Tinawag kami ni Mama, nakahanda na raw ang hapunan. Sabay kaming bumaba ni Jessica at naabutan namin sila Mama at Papa na tahimik na nakaupo sa hapag kainan.
Napansin ko ang kakaibang atmosphere sa pagitan nila pero mabilis na nagbago ng ekpresyon ni Mama nang maramdaman ang pagdating namin ni Jess.
Humalik ako sa pisngi ni Papa ganoon din si Jessica pagkatapos naupo sa harap nila.
We talked casually from time to time katulad ng dati pero pansin ko ang pag-aalala sa mukha ni Mama na pilit itinatago sa mga ngiti.
“Bakasyon na ba kayo?” maya maya’y tanong ni Papa.
“Yes, Pa.”
“May one week pa akong make-up class,” matabang na sagot ni Jess.
Tiningnan lang ito ni Papa sandali pero walang sinabi. Si Mama naman ay napailing na lang at ipinagpatuloy na ang pagkain.
“Nakausap ko nga pala si Mr. Millari and he told me about the good news," Maya maya'y untag ni Papa na nakatingin sa akin.
Napaangat ang tingin ko rito kasunod ay kay Jessica na nakatingin na rin sa akin. Plano ko sana na kila Mama ko na lang muna sabihin ang tungkol doon at hindi kay Jessica.
Minsan kasi ay nararamdaman ko na nagkakaroon ng insecurity si Jess kapag tungkol na sa pag-aaral namin ang pinag-uusapan.
“Opo, Papa. Kanina ko lang din nalaman.”
“Anong good news?” curious na tanong ni Mama.
Tumikhim ako saka ikinuwento sa kanila ang sinabi ng professor ko. Napangiti ako nang makita ang pagningning ng mga mata ni Mama na tila ba life saving ang ibinalita ko sa kanila.
“Congrats!” bati ni Jess na bahagyang ngumiti saka tumayo. “Mauna na ‘ko magre-review pa ‘ko.”
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyang makalabas ganoon din si Papa na kanina pa tahimik na pinagmamasdan si Jessica. Ginagap naman ni Mama ang kamay ko at tuwang tuwang nagpasalamat at ibinilin na pagbutihin ko pa lalo para makapasa at matupad ko ang pangarap din niya dati.
Nagprisinta ako na magligpit ng pinagkainan namin at itinaboy sila upang makapagpahinga.
Seryoso akong naghuhugas ng plato nang muntik na akong mapatalon sa gulat nang may magsalita sa likuran ko.
Naiinis akong lumingon kasabay noon ang halos pagtalon din ng puso ko nang ma-absorb ng utak ko ang nagmamay-ari ng boses na iyon.
“Ang seryoso mo naman!” nakangiting bati ni Nolan. Lumapit ito at paupong sumandal sa pasamano ng sink. “Pati ba naman sa paghuhugas ng plato, kailangang focus na focus?”
“Syempre, sa lahat ng bagay dapat focus,” birong sagot ko. “Bakit ka nga pala nandito? Gabi na ah.”
“Hindi ba sabi mo, hihintayin mo ‘ko dito? Masunurin lang naman ako.”
Napakunot ang noo ko at sandaling nag-isip. Oo nga pala, sinabi ko ‘yon para inisin lang lalo si Thalia.
“Ah.” Pinagpag ko ang kamay ko at tinuyo iyon. “Hindi na kita aalukin kumain dahil alam ko naman na busog na busog ka.”
“Kung ikaw ang nagluto kakain ulit ako.”
“Kaso, hindi eh.”
Napanguso ito na tinawanan ko lang. Niyaya ko siya sa labas at naupo sa terrace. Nadaanan pa namin sila Mama at Papa na nanonood ng TV. Nginitian naman nila si Nolan nang muling bumati ito sa kanila.
Parang anak na rin ang turing nila rito. Katunayan ay labas pasok na rin ito sa bahay namin. Kahit sa kwarto namin ay malaya itong nakakapasok kapag sigurado siya na wala sa bahay ang kakambal ko.
Hindi kasi sila close ni Jess at hindi ko rin alam kung sino ang may ayaw kanino. Wala naman sa akin ‘yon basta ang mahalaga ay wala akong naririnig na masama sa kahit na kanino sa kanilang dalawa tungkol sa isa’t isa.
“May tanong ako,” anito pagkaupo sa barandilya habang ako ay tumayo sa tabi niya.
“Ano?”
“Busy ka kanina? Bakit muntik ka ng hindi umabot sa laro ko?”
“Kinausap kasi ako ni Sir Gatchalian. Medyo mind blowing ang subject kaya muntik na talagang mawala sa isip ko. Sorry!”
Ngumuso ito saka tumingin sa malayo.
“Ang arte mo, minsan lang ako na-late ah!”
“Ano bang pinag-usapan niyo?”
Lumapad ang ngiti ko saka umupo sa tabi niya. Ikinwento ko sa kanya ang buong detalye ng tungkol sa opportunity na ibinigay sa akin. Akala ko ay matutuwa rin siya pero tumango tango lang ito pagkatapos kong magsalita.
“Pangarap mo pa rin pala ang makapagtrabaho sa ibang bansa,” halos bulong na sambit nito.
Unti unting nawala ang ngiti ko nang mahimigan ang lungkot sa boses niya. Humarap ako sa kanya na pilit na ngumiti. “Oo naman, ‘yon ang pangarap ko dati pa lang, ‘di ba? Ikaw ba, nagbago na ba ang pangarap mo?”
Tumango ito na ikinalaki ng mga mata ko. “Whoa! Totoo? Ano na’ng pangarap mo? Ang daya, hindi mo ‘ko ina-update.”
Matagal siyang nakatitig lang sa mukha ko pagkatapos ay tumayo. “Gabi na, uuwi na ‘ko.”
“Teka, sandali lang. Maaga pa ah! Sabihin mo muna kung ano ‘yon.” Hinawakan ko ang braso niya upang pigilan.
“Hindi pwede, baka hindi pa matupad kapag sinabi ko sa ‘yo.”
“Hmp! Ang daya!” Humarang ako sa daraanan niya. Hindi ako papayag na hindi ko malalaman kung ano na ang bago niyang plano sa buhay o anuman pangarap na sinasabi niya.
Unfair ‘yon sa akin na lahat lahat na lang ay ipinapaalam sa kanya. Kulang na nga lang ay sabihin ko sa kanya pati oras ng pagpikit at pagmulat ng mga mata ko. Gano’n ako ka-open at katiwala sa kanya.
“Anika, ano ba? Ang kulit mo!”
Napangiti ako nang marinig ang pangalan ko. Mas gusto ko na tawagin niya ako ng ganoon kaysa sa nakasanayan niyang tawag sa akin na ‘buds’. Ako raw kasi ang best buddy niya at hindi na iyon magbabago.
Naiinis na rin ako minsan kapag tinatawag niya ako ng ganoon sa harap ng ibang tao lalo na kapag nasa school kami. Parang ginagawa niyang paraan iyon upang ipangalandakan na hanggang magkaibigan lang kami at malaya ang mga babaeng may gusto sa kanya na landiin siya.
“Madaya ka kasi, sabihin mo na. Ano ‘yon?”
Nagkamot ito sa ulo at bumuntong hininga. “Wala naman ‘yon, sasabihin ko sa ‘yo kapag sigurado na ako, ok?”
Lumabi ako at inirapan siya. “Ok, ganyan tayo e, lihiman na ngayon… Sige na nga, umuwi ka na!” Taboy ko sa kanya habang hinihila ko ang braso niya.
Napalingon ako nang hindi siya natinag sa paghila ko sa kanya. Nasalubong ko ang seryoso niyang mga mata na titig na titig sa mga mata ko.
Nakailang beses akong kumurap ng maramdaman ko ang paghawak niya sa kamay ko. Yumuko ito at matamang pinagmasdan ang kamay ko na hawak niya. He stared at it for a quite silent moment saka bumuntong hininga.
Nakagat ko ang labi ko habang naghuhurumentado ang puso ko sa kaba. Napalunok ako nang ipinatong pa niya rito ang isa pa niyang kamay at hinaplos iyon. I felt an electric current over that simple gesture. Pero hindi simpleng bagay ang hatid sa kaibuturan ng puso ko ng simpleng pagdantay na iyon ng mga balat namin. It means more. More than a friendship that I’m always dreaming about he would offer me.
Ito na ba ang sandaling pinakahihintay ko? Ang sandaling magtatapat siya ng totoo niyang nararamdaman para sa akin.
Bahagya akong ngumiti nang tumunghay siya. I looked up straight to his soft brown eyes and was surprised to see the shadow of sadness that fills in those usual cheerful eyes.
“M..may problema ba?” halos bulong na tanong ko.
He took another deep breath and shrugged while staring back at me. “Ano pala ang plano mo sa birthday n’yo?” he asked me instead while trying to get back to his energetic look.
“Ummm...” Muli ay bumundol ang kaba sa dibdib ko nang maalala ang plano ko. Pero desidido na ako.
“May family celebration ba kayo?”
“Magluluto lang daw si Mama ng konti at magsisimba kami. After no’n bahala na raw kami ni Jessica kung saan ang lakad namin.”
Tumango-tango ito. “Good! Susunduin kita bukas,” nakangiting sambit nito.
“Saan tayo pupunta?”
“Ako’ng bahala,” he said winking at me.
Napangiti ako at tumango. Syempre, aayaw pa ba ‘ko? Mabuti naman at siya ang nag-initiate na masolo ko siya bukas.
Inihatid ko siya sa labas pagkatapos magpaalam kila Mama at Papa na uuwi na. At tulad ng inaasahan ay ipinagpaalam na niya sa mga ito ang lakad namin bukas na agad naman pinaunlakan ni Papa na hindi man lang tinanong kung saan kami pupunta.
They totally trust Nolan. Sabagay ay wala naman kasi itong ipinakitang hindi maganda sa harap ng mga ito even behind their back.
He came from a reputable family. Isa sa may sinasabi sa buhay ang pamilya ng Mommy nito rito sa probinsya noon. Kilala sa pagiging matuwid at mabuting mayor ang Lolo nito habang ang Daddy naman daw nito ay galing sa negosyanteng pamilya.
At halos nasubaybayan na rin ng mga magulang ko ang paglaki nito mula ng bumalik ang mga ito sa lugar namin.
“Oh, ‘wag ka na masyadong mag-abala sa isusuot bukas. Ako lang ‘to at hindi mo kailangang magpaganda,” nakangising paalala nito. “At baka masayang lang ang effort mo dahil wala ka naman ng igaganda.” Dagdag nito habang iiling iling na tiningnan ako
Tumikwas ang nguso ko kasabay ng malakas na hampas sa braso ang isinagot ko sa kanya. “Hoy, Mr. Feeling Gwapo, kelan pa ako nagpaganda para sa ‘yo?”
Lalong lumakas ang tawa nito saka binuksan ang pinto ng kotse nito. Akala ko ay papasok na siya sa loob pero pumihit pa ito paharap sa akin at pinisil ang pisngi ko. “Ang cute mo talagang mapikon!...And correction, marami talagang nagsasabi na gwapo ako at alam kong ‘yon din ang nakikita ng mga mata mo…At tingin ko ay iyon din ang sinasabi ng puso mo, ‘di ba?” Dagdag nito na itinaas-taas pa ang kilay habang nakangisi.
Inikot ko ang mga mata para takpan ang pag-init ng mukha ko. Ang gwapo naman talaga ng loko!
Napalunok ako at iniwas ang tingin sa kanya. Alam kong aasarin pa ako nito kaya itinulak ko na siya papasok sa loob kotse nito habang pinipigilan ang mapangiti.
“Mukha mo! Umuwi ka na nga.” Taboy ko.
Sumunod naman ito na nilingon ako bago tuluyan pumasok sa loob na hindi nawawala ang nakakalokong ngiti.
“Oo na, uuwi na ‘ko,” anito pagkaupo sa kotse saka binuksan ang makina. Pagkatapos ay dumungaw ito sa bintana na hindi pa rin inaalis ang ngiti sa labi. “Anong gusto mong birthday gift?”
Hindi ako sumagot. Tiningnan ko lang siya habang pinipigilan pa rin ang mapangiti. Nakakainis! Baka obvious na kinikilig ako.
“Gusto mo bang gift ay ang matamis kong oo?”
I frowned.
“Alam ko naman na ‘yon talaga ang birthday wish mo. At baka sabihin mo naman ay madamot ako kaya iga-grant ko ang wish mo—”
“Ewan ko sa ‘yo! Tse!”
Mabilis ko siyang tinalikuran dahil malapit na niya akong masukol. Narinig ko pa na tinawag niya ako habang tumatawa na hindi ko pinansin.
Leche naman oh! Masyado na bang obvious ang feelings ko at kahit siya ay parang basang basa ang takbo ng isip ko.
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi at nagpapadyak na pumasok ako sa loob ng bahay at dali daling pumasok sa kwarto.