Mariin akong pumikit pagkatapos dumilim ang screen ng laptop ko. Indikasyon na umalis na ang kausap ko sa kabilang linya.
Napabuga ako ng hangin at matamang tiningnan ang sarili sa salamin. Ilang beses kong pinag-isipan ang desisyon ko.
Katatapos ko lang makipag-usap sa employer ko sa California. Nakiusap ako at humingi ng konti pang panahon bago lumipad at magtrabaho.
Sa unang pagkakataon ay humabi ako ng kasinungalingan para lang i-approve ang request ko na ma-delay ang pag-alis ko.
Sa huli ay pumayag naman ang mga ito at binigyan ako ng isa pang buwan para ayusin ang problema ko rito na siyang idinahilan ko.
‘Yon nga lang, may kundisyon na maaari nilang i-cancel ang employment ko sa oras na may maunang makapag-ayos ng mga papeles mula sa mga newly graduate na katulad ko mula sa iba nilang affiliated University mula sa iba pang bansa.
"Sana ay tama ang desisyon ko!" bulong ko.
Nagtungo ako sa kusina at inumpisahang gawin ang cake na dadalhin ko mamaya para kay Nolan.
Nabanggit sa akin ni Atom kahapon na pauwi raw ito ngayon at ayon dito ay aalis din ito kinabukasan.
That’s why I decided to take the initiative to talk to him. We’ve gone this far at tama si Papa na hindi solusyon ang paghihiwalay.
Hindi ako naging mabuting girlfriend at kaibigan sa kanya. Dapat ay inunawa ko muna siya at inalam kung ano ang totoong pinagdaraanan nito. Lalo na kapag naiisip ko ang sinabi ni Tita Eva na higit na kailangan ako ngayon ni Nolan.
Kaya naman gusto kong bumawi. Rerespetuhin ko kung hindi pa niya kayang ipaalam sa akin kung ano ang totoong pinagdaraanan niya. I will wait patiently while assuring him that I’m always by his side no matter what.
Napapangiting inilabas ko ang mga ingredients. Pati na rin ang maliit na notebook na pinagsulatan ko ng recipe ng crispy mango merengue cake na ibinigay sa akin ni Tita Eva, na pinaka-paborito ni Nolan sa lahat ng gawa ng Mommy niya.
First time kong mag-bake kaya naman kinakabahan ako sa maaari nitong kalabasan. ‘Sana ay magustuhan niya!’ mahinang usal ko.
“Mukhang maganda ang gising ng anak ko, ah! Anong meron?”
Napangiti ako at sinalubong ng yakap si Papa na malapad ang ngiting nakatingin sa akin pagkatapos ay pinagmasdan ang mga nakalapag na ingredients sa mesa.
“Magluluto ka?”
Tumango ako. “Yup! I made up my mind, Papa. Dahil masunurin akong anak, susundin ko ang payo mo,” biro ko na bahagya pang itinaas taas ang kilay. “I will talk to Nolan. At gagayumahin ko na lang siya para wala na siyang kawala sa akin.” Dagdag ko habang pinatutungkulan ang cake na gagawin ko.
“Aba, napaka-swerte naman ng lalaking ‘yon kung ikaw pa ang manggagayuma,” tumatawang sagot nito.
Sabay kaming tumatawa nang pumasok si Mama na nakangiti. Halos magkasabay namin tinanong ito kung bakit mukhang maganda ang mood nito.
“Nakausap ko ‘yong professor ni Jessica,” umpisa nito. “Itinuloy pala niya ang pag-e-enroll kahapon. Loaded siya ngayon dahil available raw lahat ng units na naiwan niya. Kanina naman ay maagang nagpaalam sa akin para sa make up class niya roon sa isang minor subject niya.”
“Very good. Sigurado naman ako na kayang kaya ‘yon ng anak natin,” proud na sagot ni Papa. “Isa pa ay wala naman siyang choice kundi tapusin ang pag-aaral niya sa takot na lang sa ‘yo. Palagay ko’y kating kati na rin sa pagsali sa mga pageant.” Tumatawang dagdag nito.
Tumango naman si Mama bilang pagsang-ayon. Bakas sa mukha nito ang tuwa. “Pero alam n’yo ba na tingin ko'y in love na naman ang batang iyon?"
“Ano naman bago doon?” tanong ni Papa.
Natutuwang nakikinig naman ako sa kanila. Umupo ako at sinimulan magtakal ng mga sangkap.
“Iba ngayon dahil tingin ko ay seryoso na siya. Narinig ko no’n minsan na kausap niya si Vanessa habang kilig na kilig at sobrang pasalamat doon sa binata. Iyon yata ang tumutulong sa kanya doon sa estafa case na isinampa nila.”
Napailing naman si Papa na tumingin kay Mama. “Para naman hindi mabilis kiligin ang batang ‘yon.”
“Sa bagay, kaya nga tinanong ko siya tungkol doon. Kinausap ko rin siya tungkol sa pagbo-boyfriend niya ‘di ba at may usapan kami tungkol doon.”
Naalala ko ang araw na mag-away sila ni Mama pagkatapos iyon nang argumento namin. Isa sa mga ipinagbawal sa kanya ni Mama ay magkaroon muli ng boyfriend habang hindi pa nakaka-graduate katulad ng hindi ito maaaring magtrabaho at sumali sa mga beauty contest.
“Sabi niya ay hindi naman daw nanliligaw sa kanya iyon. Humahanga lang daw siya pero iba ang nakikita ko sa mga mata niya habang pinag-uusapan namin iyon… Pakiramdam ko ay nahanap na ni Jess ang katapat niya,” tila kinikilig na dagdag nito na ikinakunot ng noo nito Papa habang natatawa. “Palagay ko ay maganda ang impluwensya niya sa anak natin.”
Napatango tango naman ako habang sinusulyapan ito na tila ang layo na ng naabot ng imahinasyon tungkol kay Jess at sa lalaking tinutukoy nito.
“Nabanggit ba sa ‘yo ni kambal ang tungkol do’n, Anika?”
Napaangat ang ulo ko saka umiling nang sa akin nabaling ang atensyon nito. Kahit hindi kami ok ni Jessica ay hindi ‘yon alam ng mga magulang namin.
Tumango ito. “Gano’n ba?” dismayadong sambit nito. “Anyway, sabi naman niya ay ipakilala raw niya sa atin ‘yon kapag pumayag ito.”
Inakbayan ito ni Papa saka malambing na hinaplos ang buhok. “Asawa ko, bakit naman masyado ka yatang curious eh sabi nga ng anak natin ay crush lang naman niya iyon?”
Malambing na ikinawit ni Mama ang kamay sa baywang ni Papa saka tiningala ito. “Dahil wala akong nagustuhan sa kahit na kaninong naging boyfriend ni Jessica. Ngayon lang kung sakali.”
“Paano mo naman nasabi eh hindi mo pa nga nakikita ‘yong tao?”
Tumaas ang kilay nito saka kumunot ang noo. “Dahil naniniwala ako sa pakiramdam ko na mabuti ang hatid niyang impluwensya sa anak natin… Parang si Nolan kay Anika, gano’n.”
Nagkatinginan kami ni Papa. Napatango na lang ako habang si Papa ay todo ang pagsang-ayon sa huling sinabi ni Mama.
Maya maya ay lumabas na ang mga ito. Nagprisinta pa si Mama na tutulungan ako nang malaman na para kay Nolan ang ibi-bake kong cake pero pinigilan siya ni Papa.
Mas magugustuhan daw iyon ni Nolan kung ako lang ang gumawa. Bagay na hindi sang-ayon si Mama pero wala itong nagawa nang igiya siya palabas ni Papa.
Pagkalipas ng mahigit isang oras ay natapos ko rin ang cake na ginawa ko. Eksaktong naglilinis na ako ng mga pinaggamitan ko nang narinig ko ang pagdating ni Jessica. Tuwang tuwa ito at halos dinig sa buong bahay ang masayang boses nito habang kausap sina Mama at Papa mula sa sala.
Palabas na ako mula sa kusina nang makasalubong ko ito.
“Kambal, magbihis ka na. Lunch out tayo, treat ko!” masiglang bungad nito.
Wala sa sariling napangiti ako at awtomatikong napatango. Pakiramdam ko ay bumalik na kami sa dati sa simpleng imbitasyon nito.
“Anong meron?”
“Naibalik na ‘yong pera namin with interest pa. Kaya iti-treat ko kayo nina Papa. Tara na, bilisan mo, ha?!” utos nito habang patakbong pumapasok sa kwarto namin.
Napasunod naman ako rito at mabilis na naligo. Pinag-isipan kong mabuti kung ano ang isusuot dahil plano ko na dumiretso sa bahay ni Nolan pagkatapos.
Sa isang restaurant sa mall napili ni Jessica na kumain. Pagkatapos noon ay niyaya niya kami sa department store at binalak na ipamili kami ng mga damit pero tumanggi sina Mama at Papa.
Sa huli ay nagpaiwan na lang kami sa mall at namasyal pa ng konting oras. Habang sina Mama at Papa naman ay nauna nang umuwi dahil may pupuntahan pa raw ang mga ito na birthday party ng isa sa mga co-teacher ni Papa.
Sumunod ako kay Jess nang naglakad ito patungo sa men’s section. Napatingin ako sa mga nakasabit na polo at lumapit doon.
Napangiti ako nang makita ang isang plain polo shirt na light blue ang kulay. Mukhang bagay ito kay Nolan.
Tinawag ko ang sales lady at humingi ng size na sakto kay Nolan. Pagkatapos ay pumunta ako sa cashier at agad na binayaran.
Binalikan ko si Jessica na abala naman sa pagtingin sa mga relo.
“Jess, ok ka na? May lakad pa kasi ako,” tanong ko nang makalapit sa kanya.
Nanatili itong nakayuko na tila malalim ang iniisip habang palipat lipat ang tingin sa iba’t ibang klase ng relo na nasa ibabaw ng salamin na estante.
Mukhang nahihirapan itong mamili na saglit na sumulyap sa akin pero hindi ako sinagot. “Kambal, tingin mo magugustuhan ito ni N—”
Napaangat ang tingin ko sa kanya nang hindi nito itinuloy ang sasabihin. Napakurap kurap ito saka ibinalik ang paningin sa mga relo.
“Nino?” nakangiti kong tanong. “Akala ni Mama ay wala kang boyfriend, kanino mo ibibigay ‘yan?” wala sa sariling tanong ko na muling ibinalik ang mga mata sa relo.
Ang ganda ng mga ito. Napangiti ako. ‘Sa anniversary namin ay ito ang ire-regalo ko sa kanya.,’ bulong ko sa sarili.
“W… Wala. Doon sa tumulong sa akin para mabawi ang pera ko. Ano…pasasalamat lang.”
“’Yong crush mo?”
Namula ang pisngi nito at iniiwas ang tingin sa akin. Natawa naman ako sa reaksyon niya na akala mo ay first time na nagka-crush at nabuking sa unang pagkakataon.
“Hindi ‘no?” mabilis na sagot nito saka nahihiyang nagpasalamat sa sales lady na matamang naghihintay sa kanya.
Nagtataka naman akong tiningnan siya at sumunod lang dito.
Siguro ay nahihiya lang itong mag-open sa akin ng nangyayari sa kanya dahil ngayon lang kami muling nagkabati. Pasasaan ba at hindi rin ito makakatiis na hindi i-kwento sa akin ang mga nangyayari sa kanya at kung sino ang tinutukoy nito.
Pero sa nakikita ko sa mga kilos niya ay mukhang tama si Mama.