Tahimik kong pinahid ang pisngi ko na basang basa pa rin ng mga luha habang inaayos ko ang hand carry bag ko. Pakiramdam ko ay namumula na rin ito dahil sa buong byahe ay wala nang tigil ang pagpunas ko rito dahil sa masaganang luha na walang kapaguran sa pagpatak.
Nahihiya akong napatingin sa driver na ipinadala ni Mr. De Castro na sumundo at maghahatid sa akin sa airport. Madalas kasi itong sumilip sa rearview mirror tuwing napapahikbi ako.
Ganoon din si Atom na tahimik lang na nakaupo malapit sa tabi ko. Ramdam ko ang panaka-nakang pagsulyap niya sa akin at pag-aalala habang maya’t maya ang marahan nitong pagbuntong-hininga.
Ilang minuto na lang ay lilipad na ako patungong Canada. Yumuko ako para tingnan ang waze na gamit ko upang i-monitor ang byahe namin. Ayon dito ay sampung minuto na lang at nasa airport na kami at may mahigit dalawang oras pa bago umalis ang eroplanong sasakyan ko.
Tumingin ako sa labas habang mariing kinagat ang labi ko upang pigilan ang pamumuo na naman ng luha ko. Hindi ko magawang iwaglit sa isipan ko ang mga nangyari mula kagabi.
Hindi ako makapaniwalang sa loob lamang ng halos dalawampu’t apat na oras ay napakarami ng nangyari na posibleng tuluyang magpabago ng buhay ko.
Pagkatapos ng meeting namin kanina kasama si Mr. De Castro ay bumalik ako at muling kinausap si Prof. Millari. Nagpasya akong tanggapin ang trabaho sa Canada bilang kapalit ni Tessa. Tutal ay natatakot din naman ako sa condition na ibinigay nila sa akin pagkatapos aprubahan ang pag-postpone ng alis ko papuntang California.
Pero alam ko naman sa sarili ko ang totoong dahilan kung bakit mabilis akong nakapag-desisyon. At iisipin ko na lang na gumagawa lang ang tadhana ng paraan para makabawi sa akin at para maiiwas ako sa matinding lungkot at pagdurusa.
At nagpapasalamat ako sa naging desisyon ko lalo na pagkatapos ng huling pag-uusap namin ni Nolan.
Bitbit ang maleta ko nang akmang papasok na ako sa service vehicle ng University upang ihatid ako papunta sa airport ay napatigil ako dahil sa pamilyar na kotse na biglang huminto sa tabi nito.
Pakiramdam ko ng mga sandaling iyon ay biglang tumigil ang mundo ko habang pinagmamasdan ang paglabas ni Nolan mula sa sasakyang iyon.
Di ko mapigilan ang paghuhurumentado ng puso ko kasabay ng malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Samu’t saring emosyon ang naramdaman ko habang hinihintay ang paglapit niya. At dahil sa pakiramdam ko ay biglang bumagal ang oras ng mga sandaling iyon ay maraming bagay na ang naglaro sa isip ko.
Isa na roon ang hindi ko maiwasan na isipin at umasa na nandito siya upang pigilan ako sa pag-alis. Upang ipaliwanag ang sarili at ang tungkol sa kanila ni Jess na walang anumang ibig sabihin iyon, na nagkakamali lang ako sa naging konklusyon ko.
Pero ang inaasahan kong paghingi niya ng tawad at pagpigil sa akin ay isa lang palang imahinasyon.
Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko nang tuluyang siyang tumigil sa harap ko at masalubong ang mga mata niyang tila puno ng galit.
“Aalis ka na nga,” sambit nito na sinundan ng tingin ang maletang ipinasok ng driver sa likod ng sasakyan.
Tumikhim ako at pasimpleng lumunok saka tumango.
“At wala ka rin talagang balak na ipaalam sa akin?” nanunuyang tanong nito.
Nakagat ko ang labi ko na matapang na sinalubong ang mga mata niya. “Do you still care, Nolan? Kasalanan ko ba na isipin na wala ka ng pakialam sa akin, na wala ka ng balak na ayusin ang relasyon natin?” Pilit kong pinatatag ang boses. “Hindi ‘di ba? Dahil tama ang iniisip ko na wala ka ng pakialam. Dahil hindi mo na ako kailangan. Dahil may iba ka na. Dahil marupok ka! Pero bakit ang kakambal ko pa?” sunod sunod na tanong ko na hindi mapigilan ang paggaralgal ng boses ko.
Natigilan ito na dagling kumunot ang noo habang titig na titig sa akin na hindi ko maintindihan ang emosyong biglang gumuhit sa mga mata nito. Inaasahan ko na lalambot siya at agad na magpapaliwanag pero ang ikinagulat at ipinagtataka ko ay ang lalong pagdilim ng mukha nito na tila may inamin akong malaking kasalanan na ginawa.
Imbes na paliwanag ang makuha kong sagot mula sa kanya ay umiling ito saka isinenyas ang mga kamay sa bukas na pinto ng sasakyan.
“Go ahead! Baka mahuli ka pa sa flight mo,” sambit nito habang ibinubukas pa nang husto ang pinto ng sasakyan.
Kilala ko siya at ang tinig na narinig ko mula sa kanya ay puno ng kalungkutan at pagkadismaya. Iniiwas nito ang mga mata saka tumalikod. Parang may isang malamig na kamay ang biglang humaplos sa puso ko na nag-udyok sa akin para gawin ang gusto nito.
Kaya bago pa siya makahakbang ay mabilis ko siyang niyakap mula sa likuran.
“Nolan, please! Sabihin mo sa ‘kin na ayaw mo ‘ko umalis. Na mali ang iniisip ko, na mali ang interpretasyon ko sa nakita ko. Na walang namamagitan sa inyo ni Jess, na ako ang mahal mo… at hindi ako aalis… mananatili ako sa tabi mo,” nagsusumamong sambit ko habang mahigpit pa ring nakayakap sa kanya. “Sabihin mo lang, Nolan!”
Wala na akong pakialam kung magmakaawa ako sa kanya. Ang tanging gusto ko lang sa mga sandaling iyon ay iparamdam kung gaano ko siya kamahal at handa akong talikuran ang magandang kinabukasan na naghihintay sa akin sa ibang bansa.
Pero napatigil ako at inilayo ang mukha ko na nakasandal sa likod niya nang dahan dahang nitong tanggalin ang mga kamay ko na nakayakap sa kanya.
Humarap ito sa akin at walang emosyon ang mga matang tiningnan ako. “Umalis ka na, Anika,” mababa ang boses na utos nito.
“Hindi… Hindi ako aalis kung ayaw mo. ‘Di ba nagpunta ka rito para pigilan ako? Para ayusin ang relasyon natin?”
Bumuntong hininga ito saka umiling.
“You’re lying!” Ayokong maniwala sa sinasabi niya. “So, sinasabi mo ba na narito ka para kay Jessica, huh?” puno ng hinanakit na akusa ko.
Maya maya ay tumingin ito sa malayo saka tumango. “Hindi totoo ‘yan! Sabihin mong hindi totoo ‘yan!” nanginginig ang boses na bulalas ko.
Lumunok ito saka muling tumingin sa akin na para bang wala lang sa kanya ang mga kumpirmasyon niya. “Hindi na kita mahal, Anika. Kaya umalis ka na.”
Parang bomba sa pandinig ko ang mga salitang binitawan niya. Ni hindi ko nagawang kumilos. Ilang sandaling nakaawang ang bibig ko habang hindi makapaniwalang nakatitig sa kanya.
Tila ilang piraso ng kutsilyo ang nag-uunahang tumutusok sa dibdib ko nang mga sandaling iyon. Parang biglang na-blangko ang utak ko na hirap iproseso ang mga sinabi niya.
Ni hindi ko namalayan ang biglang paglabas ni Papa na mabilis na inundayan ng suntok si Nolan na biglang nagpabalik sa katinuan ng isip ko.
Na eksakto naman na may tumigil na isang motor at bumaba mula roon si Atom. Lalapitan sana nito si Nolan pero itinaas nito ang kamay para pigilan ito sa paglapit sa kanya.
“Gago ka, Nolan! Pagkatapos kong ipagkatiwala sa ‘yo ang anak ko, iyan ang gagawin mo!” bulyaw ni Papa habang pinipigilan ni Mama.
“Papa!” tawag ni Jessica na mabilis na lumapit sa tabi ni Nolan at nag-aalalang inalalayan ito.
“Lumayo ka sa lalaking ‘yan kung ayaw mong masaktan, Jessica!” banta ni Papa habang naniningkit ang mga mata nito sa galit. Wala itong nagawa kundi ang dumistansya rito.
Maya maya ay lumingon sa akin si Papa na biglang napalitan ng awa ang ekpresyon ng mukha nito. “Sige na, anak. Umalis ka na,” pakiusap nito.
“Hindi na ako aalis, Papa,” mahinang sambit ko. “Halika ka na, pumasok na tayo sa loob. Baka kung mapa’no ka pa.”
“Anika…” bulong ni Mama na halatang nagulat sa desisyon ko.
Ayokong umalis na ganito kagulo ang iiwan ko. Lalo na sa nakitang reaksyon ni Papa. Nag-alala ako na baka kung anong mangyaring masama sa kanya.
Pero muling dumilim ang mukha ni Papa. “Aalis ka, Anika, kung ayaw mong pati sa ‘yo ay magalit ako!” seryosong utos nito habang gumagalaw ang panga sa galit.
“Pero Papa, ayokong iwan ka ng ganyan,” nakikiusap na sagot ko rito. Alam kong narinig nito ang sinabi ko kanina kaya ganoon na lang ang galit nito.
Hinawakan ni Mama ang braso ko at nakikiusap ang mga matang tiningnan ako. “Anak sige na, umalis ka na. Ako na ang bahala sa Papa mo. ‘Wag kang mag-alala, aayusin namin ito.”
Ilang sandali akong nag-isip habang humihikbi. Atubili akong tumalikod sa kanila at nag-aalalang muling sinulyapan si Papa. Lumapit ako rito at mahigpit na yumakap dito.
“Papa, aalis lang ako kung ipa-promise mo sa akin na walang mangyayaring masama sa ‘yo,” bulong ko rito habang nakayakap ako sa kanya. “Ok lang ako, Papa. Magpapakatatag ako para sa inyo ni Mama.”
Pinahid ko ang luha ko nang marinig ko ang sagot na gusto kong marinig mula rito. Pagkatapos ay niyakap ko rin si Mama at nagpaalam dito.
“Mag-iingat ka roon, anak. Mahal na mahal ka namin,” malambing na sambit ni Mama habang hinahaplos ang buhok ko.
Binalingan nito si Atom at pinakiusapan na samahan ako. Hindi na ako tumanggi pa nang sumang-ayon ito.
Nang makapasok ako sa loob ng sasakyan ay hindi ko mapigilang pagmasdan si Nolan. Nakatanaw ito sa malayo na hindi man lang nagawang tumingin sa akin. Nahuli ko pa ang pagyuko nito pagkatapos ay tumalikod. Habang si Jessica naman ay nakasunod ang mga mata sa sinasakyan ko na nakatayo malapit kay Papa.
“Nandito na tayo, Anika.”
Halos mapapitlag ako nang marinig ang mababang boses ni Atom. Tumingin ako sa kanya na bakas ang awa sa mga mata.
Pilit akong ngumiti at inirapan siya. “’Wag mo nga ako tingnan ng ganyan. Alam ko ang pangit kong umiyak," sambit ko na dinaan sa biro. Ayoko pa naman na kinakawaan ako.
“Everything will be alright, Anika. Hindi ko alam kung ano’ng gulo ang nangyari kanina but Nolan—”
Itinaas ko ang kamay na agad na ikinatigil niya. “Enough! Wala na akong oras para pag-usapan pa ang tungkol diyan… Salamat sa biglaang paghatid sa akin dito.”
Lumabas ako at kinuha ang maleta mula sa driver saka tuloy tuloy na pumasok sa departure area.