Chapter 16

1539 Words
“Anong nangyari, Twinny?” tanong ko at agad na nilapitan si Jessica na nakaupo sa kama habang hilam ang mukha sa luha. Nakatalungko ito habang yakap yakap ang tuhod. “Hoy, ano ba'ng problema?” ulit kong tanong nang hindi ito sumagot at nanatiling nakatitig sa kama. Nagsisimula na akong mag-alala dahil mula nang magdalaga kami ay ngayon ko lang ito ulit nakitang umiyak. Muli itong humikbi kasabay ng tuloy tuloy na pagbalisbis ng mga luha sa mga pisngi nito saka unti unting tumingin sa akin. “I failed again,” bulong nito. “Saan?” nagtatakang tanong ko habang mahigpit na hawak ang kamay niya. Nitong mga huling linggo ay bihira kaming magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap dahil na rin sa magkasalungat naming schedule sa school at madalas akong busy sa pagre-review habang ito naman ay busy sa mga photoshoot at rehearsals. Halos sa umaga na lang kami nagkakausap at nagkakasabay sa pagkain. “’Yong pera ko, wala na,” nanginginig ang mga labing sambit nito. “Anong wala na?” kinakabahang tanong ko. Naalala ko ang halaga ng natanggap niyang bayad sa unang endorsement nito na halos umabot sa mahigit dalawang daang libong piso. Tanda ko pa na nagtatalon ito sa tuwa nang ipakita sa akin ang nakasulat sa tseke na nasa pangalan nito. Bukod doon ay may dala pa itong iba’t ibang klase ng pasalubong para sa amin nina Mama at Papa. Pati na rin ang mga sumunod niyang talent fee na kung susumahin ay alam kong hindi birong halaga. “Gusto ko lang naman na kumita ‘yong pera na ‘yon para mabilis natin maipagamot si Papa pero…” Itinakip nito ang mga kamay sa mukha at muling humagulhol. “Hindi kita maintindihan. Paanong nawala ang pera mo? ‘Di ba nasa banko lang ‘yon?” Umiling ito habang nakasubsob pa rin ang mukha sa mga palad. “Mga hayop sila! Pinaghirapan ko ‘yong pera na ‘yon para kay Papa pero kinuha nila ng gano’n gano’n lang.” “Pa’no? Sino’ng tinutukoy mo?” Tumigil ito at nakahikbing tumitig sa ‘kin. “Si Paloma, ‘yong make up artist ko. S..sabi niya, kikita raw ‘yong pera ko ng 25% kapag in-invest ko sa Golden East Asset. ‘Yon pala, scammer sila!!!” halos maglupasay itong dumapa pagkasabi niyon. Napatayo naman ako sa gulat. “Ano? ‘Wag mong sabihin na in-invest mo lahat ang pera mo?” Tumango ito habang nakadapa. Napaawang ang bibig ko at hindi makapaniwala sa narinig habang pinagmamasdan ito. “Jess naman,” nanlalambot na sambit ko. Sana pala ay tinanggap na iyon ni Mama nang ibinigay ni Jess ito noon. Pero sabi ni Mama ay i-deposito na lang ito sa bank account niya para ma-enjoy muna nito ang unang sweldo. At kung sakaling may kailangan siya ay may mapagkukunan agad ito. Hanggang sa ganoon na din ang nangyari sa mga perang natatanggap nito. Lahat iyon ay ipinalagak ni Mama sa banko. Para sa isang teenager na tulad namin ay hindi ganoon kadali ang kumita ng ganoon kalaking halaga. Alam kong dugo’t pawis ang ipinuhunan niya para kitain iyon. Kaya kahit hindi ako sang-ayon sa ginawa niya ay hindi ko naman ito masisisi at hindi rin tamang sisihin siya sa nangyari dahil hindi naman niya ito ginusto. May mga tao lang talaga na mapagsamantala sa kapwa. Umupo ako sa tabi niya at hinagod ang likod nito. “Tahan na, Jess. Mahahabol mo pa naman siguro iyon. Ano ba’ng sabi ni Mama?” Bigla itong bumangon at humarap sa akin saka marahas na pinahid ang luha. “Hindi pa alam nina Papa ang nangyari. At ‘wag mong sasabihin sa kanila, ha? Kailangang mabawi ko muna ang perang ‘yon!” “Ha?” nakakunot ang noong tanong ko. “Hindi mo ipapaalam sa kanila? Kaya mo bang bawiin ‘yon mag-isa?” Umiling ito. “Hindi. Pero marami kami na nabiktima ng hayop na baklang ‘yon. Kaya magtutulungan kami para mabawi ang pera namin at mapakulong ang hayop na ‘yon!” determinadong sambit nito habang naniningkit ang mga matang tumingin sa kawalan. Sa huli ay tumango na lang ako at sinubukang papayapain ang loob nito. Hindi man ako sang-ayon sa desisyon nito dahil tiyak akong mahihirapan itong mabawi ang perang iyon ay natatakot din ako na baka ikapahamak nito ang maaaring mangyari. Napalingon kami sa pinto nang marinig ang boses ni Mama na tinatawag ako dahil naghihintay daw sa akin sa labas si Nolan. Sumenyas si Jessica na kunwari ay natutulog siya. Medyo namumugto at mapula ang mga mata nito na halatang galing sa matinding pag-iyak kaya alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Tumango ako saka nagmamadaling lumabas ng kwarto at isinara agad ang pinto. “Si Jessica?” tanong ni Mama na sisilip pa sana ito sa loob ng kwarto. “Natutulog, Ma. ‘Wag daw muna siya gisingin dahil masyado raw napagod “ Tumango naman ito at naunang naglakad palayo. “Ganoon ba? Baka naman nasosobrahan na ‘yan sa pagod dahil pinagsasabay niya ang pag-aaral at trabaho. Hindi naman niya kailangan ang magtrabaho agad.” Sinabayan ko siya sa paglalakad at ikinawit ang kamay sa braso nito. “Ma, alam mo naman na maalaga si Jess sa katawan kaya paniguradong hindi niya pababayaran ang sarili niya.” “Ang gusto ko lang naman ay unahin niyo at makapag-focus kayo sa pag-aaral. At kapag nakapagtapos na kayo ay saka mag-trabaho. Hindi tulad nito na hindi na natin siya halos nakakasabay sa pagkain.” “Ah…Ang sweet talaga ni Mama. Kaya love na love ka namin eh! Pero 'wag ka nang magtampo kay Jess, ok?” malambing na sambit ko saka hinalikan siya sa pisngi na dagling nagpawala ng paglukot ng mukha nito. “Hmm, bolera ka talaga! Sige na, puntahan mo na si Nolan. Magluluto na ako at sabihin mo sa kanya ay dito na rin maghapunan.” “Thank you, Ma.” Muli akong humalik sa pisngi nito saka nagmamadaling iniwan ito. Nadatnan ko si Nolan na bahagyang nakaupo sa barandilya na agad na ngumiti at sinalubong ako. “I miss you!” sambit nito na agad akong binigyan ng mabilis na halik sa pisngi saka mahigpit na niyakap. “I miss you, too!” bulong ko na tinugon ito nang mas mahigpit na yakap. “Bakit ngayon ka lang?” Dapat kasi ay kagabi pa ito nakauwi pero kailangan daw nito na mag-overtime. At tuwing mangyayari iyon ay madaling araw pa lang ay bumabyahe na ito na agad na dumidiretso rito. Pero ngayon ay hapon na at mukhang kadarating lang nito. “Nasira ‘yong kotse ko kaya ipinagawa ko muna. Magko-commute na nga lang sana ako kaso hindi pwede dahil masisira ang plano ko,” makahulugang sagot nito na hindi ko masyadong binigyang pansin ang huling sinabi nito. “Bakit kasi hindi ka na lang kumuha ng bagong kotse? Baka itirik ka pa niyan sa delikadong lugar lalo na kapag umuuwi ka sa gabi. Kaya naman na ng sweldo mo, ‘di ba?” Ngumiti ito at hinawakan ang kamay ko saka iginiya ako paupo sa mahabang sofa dito sa terrace. “Hindi pwede, may pinaglalaanan ako at saka mabait sa akin ang buddy ko kahit luma na ‘yon. Kahit kelan hindi pa ‘ko no’n iniwan sa ere.” Tumatango tango ako saka muling naisip ang problema ni Jessica. Nag-aalala talaga ako sa isang ‘yon. May pagka-impulsive kasi iyon lalo na kapag galit. “Malalim yata ang iniisip mo,” untag nito. Pinilit kong ibalik sa normal ang mood ko. Kadarating lang nito galing sa trabaho at ayoko naman na pati ito ay idamay sa pag-iisip sa problema namin. “Wala, naalala ko lang na meron pa pala akong hindi nasasabi sa ‘yo,” nakangiting sambit ko habang tinataas taas ang kilay ko. “Guess what?” Tumabingi ang bibig nito na kunwari ay nag-iisip. “Nanalo ka sa lotto?” tumatawang tanong nito. “Hindi ‘no?” Ngumuso ako at inirapan siya. “Pumasa ako exam! Board exam na lang ang hihintayin ko at sigurado na ang trabaho ko sa Canada!” kinikilig na pagbabalita ko rito. Unti unting nawala ang ngiti nito saka tumango tango. “Congrats!” mahinang sambit nito na may pilit na ngiti sa mga labi. Kumunot ang noo ko saka tinitigan ito. “Congrats? Eh bakit ganyan ang mukha mo? Mukha naman hindi ka masaya.” Bumuntong hininga ito saka yumuko. Hinawakan nito ang kamay ko saka hinaplos haplos iyon. “Gusto mo ba talagang magtrabaho sa ibang bansa?” “’Di ba noon pa naman? Alam mo naman ang pangarap ko.” Pinagmasdan ko siyang mabuti at hindi nakaligtas sa paningin ko ang pagguhit ng lungkot sa mga mata nito. Maya maya ay ngumiti ito at tumingin sa akin. “So, kailangan pala natin mag-celebrate. Tamang tama. Let’s have a double celebration!” “Bakit double?” Tumaas taas ang kilay nito saka kumindat. Pagkatapos ay pinatalikod ako at pinapasok sa loob sa loob ng bahay. “Dinner date tayo,” bulong nito. Napanguso ako habang nakangiti. Medyo matagal na rin nang huli kaming nag-date kaya mabilis akong tumango at nagpaalam kay Mama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD