Chapter 26

1789 Words
Tahimik akong nakatingin nang diretso mula sa loob ng kotse ni Oliver. Pinatigil ko ito nang matanaw ang kotse ni Nolan sa harap ng bahay namin. Lumabas doon si Jessica pagkatapos ay agad na umalis ang sasakyan. Hindi ko nakita si Nolan pero sigurado ako na siya ang sakay doon. Naramdaman ko ang paglingon sa akin ni Doc Oliver na alam kong matagal na nakamasid sa akin. Tahimik din ito at tila nakikiramdam lang sa reaksyon o gagawin ko. Hindi ko alam kung ano at saan ako pupunta kagabi pagkatapos ng nasaksihan ko kaya’t nakiusap ako sa kanya na kung maaari ay samahan niya muna ako habang gulong-gulo pa ang isip ko. Ipinagtapat ko na rin sa kanya kung ano ang dahilan nang madatnan niya ako sa ganoong ayos na agad naman nitong naunawaan. Dinala niya ako sa townhouse niya at doon nagpalipas ng gabi. Pero umalis din siya at nagpaalam na sa bahay ng Lolo niya matutulog pagkatapos masiguro na maayos na ako. At kaninang umaga na siya muling bumalik doon. Nahihiya man ako sa kanya ay wala naman akong ibang maisip na malapitan kagabi. Isa pa ay ayoko rin na mapag-usapan ng ibang tao ang kalagayan ko. “Maglalakad na siguro ako,” paalam ko rito. “Salamat, ha?” “Are you sure, you’re ok?” nag-aalalang tanong nito. Tipid akong ngumiti saka tumango. “Don’t worry, ok na ‘ko. Baka nga ikaw ang hindi ok dahil mukhang na-absorb mo lahat ng pag-e-emote ko kagabi,” pilit ang tawang pakli ko. Seryoso ang mukhang tinitigan niya ako. Napakurap naman ako at bahagyang iniiwas ang tingin. “’Wag mo nga akong tingnan ng ganyan, hindi pa ako magpapakamatay kung ‘yon ang iniisip mo,” dagdag na biro ko. Bahagya itong ngumiti saka napailing. “Ok, sabi mo eh! Basta if you need anything, tawagan mo ‘ko, ok?” Tumango ako saka binuksan ang pinto ng kotse at agad na isinara iyon. Binuksan nito ang bintana kaya’t yumukod ako para silipin ito. “Ingat, Doc. Salamat sa payo at sermon!” Tumawa naman ito habang tumango-tango. Pagkatapos ay iniwan ko na siya at nagsimulang maglakad papunta sa bahay. Pagkabukas ko pa lang ng pinto ay narinig ko na ang boses ni Mama. "Heto na rin pala ang kapatid mo." Turo nito sa akin habang kausap si Jessica. Katabi nito sa sofa si Papa habang si Jess ay nakatayo sa may bintana. Nakatingin silang lahat sa akin. “Good morning!” pilit kong pinasigla ang boses ko. Napatingin ako kay Jess na tipid ang ngiting tumingin sa akin pero agad din ibinaling sa iba ang mga mata. Napatingin ako sa damit nito na kahapon pa rin niya suot. Napaismid ako at pasimpleng iniikot ang mga mata. ‘So, doon din pala siya nagpalipas ng gabi.’ “Oh sabay na kayong kumain kung hindi pa kayo nag-aagahan,” utos ni Mama habang nakatutok na ang mga mata sa pinapanood nitong balita sa TV. “Teka, ipaghahain ko kayo at alam kong pareho kayong pagod.” Napakunot ang noo ko na saglit na sumulyap kay Mama pagkatapos ay tiningnan ko muli si Jessica na hindi na nagawang tumingin muli sa akin. “Bakit? Sa’n ka ba galing, kambal?” tanong ko habang paismid na nakatitig sa kanya. “Nag-group study sila kagabi sa bahay ni Vanessa at late na natapos kaya hindi ko na pinauwi dahil delikado na sa daan.” Napatango ako habang bahagyang napangisi. “Mukhang tama nga si Mama, ‘di ba, Ma?” saglit kong sinulyapan si Mama na napatingin sa amin. “Inspired ka nga. Nagagawa mo pa’ng mag-overnight ngayon para mag-aral,” pasimpleng patutsada ko na dinaan sa ngiti. Bigla itong napalingon sa akin at napakurap-kurap ng mga mata. Hindi nawala ang mga ngiti sa labi ko habang bahagya kong itinaas ang kilay ko at sinalubong ang mga mata niya. Sa huli ay iniwas nito ang tingin at hindi nagawang patulan ang sinabi ko. “Busog pa ‘ko, Ma. Magpapahinga po muna ako.” Sumulyap ako kay Papa na napalingon sa akin. Pilit akong ngumiti habang sinasalubong ang nagtatanong niyang mga mata. “Oh, s’ya nga pala Anika, dumaan dito kanina ‘yong dati mong teacher, si Prof Millari. Kung may oras ka raw ay puntahan mo siya sa school dahil may mahalaga raw kayong pag-uusapan,” wika ni Mama. “Tungkol daw po saan?” “Hindi naman sinabi. Pero baka may briefing tungkol sa pag-alis n’yo.” Tumango tango ako saka tumalikod at tinungo ang kwarto. Dumiretso ako sa banyo at naligo. Pakiramdam ko ay init na init ang katawan ko. Hindi ko na kasi nagawang maligo sa bahay ni Oliver dahil baka magtaka sina Mama kung saan talaga ako nagpalipas ng gabi. Ang paalam ko kasi sa kanila ay um-extra ako ng night duty sa ospital para hindi sila magduda. Paglabas ko ng kwarto ay naabutan ko si Jessica na nakaupo sa gilid ng kama na tila sadyang hinihintay ako. Nag-angat ito ng mukha nang marinig ang paglabas ko mula sa banyo. Hindi ko siya pinansin. Dumiretso ako sa harap ng cabinet at nagsimulang maghanap ng isusuot ko. Ayoko siyang makausap o makita man lang. Hangga’t maaari ay iiwas na lang ako sa kanya kesa makapagbitiw ako ng hindi magandang salita. Masyadong masakit ang ginawa niya. Higit kanino man ay siya ang nakakaalam ng damdamin ko para kay Nolan. Batid niya kung gaano kalalim ang pagmamahal ko rito simula pa lang ng mga bata kami. Alam niya ang lahat lahat! At napakasakit para sa ‘kin na pagkatapos ko siyang pagkatiwalaan at papaniwalain ang sarili ko na siya ang pinakahuling taong pwedeng sumira sa akin ay siya pa pala ang unang taong ta-traydor sa akin. Pero nangyari na at nagawa na niya. Nagawa na nilang saktan at durugin ako. At wala na akong magagawa pa para baguhin ang nangyari na kung hindi tanggapin na lang iyon. Dahil hindi ko ugali ang makipag-kompitensya kahit kanino lalo na ang makipag-agawan. “P...pwede ba kitang makausap?” Nilingon ko siya. Sandali ko siyang tiningnan habang kinukuha ang isang nasa hanger na blouse. Kumuha rin ako ng isang fitted jeans at sinimulang isuot ‘yon. “Tungkol saan?” kunwari’y bale walang tanong ko. Tumikhim ito bago sumagot, “Tungkol sa totoong pinuntahan ko kagabi.” Napatigil ako sandali habang nanatiling nakatalikod sa kanya. Pilit akong ngumiti na saglit siyang nilingon. “So, sinasabi mo na hindi ka kina Vanessa nagpalipas ng gabi?” Tumango ito at sandaling tumahimik. Maya maya ay tumikhim ito na para bang may bumara sa kanyang lalamunan. “Ang totoo—” “Wait!” awat ko sa sasabihin nito na ikinumpas ko pa ang isang kamay. “‘Wag mo ng ituloy kung anuman ang gusto mong sabihin kung sa tingin mo ay posibleng ikagalit na naman ‘yan nina Mama at Papa… Alam mo na, baka hindi ko na naman mapigilan ang bibig ko at masabi na naman sa kanila… Sarilinin mo na lang ‘yan tutal naman ay magkakalayo na rin tayo. Mas mabuting alam mo na wala akong alam, Jessica, believe me,” pahayag ko saka tinapunan siya ng makahulugang tingin. Napamaang ito at natigilan. Hindi ko na siya pinansin at ipinagpatuloy ang ginagawa. I felt her gaze behind me hanggang sa matapos ako. Akmang kukunin ko na ang sling bag ko at lalabas nang mapatingin sa cellphone niya na biglang nag-ring. Nag-pop up sa screen noon ang pangalan ni Nolan. Nagkunwari akong hindi napansin kung sino ang tumatawag habang siya ay napakagat ng labi nang abutin iyon. Lumabas ako pagkatapos siyang tapunan ng malamig na sulyap. -- Pagdating ko sa school ay agad akong sinalubong ni Mr. Millari at pinasunod sa kanya sa President’s office. Naabutan ko roon ang dalawa kong kaklase na tahimik na nakaupo sa mahabang mesa kaharap si Mr. De Castro na siyang Presidente at may-ari ng eskwelahan. “Have a seat, Ms. Santillan,” anito habang seryoso ang mukha. “Good morning, Sir!” bati ko naman bago umupo sa tabi ni Roan, ang isa sa mga classmate ko at laging katunggali noon sa honor ranking. “Ok, kumpleto na kayo so we can start now," panimula nito. "The reason why I called you today is because of an unexpected incident that may affect our good relationship and affiliation with hospitals abroad which we all know, the ones who offer and give better employment abroad to our graduates." Napakunot ang noo ko at nagkatinginan kami ni Roan at Jasper na isa rin sa mga estudyante na naroon. Lahat kami ay nakatakdang magtrabaho sa California. Bumuntong hininga ito saka nagpatuloy, “I don’t want to waste another minute dahil kailangan ko ang agaran niyong desisyon regarding this. I need one of you to work in Canada in replacement of Tessa’s employment.” “Ho? Bakit po?” hindi ko napigilang itanong. Ang alam ko ay ngayong araw ang nakatakdang alis ni Tessa papuntang Canada. “She had miscarriage yesterday,” sagot ni Prof Millari. Gulat kaming nagkatinginan. Buntis si Tessa? Magkahalong awa at panghihinayang ang naramdaman ko sa balitang iyon. Sa aming apat ay siya ang pinakamatindi ang pangangailangan lalo na at wala itong ama na sumusuporta sa kanila. “The problem is, hindi maaaring walang ipadala ang school natin doon dahil gumastos na sila sa employment ni Tessa. At on going na rin ang sponsored project nila sa school natin. That’s why, I need someone among the three of you to replace her.” “Pero Sir, ayos na rin po ang papers namin papuntang California. Paano naman po ‘yon?” tanong ni Jasper. “I already talked to them. Willing sila na i-postpone ang isang position doon provided with the condition na kaya ko ng gawan ng paraan.” Tumigil ito at pinagsalikop ang mga kamay habang isa-isa kaming tinitingnan. “So, any one of you who is willing to help us? Alam ko naman na lahat kayo ay pangarap na makapunta at makapagtrabaho sa America and I won’t force you to make this big sacrifice. Pero napakalaking bagay para sa University ang gagawin n’yong sakripisyo kung sakali." Lahat kami ay tahimik at tila nagpapakiramdaman. Kung ako ang tatanungin ay mas gusto ko rin makarating at makapagtrabaho sa America at noon pa man ay pinangarap ko na iyon. Pero kung walang tatanggap sa amin sa proposal na ito ay alam kong posibleng malagay sa alanganin ang school na ito. Napatingin ako kay Roan na unti unting umiling. Sunod na tiningnan ko ay si Jasper na ganoon din ang reaksyon. Sa ngayon ay hindi ko rin alam kung ano ang desisyon ko. Nag-excuse ako at lumabas ng opisina at hiniling na makausap si Prof. Millari ng sarilinan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD