Chapter 25

1682 Words
Nagmamadali akong bumalik sa bahay at mabilis na naligo at nagpalit ng damit. Paano ba naman ay tumawag si Doctora Salas kanina habang nasa mall kami ni Jessica at nakiusap na pakalmahin ko ang matandang pasyente nila na minsan kong naalagaan nang mag-ojt ako sa ospital nila. Ulyanin na kasi ito at masungit pero nakapagtatakang nakikinig at sumusunod ito sa akin. Nagwawala raw ito kanina at ayaw uminom ng gamot kaya walang nagawa si Doc Salas kundi pakiusapan ako na sumaglit sa ospital at nagbaka-sakali na mapakalma ko ito. At dahil masyado itong demanding ay hindi ko agad nagawang iwanan hanggang hindi pa nasisiguro na himbing na ito sa pagtulog. Wala pa sina Mama pati na rin Jess na nagpa-iwan na lang sa mall kanina nang malaman na pupunta ako sa ospital. Tumingin ako sa relo na nasa bisig ko. Pasado alas sais na ng hapon. Tinungo ko ang kusina at kinuha ang cake na nasa loob ng ref at maingat na inilagay sa isang box. Bitbit sa isang kamay ang isang paper bag na naglalaman ng polo shirt na binili ko kanina ay kinuha ko ang box ng cake at lumabas ng bahay. Ilang minuto akong nagtyagang naghintay ng tricycle sa labas ng gate ng bahay namin. Friday pa lang ngayon at wala naman okasyon pero karamihan sa mga dumaraang tricycle ay kung hindi puno ay may sakay naman ito. Nakangiti at kinakabahan ako na hindi ko maintindihan. Pakiramdam ko nga yata ay maiihi ako sa sobrang excitement na makita si Nolan. Iniisip ko rin kung ano ang sasabihin ko kapag nakita ko na siya. Nakangiwing napakamot ako sa ulo dahil sa samo’t saring tumatakbo sa isip ko nang sa wakas ay may tumigil na tricycle sa harap ko. Agad akong sumakay pagkatapos sabihin sa driver ang address ng pupuntahan ko. Malayo pa lang ay natanaw ko na ang kotse ni Nolan na nakaparada sa tapat ng gate ng bahay nila. Kadalasan ay dine-diretso nito sa garahe ang kotse at hindi iniiwan iyon sa labas lalo na't kadarating lang nito mula sa malayo. Napakurap kurap ako kasabay ng pagkabog ng dibdib ko. Mabilis kong pinasadahan ang itsura ko sa harap ng maliit na salamin sa loob ng tricycle para tiyakin na maayos ang itsura ko. Baka kasi wala itong balak na magtagal dito at biglang umalis kaya naman agad akong umibis sa tricycle pagkatapos magbayad. Pipindutin ko na sana ang doorbell nang mapahawak ako sa gate na bahagyang bumukas. Napakunot ang noo ko habang niluluwangan ang pagkakabukas niyon saka pumasok sa loob at maingat na isinara iyon. Medyo madilim na pero isang ilaw lang ang napansin kong bukas sa loob ng bahay. Hindi na ako kumatok nang makita ko na bahagyang nakabukas ang pinto at narinig ko ang malakas na kalabog sa itaas. Inilapag ko ang mga dala ko at sinundan ang ingay. Tinawag ko ang pangalan ni Nolan pero dahil sa sunod sunod na ingay mula sa tingin ko ay inihahagis na mga gamit ay malamamg na hindi niya ako narinig. Kinakabahan akong naglakad papunta sa kwarto niya. Inilinga ko ang mga mata ko at naghanap ng matigas na bagay na maaari kong gamitin. Isa lang ang nasa isip ko ngayon. Maaaring nasa panganib si Nolan at posibleng napasok ng magnanakaw ang bahay nila. “I hate her! Wala siyang kwentang Ina!” Narinig kong malakas na sigaw mula sa loob ng katabi ng kwarto ni Nolan habang kinukuha ko ang baseball bat kung saan ito nakalagay. Kasabay niyon ang malakas na pagbagsak ng mga bubog. Boses iyon ni Nolan na tila galit na galit. Napalingon ako sa pinanggalingan nito at agad na naglakad patungo roon. Akmang papasok na ako sa loob nang marinig ko ang isang boses ng babae na kilalang kilala ko. Natigilan ako at hindi nagawang kumilos. Mula sa loob ay malaya ko silang nakikita sa loob dahil may kadiliman sa kinaroroonan ko. “Please, calm down! Siguradong may dahilan si Tita Eva kung bakit niya nagawa ‘yon,” mahinahong pakiusap nito na pilit pinapakalma si Nolan. Mula sa kinatatayuan ko ay kita ko ang paglapit nito kay Nolan at paghawak niya sa braso nito. Medyo madilim din sa loob ng kwartong iyon at tanging liwanag lang ng mga ilaw sa labas ang nagsisilbing ilaw doon na tumatagos sa bintana. “Ano sa palagay mo ang dahilan niya, ha?” asik nito. “Buhay pa si Daddy ay niloko niya na at hanggang ngayon ay niloloko pa rin niya! Pati ako!...Kaya ano pang dahilan ang meron siya na hindi ko maintindihan, huh?” bulyaw nito pagkatapos ay nagpakawala ng isang malakas na suntok sa dingding. Napatakip ako sa bibig habang malakas naman na napatili si Jessica na biglang yumakap mula sa likuran ni Nolan at pilit na pinipigilan ang braso nito. “Nolan, please, tama na,” umiiyak na pakiusap nito. Naaninag ko ang tila nagniningas na galit sa mga mata ni Nolan habang nag-iigting ang panga nito na nakatingin sa kawalan. “Wala siyang kwentang Ina! Dapat matagal na siyang sumama sa hayop na ‘yon!.. Kung inaakala niya na may uuwian pa siyang anak dito ay nagkakamali siya. Hindi ako magmamakaawa sa kahit na sino kung gusto nilang umalis. Kaya kong mag-isa. Hindi ko sila kailangan!” mariing pahayag nito pagkatapos ay umupo ito sa gilid ng kama. Para akong natulos sa kinatatayuan. Gusto ko siyang lapitan pero hindi ko maintindihan kung ano ang pumipigil sa akin. Kung dahil ba sa takot na bigla kong naramdaman dahil sa galit na ngayon ko lang nakita sa kanya o ang takot na malaman kung bakit ang kakambal ko ang nasa tabi niya ngayon. “Umalis ka na, Jessica! Hindi ko kayo kailangan. Umalis na kayong lahat sa buhay ko!” galit pa rin ang boses na utos nito na nanatiling nakayuko at nakatitig sa nakakuyom nitong mga kamay. “Hindi ako aalis, Nolan. Nandito lang ako para sa ‘yo.” Nakagat ko ang labi ko at wala sa sariling naitakip ko doon ang mga kamay ko. Kitang kita ko kung paano niya hawakan ang pisngi ni Nolan upang ibaling ito sa kanya. Pagkalipas ng ilang sandali ay unti-unting inilapit nito ang mukha kay Nolan at pinagtagpo ang mga labi nila. Napalunok ako habang tila nanigas sa kinatatayuan. Inilapit pa ng husto ni Jessica ang katawan dito habang nakahawak sa batok ni Nolan. Kitang kita ko kung paano iyon tinugon ni Nolan. Ilang sandali ko silang pinanood na para bang hindi ko alintana ang tila mga kutsilyong unti unting tumatarak sa dibdib ko. Mariin kong itinakip ang mga kamay ko sa bibig ko upang pigilan ang paghulagpos ng impit kong pag-iyak. Hindi ko na kaya. Tumalikod ako pero bago pa ako makahakbang ay narinig ko na muling nagsalita si Jessica. “Mahal kita, Nolan.” Hilam ang mga mata na mabilis akong naglakad palayo sa kanila nang may pag-iingat sa takot na maramdaman nila ang presensya ko. Patakbo kong kinuha ang mga dala ko kanina at agad na lumabas ng bahay. Lakad takbo ang ginawa ko palayo sa bahay na iyon na parang may tinatakasan. Hanggang sa napagod ako at naupo sa tabi ng kalsada. Pakiramdam ko ay namamanhid ang buong katawan ko sa sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon. Mahigpit kong hinawakan ang dibdib ko dahil pakiramdam ko ay hindi ako makahinga. Habang ang mga mata ko ay nanlalabo na sa dami ng luha na nag-uunahang pumatak sa pisngi ko. Marahas kong pinahid ang pisngi ko nang mabaling ang paningin ko sa mga dala ko. Binuksan ko ang box at tumambad sa akin ang cake na pinaghirapan kong gawin para sa kanya. Kinuha ko iyon at pataob na itinapon sa kalsada. Pagkatapos ay ang paper bag na may laman ng polo shirt. Galit na galit na pinagpupunit ko iyon habang humahagulhol. Maraming nagdadaan na mga sasakyan at ang iba ay tumitigil pa para tingnan ako pero wala akong pakialam sa kanila. Tingin ko ay mukha akong baliw para sa iba sa mga pinaggagawa ko pero tila manhid na ako. Hindi ko kasi alam kung paano maiibsan ang sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang hapdi niyon. Hindi ko alam kung gaano katagal akong tulala roon nang may tumigil na sasakyan sa harap ko. Napatingala ako at sandaling nagulat nang makilala ang may ari nito na nakatayo na sa harapan ko habang nakalahad ang isang kamay nito. Ilang sandali kong pinagmasdan ang nakalahad niyang kamay saka muling yumuko at umiling. Narinig ko ang pagbuntong hininga nito saka binawi ang kanyang kamay. Akala ko ay aalis na ito pero napalingon ako sa kanya ng umupo ito sa tabi ko. “Mukhang kanina ka pa rito. Hindi ka ba natatakot na baka bukas sikat ka na?” Napaangat ang ulo ko at wala sa sariling tumingin dito. Nakangiti ang mapupungay nitong mata na tila amuse na pinagmamasdan ako. “Dahil mukha akong baliw?” patanong na sagot ko saka umiiling na muling yumuko. “Right! Ano na lang kaya ang sasabihin ng mga magulang mo kung sakaling mapanood ang video mo habang ayan…” Hindi nito itinuloy ang sasabihin pero inginuso nito ang nagkalat na cake sa kalsada pati na rin ang sira sirang damit at paper bag sa tabi ko. Biglang nanlaki ang mga mata ko nang mag-sink in sa utak ko ang ibig niyang sabihin. Tumingin ako sa paligid at may ilang naglalakad na napapatingin sa gawi namin. Napalunok ako at biglang nakaramdam ng hiya. Sino ba naman ang hindi mapapalingon sa itsura ko ngayon na bukod sa parang batang nakasalampak sa tabi ng kalsada ay puro icing pa ng cake ang kamay pati ang damit ko? Dagdag pa ang obvious na pamumugto ng mata ko. “Come on! Ako na ang bahala kung sakaling mag-viral ka bukas,” pabirong sambit nito na muling inilahad ang kamay. Bahagya kong kinagat ang labi ko upang pigilan ang muling pamamasa ng mga mata. Tumango ako habang titig na titig sa kamay niya. Sa huli ay tinanggap ko iyon at sumunod dito nang alalayan ako hanggang sa makapasok sa loob ng sasakyan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD