SA APAT NA ARAW na nagdaan mula nang dalhin si Yana sa DSWD ay palagi lamang itong nakaupo sa ilalim ng puno na iyon, na nakaharap sa tarangkahan ng tanggapan.
Hinihintay niya ang pagdating ni Lucian. Nangako ito na pupuntahan siya roon at kukunin siya.
Wala namang maipipintas si Yana sa mga taong nag-aalaga sa kanya sa center. Lahat ng tao doon ay mababait sa kanya. Mapa-matanda man, o mga bata. Hindi katulad ng mga dati nilang kapit-bahay ng kanyang ina, walang nagpapakita ng disgusto sa kanya sa lugar na iyon. Lahat ng taga-pangalaga ay mabait sa kanya. Ang mga bata naman, kahit noon niya lang nakilala ay masayang nakikipaglaro sa kanya.
Pero kahit na ganoon ay hinahanap niya pa rin ang presensya ni Lucian. Miss na miss niya na ito.
Hindi nito tinupad ang pangako nito na pupuntahan siya nito kaagad. Gayunpaman, ay hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa. Nangako ito. Kaya alam niyang darating ito.
Ipinangako rin sa kanya ni Lucian na hindi siya nito iiwan. At naniniwala siyang tutuparin nito iyon dahil magkaibigan silang dalawa.
"Asiana..." nang lingunin niya ang tumawag ay nakita niya si Angie, o Ate Angie raw, ayon dito. Nais nitong iyon ang itawag niya rito. Ito ang nakatalaga na tagapag-alaga sa kanya sa lugar na iyon.
Mayroong mga kawani doon na nakatalaga sa kanila. Bawat kawani ay mayroong lima hanggang pitong bata na dapat alagaan. Depende ang bilang niyon sa edad ng mga bata. Kung mga may edad na ang alaga ng mga ito ay mas marami, at konti naman kapag mga bata ang nakatalaga.
Kay Ate Angie ay lima lamang sila. Ang dalawa ay tatlong taong gulang, ang isa ay apat, at dalawa naman sila na limang taong gulang.
"Halika na, pumasok ka na at kakain na." Anito nang nakangiti sa kanya.
"Baka dumating po si Lucian, Ate Angie."
Sa ilang araw na pamamalagi niya sa center ay kilala na rin ni Ate Angie si Lucian, batay na rin sa mga kwento niya. Bagaman hindi pa nito nakikita ang binata.
Hindi pa rin napapalis ang ngiti sa mga labi nito nang muling magsalita. "Huwag kang mag-alala, kapag dumating siya, tatawagin ka kaagad ni Kuya Guard." Anito na hinayon ng tingin ang gate, at naroon nga si Kuya Pablo, ang nakatalagang gwardiya nang oras na iyon.
Sa loob ng ilang araw ay palaging ganoon ang sinasabi sa kanya ni Ate Angie sa t'wing tatawagin siya nito para pumasok na sa loob.
At sa loob din ng ilang araw na iyon ay palagi siyang bigo na tawagin siya ng gwardiya dahil may Lucian na dumating at naghahanap sa kanya.
Ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Alam niya... darating ang binata upang dalawin siya.
Nangako ito.
Wala nang nagawa na pabuntung-hiningang tumayo siya sa kinauupuan at lumapit kay Ate Angie at nagpa-akay nang papasok sa center.
Bukas na lang ulit siya maghihintay.
Lingid sa kanyang kaalaman ay naroon lamang si Lucian... nakatanaw buhat sa malayo. Kung saan hindi abot ng kanyang paningin.
Sa unang araw pa lamang niya sa center at kasunod niya na ang binata. Wala mang nakakikita, naroon lamang ito.
Nakabantay.
Nag-aantabay.
Mula pa lamang sa umaga, hanggang sa bago siya matulog sa gabi... binabantayan siya ni Lucian.
Sinisiguro na maayos nga ang kalagayan ng kanyang si Yana.
Sa loob din ng ilang araw na iyon ay walang sandali na hindi niya inisip kung ano ang dapat niyang gawin upang tuparin ang pangako niya kay Yana na bibigyan niya ito ng maayos na pamilya at tirahan.
Ngunit paano niya gagawin iyon gayong hindi naman permanente ang pananatili niya sa mundo ng mga tao?
Nang nagdaan lamang na gabi ay kausap niya ang kanyang ama. Pinuntahan siya nito sa mansyon at sinabing kailangan niya nang bumalik sa impiyerno. Matagal na diumano ang pananatili niya sa ibabaw ng mundo. At yaman din lamang na nalaman niya na ang lahat ng nais niyang malaman, panahon na upang siya ay bumalik sa kung saan siya nararapat.
Hindi siya sumagot ngunit alam niyang kailangan niyang sundin ang sinabi nito. Hindi niya nais na mag-imbestiga pa ito kung ano ang pinagkaka-abalahan niya sa mundo ng mga tao. Ayaw niyang malaman nito ang tungkol kay Yana.
Alam niyang hindi iyon makabubuti para sa kanyang si Yana.
Naiiling na umalis na siya sa kanyang kinatatayuan at naglakad patungo sa pinag-iwanan niya ng kanyang sasakyan.
Kailangan niyang lumuwas ng Maynila nang araw iyon at bisitahin ang ilang establisyementong pag-aari ng kanyang ama, na pinangangasiwaan ng ilang mga pinagkaka-tiwalaang mga tauhan.
Isa iyon sa dahilan ng pakikipag-usap sa kanya ng kanyang ama nang nagdaang gabi. Nais nitong personal niyang bisitahin ang ilang mga naiwan nitong negosyo sa mundo ng mga tao, upang umano ay pirmahan ang ilang mahahalagang papeles para dito.
Kung bakit hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin nito mabitiwan ang mga iyon ay hindi niya rin alam.
He was the King, afterall. No one dares to question him.
Not even the Prince, himself!
KANINA pa si Lucian nakaupo sa kabisera ng mahabang conference table na iyon, kung saan ay pwesto ng kanyang ama bilang Owner and CEO ng kompanya. Isa-isang iniuulat ng bawat Department Heads ang mga report ng kanilang mga departamento.
Kanina pa siya roon, naririnig niya ang lahat ng mga sinasabi ng mga ito ngunit hindi niya naiintindihan. Ang isip niya ay okupado ng ibang bagay.
Abala ang kanyang isipan ng pag-iisip ng paraan kung papaano matutulungan si Yana sa kakaonti na lamang na oras na maaari niyang ilagi sa mundo ng mga tao.
"Sir..." tawag sa kanya ng sekretarya ng kanyang ama ngunit bahagya na lamang iyon na dumaan sa kanyang pandinig.
"Sir..." pag-ulit nito, sa mas malakas na tinig.
Sa pagkakataong iyon ay tila nagising sa pagkaka-himbing na kumurap siya at wala sa sariling bumaling dito.
"What?"
May pagtataka sa anyo nitong nakatingin sa kanya, bago bumaling sa mga Board Members at Department Heads sa kanyang harapan, at saka muling ibinalik ang tingin sa kanya.
Nang lingunin niya ang mga ito ay nagulumihanan pa siya nang mapagtanto na sa kanya naka-pako ang tingin ng lahat ng tao sa silid na iyon. Bawat isa ay mayroong piping katanungan sa mga mata.
Walang kamalay-malay ang mga ito na malinaw na nababasa at naririnig niya ang lahat ng mga nasa isipan ng mga ito.
Ibinalik niya ang tingin sa sekretarya ng kanyang ama.
Tumikhim muna ito, ibinaling ang tingin sa mga naroon at muling ibinalik sa kanya. "Ta-tapos na po ang meeting, Sir." Bahagya pa itong nautal sa pagkakasabi niyon.
Kahit kailan ay palagi na lamang na hindi nito matagalan ang matiim na panitig ng binatang anak ng boss nito.
Sa tuwina, ay tila ba nais tumagos ng mga titig na iyon hangggang sa kanyang kaibuturan. Lagi nang may hatid na kilabot sa kanya ang bawat matiim na tingin nito.
Sabagay, ay ganoon din naman ang ama nito. Sa pagkakatanda niya, noong unang araw niyang makita ang Big Boss, ay talaga namang kinilabutan siya nang magtama ang kanilang mga paningin. Halos pigilan niya ang kanyang paghinga sa buong durasyon ng interview nito sa kanya.
Ang kaibahan nga lamang, kahit na kailan ay hindi pa niya nakitang ngumiti ang binatang anak ng may-ari ng kompanya.
Kung ang ama ay naroon ang flirtatious na aura, ang anak ay snob. Wala pa kahit na isa sa kanila ang nabiyayaan ng kahit na isang maliit na ngiti mula rito.
"Okay." As usual, ay walang kangiti-ngiting ani Lucian, at tumayo na. "Follow me to my office and bring all the papers that I have to sign, in behalf of my father." Iyon lang at walang lingon-likod na nagpatuloy na ito sa paglabas sa pintuan ng conference room.
Wala nang nagawang tahimik na lamang na inayos ng mga naroong naiwan ang mga papel sa kanilang harapan, ang iba ay iiling-iling na nagpakawala ng buntong-hininga.
Ngunit halos lahat ay iisa ang nasa isipan.
Napakasungit talaga ng anak ng may-ari ng kompanya!
Lahat nang iyon ay sagap na sagap ni Lucian. Kahit pa malayo siya ay dinig niya sa kanyang isipan ang isinisigaw ng isip ng mga ito.
Umangat ang gilid ng kanyang labi bilang pag-ismid. Who cares?
Definitely, not him!
Marahil ay isa iyon sa sikreto kaya matagumpay ang lahat ng itinayong negosyo ng kanyang ama, kahit pa nga ba wala ito palagi upang pangasiwaan ng personal ang mga iyon.
Iniisip pa lamang ng mga ito ay alam na agad ni Lucifer.
He was not called, the Devil, for nothing!
Again, the side of his upper lip twitched, while arrogantly walking to his office, just like the prince that he was.
MATAPOS pirmahan ang lahat ng kinakailangang papeles ay kaagad na umalis si Lucian sa kumpanya ng kanyang ama.
Kailangan niya pang bumalik ng Sta. Monica. And f**k, hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang naiisip na paraan kung papaano niya maiaalis si Yana sa lugar na iyon at matutupad ang kanyang pangako.
Isang bayan pa bago sumapit ang bayan ng Sta. Monica ay nangunot ang kanyang noo nang makitang may lalaking nakadipa at nakaharang sa kanyang daraanan.
Sa tantsa niya ay nasa pagitan ng kuwarenta hanggang kuwarenta y singko ang edad nito. Marungis ang hitsura at pananamit. Sa isang tingin pa lamang ay kita na ang kasalatan sa pamumuhay ng taong ito.
Dahil hindi niya naman ito maaaring basta sagasaan, ay wala nang pagpipiliang inihinto niya ang sasakyan ilang dipa, mula rito.
Nagkukumahog na lumapit ang lalaki sa sasakyan niya at tinungo ang bintana sa kanyang tabi. Ibinaba niya naman ang salamin ng bintana upang kausapin ito at malaman kung ano ang sadya nito.
"Sir, mawalang-galang na po..." panimula nito. Kita niya ang pamumula ng mga mata nito na tanda ng anumang oras ay maiiyak na ito. "Pagpasensyahan na po ninyo ang kapangahasan ko, pero kailangan lang po talaga ng asawa ko ang tulong n'yo,"
Nang lumingon ito sa gilid ng kalsada kung saan naroon ang isang kariton ay hinayon niya rin iyon ng tingin.
Naroon at sakay ng kariton ang isang babae na sa tingin niya ay hindi nalalayo ang edad sa lalaking kanyang kaharap. Katulad ng lalaki at marungis din ito at yayat ang katawan. Halatang hindi sapat ang nutrisyong pumapasok doon.
Nakataas ang isang kilay na wala pa ring imik na ibinalik niya ang paningin sa lalaki. Unang buka pa lamang ng bibig nito ay alam niya na kaagad ang pakay nito. Ngunit hindi niya iyon isinatinig.
"Parang awa na po ninyo, sir... kailangan po ng asawa ko na madala sa ospital. Walang-wala po kaming pera, pero kailangan po talaga niyang matingnan ng espesiyalista. Sumuka na po siya ng dugo kaninang umaga. Parang awa na po ninyo. Hindi ko na po mabilang kung ilang sasakyan na ang pinara ko mula pa kanina, ngunit kayo lamang po ang huminto at kinausap ako. Nagmamaka-awa po ako sa inyo, tulungan po ninyo ang asawa ko."
Muli ay binalingan ni Lucian ang babae sa kariton at muli ring ibinalik ang tingin sa asawa nito sa kanyang harapan.
Wala siyang nararamdamang awa para dito. Unang-una ay hindi naman niya ito kilala. At pangalawa, and the most obvious reason, he is the son of the Devil, he was never raised to be pitiful.
"Gagawin ko po ang lahat ng gusto n'yo, sir." Tila desperado nang sabi ng lalaki nang wala itong makitang reaksyon mula sa kanya. "Nakahanda po akong isangla ang kaluluwa ko, maging sa demonyo, mabuhay lamang ang asawa ko. Parang awa n'yo na po, sir."
Habang tinititigan niya ang lalaki ay may ideyang pumasok sa kanyang isipan.
Now, he's talking!
"Are you sure about that?" Aniya sa tinig na sinlamig ng yelo ngunit sing-init ng apoy.
Waring naramdaman ng lalaki ang panganib sa ilalim ng tinig na iyon. Bahagya itong natigilan at nakaramdam ng kakaibang kilabot, na pakiramdam niya ay nagtaasan ang mga balahibo sa kanyang batok.
Ngunit sa pagiging desperado na maipagamot ang asawa ay mariin na lamang niyang nilunok ang takot at kilabot, at lakas-loob na tumingin ng tuwid sa mga mata ni Lucian. "O-opo. Nakahanda po akong ibigay kahit buhay at kaluluwa ko, mailigtas lamang ang aking asawa."
Lalong nangilabot ang lalaki nang ngumisi si Lucian. "Very well, then. But don't worry, I wouldn't be needing your soul..."
Kung inaakala ng lalaki na nakakikilabot na ang ngising pinakawalan nito, mas dumoble iyon ang bumalik ang pormal at malamig nitong anyo at matiim na tumitig sa kanyang mga mata.
Hindi niya alam kung namalikmata lamang ba siya, ngunit tila nakita niyang may dumaang lagablab ng apoy sa itim na itim na mga matang iyon ng binata.
"...yet." Pagtatapos nito.
Pagkatapos ng usapang iyon ay wala nang iba pang naalala ang lalaki.