Chapter 15

1463 Words
Napukaw ang malalim kong iniisip nang marinig ko ang pagtunog ng bell, hudyat na tapos na ulit ang klase. Tumayo ako at inilagay sa bag ang mga gamit ko pati na rin ang reviewer book na ipinahiram sa akin ni Prof. Millari na siyang ginamit ko bago ang qualifying exam sa dalawang hospital sa Canada. Sa sunod na linggo naman nakatakda ang exam namin para sa hospital sa California. Lumabas ako ng classroom at binaybay ang daan papunta sa faculty room nito. Ngayon kasi lalabas ang result ng exam para sa admission sa Canada at bilin ni Prof. ay sabay-sabay namin sisilipin iyon mula sa website ng mismong hospital. Halos nangangalahati na ang second semester at ilang buwan na lang mula ngayon ay ga-graduate na ako. Naka-schedule na rin ang board exam namin na mismong Dean ng College of Nursing ang nagpaasikaso. Sa totoo lang ay sobrang excited na ako na maka-graduate. Kahit naman kasi hindi ako makapasa sa Canada at California ay may tiyak ng trabaho ang naghihintay sa akin dito. Una ay sa medical center kung saan ako nag-ojt at pangalawa ay sa City hospital na ang isa sa nagmamay-ari ay si Doc Salas na ilang beses akong hinikayat na doon na magtrabaho. “Anika!!!” Nakabibinging tili ang narinig ko. Kakatok pa lang sana ako sa nakabukas na pinto ng faculty room nang marinig ang tiling iyon ni Tessa na galing sa loob na dahilan upang bahagya akong napaatras at muntik nang matumba. Mabuti na lang at may sumalo sa likuran ko. Nilingon ko ang may ari ng mga kamay na agad din inalis ang pagkakalapat sa likuran ko nang nakatayo na ako nang maayos. “Atom?” Bahagya itong ngumiti na ikinataas ng kilay ko pero agad nitong itinaas ang mga kamay na akala mo’y sumusuko sa gyera. “Oh, ‘wag mo kong tingnan ng ganyan. Ikaw na nga itong tinulungan.” Bumaba ang kilay ko saka pilit na ngumiti. Napansin ko ang malamlam nitong mga mata kaya naman bigla akong nakonsensya. Totoo naman ang sinabi niya dahil kung wala siya doon ay malamang na bumagsak ang pwetan ko sa sahig dahil sa gulat sa sigaw ni Tessa. Teka! Bakit nga ba ang lakas ng tili nito na akala mo ay nanalo sa lotto? O nakita na nila ang result ng exam at pasado siya? “Girl, bakit ngayon ka lang? Kanina ka pa namin hinihintay,” singit ni Tessa na abot tenga ang ngiti. “Kakatapos lang ng last subject ko eh. Nasa loob ba si Prof. Millari?” tanong ko saka naalalang lingunin si Atom. “Thanks,” sincere kong pasalamat sa kanya na tipid nitong tinanguan na ipinagtaka ko. Kukumustahin ko sana siya pero hinila na ako ni Tessa sa loob kaya hindi ko na nagawang kausapin ito. “Congratulations, Ms. Santillan!” agad na bungad sa akin ni Prof pagkalapit ko pa lang sa table niya. "Pasensya ka na at hindi ka na namin nahintay." Nakangiting iniabot nito ang isang pirasong papel. Kinuha ko iyon at kagat labing binasa ang nilalaman niyon. Sa tili pa lang ni Tessa kanina na isa rin sa mga examinee na ni-recommend ng school namin ay parang alam ko na ang resulta ng exam at hindi nga ako nagkamali. Tinakpan ko ang nakaawang kong labi nang matitigan ang pangalan ko na malinaw na malinaw ang pagkakasulat sa list of passers. Pinigilan ko ang mapatili dahil may ilan pang mga guro sa loob ng faculty room na ang iba ay mga seryosong nakayuko sa mga papel na nasa harapan nila. “Grabe, nakapasa tayo?” Hindi pa rin ako makapaniwala sa nakikita. Sa totoo lang ay talagang nahirapan ako sa exam na iyon at pilit ko rin inihanda ang sarili kung sakaling hindi makapasa rito. Katunayan nga ay iniisip ko nang tanggapin ang offer ni Doctora Salas na sa hospital ng mga ito magtrabaho. Sa gayon ay hindi ko na rin kailangang lumayo lalo na kapag naiisip ko si Nolan. Ayokong magkalayo kami at alam kong ganoon din ito kaya malaking desisyon ang kailangan kong gawin ngayon lalo na at nasa harapan ko na ang oportunidad na maaaring magpabago sa buhay namin. “Oo girl, kaya mauuna na ‘ko sa inyo at ibabalita ko na sa mga magulang ko ang good news!” kinikilig na sang-ayon ni Tessa. “Sir, mauna na po ako sa inyo. Maraming salamat po ulit.” Halos patakbo itong lumabas pagkatapos magpaalam. Ako naman ay proud na binati ng mga bagong dating na guro na nakiusyoso rin sa announcement ng passers. “Oh, pa’no ba ‘yan, Anika? Ipapaalala ko lang na nangako ang Papa mo na iimbitahan niya kami sa inyo sa oras na pumasa ka sa exam,” natatawang sambit ni Prof. Millari na kaibigan ni Papa. Magka-klase raw ang mga ito noong nasa highschool sila. “Naku, panigurado po ‘yon. Yaan n’yo po at sasabihan ko kayo kung kailan,” nakangiting sang-ayon ko. “Siya, ang sunod naman na paghandaan mo ay para sa California. Although, same benefits lang naman ang offer nila ay mabuti pa rin na may pagpipilian ka,” anito na muling umupo sa likod ng table nito. “So, congrats again, Ms. Santillan. Ngayon pa lang ay may magandang kinabukasan na ang naghihintay sa ‘yo. Keep up the good work.” “Maraming salamat po, Sir!” Impit akong tumili paglabas ko ng faculty room. Sobra sobrang saya sa pakiramdam ang napakalaking achievement na ito. Dati rati ay naiinggit ako sa mga estudyante na naipadala na ng school na ito sa iba’t ibang bansa at nangangarap na mapabilang ako sa kanila na ngayon ay malapit na rin matupad. Kagat kagat ko ang labi ko upang pigilan ang paglapad ng ngiti pero hindi ko pa rin maitago ang saya. “Congrats, Anika!” Napitlag ako sa gulat at mabilis na napabaling sa kaliwa ko. Pasandal na nakatayo roon si Atom na tila may hinihintay. “Thanks! Pa’no mo nalaman? Nakikinig ka sa amin, ‘no?” birong akusa ko. “Judgemental mo talaga! Ang laki laki ng projector, oh!” Turo nito sa isa sa mga projector sa hallway. Lumabas doon isa-isa ang mga pangalan namin at kasunod ang malaking word na congratulations pagkatapos ng announcement na 100% ang passing rate ngayong taon. Nakangiwing tumingin ako kay Atom. Sanay naman na ito sa akin na lagi siyang pinagtatarayan at ganoon din naman ito sa ‘kin pero pansin ko na parang may nagbago rito. He looks serious and cold. Well, siguro ay mabilis lang itong naka-adapt sa bago nitong environment at pati na rin siguro sa tagal namin hindi nagkita. Nagta-trabaho na kasi ito katulad ni Nolan. Pero mas pinili nito na rito mag-trabaho sa bayan namin sa isang commercial bank. Mula nang maging kami ni Nolan ay bihira ko na siyang makita at ayon dito ay may girlfriend na rin daw ito na siguradong dahilan kung bakit bihira na itong pumasyal sa kanila. Sa ilang buwan na hindi ko siya nakita ay parang may ipinagbago naman ito na mukhang mas bagay dito kesa sa dati na mukhang puro kalokohan lang ang alam. Halos hindi ko pala namalayan ang bilis ng panahon. Ilang buwan na lang at first year anniversary na rin namin ni Nolan na ngayon ay nagta-trabaho sa isa sa pinakamalaking land developer sa bansa na nakabase sa Maynila. Lingguhan siya kung umuwi na ayaw niya noong una pero napilitan na rin sa pangungumbinsi namin ni Tita Eva. Masyado kasing delikado at nakakapagod kung mag-uuwian siya araw araw mula sa trabaho. “Kumusta ka naman? Bakit ka nandito? Mag-aaral ka ulit?” biro ko. “May iniabot lang akong document kay Dean Cabral. Eh nakita kita, kukumustahin ko sana ‘yong pinsan ko kung nakakatagal pa sa ‘yo,” ganting biro nito kasabay ng nakakalokong tawa. Ngumiwi ako at inirapan siya. “Akala ko pa naman ay nag-mature ka na. Well, of course.. Diyan ka na nga!” “Wait, Anika! Hindi ka na mabiro, peace na tayo, my soon cousin in-law?” Napangiti akong nilingon siya saka tinaasan ito ng kilay. Bigla kasi akong kinilig sa huling sinabi niya. Tumikwas naman ang nguso nito na napangisi. “Kilig na kilig?” Nawala ang ngiti ko na inumangan siya ng suntok. “Napaka-war freak mo talaga! I-libre mo na lang ako ng kape, tutal naman ay masaya ka ngayon. Nabingwit mo na ang pinsan ko na matagal mong pinangarap plus makakapagtrabaho ka pa sa ibang bansa,” nakangiting biro nito. Pinaglapat ko ng mariin ang mga labi ko at pinanliitan siya ng mga mata na lalo naman inilakas ng tawa nito. Sa huli ay pinagbigyan ko rin ang paanyaya nito na kumain sa labas pagkatapos nitong tawagan si Nolan at ipinagpaalam ako rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD