"PARE, shut up! Please." Malapit nang maubusan ng pasensiya si Vanni sa mga kaibigan niya. Kanina pa kasi siya inaasar ng mga ito. Walang ginawa ang mga ito kundi ang tumawa ng tumawa. Lalo siyang nainis nang maalala ang dahilan kung bakit siya tinatawanan ng mga kaibigan. Ang pinsan ni Olay. Sukat ba naman kasi, bigla na lang siyang sinuntok nito sa harap ng maraming tao. At tila sadyang pinanganak na amazona ang babae dahil talagang nahilo siya sa lakas ng suntok nito.
Ginalaw-galaw niya ang panga. Hanggang ngayon kasi ay medyo masakit pa rin iyon kahit na dalawang araw na ang nakalipas mula ng mangyari iyon.
"Bakit Pare? Masakit pa rin ba?" tanong ni Dingdong habang tatawa-tawa pa rin. Nag-apir pa ito saka si Ken.
"Mga siraulo! Kapag nasuntok din kayo ng babae tatawanan rin ako!" singhal niya sa mga ito. Ngunit binalewala lang ng mga ito ang inis niya dahil mas lalo lang nagtawanan ang mga ito.
"Ano ba kasi ang atraso mo sa pinsan ni Olay?" tanong ni Jared.
"Hindi ko nga alam eh." Naiinis pa ring sagot niya. "Ngayon ko lang siya nakilala. Kaya wala siyang karapatang suntukin ako lalo na't ipahiya ako sa harap n'yong lahat." Patuloy niya sa pag-protesta.
"Isipin mong mabuti, baka nagkita na kayo kung saan." Dagdag ni Roy.
Umiling siya saka hinilot ang sentido. "I really can't remember." Aniya.
"Why don't you talk to her? Sa ganoon lang maso-solve 'yang pag-iisip mo." Ani Leo.
"Yeah, Leo's right." Si Darrel.
"Kaya lang dude, next time maging alerto ka na. Baka makatikim ka na naman ng suntok ni Pacman." Pang-aasar pa ni Ken.
Sinimangutan lang niya ito.
"And don't forget to text me kapag magpapasuntok ka ulit, Van. Para naman ma-video ko at nang mai-post sa facebook." Wika ni Humphrey.
"Tandaan n'yo lang lahat ng pang-aasar n'yo sa akin. Makakaganti din ako sa inyo." Aniya. "Mga Pengkum kayo!"
Lalong nagtawanan ang mga ito. Ngunit bahagi ng kanyang isip ay nasa babaeng sumuntok sa kanya. Kahit na bakas ang tapang sa mukha nito. Naroon din ang taglay nitong kakaibang ganda.
Sino ba talaga siya? Bakit ganoon na lang ang galit niya sa akin?
"Pare, alam mo ang gawin mo diyan kay Madi. Ngitian mo lang sabay kindat. Use your charm." Suhestiyon ni Victor.
"Gusto mo bang ma-upper cut na naman 'yan? Kaya nga nasapak 'yan dahil nginitian niya si... Ano nga ulit ang pangalan?" ani Justin.
"Madi." Sagot ni Victor.
"Ayos ah, alam mo agad ang pangalan." Sabi Jared.
"Siyempre," usal ni Victor.
"Hoy teka, may sinasabi pa 'ko." Singit ni Justin. "Iyon na nga. Kaya nga nasapak yan dahil nginitian niya si Madi. Kaya huwag kang basta-basta ngingiti kung kani-kanino. Mabuti sana kung kagaya ka ni Victor na ino-orasyunan ang sarili bago lumabas ng bahay."
"Kailangan sa buhay 'yan, Pare. How can we attract girls kung walang ganoon." Depensa nito.
"Fine. Wala na akong sinabi."
"Ang gulo n'yo! Lalong sumasakit ang ulo ko!" reklamo niya. Tinawag niya ang isa sa mga crew niya. Naroon kasi sila kanina pa sa Rio's Finest at nakatambay kahit gabi na. Nagre-relax bago matulog. "Ikuha mo ako ng kape saka isang advil." Utos niya dito.
Agad naman tumalima ito. Ilang sandali pa ay nasa harap na niya ang hininging kape.
"Oh? Bakit ikaw lang ang nagkakape? Sampu tayo dito ah." Reklamo rin Justin.
"Mga kuripot talaga kayo! Mga milyonaryo walang pambili ng kape." Aniya.
"Bakit? Milyonaryo ka rin naman ah." Sabi naman ni Humphrey.
"Umuwi na nga lang kayo," sabi niya.
Naputol ang asaran nilang magkakaibigan nang dumating si Panyang, Allie, Olay at Madi.
Agad na nagsalubong ang kilay niya pagkakita sa babae. Kahit ito man ay nakasimangot din pagkakita sa kanya. At kung tama ang hula niya at basa niya sa mukha nito. Sa tingin niya ay wala itong planong humingi ng sorry sa kanya.
"Hi boys!" bati ni Panyang sa kanila. Agad itong lumapit kay Roy at hinagkan ang huli sa pisngi. Mayamaya ay ngumiti ito sa kanya.
"Kumusta na ang bagong sapak?" tanong nito na animo'y wala lang ang nangyari.
Hindi siya sumagot. Kahit kailan talaga ay pasaway ang bulinggit na babaeng ito. Tapos ay tinapunan niya ng matalim na tingin ang babaeng may kagagawan ng lahat.
"Eto, masakit pa rin ang panga. Hindi ko alam na nakababa na pala mula sa bundok ang mga amazona." Aniya na sadyang nilakasan ang boses para marinig ni Madi.
Nagtagumpay naman siya dahil nilingon siya nito. "Ang sabihin mo, lampa ka lang talaga!" asik nito sa kanya.
"What did you say?" pigil ang galit niyang tanong dito.
"Bingi ka ba?" tila nang-aasar pang sabi nito.
"Hindi ka man lang magso-sorry sa ginawa mo sa akin."
"Bakit? Dapat lang 'yon sa'yo. Para maramdaman mo ang kahihiyang ginawa mo sa akin." Pagtataray pa nito.
Naihilamos niya ang mga palad sa mukha niya. Nauubos na talaga ang pasensiya niya sa isang ito.
"Look Miss, hindi ko talaga alam kung anong nagawa ko sa'yo. But as far as I can remember. Ngayon pa lang tayo nagkita." Aniya.
"Iyon ang akala mo. Isipin mong mabuti, Chef Rio." Sagot nito sabay martsa palabas ng restaurant.
"Damn!"
NAHAWAKAN ni Madi ang kanang kamay. Sa totoo lang, masakit pa rin ang kamao niya dahil sa pagkakasuntok niya kay Vanni. Nagdilim kasi bigla ang paningin niya nang makita ito. At ang masaklap ay tila hindi nito naalala ang ginawa nito sa kanya. Bagkus ay ngumiti pa ito sa kanya nang ipinakilala na siya dito ng pinsan niyang si Olay. Kaya tila umakyat ang dugo niya sa ulo. Ayun na nga, biglang umigkas ang kamao niya sa mukha ng pobre.
Pero in fairness, ang tigas ng panga ng isang 'yun ah...
Bumalik ang nararamdaman niyang inis kay Vanni. Kung hindi kasi dahil dito ay malamang ay may trabaho na siya ngayon. Pero nasira lahat ng iyon ng dahil sa lalaking iyon.
Madi is an aspiring chef. Hilig talaga niya ang mag-istambay sa kusina kaulayaw ang mga kaldero't sandok. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon ay nag-apply siyang isang Assistant Chef sa isang malaking restaurant. Nang mga panahon na iyon ay tatlo silang naglalaban para makuha ang posisyon. Pero dalawa lang ang kailangan ng inaapplayan niya. Kaya ganoon na lang ang pagpu-pursige niya na malampasan ang Final Interview at ang Final Actual Cooking. At sa finale na iyon, isa sa mga nag-judge si Vanni. Malay ba naman niyang may allergy pala ito sa hipon. Kaya ang ginawa ng huli ay hindi tinikman ang niluto niya at ibinagsak siya.
Ang ending. Siya na mataas sa lahat ng written exam at interview. Siya pa ang hindi natanggap sa trabaho. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa sa nangyari. Ngayon pa naman na wala rin siyang raket sa modeling. Madi is a part-time model as well.
Hindi na dapat ipagtaka iyon dahil sa tangkad niyang 5'6". She has a long black straight hair, lalo pang bumagay sa maganda at maamo niyang mukha nang magpalagay siya ng bangs. Maputi at makinis din ang balat niya. And she had a face of a goddess. Kaya nga siguro pinangalanan siya ng Mama niyang, Maria Diwata Tatlonghari. Dahil ayon na rin sa mga ito, noong ipinagbubutis pa lang siya ng kanyang Ina. Gustong gusto daw nitong makakita ng mga litrato ng mga diwata.
Naputol ang pagre-rewind niya sa kanyang buhay nang mag-ring ang cellphone niya. Sinagot agad niya iyon nang makita kung sino ang caller niya. Ang bunsong kapatid niyang si Maki. O Makisig sa totoong pangalan.
"Hello."
"Ate, Maayo ka na diha?" bungad nito na ang ibig sabihin ay 'kumusta na daw siya?'
"Maayo man, Sila Mama?" sagot naman niya.
"Tulog na sila 'te."
"Napatawag ka?"
"Eh kasi ate, malapit nang bayaran ng tuition fee ko. Hindi ako makakapag-exam kapag hindi ako nakabayad." Anang kapatid niya.
Napabuntong-hininga siya. Tapos ay saglit na nag-isip. Bilang panganay sa kaisa-isang kapatid niya. Siya na ang umako sa pag-aaral nito. Nasa third year highschool na ito sa isang pampublikong paaralan sa probinsiya nila sa Palanas Nipa, Masbate. Samantalang ang kanyang mga magulang naman ay may sariling taniman ng mais na siyang ikinabubuhay ng mga ito. Kaya nang makatapos ay agad siyang nagpunta sa Maynila para makipagsapalaran. Mabuti na lang naroon ang pinsan niyang si Olay na tumulong sa kanya.
Ngunit sa ganitong pagkakataon na wala siyang trabaho. Paano niya matutustusan ang pag-aaral ng kapatid? Kaya nagdesisyon siyang gamitin na lang ang natitira niyang pera sa banko. Siya nang bahala sa sarili. Basta ang importante ay ang pamilya niya.
"Sige, ipapadala ko agad bukas ang pang-tuition mo."
Nahimigan niya ang kasiyahan sa tinig ni Maki sa kabilang linya. "Salamat Ate, ha? Hayaan mo't pagbubutihin ko ang exam ko." Anito.
Napangiti siya. Iyon na lang ang tanging kunswelo niya dito. Masipag itong mag-aral.
"Sige na, matulog ka na rin at may pasok ka pa bukas."
"Okay. Bye! Ingat ka diyan ate."
"Sige, kayo rin diyan. Bye!" Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.
Madi lives a simple life. Ang tanging pangarap niya ay ang makapagtapos ng pag-aaral si Maki. At makitang naiahon niya sa kahirapan ang mga magulang. Kaya hayun siya at nagsusumikap. Ang makitang masaya ang pamilya niya ay kasiyahan na rin niya.
Nilingon niya ang mga kalalakihang nagtatawanan pa rin sa loob ng Rio's Finest. Tinutukso pa rin ng mga ito si Vanni, habang ang huli naman ay hindi na maipinta ang mukha.
Her lips twitched. Tapos ay humalukipkip siya. "Dapat lang 'yan sa'yo." Usal niya.
Napapitlag pa siya ng biglang may kumalabit sa kanya sa balikat. Paglingon niya ay naroon na pala sa likuran niya nakatayo si Olay.
"Hoy babae, hindi ka man lang ba naaawa doon sa tao?" tanong nito na ang tinutukoy ay si Vanni.
"Hindi." Mabilis niyang sagot.
"Pinsan ba talaga kita? Parang gusto kong magduda. Hindi naman ako ganyan ka-brutal na tao."
"Ambot man," sagot niya.
"Hay naku couz', hindi naman niya siguro intensiyon na ibagsak ka sa final actual exam." Sabi ni Olay.
"Anong hindi sinasadya? Mano man lang sinabi niya na hindi pala siya puwede ng hipon para hindi iyon ang niluto ko. Eh 'di sana naging fair ang laban. Matalo man ako. At least, patas ang laban. Hindi kagaya ng ginawa niya." Litanya niya.
Napangiwi ang pinsan niya saka bahagyang nagtakip ng tenga. "Kumusta naman 'yun? Ang konti lang ng sinabi ko, ang haba na ng paliwanag mo."
"Ah basta! Iyon na 'yun!"
PABALING-BALING ng puwesto sa kama si Madi. Hindi pa rin siya makatulog. Nang tumingin siya sa maliit na orasan ay ala-una na ng madaling araw. Saan nga ba siya makakahanap ng trabaho sa lalong madaling panahon?
Ilang saglit pa ay napahawak siya sa tiyan. Nagutom tuloy siya sa pag-iisip. Kaya bumangon siya at nagpunta sa kusina. Naabutan niya si Olay na nakaupo sa harap ng dining table at kaharap ang laptop nito.
"Bakit gising ka pa?" tanong nito.
Tumabi siya dito saka tinutok ang mata sa monitor ng laptop. May ka-chat ito sa YM. "Sino 'yan kausap mo?" sa halip ay tanong din niya.
"New prospect. Naghahanap aketch ng new papa. Ikaw? Bakit gising ka pa?"
Nagkibit-balikat siya saka tumalungko sa ibabaw ng mesa. "Hindi ako makatulog eh. May iniisip ako."
"Gaya ng?"
"Trabaho. At kung paano ako makakaganti sa Vanni na 'yan."
Bumuntong-hininga si Olay saka umiling. "Kalimutan mo na 'yun kasi. Move one."
"Hindi puwede 'yun. Dapat makaganti ako sa kanya. Nang malaman niya kung paano mapahiya."
"Alam na niya. Napahiya na siya ng husto sa pang-aasar ng mga barkada niya."
"Kulang pa 'yun."
"Grabe man! Ikaw rin."
Kunot-noong binalingan niya ito. "Anong ibig mong sabihin?"
"Wala," usal nito. Tapos ay binalik na lang nito ang atensiyon sa ginagawang pakikipag-chat.
Ilang sandaling katahimikan pa ang lumipas nang may biglang maalala si Olay.
"Gusto mo ba talagang makaganti? At the same, may trabaho ka pa." anito.
Kung kanina'y tinatamaan na siya ng antok. Ngayon ay tila biglang hinipan iyon ng hangin.
"Oo! Paano?" mabilis niyang sagot.
"May opening pala sa Rio's Finest. Bigla kasing nag-resign 'yung assistant cook ni Vanni." Anito.
Napangiti siya. Tama. It's like hitting two birds in one stone.
"Ipasok mo ako doon, couz'" aniya.
"Okay. Pero paalala lang ha? Delikado ang gagawin mong 'yan."
"Paanong delikado?" naguguluhang tanong niya.
Itinuro nito ang kaliwang dibdib nito. "Delikado dito. Baka ma-karma ka."
"Ano namang karma?" hindi pa rin niya makuha ang sinasabi nito.
Bumuntong-hininga ito. "Hay my God! Ang slow mo ha? Ibig kong sabihin. Maibog ako sa iya." Baka daw main-love siya kay Vanni.
"Ako? Maibog sa imo? Dili ah!" sagot niya na ang ibig sabihin ay 'Ako? Maiin-love sa kanya? Hindi ah!'
Humarap sa kanya si Olay saka nagpangalumbaba. "Huwag kang magsalita ng tapos couz'. Remember, Vanni is a bachelor. Guwapo pa. And to be honest, makulit yan pero mabait naman. Kaya maraming nagkakagusto diyan eh." Anito.
"Ano naman?"
"Basta payo ko lang sa'yo. Guard your heart. Baka ikaw ang mahulog sa sarili mong patibong."
Nagkibit balikat lang siya. "Basta, gaganti ako sa kanya. Kaya kausapin mo na siya."
"Okay. Sabi mo eh."
Hanggang sa pagtulog ay nasa isip pa rin niya ang plano laban kay Vanni. Napangiti siya. Hindi naman grabe ang gagawin niya. Iinisin lang niya ng iinisin ito hanggang sa mabuwisit ng tuluyan at manghingi ng paumanhin sa kanya. Iyon lang naman. Pero bukod sa plano niyang iyon. Mas importante para sa kanya ang trabaho para sa pamilya niya.
NAPAPITIK ng daliri si Vanni. Naalala na niya kung bakit galit na galit sa kanya si Madi. At naalala na rin niya na nagkita na nga pala sila ng dalaga.
"Oh bakit pare?" tanong ni Dingdong na noon ay abala sa pagbabasa ng broadsheet. Naroon ito sa Rio's Finest ng umaga na iyon. Bago ito pumasok ay naging routine na nito na doon magkape sa restaurant niya.
"Naalala ko na kung bakit galit si Madi sa akin." Aniya.
"Ows? Paano?" na-curious nitong tanong.
"Doon sa isang Cooking Contest na ako ang nag-judge. Naalala ko na. Siya iyong nagluto ng shrimp cocktail. Alam mo naman na may allergy ako sa hipon, 'di ba? Kaya hindi ko nalagyan ng score ang niluto niya. Malay ko ba naman na matatalo siya dahil doon."
"Ah... okay." Usal ng kaharap niya habang tumango-tango pa. "So, ibig sabihin. Kaya ka niya inupakan ng ganoon dahil ikaw ang dahilan kung bakit natalo siya."
"Siguro."
"Anong plano mo? Mag-aapologize ka bas a kanya?" tanong ulit nito.
"Hindi ko pa alam. Nakakatakot kausap iyong babaeng 'yon eh. Bigla na lang umiigkas ang kamao."
Natawa si Dingdong sa sinabi niya. "Pero in fairness, she's beautiful. Mas bagay siyang model kaysa chef. Uh... no, let me rephrase that. Mas bagay siyang model at asawa ng isang chef."
Kumunot ang noo niya. Mukhang may ibang ibig sabihin ang isang ito sa sinabi.
"Kung ano man ang kalokohan diyan sa utak mo, 'dong. Forget it!"
"What?" kunwa'y inosente nitong tanong. "Ano bang kalokohan ang sinasabi mo?"
"Ewan ko sa'yo."
"Ang sabi ko lang naman. Maganda siya at mas bagay siyang asawa ng isang chef. Don't tell me hindi mo napansin 'yon. Because if you didn't. Hindi na ikaw 'yong Rio Vanni Cruz na kaibigan ko."
Pabirong inambaan niya ito ng batok. Saka bumalik sa isip niya ang mukha ng dalaga. Tama si Dingdong. Noong dumating ito habang nasa kalagitnaan ng aminan portion sina Roy at Panyang, ay talagang halos lahat sila ay napatulala. Maganda nga si Madi. Maamo ang mukha nito. Iyon nga lang, parang tigre ito kapag nagagalit.
"Kita mo na? Napaisip ka rin ano?" panunudyo ni Dingdong.
"Ewan! Iyang kape mo, bayaran mo yan. Doble ang service charge mo dahil sa pangungulit mo sa akin." Aniya.
"Kahit i-triple mo pa." natatawang sagot nito.
Bumalik na lang siya sa loob ng kitchen at nag-umpisa nang magluto.
Ayaw niyang abalahin ang sarili sa pag-iisip sa babaeng naka-suntok sa kanya sa unang pagkakataon.