HUMINGA muna siya ng malalim bago buksan ang entrance door ng Rio's Finest. Dala niya ang resume niya. Sa kabila ng tapang na kipkip niya sa kanyang dibdib. Natatalo pa rin siya ng kaba. Dahil hindi uubra ang plano niya kung hindi siya tatanggapin doon. Kung kinakailangan niyang humingi kunwari ng paumanhin ay gagawin niya.
Pagbukas niya ng pinto ay sa kanya natuon ang paningin ng lahat. Kasama na roon ang ibang customers maging ng mga crew at ang iba ay ang mga kaibigan ni Vanni na nakilala na rin niya. Mabait ang mga ito. Iyon nga lang, malalakas mang-asar. Pero napansin niyang wala roon ang kanyang pakay. Dumiretso siya sa mesa kung saan nakaupo ang mga kaibigan ni Vanni.
"Nasaan si Vanni?" pormal niyang tanong.
Nginisian siya ng mga ito. Lalo na ang kalbo at singkit. Justin yata ang pangalan nito.
"Bakit nami-miss mo na siya?" nang-aasar na tanong nito.
Umangat ang isang kilay niya. "Siguro kapag tinubuan ka na ng buhok, mami-miss ko siya." Pagtataray niya.
Ngunit hindi man lang naapektuhan ang mga ito. Bagkus ay nagtawanan pa ang mga ito.
"Hindi joke lang. Wala siya. Pinuntahan ang iba pang restaurant na pag-aari niya. Alam mo naman ang kaibigan namin na iyon. Mayaman." Paliwanag ni Justin.
"Sayang naman." Aniya.
"Ano bang kailangan mo sa kanya?" Nagtatakang tanong ni Jared.
"Mag-aapply sana akong Assistant Chef."
Napansin niyang nagkatinginan ang mga ito. Tapos ay parehong nagngisian. Mukhang may maitim na balak ang mga ito. Sa isip niya ay napangiti rin siya. Parang ako, may balak... bwahahaha!
"Weh? Ang dami naman aapplayan diyan. Bakit dito pa? Alam mo naman na hindi kayo in good terms ni Van." Ani Dingdong.
"Alam ko. Pero I badly need a job. At sabi ni Olay, may opening dito. Walang susuporta sa pamilya ko sa probinsiya kapag hindi ako nakahanap ng trabaho. Alangan naman unahin ko pa ang personal na alitan namin." Paliwanag niya.
Napatango si Justin saka ngumiti sa kanya. "Sandali ha?" sabi nito sa kanya. Pagkatapos ay niyaya nito ang iba pang kaibigan sa isang sulok at doon nagkumpulan at tila may kung anong pinag-uusapan. At gusto din niyang kabahan sa mga nangyayari. Dapat pala ay sa mga crew na lang siya lumapit kaysa sa mga ito.
Ilang saglit pa ang lumipas ng bumalik na sa puwesto ang mga ito. Mayamaya ay nag-ring ang cellphone ni Ken. Sinagot nito iyon.
"Hello, Vanni Pare!" bungad nito. Tapos ay tumingin sa kanya. "May dumating dito. Nag-aapply na Assistant Chef mo. Mukhang kailangan na kailangan nito ang trabaho. Oo... sige... Oo... Sabihin ko na lang kay Justin. Oo pare... sige... kami nang bahala..."
"Ayos na," anito.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Si Justin nang bahala mag-interview sa'yo. Sabi ni Vanni 'yon." Sagot ni Ken.
Nagdududang tiningnan niya isa isa ang mga ito. Parang ayaw niyang magtiwala sa mga ito. Dahil kung pagbabasehan ang mga ngisi ng mga ito. Tila may binabalak na kalokohan ang mga ito.
"Sigurado kayo ha? Kapag may kalokohan kayong ginawa. Malilintikan talaga kayo sa akin." Banta niya.
"Oo nga. Akin na nga 'yung resume mo. Kapag wala si Vanni, ako talaga ang nag-iinterview sa mga nag-aapply sa kanya kasi pareho kaming nasa Food Business." Paliwanag ni Justin.
"Okay. O 'eto resume ko." Sabi niya sabay abot ng papel kay Justin.
Ilang sandali pang binasa nito ang resume niya. "Halika sa kitchen. Ipagluto mo kami. Tapos kapag nasarapan kami sa niluto mo. Tanggap ka na." anito.
"Ganoon lang?" paniniguro niya.
"Oo, ako nang bahala sa'yo."
Tumango-tango siya. Bago napangiti. Mabuti na rin na ang mga ito ang naabutan niya doon. Dahil sa takbo ng pangyayari. Mukhang umaayon sa kanya ang pagkakataon.
KINABUKASAN ng umaga. Masayang naghanda si Madi sa pagpasok. Masaya siya dahil tinanggap siya ni Justin. Nang magpaluto ito sa kanya kahapon, ay pinaunlakan niya ito. Isang simpleng Eggs Bendict ang ginawa niya para dito pati na sa mga kaibigan nito. Ngunit naging sapat iyon para tanggapin siya.
Nang masiguro na niyang ayos na siya ay lumabas na siya ng silid na inookupahan niya sa bahay ni Olay.
Isang matamis na ngiti ang sinalubong niya sa pinsan pagkakita dito.
"Wow, ang ganda naman ng smile mo." Puna nito sa kanya.
"Siyempre, today is the day." Sagot naman niya.
"Saan ka ba excited? Sa trabaho o sa ka-trabaho?" panunudyo nito.
"Maghilom ka diha 'dong!" saway niya dito. Ang sabi niya dito ay 'Tumigil ka diyan.'
"Ay naku bakla, walang sisihan kapag na-in love ka kay Chef. Remember, possible 'yon dahil single kayo pareho."
"Wala akong panahon sa ganyan."
"Eh kailan ka ba nagkaroon ng panahon sa love life mo? When was the last time na huli kang nagkaroon ng boyfriend?" tanong nito.
Napaisip siya. Oo nga naman. Kung tama ang pagkakatanda niya. Mahigit limang taon na yata nang huli siyang nakipag-relasyon. Pagkatapos noon ay natuon na ang buong atensiyon niya sa pagiging bread winner ng pamilya niya.
"Alam mo naman na ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko. Kaya wala akong panahon na main-love."
"Then, have time for love. You're twenty seven now. At your age, kailangan mo naman isipin ang sarili mo. Tatanda kang dalaga niyan." Anang pinsan niya.
"Whatever! Makapasok na nga." Sagot na lang niya.
"Sus! Excited ka lang makita si Chef eh." Pahabol nitong tukso sa kanya.
"Ambot sa imo!"
Paglabas niya ng bahay ay magaan ang pakiramdam niya. Hindi lang dahil sa kalokohang iniisip niya, kundi higit sa lahat ay unang araw niya sa trabaho. Kahit paano'y makakabawas sa alalahanin niya. Ilang saglit lang ay naroon na siya sa restaurant ni Vanni. Pagdating doon ay natahimik bigla ang kanina'y mga crew na nakita pa niyang nag-uusap bago siya pumasok.
"Good Morning!" masiglang bati niya dito.
Nang tingnan niya ang mga ito ay medyo alanganin ang mga mukha ng mga ito. Tila ba natatakot sa kanya. Dahil naging malaking issue sa buong Tanangco ang ginawa niya kay Vanni. Ang iba pa ngang mga babae ay nagalit sa kanya at talagang nagpaparinig pa. Pero hindi niya pinapansin ang mga ito. Wala siyang panahon para patulan ang mga hindi importanteng bagay.
"Bakit ganyan ang mga mukha n'yo?" nagtatakang tanong niya.
Isang babaeng crew ang naglakas loob na sumagot. "Wala lang. Hindi kasi namin alam ang dapat asahan sa'yo. Medyo hindi maganda ang naririnig namin tungkol sa'yo."
Napangiti siya sa sinabi nito. "Kayo naman. Alam kong ginawa ko sa amo n'yo. Pero may dahilan ako kung bakit ko nagawa 'yon. Kaya huwag kayong matakot sa 'kin. Mabait naman ako, hindi ako nangangain ng tao."
Nagtawanan ang mga ito sa sinabi niya.
"Palabiro ka pala, Mads. Ako pala si Abby." Pagpapakilala nito. Nakasuot ito ng maluwag na pantalon, maluwag na t-shirt at naka-rubber shoes din. Tomboy ba 'to? Tanong niya sa isip. Kaya lang ay sobrang ganda naman nito para maging tomboy. Mukha itong manika.
At mukhang nahulaan nito ang nasa isip niya. "Bago ang lahat. Baka isipin mo tomboy ako. Hindi ah! Ganito lang talaga akong magdamit. Hindi kasi ako sanay mag-dress." Paliwanag nito.
"Oo nga. Hindi tomboy 'yan! Sa katunayan, may mahal na 'yan!" pangbubuking pa ng isa pang crew na babae. "Ako pala si Mayet."
"Nice to meet you all," aniya.
"Huwag mo nang pansinin ang kadaldalan nitong si Mayet." Ani Abby. "Pumunta ka na doon sa office niya. Hinihintay ka na ni Sir Vanni."
"Okay. Thanks!" sagot niya. Agad siyang pumunta sa pribadong opisina ni Vanni. Bago niya buksan ang pinto ay huminga ulit siya ng malalim. Pagpihit niya ng seradura ay dahan-dahan niyang tinulak papasok ang pinto. Nakita pa niya itong nakahiga sa sofa na malapit sa mesa nito. Ang kaso ay tulog ito.
"Tulog? Akala ko ba'y hinihintay ako nito?"
Halos walang ingay na nakapasok siya sa loob ng opisina nito. Handa ma siyang gisingin ito nang mapatitig siya sa guwapong mukha nito. Wala sa sariling lumapit siya dito at saka pinagmasdan mabuti ang mukha nito.
Oo nga... Guwapo nga... aniya sa sarili.
Pinakatitigan pa niya itong mabuti. Kagaya niya ay may kaputian din ang balat nito. Matangos ang ilong at ang labi nito ay mapula. Tila kaysarap halikan ang mga iyon. Natutukso siyang haplusin ang pisngi nito pero pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang gisingin ito. At para siyang na-relax habang nakatitig sa guwapong mukha ng binata.
"Anong ginagawa mo?" biglang tanong nito habang nakapikit.
Bigla ay napa-diretso siya ng tayo sabay talikod dito. Gising pala ito. Alam niyang namumula ang mga pisngi niya dahil nararamdaman niyang nag-iinit ang mukha niya. Malay ba naman niyang gising pala ito.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ulit nito.
Kahit na hindi niya nakikita ang mukha nito. Alam niyang naka-pormal ito base na lang sa timbre ng boses nito. Tumikhim muna siya bago hinarap ito. At gusto niyang pagsisihan ang ginawa niyang iyon dahil ang sumalubong sa kanya ay ang singkit nitong mata na kulay tsokolate at tila ba nangungusap.
"Uhm... Ano... it's my first day here as your Assistant Chef." Kanda-utal niyang sagot. Habang lihim na kinakalma niya ang sarili. Napahiya siya dito. Baka isipin nito na may gusto siya dito.
"What?" gulat na tanong nito
"Anong what?"
"Anong Assistant Chef?"
"Assistant Chef mo. Ako ang Assistant Chef mo." Nagsisimula na
naman siyang mainis sa lalaking 'to.
"Ikaw?!" napangiwi siya sa lakas ng boses nito.
"Oo nga! Ako nga!" sagot niya na nilakasan din ang boses niya. "Saka puwede ba, huwag kang sumigaw. Nandito lang ako sa harap mo."
Hindi nito inintindi ang sinabi niya. Bagkus ay pumunta sa mesa saka binuklat ang isang folder doon. Binasa nito ang papel na nasa loob niyon.
"You mean, ikaw ang Assistant Chef na sinasabi ni Justin na tinanggap niya?" pagkaklaro nito.
Napakamot siya ng noo. "Paulit-ulit? Parang market market lang? Oo nga! Ako nga! Hindi ba nila sinabi sa'yo?"
"Well, tingnan mo nga ako. Sa reaksiyon ko bang ito, hindi ba halatang hindi ko alam?" pambabara nito sa kanya.
Automatic na nagtaas ang kilay niya. At mukhang ito rin ay gumaganti sa kanya. Kanina sinigawan siya. Ngayon naman, binara siya. Tama ba 'yon?
"Buwisit na 'to," bulong niya. "Tadyakan ko naman kaya ito. Para maiba."
"May sinasabi ka?" salubong ang kilay na tanong nito.
"Wala po." Nakairap na sagot niya.
"Bakit ka nag-apply dito? Alam mo naman na may atraso ka pa sa akin."
"May sinusuportahan akong pamilya sa probinsiya. Hindi puwedeng unahin ko ang personal kong sentimyento. I'm a professional. And let me correct you. Ikaw ang may atraso sa akin." Sagot niya.
"Naalala ko na ang atraso ko sa'yo na sinasabi mo." Anito. "Hindi ko ginustong matalo ka. Hindi ko lang talaga puwedeng kainin 'yong niluto mo. Kaya hindi ako nag-score." Depensa nito.
"Sana man lang, nagsabi ka sa akin. Para hindi na lang iyon ang niluto ko."
"Look, I'm sorry kung dahil doon ay hindi mo nakuha ang trabaho. Hindi ko sinasadya ang nangyari." Sagot nito.
May kung anong humaplos sa puso niya. Hindi niya akalain na magpapakumbaba ito ng ganoon lang kadali. Hindi siya sumagot. Hindi dahil sa hindi niya tinatanggap ang sorry nito. Kundi dahil hindi niya malaman ang dapat niyang sabihin.
"Ayoko lang na dito ka magta-trabaho pero may alitan tayong dalawa. Ayokong maapektuhan ang working relationship natin." Anito.
"Sabagay, pangit din iyon." Sa wakas ay may naapuhap din siyang sabihin.
"So, paano? Are we good from now on?" tanong nito. Tinitigan niya ang mukha nito. Wala na ang kanina'y pormal at masungit na anyo nito. Nilahad pa nito ang isang kamay sa kanya. Tanda na gusto nitong makipagkasundo. "Friends?"
Nagdadalawang isip man. Inabot na rin niya dito ang isang kamay. Saka niya napag-isip isip na wala naman mawawala kung ganoon. Maaari na rin na niya sigurong kalimutan ang plano.
"Okay." Sa wakas ay sagot niya. Nang magdaop ang mga palad ay may kung anong tila kuryente ang naramdaman niyang nanulay sa palad nila. At mukhang pati ito ay ganoon din ang naramdaman dahil kapwa sila napatingin sa isa't isa. Saka tila napaso na nagbitaw sa pagkakahawak.
"Siguro naman hindi mo na ako susuntukin ulit?" tanong nito sa kanya.
Natawa siya. "Oo naman. Sorry nga pala doon ha? Nagdilim lang kasi ang paningin ko n'ong makita kita."
"Okay na 'yon. And let me introduce myself formally." Ani Vanni. "I'm Rio Vanni Cruz."
"Nice to meet you. And I'm Maria Diwata dela Rosa Tatlonghari. You can call me Madi."
Natawa si Vanni. Malamang ay dahil sa pangalan niya. Well, hindi na siya na-ooffend kapag tinatawanan siya ng dahil sa pangalan niya. Nasanay na kasi siya.
"I'm sorry kung natawa ako. Tagalog na tagalong kasi ang pangalan mo." Anito.
"Okay lang 'yon. At least, wala akong kaparehong pangalan." Sagot na lang niya. "At ang sabi ng Mama ko. Kaya iyon ang ipinangalan niya sa akin kasi. Maganda daw ako. Mala-diwata daw ang kagandahan ko." Pagkasabi niyonn ay wala sa loob na sinuklay niya ng mga daliri ang mahabang buhok.
Unti-unti ay napalis ang mga ngiti sa labi ng kaharap. Pagkatapos ay napako ang paningin nito sa mukha niya. Bigla tuloy siyang nailang. "Bakit?"
Parang wala sa loob na umiling ito. "Nothing. Yes, you are beautiful. Bagay nga sa'yo ang pangalan mo."
Tumikhim siya ng malakas para matauhan itong kaharap niya. At nagtagumpay naman siya.
"Ayos ka lang ba?" tanong niya.
"Ha? Oo... Oo naman." Kunwa'y sagot nito. "Anyway, doon na tayo sa kitchen para maituro ko sa'yo 'yung mga menu natin dito." Iyon lang at nagmadali itong lumabas.
Napakamot siya ng ulo. "Hala ka! Na-buang na!"
"HOY!"
Napakurap siya saka bahagyang napapitlag. Kanina pa siya kasi wala sa sarili. At hindi maintindihan ni Vanni kung bakit. Nagsimula iyon kanina nang makaharap niya si Madi. Ano bang meron ang babaeng iyon at bigla na lang siyang nagkaganoon? Bumuntong-hininga siya. Hindi dapat siya magpa-apekto dito. Ang importante ngayon ay magkasundo na sila.
"Ano bang problema mo, Vanni?" tanong ni Roy.
Umiling siya. "Wala naman."
"Weh? 'di nga? Kanina ka pa kaya tulala diyan." Ani naman ni Allie.
"Sino bang iniisip mo?" usisa naman ni Victor.
Gusto na naman niyang maubusan ng pasensiya sa mga ito dahil kinukulit na naman siya. "Wala nga. Pagod lang ako." Pagdadahilan niya.
"Ay sus, nagdahilan ka pa talaga ha? Paano kang mapapagod? Halos maghapon ka lang kayang nakaupo diyan." Wika ni Panyang.
"Naks! Mukhang distracted ka yata ngayon ah." Puna naman ni Justin.
"Tigilan n'yo nga ako," saway niya sa mga ito. Pero nagtawanan lamang ang mga tinamaan ng magaling. "Ano nga palang ginagawa n'yo dito? Dapat nasa mga kani-kaniyang trabaho kayo ah. Hindi iyong ako na naman ang pinagti-tripan ninyo."
"Relax, ikaw naman oh. Kumpanya namin 'yun. Uuwi kami ng maaga kapag ginusto namin." Sagot naman Dingdong.
Ilang sandali pa ang lumipas nang lumabas si Madi mula sa kitchen. Nakatungo ito habang pinapahid ng mga daliri nito ang animo'y luha sa pisngi nito. Bigla ay napatayo siya.
"Mads, anong nangyari sa'yo? Bakit ka umiiyak? Okay ka lang ba?" sunod-sunod na tanong niya.
"Aherm! Ayan na nga ba..." narinig niyang comment ni Allie.
May pagtataka sa mukha na tinitigan siya ni Madi. Nakakunot pa ang noo nito. Tinuyo nito ng hawak na tissue ang pisngi. "Ikaw? Ayos ka lang ba, boss? Parang hindi eh." Tila balewalang sagot nito.
"Bakit ka ba kasi umiiyak?" tanong ulit ni Vanni.
"Eh ikaw ba naman maghiwa ng sandamukal ng sibuyas." Anito.
"Ayun oh! Naks! Concern siya..." tudyo pa ni Madi.
Nagtawanan ang iba pa saka inulan na naman siya ng tukso.
"Teka nga, kaya ako nataranta kasi first day niya dito sa restaurant. Responsibilidad ko siya kapag may nangyaring hindi maganda sa kanya." Depensa niya.
"Defense! Defense!" pang-aasar pang lalo ni Panyang.
"Ewan! Diyan na nga kayo. Babalik na lang ako sa kusina." Aniya sabay talikod.
"ANONG problema ng isang 'yon?" nagtatakang tanong ni Madi sa mga naiwan sa mesa.
"Aba malay ko! Si Panyang kasi eh." Ani Allie.
"Bakit ako na naman?" protesta nito. "Nakitukso lang ako eh. Si Victor kaya ang may kasalanan."
"Hindi ako." Tanggi naman nito.
"Teka nga, maiba lang ako. Kumusta naman kayo ni Vanni? Hindi ba naman kayo naghabulan ng kutsilyo sa kusina?" tanong Justin.
"So far, hindi naman. Ikaw ha? Hindi mo pala sinabi sa kanya na ako ang assistant chef niya." Sita niya dito.
"Nakalimutan ko eh," balewalang sagot nito. Na hindi naman siya kumbinsido sa sagot nito.
"Maiba rin ako. May boyfriend ka na ba?" tanong ni Victor.
Sasagot pa lang sana siya nang may biglang sumingit sa usapan si Abby. Ang isa sa crew ng Rio's Finest. Balita niya'y mag-bestfriend ito at si Victor.
"Pare, hinay hinay kay Madi. Hindi kayo talo n'yan." Anito.
"Nagtatanong lang naman eh," depensa ni Victor.
"Ang sabihin mo, nagseselos ka lang." ani Panyang.
Hindi nakasagot ito. Bigla ay namula ang pisngi nito. Tamang-tama naman na biglang may pumasok na bagong customers. Kaya nagkaroon ito ng dahilan para umiwas.
"Good Evening Sir, Ma'am. Welcome to Rio's Finest!" bati nito sa mga bagong dating.
"Uso pala dito sa Tanangco ang makialam sa love life ng ibang tao." Aniya.
"Neng, iyon nga ang nakakapagpasaya ng buhay ng mga tao dito eh." Sagot ni Panyang.
"Teka nga, 'yung tinatanong ko nga. May boyfriend ka na ba?" ulit ni Victor sa kaninang tinanong nito.
"Wala nga. Wala akong panahon magka-boyfriend."
"Kaya nga hanapan n'yo ng lovelife ang pinsan ko. Wala pa sa pamilya namin ang old maid." Sabi ni Olay na kakarating lang.
Umiling siya. Bakit ba pinupuntirya ng mga ito ang buhay pag-ibig niya? Pero sa totoo lang, nakalimutan na nga niya iyon. She's too busy working for her family. Well, may mga nanligaw naman sa kanya. Iyon nga lang, hindi naman niya iyon binigyang pansin. Kung siya ang tatanungin. Wala pa rin siyang interes na magka-nobyo. Pero aaminin niya, minsan ay naiinggit siya sa mga nakikita niyang magkasamang mag-nobyo. Siguro nga ay hindi pa lang talaga niya nakikita ang lalaking makakapagpa-t***k ng kanyang puso.
Bigla ay pumasok sa isip niya si Vanni at ang imahe nito habang naabutan niya itong tulog sa sofa kaninang umaga. Hindi niya napigilan ang lihim na mapangiti. Kay sarap pagmasdan nito habang natutulog. At bakit ba nagkaroon siya ng imahe na silang dalawa ni Vanni na magkasama at magkayakap.
Pinilig niya ang ulo. Hindi dapat ako mag-isip ng ganito. He's my boss. Period.
"Uy... Napara-isip niya!" Na ang ibig sabihin ay 'Uy... Iniisip niya!'
Bigla ay bumalik sa kasalukuyan ang isip niya. "Ambot! Dili ah!"
Tanggi niya.
"Ah... hello... Puwede paki-translate ang pinag-uusapan n'yo?" singit ni Panyang.
"Babalik na nga lang ako sa trabaho." Sa halip ay sabi niya.
"Hoy teka! Anong ibig sabihin n'on?" habol pa ni Panyang.
Hindi na niya inintindi ang pangungulit nito. Mas mabuti pang abalahin niya ang sarili sa trabaho kaysa guluhin ang isip at puso niya.