MAHIGIT isang linggo na magmula nang magsimula si Madi bilang Assistant Chef ni Vanni. So far, okay naman ka-trabaho ang huli. Taliwas sa inaasahan niya na magbabangayan sila o kaya ay hindi magkakasundo. Sa sandaling panahon na nakasama niya ito ay naging palagay na ang loob niya dito. Tama ang mga narinig niya tungkol sa binata. Mabait ito at palabiro. Maging sa mga empleyado nito ay parang kaibigan ang turing nito sa mga ito.
Pero kahit ganoon ay naroon pa rin ang respeto ng mga ito kay Vanni.
Kaya hindi na rin siya nagtaka nang agad niyang makalimutan ang planong pagganti nito. Marahil nga ay hindi rin nito ginusto ang mga nangyari.
Bumuntong-hininga siya. Napapansin niya nitong mga nakaraang araw na masyado na niyang napupuri ang lalaking iyon.
Makahanap nga ng pangit sa taong 'yun...
Naputol ang pag-iisip niya nang biglang tumabi sa kinauupuan niyang wood bench si Allie at Panyang. Nandoon sila sa harap ng tindahan ni Olay.
"Mads, tahimik ka na naman." Ani Panyang.
Hindi pa rin siya umimik. Mahirap nang magsalita. Lately kasi ay lagi na lang siyang tinutudyo ng mga ito kay Vanni.
"Napipi ka na?" si Allie.
Umiling siya. "Hindi. Tinatamad lang ako magsalita." Sagot naman niya.
"Baliw!" ani Panyang.
Ngumisi lang siya dito. Sa buong durasyon ng pagtira niya doon sa Tanangco. Natutunan na rin niyang sumakay sa mga biro at kabaliwan ng mga tao doon. Pero sa kabuuan, masaya siya sa lugar na iyon.
Baka naman kaya ka masaya dito ay dahil kay Vanni... panunukso pa ng puso niya.
"Hindi ah!" malakas niyang sagot. Na ikinagulat ng dalawa niyang kasama. Tiningnan siya ng mga ito na kapwa nakakunot ang noo.
"Malala ka na, girl?" natatawang tanong ni Allie. "Ang lakas makahawa ni Panyang, ano?"
"Hoy! Huwag kang maingay diyan. Isusumbong kita kay Darrel." sagot naman ni Panyang. Tapos ay siya na ulit ang binalingan.
"Ano? Nanliligaw na ba si Vanni sa'yo?" pang-uusisa nito sa kanya.
"Hindi ah! Bakit naman niya ako liligawan? Boss ko lang siya. Huwag ninyong bigyan ng ibang kahulugan 'yon." Paliwanag niya.
Tumango-tango ang dalawa. "Okay. Sabi mo eh. Kaya lang naman namin natanong kasi dahil itong si Vanni ay parang ikaw lang." sabi ni Allie.
"Anong ibig mong sabihin?" curious niyang tanong.
"Palaging tulala. Kaya we assume na nagkakaligawan na nga kayo."
"Mga sira! Hindi no. Trabaho lang talaga ang meron kami." Paglilinaw niya. Pero sa bandang sulok ng puso niya ay naroon ang tila isang hindi pamilyar na damdamin sa kanya. Bakit ba may kung anong pag-asa ang naroon na sana'y ligawan nga siya nito? "Kung anu-ano ang ang pinag-iisip ninyo." Dagdag pa niya saka binaling ang tingin sa nananahimik na puno ng mangga.
"Ang mabuti pa, kumuha na lang tayo ng mangga." Sabi niya sabay tayo. "Aakyat ako ng puno."
"Ha? Teka lang, baka mahulog ka pa. Huwag na!" pigil sa kanya ng dalawa.
Hindi niya pinansin ang sinasabi ng mga ito. Ilang araw na rin siyang tinatakam ng manggang iyon. Mabuti na lamang at nakasuot siya nang maong na shorts nang araw na iyon at simpleng blouse. Lumapit siya sa puno saka hinubad ang suot na tsinelas. At dahil laking probinsiya. Sisiw lang sa kanya ang pag-akyat ng ganitong puno. Pero hindi na niya maalala kung kailan nga ba siya huling umakyat ng puno. Napangiti siya. Siya nga pala ang pinaka-magaling na umakyat ng puno sa kinalakihan niyang lugar sa Masbate. Kaya kahit wala na siyang praktis. Kaya niya iyon.
Dahan-dahan siyang umakyat. Bawat tapak niya sa mga sanga ay sinisiguro muna niyang matibay iyon para hindi siya malaglag.
"Hoy Madi! Bumaba ka na nga diyan! Kumuha na lang tayo ng panungkit! Baka malaglag ka pa!" saway sa kanya ni Allie.
"Olay! Iyong pinsan mo, may lahi palang chita! Ayun oh!" sabi naman ni Panyang.
Hindi niya inintindi ang mga ito. Malapit na niyang makuha ang dalawang bunga. Pagdating sa bandang dulo ng sanga ay pilit niyang inabot ang mangga.
"Maria Diwata! Bumaba ka na diyan! Magmumukha ka nang engkanto kapag sinalo ng semento iyang mukha mo!" tili ni Olay.
"Oo na! Ito lang dalawa ang kukunin ko." Sagot niya.
Abot-kamay na niya ang mangga nang makarinig siya ng isang malakas na c***k. Saka niya naramdaman na unti-unting bumibigay ang tinatapakan niya. Narinig niyang nagtilian sina Olay.
"Oh no! Olay!" sigaw niya.
Isang malakas na c***k na naman ang narinig nila. Napakapit siya sa kalapit na sanga. Sampung doble ang kaba niya. Dahil anytime, puwedeng mabali ang balakang niya. Gusto niyang batukan ang sarili dahil sa katigasan ng ulo niya. Kapag nagkataon, isang paralisadong Diwata ang ending niya.
Napasigaw ulit sila. "Tulungan mo ako, Olay!" mangiyak-ngiyak na siya.
"Sandali lang! Hihingi ako ng tulong!" sabi naman ni Allie. Tumakbo ito sa kanto kung saan naroon sa tapat ng Rio's Finest nakatambay ang ilang Tanangco Boys.
Isang c***k ulit ang narinig nila. Sumigaw ulit siya. This time, mas malakas na sa dalawang nauna. "Kumapit kang mabuti Madi. Kapag nalaglag ka, sumigaw ka ng darna! Baka sakaling makalipad ka!" ani naman ni Panyang.
"Tse! Humingi ka ng tulong!" hiyaw niya.
Pero bago pa ito makatakbo ay tuluyan nang nabali ang sanga. Napahawak siya sa isa pang sanga at naiwang nakalambitin ang paa niya.
"Olay!!!" malakas niyang tawag sa pinsan.
"Oh my God!!!" si Olay.
"Kumapit kang mabuti, Girl!" sabi naman ni Allie.
Naiiyak na talaga siya. Medyo mataas-taas kasi ang babagsakan niya.
At bago pa siya makasigaw ulit ay ang kinakapitan naman niya ang nabali. Kaya ganoon na lang ang lakas ng tili niya ng bumulusok siya pababa. Mariin siyang napapikit habang hinihintay ang pagbagsak ng katawan niya sa semento. Ngunit may kung ano o sino ang sumalo sa kanya. Narinig na lang niyang may dumaing.
Pagdilat niya ay ang guwapong mukha ni Vanni ang bumungad sa kanya. Nakapikit ito at nakangiwi ang labi. At siya ay nasa ibabaw nito. Kung ganoon, ito ang sumalo sa kanya.
Unti-unti ay dumilat ito. "Okay ka lang ba?" may pag-aalalang tanong nito.
Tumango siya habang pigil ang hininga niya. Hindi niya alam kung bakit pero tila pangangapusan siya ng hininga. Hindi dahil sa nahulog siya sa puno. Kundi dahil sa ga-sinulid na lang ang layo ng mukha nila sa isa't-isa.
"May masakit ba sa'yo?" halos pabulong na tanong ulit nito habang tila nahihirapan ito.
"Wa-wala naman... Ikaw? Ayos ka lang ba?" tanong din niya. Mas dapat ay siya ang mag-alala dito dahil sinalong lahat nito ang bigat niya. Malaking babae pa naman siya.
"H-hindi. Kasi ang bigat mo." Reklamo nito. "Baka puwedeng tumayo ka na."
Agad siyang tumayo saka pinagpag ang damit niya mula sa alikabok na kumapit sa kanya. Saka niya napansin na marami pa lang mga taong naroon at nakatingin sa kanila. Ang mga kaibigan nila ay nakatitig din. Pero hindi niya inintindi ang mga ito. Ang mahalaga ay si Vanni. Alam niyang nasaktan ito sa pagsalo sa kanya.
"Okay ka lang ba?" tanong niya.
Tinulungan niya itong tumayo. Napa-igik sa sakit ito nang tuluyan nang makatayo. Hinawakan nito ang balakang.
"Hindi ka nga okay." Sagot niya sa sariling tanong. "Bakit ba kasi sinalo mo pa ako?"
"Magpasalamat ka na lang kaya," anito habang iniinda ang sakit ng balakang nito.
Iningusan niya ito. "Salamat! Pero hindi mo na dapat pang ginawa iyon. Hinayaan mo na lang sana ako. Tutal naman ay kasalanan ko kung bakit nangyari 'to."
"Para naman hahayaan ko 'yon. Hangga't kaya ko na tumulong. Tutulong ako." Sagot nito.
"Pare, makasingit lang usapan ano?" si Darrel.
Kunot ang noong tinitigan nilang dalawa ito. "Ano ba 'yon?" tanong niya.
"Eh hindi pa man din kayo mag-asawa, kawawa na ang kaibigan namin sa'yo. Una sinapak mo. Ngayon naman, dinaganan mo."
"Heh! Hindi ko kasalanan this time. Choice niya 'yon. Saka teka nga, bakit ka ba nakikialam?" pagtataray niya dito.
Mayamaya ay hinila ito palayo ni Allie. "Ah Sweetheart... halika nga dito. Huwag ka nang makialam diyan. Pasensiya na po." Anito.
Binalingan ulit niya si Vanni. "Anong masakit sa'yo?" tanong niya dito.
"Balakang ko. Napuruhan mo yata eh."
"Mabuti pa doon ka muna sa bahay. Iha-hot compress ko na lang 'yan balakang mo. O kaya kung gusto mo, dalhin na lang kita sa doctor." Aniya.
"Hindi. Huwag na. Okay lang ako." Sagot naman nito. "Besides, may doctor na naman dito eh." Dagdag nito saka tinuro si Ken. "Sa kanya ko na lang ipapa-check up 'to."
"Sigurado ka ba? Kasasabi mo lang na napuruhan 'yang balakang mo eh."
Ngumiti ito. "I'll be fine. Hindi mo kailangan mag-alala sa akin. Ang laking tao ko para indahin 'yung ganitong simpleng sakit."
"Okay, sabi mo eh. kibit-balikat niya. "Sorry ulit ha? Disaster talaga ako kahit kailan. Lagi ka na lang napapahamak ng dahil sa akin."
Again, he smiled. "Wala 'yon." Sagot nito.
"Hayaan mo, makakabawi din ako sa'yo."
"Mabuti pa Mads, manglibre ka na lang ng meryenda natin." Singit sa usapan ni Panyang. "Tutal, may lahi ka palang Chita."
Hay... Ang kulit naman talaga ng isang 'to...
"Olay, bigyan mo nga ng lason ng daga 'to!" pagbibiro niya. Lumabi si Panyang na animo'y isang batang paslit.
"Huwag naman. Kawawa si Roy." Sagot naman nito.
"ANTOK...Nasaan ka na?" naiinis na wika ni Madi. Tumingin siya sa maliit na orasan sa ibabaw ng bedside table. Pasado alas-dos na ng madaling araw. At hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Kahit na anong puwesto ng higa ay nagawa na niya, makatulog lang. Pero wala pa rin. Hayun at dilat na dilat pa rin ang dalawang mata niya. At ang nakakainis kung bakit hindi siya makatulog. Dahil sa pagpikit ng mga mata niya. Ang guwapong mukha ni Vanni ang nakikita niya.
"Ano ba naman? Bakit ikaw ang naiisip ko? Patulugin mo naman ako." Reklamo niya na tila ba nasa harap niya ang binata.
Bumuntong-hininga siya. Simula ng insidenteng iyon sa puno ng mangga. Hindi na siya matahimik. Ang tagpong iyon lang naging laman ng isip niya. Kung bakit ba naman kasi, nuknukan ng tigas ang ulo niya. Kung hindi niya ipinagpilitan na umakyat sa puno. Hindi sana siya malalaglag. At hindi sana siya masasalo ni Vanni. Malamang, nasa malayong kawalan na ang diwa niya at tulo laway pa siya.
Ano bang meron sa lalaking iyon at hindi siya mawala sa isip ko?
Pinilig niya ang ulo. Hindi dapat niya iniisip ito. Kung alam lang niya na ganito ang magiging epekto sa kanya ng lalaking iyon. Hindi na lang sana niya binati ito. Kaya lang, hindi rin naman niya matiis ito. Dahil siya mismo ang nakapagpatunay na mapagkumbabang tao ito. Ang sama naman niya kung mag-iinarte pa siya.
Nagtalukbong siya ng kumot. Saka mariing pumikit. Sisikapin niyang makatulog. Kaysa kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya.
"DIWATA!" Nagulat pa siya sa tumawag sa kanyang iyon. Naroon na siya sa Rio's Finest. At dahil medyo maaga pa. Nag-kape na lang muna siya at kumuha ng diyaryo para mawala ang antok niya. Pero nabalewala ang bisa ng kape kahit na matapang na iyon. Dahil hayun siya at hikab pa rin ng hikab. At nang hindi makayanan ang antok ay tinakip niya ang diyaryo sa mukha, sumandal sa backrest ng silyang inuupuan niya saka pumikit.
Tinanggal niya ang nakatakip na diyaryo sa mukha. Saka tiningnan ang istorbong iyon sa pagtulog niya. Si Mayet at Abby. Parehong nakakunot ang noo ng mga ito. "Buhay ka pa pala." Ani Mayet.
"Natural, bakit ba? Ang sarap ng tulog ng tao eh." Reklamo niya.
"Eh paano, buhay ka pa pero may nakatakip ng diyaryo sa mukha mo." Wika naman ni Abby.
Nakamot siya ng ulo saka muling humigop ng kape. "Natutulog nga ako."
Umupo si Abby sa katapat na silya pagkatapos ay mataman siyang tinitigan nito. Partikular na ang mga mata niya. "Puyat ka? Sino pumuyat sa'yo?" kapagkuwa'y tanong nito.
Si Vanni... sagot niya sa isip, kung maaari lang niyang sabihin iyon.
"Ano bang sino?" maang niyang tanong.
Nagbikit-balikat lang ang kaharap niya. "Baka-sakali kasing may tao kang iniisip eh."
"Sino ba sa akala n'yo ang iniisip ko?" kunwari'y tanong niya. Eksakto naman pumasok sa entrance door si Vanni. Hindi na sumagot pa sa kanya si Abby. Bagkus ay ngumiti lang ito ng makahulugan. Hindi na rin siya nakapagsalita dahil napako na ang mga mata niya sa lalaking laman ng kanyang isipan maging ng kanyang panaginip.
Bigla ay naguluhan si Madi. Bakit ba ang lakas ng dating ni Vanni sa kanya? Ilang araw pa lamang sila magkakilala. Kung tutuusin nga'y hindi pa talaga niya ito kilala ng personal. Pero bakit ganoon na lang kung guluhin nito ang isip niya? Maging ang t***k ng puso niya'y unti-unti na rin nagbabago kapag nakikita niya ito. Mabilis ang t***k niyon. Tila ba naninikip ang dibdib niya. At hindi pamilyar ang lahat ng iyon sa kanya.
"Hi Mads," bati sa kanya ni Vanni.
"Uy, hi! 'musta na 'yang balakang mo?" sagot niya. Tumikhim pa siya para pawiin ang kabang nasa dibdib niya ng mga sandaling na 'yon.
"Okay na." usal nito. "Ikaw? Okay ka lang ba? Mukhang puyat ka ah."
"Ha? Ah... eh... oo nga eh... hindi kasi ako masyadong nakatulog. Ang ingay kasi ng pusa sa bubong namin." Pagdadahilan niya. Ano kaya ang magiging reaksiyon nito kung malaman na ito ang tunay na dahilan kung bakit siya puyat kagabi?
"Baka nakawala na naman 'yung pusa ni Aling Belen." Ani Vanni.
"Baka nga Sir. Ang laki pa naman ng pusa na 'yon." Singit ni Mayet.
Nang tingnan niya ito ay pilit nitong pinipigilan ang pagtawa. Sinasabi na nga ba niya na may kalokohan sa katawan ang isang ito. Pinanlakihan niya ng mata si Mayet nang makalingat sandali si Vanni.
"Uhm... Sige papasok na ako sa loob ng kitchen." Wika niya. Saka tumalikod. Hahakbang na sana siya palayo ng muli siyang tawagin ni Vanni. Humarap siyang muli dito. Nahigit niya ang paghinga nang bigla itong humakbang palapit sa kanya.
"Aayusin ko lang," anito.
Umangat ang isang kamay nito at nag-landing sa buhok niya. Inayos ng mga daliri nito ang nagulo pala niyang buhok. "Medyo nagulo." Sandali pa nitong hinaplos ang buhok niya bago tumingin sa kanya.
"You have a nice hair," iyon lang pagkatapos ay tumalikod na ito at pumasok na sa pribadong opisina nito.
Naiwan siya sa gitna ng dining area na nakatayo at tulala habang doble ang pagkabog ng dibdib niya.
"Naks!" tudyo sa kanya ng iba pang crew doon.
Oh no!
PAGOD NA PAGOD si Madi. Nang hapon na iyon ay dinagsa sila ng mga customers. Mukhang tinamad yata magluto ang mga taga-Tanangco kaya't doon sa kanila nagbilihan ng pagkain. At pabor sa kanila iyon, dahil malaki ang benta nila nang araw na iyon. Iyon nga lang, parang bibigay na ang katawan niya sa pagod. Bukod pa sa kulang siya sa tulog. Parang nai-imagine na niya ang kama niya na tinatawag siya upang mahiga roon.
Sumilip siya sa dining area. Mabuti na lang at konti na lang ang tao. Kahit paano'y makakapahinga siya. Saglit siyang tumungo sa kitchen counter upang kahit paano'y makapagpahinga siya.
Ilang saglit pa lang siyang naiidlip nang may maramdaman siyang may humahaplos sa buhok niya. Nag-angat siya ng ulo. Si Vanni ang nabungaran niya doon.
Agad siyang umayos ng tayo. "Sorry ha? Kinailangan ko lang talaga na magpahinga kahit sandali." Paliwanag niya. Baka kasi isipin nito na tinutulugan niya ang trabaho.
"It's okay. Mukha ngang pagod na pagod ka na." sagot naman nito.
"Medyo. Pero ayos lang ako."
Sumulyap ito sa wall clock na nakasabit sa may itaas ng kitchen door.
Pasado alas-otso na ng gabi. "Hindi pa ako kumakain ng dinner. Halika, kain na tayo." Yaya nito sa kanya.
"Okay. Nagugutom na rin nga ako." Aniya. "Sandali lang, magpe-prepare lang ako ng makakain natin."
"Wait," pigil nito. "Hindi mo na kailangan kumilos."
Binalingan nito ang iba pang kitchen crew na noo'y nagpapahinga rin at inutusan ang mga ito na magluto ng pagkain nila. "Pakidala sa office ko 'yung mga pagkain. Doon kami kakain." Sabi pa nito.
Agad na sumunod ang mga ito bagaman may panunudyo sa mga tingin ng mga ito. Ngunit ang higit na ikinagulat niya ay ang paghawak nito sa kamay niya at hilahin siya palabas ng kitchen. Nakatawag pansin sa mga kasamahan niya at ng iba pang customers ang paglabas nila ng kitchen na iyon nang magkahawak-kamay. Kilala pa naman niya ang iba sa mga tao doon. Sigurado siyang walang katapusang tuksuhan na naman ang mangyayari.
Pagdating nila ng opisina ay binitiwan na nito ang kamay niya. Naupo siya sa sofa kung saan niya nakita noon na natutulog si Vanni. "Mahiga ka muna, kung gusto mo. Habang hinihintay natin 'yung pagkain." Anito.
"Hindi na. Okay na ako. Nakaidlip na naman ako eh."
Katahimikan ang sumunod na namagitan sa kanila. Para malibang, kinuha niya ang isang cookbook. Nakita niya sa unahan ng libro na nakasulat ang pangalan ni Vanni. Ito pala ang isa sa librong naisulat ni Vanni. Ilang beses na rin niyang nabasa ang libro nito. Meron din siyang ilang libro nito na binili niya. Hindi naman niya akalain na makakasalamuha niya ito balang-araw. Dati-rati ay nakikita lang niya ito sa mga magazines. Ngayon, kaharap na niya ito at nakakausap na para bang kaytagal na nilang magkakilala.
Bukod doon... hindi na rin niya pinatatahimik ang puso mo.... Anang isang tinig sa kanyang isip.
"Gutom ka na nga," narinig niyang sabi ni Vanni.
Napakurap siya. "Ha? May sinasabi ka?" maang niyang tanong.
Lumapit ito sa kanya at naupo sa tabi niya. "I was asking you kung okay ka lang at kung gutom ka na. Pero tulala ka lang diyan sa cookbook." Sagot naman nito.
Ngumiti na lang siya para mapawi ng konti ang pagkapahiya niya. Nawala na pala siya sa sarili sa kakaisip. "Obvious pala?" biro na lang niya sabay tingin dito.
Pero mali yata na tiningnan niya ito dahil sinalubong lamang siya ng magandang ngiti nito at ng singkit nitong mga mata. Bigla ay parang naglaho ang lahat ng pagod niya ng araw na iyon. Ang imahe ng kama na naghihintay sa kanya sa silid niya ay nawala rin. Ang tanging naiwan sa isip niya ay ang maamong mukha nito.
Agad niyang binaling ang tingin sa librong hawak niya. Kunwari'y nagbasa na lang siya. Saka naman biglang may kumatok sa pinto. Tumayo si Vanni saka pinagbuksan ang kumatok. Pumasok doon ang isang crew sa kitchen, dala nito ang isang tray na puno ng pagkain saka nilapag iyon sa maliit na dining table na pangdalawahan lang.
"Kumain na tayo habang mainit pa ang pagkain." Anito. Tumayo na siya agad dahil nagugutom na rin naman siya.
Sinalakay ng mabangong amoy ng pagkain ang ilong niya. Mayroon gulay, chicken adobo at steamed rice ang naroon. Nang magsimula na silang kumain ay tahimik lang siya. Alam niyang pasulyap-sulyap ito sa kanya dahil ganoon din siya. Naputol ang pag-iisip niya nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang magkasintahang Roy at Panyang.
"Hi guys," masiglang bati ni Panyang. "Oh look my love, they're having their first dinner date together. Kainggit naman."
"Hindi na kita aaluking kumain. Ang ingay mo eh." Sabi ni Vanni.
"Okay lang 'yun, ano ka ba? Tapos na rin naman kaming kumain." sagot naman nito.
"Pare, what can I do for you?" tanong ni Vanni kay Roy.
"Si Pam na ang magsasabi." Sagot nito na ang tinutukoy ay si Panyang.
"Yeah. It's about our wedding kasi. Gusto sana namin kayo ang mag-cather eh. We love your food." Sagot naman nito.
"Okay." Sagot ni Vanni. "Kelan ba ang kasal n'yo?"
"In two months," si Roy.
Tumigil sa pagkain si Vanni. "Two months? Hindi naman kayo nagmamadali niyan?"
"Mahal ko si Pam, Pare. Wala nang dahilan para hindi kami magpakasal."
"Aw! Ang sweet ng my love ko!" kinikilig na sabi ng maliit na babae. Hinalikan pa nito sa pisngi ang nobyo. "Uy Madi, bakit ang tahimik mo?" baling nito sa kanya.
"Huwag kang magulo kumakain ako." Sagot niya saka sinubo ang laman ng kutsara niya.
"Eh bakit mukha kang zombie?"
"Wala lang, trip ko. Teka, may concept ka na ba sa kasal mo?"
"Wala pa nga eh. May idea ka ba?"
"May suggestion ako." Sagot niya. "Snow white and the seven dwarfs." Pang-aasar pa niya dito.
Natawa ng wala sa oras ang dalawang lalaki. Samantalang si Panyang ay lumabi na parang bata.
"Loka loka! Makakaganti rin ako sa'yo Maria Diwata Tatlonghari!"