Napatingala ako nang bigla niya akong inakbayan at dinampian ng halik sa buhok. Na-conscious naman ako bigla sa amoy ko dahil tanghali na at nagpawis na rin ako. Though, mas pawisan siya pero kahit yata hindi pa ito maligo ay mabango pa rin ito.
Minsan nga ay pinipilit ko siyang tanungin kung anong sikreto niya dahil kahit maligo siya sa pawis ay himalang hindi siya bumabaho. Pero lagi niya rin sagot na natural scent lang niya talaga iyon.
O ako lang ‘to na humaling na humaling sa kanya kaya pati pang-amoy ko ay apektado na rin ng puso ko?
Minsan din ay napapaisip ako at nagagawa pang mag-search kung ganoon ba talaga kapag in love ang isang tao, na lahat na lang ng bagay, parte ng katawan at lahat ng tungkol sa minamahal ay maganda at positibo.
“Hindi ka na nagtatampo?” nakangiting tanong ko habang nakatingala sa kanya.
Tumigil ito sa paglalakad. Ngumiwi siya habang tinititigan ako. “Ang totoo, gusto ko talagang magtampo kaso naisip ko na, sayang naman ang araw na nandito pa ako at pareho pa tayong estudyante. Eh alam ko naman na hindi mo rin naman ko titigilan kaya anong sense pa ng pagtatampo ko?”
Bahagya akong napatawa. Totoo naman ang sinabi niya. Every time na may ginawa akong hindi niya nagustuhan na dahilan ng pagtatampo niya ay hindi ko talaga siya tinitigilan hanggang hindi niya ako napapatawad na kadalasan ay hindi lumalampas ng maghapon.
Kaya aminado ang loko na masyado raw siyang marupok pagdating sa akin na hanggang ngayon daw ay ipinagtataka niya kung bakit.
“’Wag kang ngumiti diyan, may kapalit ‘yon.” Seryosong dagdag nito.
“Sure! Ano ba ‘yon?”
“Libre mo 'ko ngayon ng merienda at samahan mo 'ko sa lakad ko next week.”
Just like that. I gave him a thumbs up with a wide smile. “’Yon lang ba? Maliit na bagay."
He twitched his lip and stared at me like he was being tricked na lalong ikinalaki ng mga ngiti ko.
As we were about to walk outside, he bumped into Thalia who instantly gave him a flirtatious smile.
“Oops!” Napaurong ito bigla with his apologetic gaze kahit hindi naman siya ang may kasalanan. At si Thalia naman ay tila gulat na gulat.
I rolled my eyes secretly. Ang galing lang umarte maka-tsansing lang. Humawak ako sa braso ni Nolan at sinenyasan siya para umalis na pero biglang hinawakan ng bruha ang isang braso nito.
“Sorry, ikaw talaga ang sadya ko, Nolan. Ipinapatawag ka kasi ni Sir Millari kaso sabi ng mga ka-team mo ay nagpaalam ka na nga raw na uuwi na," anito saka sumulyap saglit sa akin. "Ummm, may konting salo-salo kasi ngayon na inihanda ang engineering department para sa pagkapanalo niyo. Actually, ikaw na lang ang hinihintay doon." Dagdag nito na halata naman na nagpapa-cute lang.
“Pero may lakad kami ni buds—”
“Sandali lang naman ‘yon. Isa pa ay pinag-ambagan pa at pinaghandaan ng department natin ang selebrasyon na ‘yon. Confident kasi kami na mananalo ulit kayo. Besides, crown and pride ng department natin ang title mo as MVP for the past three years mo sa varsity kaya pasasalamat na rin namin ito sa ‘yo.”
Napakamot ito sa ulo na inilipat ang tingin sa akin. “Buds, ok lang ba?”
“Go! Ok lang, nakakahiya naman nag-abala pa pala sila,” nakangiting sagot ko na labas sa ilong. Inalis ko ang kamay ko na nakahawak pa rin sa braso niya pero maagap niyang hinawakan ito.
“What if, sumama ka na lang?—”
Huling huli ko ang paglaho ng ngiti sa labi ni Thalia pero bigla siyang ngumiti nang tumingin sa akin. “Oo nga naman, why don’t you join us?”
Umismid ako. Marunong naman ako makahalata sa taong ayaw sa ‘kin. At maunawain naman ako at mabait pero hindi ako plastic.
“No, thanks. Alam ko naman na exclusive iyon for engineering students,” sambit ko na bahagya pang itinaas ang kilay.
Alam ni Nolan na ayoko sa babaing ito at obvious naman na naiinis din ito sa akin, kaya walang rason para itago ko ang nararamdam ko.
Tumingala ako kay Nolan na bahagyang nakangiwi habang nagkakamot ng ulo. “Sige na, mauna na ‘ko. Punta ka na lang sa bahay mamaya.”
“Sure ka, buds?”
Tumango ako saka mabilis na tumalikod. Lalo akong napasimangot matapos ang ilang hakbang nang makasalubong ko si Atom na mukhang narinig ang usapan namin at ngayon ay nakangising iiling iling na sinusundan pa ako ng nakakalokong ngiti.
Inambahan ko siya ng suntok nang makalapit ako sa kanya kaya mabilis na nagtatakbo palapit sa pinsan nito.
Hindi ko sila nilingon pero narinig ko pa ang sermon ni Nolan dito dahil sa pang-aasar sa akin na hindi ko na pinansin. Tanging irap lang ang ginawa ko habang patuloy sa paglalakad palayo sa mga ito.
Naiinis talaga ako. Kahit kailan, papansin talaga ang bruhang ‘yon. Obvious naman na gumagawa talaga siya ng paraan para mapansin ni Nolan at ang damuho ko naman best friend ay patay malisya. Alam naman niya na may gusto sa kanya ang babaing iyon pero parang feel na feel pa na hinahabol siya.
Pero sino nga ba naman ang hindi magkakagusto sa isang Nolan Villaraza? Literal na tall, dark and handsome, with mascular body, mabait, gentleman at dating mayaman. At bukod sa lahat ng magagandang katangiang iyon ay ang pagiging family oriented nito.
Ayon sa kwento nito, mayaman ang pamilya nila noon bago lumipat sa probinsya namin. At naikwento rin ni Tita Eva, ang Mommy nito na mayroon silang construction business noon sa Maynila. Pero sinabutahe ito ng sariling kapatid ng Daddy nito dahil sa matinding galit kaya unti-unting bumagsak ang kanilang negosyo.
Hindi nakayanan ng Daddy nito ang pagbulusok ng kabuhayan at ang halos walang natira sa lahat ng naipundar ng mga ito na naging dahilan ng pagkakasakit ng Daddy niya na naging sanhi naman ng tuluyang pagpanaw nito.
At dahil sa sunod sunod na dagok sa kanilang pamilya ay muntik na rin sumuko ang Mommy niya pero pinilit na lumaban para sa kanya.
Ang sabi ni Nolan ay marami pa raw pinagdaanan ang pamilya nila na hindi na niya maalala pa at ayaw na niyang alalahanin pa. Pero tanging ang galit sa Tito niya ang dati pa nitong nabanggit na hindi niya maaaring kalimutan.
“Hoy, bakit ganyan ang mukha mo?” untag sa akin ni Jessica na hindi ko namalayan na nasa loob na pala ng kwarto namin.
Magkasama kami sa kwarto dahil maliit lang ang bahay namin. Ito ay pamana pa sa Papa ko ng mga Lolo at Lola namin. Highschool principal si Papa samantalang si Mama naman ay hindi na raw nagamit ang pinag-aralan bilang Nurse dahil nag-asawa agad pagka-graduate ng kolehiyo.
Sapat naman ang kinikita ni Papa para sa pamilya namin kaya raw pumayag na rin si Mama na hindi na mag-trabaho ayon na rin sa kahilingan ni Papa. Pero syempre ramdam ko na nahihirapan na rin sila lalo’t pareho kami ni Jessica na sa private university nag-aaral.
Tumingin ako kay Jessica habang nakasimangot pa rin. “Nakakainis kasi si Thalia, istorbo. May lakad sana kami ni Nolan ngayon.”
Napaharap siya sa akin habang nagtatanggal ng butones ng blouse niya. “Si Nolan na naman pala,” nakangisi nitong sambit. “Oh, ano na pala ang nangyari sa plano mo? Nakapagtapat ka na ba?” nang-aasar na tanong nito.
Umiling ako saka bumuntong hininga. “Humahanap pa ako ng tyempo.”
Tumawa ito habang isinusuot ang spaghetti strap blouse.
Lantad na lantad ang maputi at makinis nitong dibdib at ang maliit nitong baywang. Sanay na kami na maghubad sa harapan ng isa’t isa at hanggang ngayon ay naliligo pa rin kami ng sabay minsan lalo na kapag nagmamadali kami sa pagpasok sa school.
Lalo naman akong napasimangot sa pagtawa nito. Naiimbyerna na nga ako, pinagtatawan pa.
“Hay naku, kung ako sa ‘yo, pagseselosin ko na lang ‘yan si Nolan para hindi ka na nangangapa diyan.”
Wala sa sariling napatingin ako rito. “Paano ko naman gagawin ‘yon?”
Umupo siya sa harap ng tokador at ipinusod ang mahaba nitong buhok. “Simple lang… Tumanggap ka ng manliligaw. Tingnan natin kung anong gagawin ni Nolan.”
“Tapos?”
Umikot ang mata nito saka lumingon sa akin. “Hay naku, you’re so naïve. Just try to do it. Malay mo, iyon ang solusyon para magbago na ang label n’yo from best buds to best babe,” anito saka itinaas-taas pa ang kilay.
“Babe?” bulong ko na tila kinilig sa endearment na iyon.
“Pero maiba ako, siya ba talaga ang gusto mo? Maraming mayayaman sa University na gustong manligaw sa ‘yo, gwapo rin naman at kilala ang pamilya pero bakit…” Tumigil ito saglit na tingin ko ay nagdalawang isip kung itutuloy ang gustong sabihin.
“Bakit naman hindi? Kayamanan lang naman ang lamang nila kay Nolan. At kung tutuusin, mas maraming katangian si Nolan na higit sa kanila.”
Umismid ito. “Ikaw! Sabi mo eh. Basta ako, ayoko ng simpleng buhay lang na katulad nito. Nakakasawa!”
“Kaya nga pinag-aaral tayo nila Papa, ‘di ba? Para maging maayos ang kinabukasan natin…Kumusta pala ang exams mo?”
Ngumuso ito at iniiwas ang tingin sa ‘kin. Halos nahuhulaan ko na ang ibig sabihin ng reaksyon niya.
“May make-up class ako next week.”
Napatango na lang ako. Karaniwan na ito sa kanya every end of school year or semester. This is one of our opposite characteristics.
Seryoso ako sa pag-aaral pero si Jessica ay easy go lucky. Marami ang nagsasabi na kung hindi lang kami sabay na ipinanganak ay hindi kami mapagkakamalang kambal. Mas matanda siya kumpara sa akin dahil nauna daw itong lumabas pero mas mature akong mag-isip kaysa sa kanya.
Madalas siyang pagsabihan ng mga magulang namin na unahin ang pag-aaral kesa ang rumaket agad. Pero minsan ay binabalewala na lang din ito ni Papa dahil sawa na raw silang pagsabihan ito.
Sa Maynila kasi nito gustong mag-aral ng fashion design pero dahil hindi kaya nila Papa ang gastusin doon ay napilitan siyang kumuha na lang ng business course.
Hindi na ako nagtanong pa dahil madalas na umiinit ang ulo nito kapag napag-uusapan ang tungkol sa pag-aaral.