"KUMUSTA na ang trabaho mo, girl?" tanong ni Olay nang minsan nakatambay siya sa tindahan nito. Day off din niya ng araw na iyon.
"Ayos naman. Mababait ang mga kasama ko kaya hindi ako masyadong nahirapan." Sagot niya.
"Lalo na si Vanni." Bigla ay dugtong nito.
Napangiti siya. Dahil totoo ang sinabi ni Olay. Mabait ang binata at wala siyang masabing masama dito. Pati sa trabaho ay magkasundo sila.
"Oo. Mabait nga siya." Sabi niya.
"Kita mo na? Hindi siya mahirap mahalin, 'di ba?"
Kunot-noong tiningnan niya ang pinsan. "Ano bang mahalin ang sinasabi mo diyan?"
Bumuntong-hininga ito saka siya inakbayan. "Diwata, mas matanda ako sa'yo. Kahit na baklita itong pinsan mo. Nagmahal na rin ako. Kaya hindi mo maitatanggi sa akin 'yang nararamdaman mo."
Ngumiti siya dito. "Look, wala akong nararamdaman sa kanya. Okay? Kung meron man, sasabihin ko naman agad sa'yo. Sa ngayon, mas gusto kong mag-concentrate sa trabaho ko." Paliwanag niya.
Nagkibit-balikat si Olay. "Okay, sabi mo eh. Basta kapag nahihirapan ka na. Nandito lang ako."
"I know. Salamat!"
Ilang sandali pa ang lumipas nang mag-ring ang cellphone niya. Napangiti siya nang makita kung sino ang caller niya. Ang handler niya sa pagmo-model, si Miss Janet Lee. Tinatawagan siya nito kapag malaking fashion show ang gaganapin. Ilang buwan na rin silang hindi nagkikita nito. Agad niyang sinagot iyon. Ngayon ay designer na rin ito.
"Hello," bungad niya dito. "Miss Janet!"
"Hi Mads, kumusta na?" tanong sa kanya agad. Nahimigan niya ang kasiyahan sa tinig nito.
"Okay lang po ako. Ano pong atin?"
"May malaking fashion show ako next month. And I badly need a professional model. At ikaw lang ang naiisip ko."
Natawa siya. At the same time, she felt flattered. Hindi niya akalain na isang professional ang tingin nito sa kanya. Kung tutuusin ay hindi naman talaga siya model. Part-time job lamang niya iyon. Ginagamit lang niya ang tangkad niya para kumita ng extra. Pero hindi talaga niya pinangarap na maging isang professional model.
"Ma'am, alam n'yo naman po na hindi ako talaga model." Sagot niya.
"Alam ko Madi, pero ikaw ang nababagay sa mga latest collection ko. Wala akong mapili sa mga models na hinanap ng mga tauhan ko. And don't worry, kung papayag ka. Finale dress ka lang naman." Paliwanag nito.
Saglit siyang nag-isip. "Sige ma'am, payag po ako. Sabihan n'yo na lang po ako kung kailan ang rehearsals."
"Yes! Thanks Madi! Magkita tayo mamayang 3PM. Ite-text kita mamaya kung saan ang meeting place natin."
"Sige po. No problem."
Nang maputol ang usapan ay masaya niyang ibinalita kay Olay ang natanggap tawag. Maging ito ay naging excited. Medyo matagal-tagal na rin simula nang mag-umpisa siya as part-time model. Pero kahit kailan ay hindi pa nakapanood ng show niya ang pinsan. Kaya nangako siyang isasama ito sa fashion show ni Janet Lee.
TINITIGANG mabuti ni Vanni ang babae na nakaupo sa bandang sulok ng restaurant na iyon. Kilalang-kilala niya iyon, si Madi. Ngunit ang higit niyang ipinagtataka ay kausap nito ang sikat na fashion designer na si Janet Lee. At tila magkakilala ang dalawa dahil nagtatawanan pa ang mga ito.
Vanni stared at her face. Kahit sinong lalaki ay magkakagusto dito. Madi has a beautiful face. Mas lalong tumitingkad ang ganda nito kapag nakatawa ito. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya kapag nasa tabi niya ito. At Kapag alam niyang nasa panganib ito ay agad siyang nag-aalala para sa kaligtasan nito. Kagaya na lang noong mahulog ito sa puno ng mangga. Hindi niya alam ang pumasok sa isip niya kung bakit niya sinalo ito.
"She's beautiful. I know." Sabi ni Leo.
Napakurap siya. Nakalimutan niyang nasa meeting nga pala siya. Hindi niya namalayan na nakatitig na pala siya ng matagal sa dalaga. Mabuti na lamang at mga kaibigan din niya ang ka-meeting.
"I'm sorry." Hinging paumanhin niya.
"It's okay. We're your friends anyway." Sagot naman ni Dingdong.
Pilit niyang tinuon ang atensiyon sa trabaho. Binalingan na lamang niya si Dingdong. "Pare, ano nga palang nakain mo at bigla kang naging interesado sa food business?" tanong niya dito.
"Wala lang. I just want to invest. Food Business, para maiba. And iyong sa magazine, para naman mai-promote ko 'yung latest model ng cellphones ng kumpanya ko." Paliwanag nito.
Napailing sila. "Wala ka na naman magawa sa milyones mo, in short." Wika ni Leo.
"No. Of course not. Huwag mong sabihin 'yan, Leo. Kahit na mayaman tayo. Dapat humble lang."
"Ikaw pa magiging humble," sagot naman niya.
Sa mga kaibigan niya. Ito yata ang gustong pasukin lahat ng klaseng negosyo. Basta mapagkakakitaan. Manang-mana sa Lolo nitong si Don Manuel Santos, na kilala sa business world bilang Business Magnate.
"Kumusta na si Chacha?" bigla ay tanong ni Leo. Doon natahimik ito. Basta ang ex-girlfriend nito ang nagiging topic ay tumitiklop ito. Natatahimik at hindi kumikibo.
Natawa lang sila ni Leo. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nila alam ang buong detalye kung bakit naghiwalay ang dalawa. Ngunit agad din naman itong nakabawi.
"Huwag nga ninyo akong intrigahin. Itong si Vanni ang kanina pa nakatitig kay Madi eh."
Tumikhim siya. "Bumalik na nga lang tayo sa pinag-uusapan natin," Sabi niya.
"Pare, if you like her. Ask her out." Ani Leo.
"What?" maang niyang tanong.
"You very much know, what Leo meant." Sagot ni Dingdong.
"Look, wala akong alam sa mga sinasabi n'yo." Depensa niya.
"Vanni, lokohin mo na ang iba pero huwag kami. Magkakasama tayong lumaki. Kilalang-kilala ka na namin. We know you like Madi. Kaya huwag kang mag-deny." Dagdag ni Dingdong.
Bumuntong-hininga siya. "I'm not yet sure about her. Kailan lang kami nagkakilala."
"Huwag mong madaliin. Take your time." Payo ni Leo sa kanya.
"I know." Usal niya.
Muli ay nakuha ni Madi ang atensiyon niya nang tumayo ito at si Janet Lee. Mayamaya ay umalis na rin ang huli. Naiwan ito sa mesa at inabala ang sarili sa pagbabasa ng isang papel na nakita niyang inabot ng designer sa dalaga. Paminsan-minsan ay may kinakausap ito sa cellphone nito.
"Pare, lapitan mo na siya. Kaysa naman ganyan patanaw-tanaw ka sa malayo." Sabi ni Dingdong.
Tiningnan niya ang isa pang kaibigan. Tumango lang ito bilang pagsang-ayon sa sinabi ng una. Walang patumpik-tumpik na tumayo siya at nilapitan ang dalaga.
"Madi," tawag-pansin niya dito nang makalapit siya.
Tila bumukas ang pinto ng langit nang ngumiti ito. "Chef Van, anong ginagawa mo dito?" tanong nito.
"May business meeting kami nila Leo." Sagot niya sabay turo sa mga kaibigan na naiwan sa mesa. Kinawayan ng mga ito si Madi. Gumanti din ng kaway ang dalaga sa dalawa. "That's Janet Lee, right?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang kaninang kausap nito.
"Ah oo... she's my friend. May pinakiusap lang siya sa akin." Paliwanag nito.
Tumango siya. "Bigtime ka pala." Wika niya.
"Hindi naman. Nagkataon lang na magkakilala kami."
"Ah... okay. Pauwi ka na ba?" tanong niya.
"Hindi pa naman, bakit?"
"Kung wala ka nang ibang lakad, isasabay na kita pauwi. Malapit na naman matapos ang meeting namin nila Leo."
"Okay lang ba sa'yo na isabay ako? Baka naman may lakad ka pang iba. Ayokong makaabala. Puwede naman akong mag-taxi pauwi." Sagot nito.
"No. I insist. Mahirap nang kumuha ng taxi ngayon. Rush hour na."
Saglit itong nag-isip. "O sige, kung okay lang ba sa'yo eh."
"Doon ka na lang sa table namin para hindi ka naman nag-iisa diyan. kaming tatlo lang naman eh."
GUSTONG malula ni Madi habang palihim siyang nakikinig sa usapan ng tatlong lalaking kasama niya sa mesa. Alam niyang mayayaman ang mga ito. Pero hindi niya inakala na mayaman pa pala ang mga ito kaysa sa kanyang inaasahan. Hindi lamang halata dahil kapag naroon ang mga ito sa Tanangco. Animo mga ordinaryong empleyado lang ang mga ito. Muli na lang niyang tinuon ang buong atensiyon sa papel na hawak. Kontrata iyon na kailangan niyang pirmahan bilang isang modelo ng Janet Lee Fashion Collection.
Habang pilit na inaabala ang sarili sa pagbabasa ng kontrata. Pilit din niyang kinakalma ang puso dahil bumibilis na naman ang pagtibok niyon. Hindi na tumigil iyon simula nang biglang sumulpot si Vanni sa harap niya kanina matapos nilang mag-usap ni Janet Lee sa isang restaurant-lobby ng hotel na iyon na ayon sa mga ito ay pag-aari pala ni Justin.
Nabaling ang atensiyon nilang lahat nang may biglang lumapit sa kanilang mesa na tatlong babae. Sa tingin niya ay pawang mga sosyalera ang mga ito. Hapit na hapit ang mga suot nito at kita ang cleavage ng mga ito. Bigla ay tiningnan niya ang sarili. Isang simpleng skinny jeans at blouse lang suot niya. Pakiramdam niya ay nagmukha siyang tsimay ng mga ito.
"Hi boys!" bati ng mga ito sa tatlo.
Ngumiti si Dingdong sa mga ito. Samantalang si Vanni ay hindi alam kung ngingiti o hindi dahil sumusulyap ito sa kanya. At si Leo, kagaya ng dati. Hindi man lamang tinapunan kahit na sulyap ang mga ito. Mas minabuti pa nitong inumin ang kape nito.
"Hi ladies," sagot ni Dingdong.
"Do you mind if we join you?" tanong ng isang babaeng maputi pero makapal ang make-up.
Gustong tumaas ng kilay niya. Ang kapal naman...
Hindi agad sumagot si Dingdong. Tumingin muna ito sa mga kasama. "Yes, we do mind. We're in the middle of a meeting. So, will you please." Seryosong sagot ni Leo.
"Including her?" anang pangalawang babae. Pagtingin niya ay siya ang tinuturo nito. Tinitingnan pa siya ng mga ito simula ulo hanggang paa.
"Yes." Ani Vanni.
"She looks like a secretary to me." Sabi naman ng ikatlong babae.
Doon na nag-init ang ulo niya. Kanina kung tingnan siya ng mga ito, akala mo isa siyang ipis na puwede nitong tapakan anumang oras. Nilapag niya ang papel na hawak saka siya tumayo. Bigla ay napaatras ang mga ito. Dahil naging duwende ang mga ito sa paningin niya. Matangkad siyang babae kaya hindi siya magpapadaig sa mga panlalait ng mga ito.
"Excuse me, do you have any problem with me? So what kung secretary ako?" mataray niyang tanong. Ano bang akala ng mga babaeng kamote na ito hindi ko kayang makipagsabayan sa kanila?
Hindi malaman ng mga ito kung sasagot o tatakbo paalis. Nasindak yata ito sa height niya.
"Kung wala kayong sasabihing matino. Lumayas kayo sa harapan ko."
Agad namang umalis ang mga ito.
"Huwag mo na lang pansinin ang mga iyon. Mga spoiled brat ang mga iyon eh." Sabi ni Vanni pag-upo niya.
Ngumiti siya dito. "Ayos lang ako. Hindi naman ako affected sa mga ganoong klaseng tao. Sinindak ko lang sila."
"Those bitches! Akala nila lahat ng lalaki ay maaakit nila." Seryosong wika ni Leo.
Pinagmasdan niya ito. Marami nang nakapansin na tila ba galit ito sa mga babae. Well, kung siya naman si Leo ay malamang mainis din siya. Akala mo kung sino ang mga babaeng iyon kung makapanglait ng tao.
"That's enough, dude." Ani Dingdong. Saka marahang tinapik sa balikat ang kaibigan.
"I think we better go. Tutal napag-usapan na natin lahat ng dapat pag-usapan." Sabi naman ni Vanni.
"Okay. Mauna na ako sa inyo." Wika ni Leo sabay alis.
Si Dingdong naman ay nanatili sa hotel na iyon para hintayin ang isa pang daw ka-meeting nito. At sila ni Vanni, hindi niya alam. Wala siyang idea kung saan sila pupunta nito. Habang naglalakad patungo sa parking area. Kapwa sila tahimik. Tila ba pareho silang naghahanap ng dapat sabihin sa isa't isa. Ito ang unang bumasag ng katahimikan.
"May lakad ka pa ba?" tanong nito.
"Uhm... wala na. Bakit?"
Tumigil sila sa tapat ng isang magarang midnight blue BMW. Humarap ito sa kanya. "Is it okay kung mag-dinner muna tayo bago umuwi?" tanong ulit nito.
Kung kanina ay kabado na siya. Mas lalong dumoble ang kabog ng dibdib niya. Bumuka ang bibig niya ngunit walang lumabas na tinig doon. Habang hinihintay nito ang sagot niya ay nakatitig lang ito sa kanya. May kung anong saya siyang nababasa sa mga mata nito. Tumikhim siya ng malakas para kalmahin ang sarili.
"Ah... si-sige." Kandautal na sagot niya.
Mas lalong bumakas ang kasiyahan sa mukha nito. "Great! I'll bring you to one of my best restaurants."
"I-ikaw ang bahala."
Hindi na ito sumagot pa. Humarap ito sa kotse saka binuksan ang pinto niyon. Inalalayan pa siya nitong sumakay. Habang nasa byahe ay kung anu-ano ang pinagkuwentuhan nila. Mas madalas na nagtatawanan sila dahil sa mga biro nito. Unti-unti ay nagiging kampante siyang kasama ito. Naroon pa rin ang kabang malaking katanungan sa kanya. At unti-unti rin ay nakikilala niya ito.
Hanggang sa namalayan na lang niyang nasa GreenbeltPark, Makati na pala sila.
"Let's go," anito. Muli ay pinagbuksan siya nito ng pinto ng kotse at inalalayan din siyang bumaba. A real gentleman.
Habang naglalakad ay kung sino-sino ang bumabati dito. Karaniwan ay Chef Rio ang tawag dito. Hindi naman kataka-taka iyon dahil sikat itong Chef.
Nasa mismong centro ng park sila tumigil. Pumasok sila sa isang Italian Restaurant. Rio's Italian Finest ang pangalan na nasabing kainan. Maganda ang ambiance ng lugar at dinadagsa ng mga tao. Kinuha nito ang isang kamay niya at kinulong iyon sa palad nito. Saka siya hinila papasok ng rvbvbestaurant. Tiningnan niya ang mga tao sa loob, pawang mga may sinabi ang mga ito at nakabihis ng magara. Samantalang siya ay nakapantalon lang. Baka may lumait na naman sa kanya. Sa isiping iyon ay tumigil siya ng paglalakad. Naramdaman nito iyon kaya nilingon siya.
"Why? May problema ba?" nagtatakang tanong nito.
"Kasi... hindi yata ako bagay pumasok sa loob." Nahihiyang tanong niya. "Tingnan mo naman ang suot ko."
Ngumiti lang ito pagkatapos ay humarap sa kanya. Pinakatitigan siya nito sa mga mata. Inayos pa nito ang mahaba niyang buhok pati ang bangs niya.
"Haven't you realize how beautiful you are?" wika nito.
Napanganga siya sa sinabi nito. Gosh! Gusto niyang tumili sa kilig na naramdaman niya.
"Hindi mo kailangang magbihis ng kagaya sa kanila. Dahil kahit ano pang suot mo. You wear it with grace." Ayon pa dito. "Gusto ko nga minsan isipin na mas bagay kang modelo kaysa chef."
Napangiti lang siya sa sinabi nito. Kung alam lang nito na isa nga siyang modelo. Sabagay, tama naman ito. She wouldn't be a model for nothing.
"Thank you," aniya. "Pinapalakas mo ang loob ko."
"Your Welcome," sagot naman nito. "So, paano? Let's go?"
Huminga muna siya ng malalim saka ngumiti dito. "Yup."
Naramdaman pa niya na lalong humigpit ang pagkakahawak ng kamay nito sa kanya. Tila ba ipinapahiwatig nito na hindi siya iiwan kahit kailan.
Pagdating sa loob ay nakuha nila ang atensiyon ng karamihan ng naroon. Sinalubong sila ng ilang mga tauhan ng restaurant.
"Good Evening, Chef Rio." Bati ng receptionist.
Tumango lang ito. "Prepare the table for VIP." Anito.
"Yes Sir," usal nito. Agad itong tumalima at kinausap ang isang waiter.
Inobserebahan ni Madi ang kilos nito. Malayong-malayo sa Vanni na nakilala niya na nakatira sa Tanangco. Doon ay para itong isang ordinaryong mamamayan. Samantalang dito ay animo ito isang hari na isang salita lang ay agad na sinsunod ng mga tauhan nito.
"Tara na," anito. Hinila ulit siya nito sa isang silid na nasa bandang sulok. Nakalagay sa pintuan ang salitang 'For VIP's'.
Pagpasok doon ay bumungad sa kanila ang isang mesa na katamtaman lang ang laki na pang-dalawahan lang. May mga bulaklak na naka-disenyo sa sulok ng silid. Sa kabuuan ay maganda at romantic ang paligid. Mas bagay iyon sa mga magkasintahan.
Weh? Anong feeling mo? Kayo na... panunukso ng isang bahagi ng kanyang isip.
"Hanggang kailan ka mag-stay sa Tanangco?" pagkuwa'y tanong nito.
Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam. Depende. I don't usually stay long sa isang lugar. I always leave. Para maghanap ng trabaho."
"Wala naman dahilan para umalis ka. May trabaho ka naman sa Rio's Finest. And I hope nag-e-enjoy ka sa stay mo restaurant." Wika nito.
"Oo naman. Mababait kayong lahat. Hindi ako nahirapan makisama. Kaya walang rason para umalis ako." Sagot niya. "Bakit mo natanong? Malulungkot ka ba kapag nawala ako sa Tanangco?"
Naging mailap ang mga mata nito. "Ha? Ah... Siyempre naman. Naging kaibigan na rin kita."
Kaibigan? May kung ano siyang naramdamang munting kurot sa kanyang puso. Naroon ang pagtanggi nito na tila ba ayaw nitong maging isang kaibigan lang.
"Yeah. Right. You've been my friend. Kahit na hindi maganda ang unang pagkikita natin." Aniya.
Sasagot pa sana ito nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang waiter. Tulak nito ang isang cart na may lamang puno ng pagkain. Kumpletong lahat iyon. May pasta, chicken, seafoods, desserts, pesto garlic bread at juice.
"Ang dami naman nito? Mauubos ba natin lahat ito?" manghang tanong niya. Halos lahat yata ng specialty ay naroon lahat.
"Kung kaya ba natin eh. If not, may pagbibigyan naman tayo n'yan." Sagot nito.
"Sino?" curious niyang tanong.
"Eh di 'yung mga bata sa lansangan." Sagot nito.
Habang nasa kalagitnaan ng hapunan ay nagulat sila nang biglang may pumasok na isang may edad na babae. May hawig ito kay Vanni.
"Mom?" 'di makapaniwalang sabi ni Vanni.
"Hi Anak, I missed you." Sagot naman nito.
Siya naman ay nanatiling nakamasid lamang. Agad na tumayo ang lalaki at sinalubong ng yakap ang bagong dating na Ina nito.
"What are you doing here? Aren't you supposed to be in Austria by this time?"
"Tinamad na akong bumiyahe. Kaya naisipan kong umuwi na lang dito." Sagot naman ng Ina. "Why? Hindi mo ba na-miss ang Mommy mo?" Ngumiti ito at pinagmasdan maigi ang mukha ng anak. "Lalo yatang guma-guwapo ang baby ko. Mag-aasawa ka na ba, anak? May apo na ako?"
"Mom..." saway ni Vanni na para bang nahihiya. Pinigilan niya ang matawa. Hindi niya akalain na bine-baby pa pala ito ng Mommy nito. "Hindi na ako baby. Kaya ko na ngang gumawa ng baby eh." Protesta nito.
"Oh no hijo... You're my one and only baby." Pagkasabi niyon ay biglang lumipad ang tingin nito sa kanya. Automatic na ngumiti sa kanya ito. Kahit na may edad na ito. Maganda pa rin ito at glamorosa. "Ah... so, kaya pala ayaw magpatawag ng baby ng anak ko dahil mayroon ka pa lang ka-date. Hi hija!" sabi nito.
"Good Evening po," magalang niyang bati dito. Tumayo pa siya.
Bumitaw ito sa pagkakayakap sa anak at lumapit sa kanya. Pagkatapos ay tinitigan siya nito. "What's your name hija?"
"Diwata po. Pero Madi na lang po ang itawag n'yo sa akin." Sagot niya.
Tumawa ito. "What a nice name? Bagay sa'yo. Maganda ka, parang isang diwata. So, tell me. Girlfriend ka ba ng anak ko? By the way, you can call me Tita Vanessa. Or Mommy na rin kung gusto mo."
"Ho? Eh..."
"Mom, huwag mo naman takutin si Madi," sabi ni Vanni.
"Hey, wala naman akong ginagawa," inosenteng sagot ng Ina nito.
"Hindi po niya ako girlfriend," aniya.
Marahang hinampas ng Ina si Vanni. "How could you? Ang mga ganito kagandang babae ay hindi na dapat pinapakawalan pa. Gusto mo ako ang manligaw para sa'yo."
Napakamot ng ulo si Vanni. Gusto niyang matawa dahil makulit ang Mommy nito. Parang magkaibigan lang dalawa. Bigla tuloy niyang na-miss ang Mama niya.
"Mommy! Huwag mo naman akong ipahiya sa harap ni Madi. Paano ako makakabuwelo? Inuunahan mo naman ako eh," reklamo nito.
Lumarawan ang kasiyahan sa mukha ng Ina nito. "Really? That's good to hear."
"Where's Dad by the way?" pag-iiba nito sa usapan.
Bigla ay lumungkot ang anyo ng mukha ni Tita Vanessa. "Oh well, hayun. Nasa Paris at nakikipaglampungan sa mga French Girls niya."
Niyakap nito ang Ina. "It's okay, Mom. Hayaan mo na 'yang si Daddy."
"O siya, aalis na ako at naghihintay na sa akin ang mga friends ko sa labas."
"Okay. Mag-iingat kayo. Sa bahay na tayo mag-usap mamaya."
Bago ito umalis ay yumakap pa sa kanya ito. At humabol pa ng bilin kay Vanni. "Huwag mo na siyang pakawalan pa, hijo. I like her." Iyon lang at lumabas na ito.
Nang makalabas ang Ina ay natawa silang dalawa. Napakamot ito ng batok. Marahil ay nahihiya sa inasal ng Mommy nito.
"I'm so sorry about my Mom. Ganoon lang talaga kakulit ang isang 'yon." Hinging-paumanhin nito.
"Okay lang, ano ka ba? Ang cool nga ng Mommy mo eh."
"Yeah, I know." Sagot nito. Bumalik na ulit ito sa upuan nito at ipinagpatuloy nila ang naputol na hapunan. "Hindi ko alam na dumating na pala siya. Tinamad na sigurong bumiyahe."
"Mukha naman mabait ang mommy mo." Sabi niya.
"Oo naman. She's the best Mom in the world." Sagot naman nito. "Pasensiya ka na pala sa nasabi ko kanina n'ong nandito si Mommy. Hindi kasi ako titigilan n'on kapag sinabi kong hindi talaga kita nililigawan."
Ngumiti siya. "Okay lang. Naiintidihan ko."
Puwede naman natin totohanin, 'di ba? Panunudyo na naman ng isang bahagi ng puso niya.
"Kain na ulit tayo."
Tumango lamang siya. Habang tumatagal ay lalo niyang nakikilala ang isang Rio Vanni Cruz. At habang tumatagal ay unti-unti nagiging malapit na rin ito sa kanyang puso. Isa lang ang alam niya sa mga oras na iyon. Masaya siya kapag kasama niya ito.