang kanyang mga mata kay Yana nang tawagin siya nito. Gayon na lamang ang kalituhan sa mukha ng Ginang. Papaanong nakikita siya nito at nakikita rin siya ni Yana? Ano'ng klaseng nilalang ang ngayon ay papalapit na sa kanyang anak? Iyon ang mga katanungang nasagap ni Lucian na iniisip ng ina ni Yana. Ngunit wala na siyang pakialam pa roon. Ang importante ngayon sa kanya ay ang madaluhan ang tawag ni Yana. Alam niyang kailangan siya ng bata nang mga oras na iyon. Hindi niya na pinansin nang akayin ito ni Azrael papunta sa naghihintay na liwanag, patungo sa Purgatoryo. Nag-aatubili man, ay wala nang nagawa pa ang Ginang kundi sumama sa sundo nito, nang hindi pa rin inaalis ang nakapakong tingin sa kanya. "L-lucian, tulungan mo 'ko," tigmak na sa luha ang mga mata ni Yana. Mukhang alam na nito ang sinapit ng ina. "Please, Lucian... d-dalhin natin ang Mama ko sa doktor!" Wala namang imik na hinawakan niya ang braso nito at itinayo, saka walang hirap na kinarga sa kanyang malalakas na bisig. "Lucian! Ang Mama ko!" Palahaw pa rin nito na pilit na kumakawala sa kanya at nagpipilit na abuting muli ang ina. "Lucian, dalhin natin sa doktor ang Mama ko." "Shhh..." Pagpapatahan niya rito, habang masuyong hinahagod sa likod at ulo. Hinigpitan niya rin ang yakap dito at pilit na iniyuyukyok sa kanyang balikat. "Tahan na, babygirl." "Mama ko!" Palahaw pa rin nito bago mahigpit na yumakap sa kanyang leeg. "Mama!" DAHIL wala namang ibang kakilala at kamag-anak na nagpakita sa pagkamatay ng ina ni Yana, ay si Lucian ang nag-asikaso ng lahat ng kakailanganin sa pagpapalibing ng ina nito. Sa ikalawang araw ng pagkamatay nito ay ipinasya niya nang ipalibing ang ginang. Wala rin lamang namang nagpupunta para makiramay, at wala na ring kamag-anak na hinihintay na dumating, bakit patatagalin pa? Pakiwari niya ay lalo lamang noong patatagalin ang pagdurusa ng kanyang si Yana. Tanging sila lamang dalawa ang naroon at nakaupo sa unahang bahagi ng mga nakahilerang upuan kung saan ito nakaburol. Hindi niya iniwan ang paslit kahit na sandali. Regular niya ring inaasikaso ang pagkain nito, na kung hindi niya pa idulot ay waring hindi pa nito maaalala. Ang mura nitong puso at isipan ay punung-puno ng kalungkutan at pagdadalamhati sa pagkawala ng tangi na lamang nitong nakikilalang kapamilya. Naroon na sa labas at naka-antabay ang puneraryang maghahatid dito patungo sa huli nitong hantungan. Sa wari, ay hinihintay na lamang ang hudyat niya. Bumaling siya kay Yana sa kanyang tabi, na tahimik lamang na nakamata sa ataul ng kanyang ina. Wala nang luha sa mga mata nito na animo pinanuyuan na, sa dalawang araw na walang tigil sa pag-iyak, ngunit bakas pa rin ang walang kapantay na pagdadalamhati sa anyo. Tumikhim muna siya bago nagsalita. "Ahm, Babygirl," aniya na tila kinakapa pa kung papaano uumpisahan dito ang nais sabihin. "Kailangan na nilang kunin ang Mama mo," Dahan-dahang umangat sa kanya ang mga mata nitong sa mga oras na iyon ay pinangingiliran na naman ng nagbabadyang mga luha. "L-lucian..." Naroon ang magkahalong lungkot at takot sa mga mata nito. Kalungkutan sa maagang pagpanaw ng ina at marahil ay takot, sapagkat hindi nito alam kung paano na ang magiging buhay niya, ngayong nag-iisa na lamang siya sa mura niya edad. Tiim ang anyo at nagngangalit ang mga bagang na niyakap niya ang munti nitong katawan at binigyan ng masuyong halik sa noo. "Ssshh... don't worry, Babygirl, I got you. Hindi kita pababayaan. Pangako." Fuck! Paano'ng lumabas iyon sa bibig niya, gayong alam niya naman na hindi permanente ang pananatili niya rito sa mundo ng mga tao? Siya, si Lucian Der Teufel. Bilang Prinsipe ng Imperyo ni Lucifer, importante ang bawat binibitiwan niyang salita. Kahit na kailan ay hindi pa nangyari na sumira siya sa kanyang pangako. Now, what? Fuck. Bahala na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD