Gulat na napaangat ang ulo ko mula sa pagkakayuko sa laptop nang marinig ko ang marahas na pagbukas ng pinto ng kwarto at iniluwa noon si Jessica.
Hindi ako nakahuma nang mabilis itong lumapit sa akin at pinakawalan ang isang malakas na sampal sa aking pisngi.
“Jess?”
Hindi makapaniwalang tumingin ako sa kanya habang hawak ang pisngi ko na agad na nag-init sa tindi ng lakas ng sampal niya.
Mula sa mukha nito ay bumaba ang mga mata ko sa passbook na hawak niya pati na rin sa ilang papel na kasama nito.
“Masaya ka na, ha?” galit na tanong nito. “Pinakiusapan kita na ‘wag mong sasabihin kina Papa ang nangyari pero anong ginawa mo?”
“Ano?” nagtatakang tanong ko.
Hindi agad rumehistro sa utak ko kung saan iyon nanggaling. Sandali akong napipilan hanggang sa itinaas nito ang hawak na papel at inihagis sa akin.
Sinalo ko iyon saka binasa. Napatango ako kahit na hindi ko inaasahan ang nakitang matinding galit sa mga mata niya.
“Nakita ni Mama ang passbook mo, hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa kanya kaya wala akong nagawa kung hindi sabihin sa kanya ang totoo,” malumanay na paliwanag ko.
“Nakita o sinadya mong ipakita sa kanya?”
Napaawang ang labi ko at hindi makapaniwalang tumingin ako sa kanya. “Anong sinasabi mo? Bakit ko naman gagawin ‘yon?”
“Dahil pabida ka!” sigaw nito. “Kung talagang hindi mo intensyon na magalit sa akin sina Mama at Papa, hindi mo dapat sinabi ang totoo!”
Hindi ko mapigilan na magpanting ang tenga sa narinig mula sa kanya dahil wala naman katotohanan ang mga sinasabi niya.
“Anong gusto mong gawin ko, magsinungaling ako? Alam mong masama na ang loob ni Mama dahil inilihim mo na hindi ka na pala pumapasok pagkatapos gusto mo pang dagdagan ulit ng isa pang kasinungalingan? Sa palagay mo ba, maitatago mo sa kanila ang tungkol sa bagay na ‘yan?”
“Oo, dahil malapit ko nang mabawi ang perang 'yon. Pero dahil ang galing mo, pinangunahan mo ako at ipinaalam mo agad sa kanila gayon hindi na sana nila kailangang malaman pa!” bulyaw nito. “Isa pa wala kang karapatan na pangunahan ako o sabihin sa akin kung tama o mali ang ginagawa ko dahil buhay ko ‘to!”
Napakurap-kurap ako habang kinakagat ang labi ko. Malungkot ang mga matang tiningnan ko siya habang pinipigilan ang luha mula sa nag-iinit kong mga mata. “Kapatid mo ‘ko, Jessica. Concern lang ako sa ‘yo… Hindi mo kailangan magalit nang ganyan,” mababa ang boses na sambit ko.
Tumawa ito nang mapakla saka napapailing na tinitigan ako saka nagpakawala ng ilang palakpak. “Wow, thank you! Nakalimutan ko, napakadalisay mo nga pala,” sarkastikong pakli nito.
Nagtitimping sinalubong ko ang galit niyang mga mata. “Sorry kung nagkamali ako. Sorry kung pakiramdam mo ay pinangunahan kita pero wala akong intensyon na masama,” I sincerely said.
Matagal at mataman niya akong tiningnan saka ngumisi ito. “Ang perpekto mo talaga! Bravo!” dagdag nito habang umiling iling.
“Jess…” sambit ko.
Mapait itong ngumiti pagkatapos ay matalim ang mga matang muli akong sinulyapan bago ito tumalikod at tuluyang lumabas. Pagkatapos ay pabalibag nitong isinara ang pinto.
Naiwan akong tulala at hindi makapaniwala sa katatapos lang na argumento.
Hindi ko lubos maisip na kayang sabihin sa akin iyon ni Jessica at iyon ang iniisip niya sa akin. Maayos ang relasyon namin bilang magkapatid. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng iringan sa pagitan namin dalawa pero pagkatapos ng mga sinabi niya, pakiramdam ko ay may matagal na siyang itinatagong sama ng loob sa akin. Na hindi ko maintindihan kung paano at saan nagsimula.
Nanghihinang napaupo ako sa gilid ng kama saka mabigat ang loob na ipinagpatuloy ang ginagawa.
Alam kong lilipas din ang galit at sama ng loob niya at pilit pinapaniwala ang sarili na hindi nito sinasadya at nabigla lang sa mga nasabi.
--
Bumuga ako ng hangin habang hinihintay si Nolan. May usapan kami na magkikita ngayon pero halos kalahating oras na ay wala pa siya.
Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang kumprontahin ako ni Jessica ganoon din nang huli kaming magkita ni Nolan.
Pakiramdam ko ay napakahaba ng dalawang linggo na iyon. I suddenly felt alone. Hindi ako kinikibo ni Jessica. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob niya sa akin. Kakausapin lang niya ako kapag kaharap sina Mama pero kapag naiwan na kaming dalawa lang ay para akong hangin sa kanya.
Hindi ko alam ang gagawin. Pakiramdam ko ay sa akin niya ibinubuhos ang frustrations niya. Pinagbawalan na kasi siya ni Mama na bumalik sa pagmo-modelo o sumali sa kahit na anong beauty contest. At nagkaroon sila ng kasunduan na magagawa lang niya iyon sa oras na maka-graduate siya sa kolehiyo.
Muli akong tumingin sa suot kong relo. Hindi na siguro darating si Nolan. Habang tumatagal ay nawawalan na ito ng oras sa akin maliban lang sa hindi nito nakakaligtaan tumawag sa akin bago matapos ang bawat araw.
Hindi naman siya nakakalimot na kumustahin ako pero pakiramdam ko ay napakalayo niya sa akin. Madalas itong humingi ng pasensya dahil masyado raw siyang maraming inaasikaso ngayon.
Kahit gusto ko nang magtampo ay pinipigilan ko at pilit siyang inuunawa. Dahil alam ko at nararamdaman ko na may mabigat siyang pingdaraanan bukod sa trabaho na lagi niyang idinadahilan sa akin.
Muli akong tumanaw sa entrance ng restaurant kung saan kami madalas magkita.
Kahapon ay hindi na rin siya nakarating sa graduation ko. Malungkot akong yumuko habang kagat ang labi ko. Hindi na siguro darating ‘yon. Kinuha ko ang bag ko at akmang tatayo na nang tumunog ang cellphone ko.
Agad kong sinagot iyon nang makita kung sino ang tumatawag. “Hello?”
“Sorry, babe. I can’t make it today,” malungkot at malalim ang boses na sambit nito.
Pinaglapat ko ang mga labi ko saka tumango-tango. Ayoko nang magtanong pa dahil tingin ko naman ay alam ko na ang dahilan nito.
“Ok,” mahinang sagot ko.
Sa totoo lang ay gusto ko nang umiyak dahil hindi ko na mapigilan ang sama ng loob na nararamdaman ko ngayon. Pakiramdam ko ay napakalaki ng ipinagbago niya.
Gusto kong papaniwalain ang sarili ko na dahil lang iyon sa trabaho pero bakit pakiramdam ko ay may iba siyang pinagdaraanan na ayaw niyang ipaalam sa akin. Na hindi ko nakasanayan.
“Galit ka ba?”
Huminga ako ng malalim. “Kung oo ba ang sagot ko, sasabihin mo sa akin kung ano’ng problema?”
Narinig ko ang pagbuga nito ng hangin sa kabilang linya na tila ba may kung anong bumabagabag sa kanya. “Marami lang akong kailangang asikasuhin ngayon. Ang daming problema na kailangan kong ayusin.”
“Eh tayo ba, Nolan, wala ba tayong problema?”
“Anika, please! Pagbigyan mo muna ako ngayon. ‘Yon lang ang hinihingi ko sa ‘yo," tila nahihirapang pakiusap nito.
“Hindi pa ba pagbibigay at pag-unawa ang ginagawa ko? Girlfriend mo ‘ko pero wala ka ng oras sa ‘kin. Kahit sa mahahalagang araw ko, wala ka sa tabi ko. At kahit problema mo, hindi mo magawang sabihin sa akin,” sambit ko sa pinakamahinahong tono.
“Hindi mo ‘ko naiintindihan—”
“Eh di ipaintindi mo sa ‘kin! Handa naman ako makinig at damayan ka. ‘Wag lang ganito, ayoko ng ganito tayo.”
Hindi ito sumagot. Ilang sandali akong naghintay bago ko narinig ang mabigat at malalim na buntong hininga niya.
“Pagod ka na ba?” malungkot na tanong nito.
Napaawang ang labi ko. Sandali akong napipilan dahil bigla akong kinabahan sa tanong niya. Maya maya ay kinagat ko ang labi ko saka umiling dahil bigla akong nakaramdam ng pangamba.
“Sorry, kung nahihirapan ka na. Alam kong marami akong pagkukulang at inaamin ko ‘yon.” Tumigil ito sandali at naramdaman ko ang pag-aalangan sa boses niya. “Siguro… kailangan muna natin bigyan ng oras ang isa’t isa.”
“A…Anong ibig mong sabihin?” kinakabahang tanong ko. “Are you breaking up with me?”
“No, that’s not what I’m trying to say, Anika. I just need a space…habang magulo pa, habang inaayos ko pa ang sarili ko—”
Hindi ko na napigilan ang sariling humikbi. “Nolan, please! ‘Wag naman ganito.”
“Anika,” anas nito.
“Paano ang plano natin? Isang buwan na lang aalis na tayo, ‘di ba? Pupunta tayo sa California? Nangako ka sa ‘kin, sasama ka sa ‘kin doon, ‘di ba?” umiiyak na tanong ko.
“Don’t make it hard for me, Anika. Hindi ko sinasadya but things suddenly change. Hindi ako pwedeng umalis.”
Tumango tango ako pagkatapos ay marahas na pinahid ang mga luha. “So, wala ka palang balak na umalis papuntang California? Surprise ba sana 'yan?" sarkastikong tanong ko. "Fine! Hindi na kita pahihirapan pa. Mula sa araw na ‘to, tapos na tayo!”
Mariin kong kinagat ang labi ko pagkatapos kong ibaba ang telepono. Tumingin ako sa paligid. Nakatingin sa akin ang nakaupo sa katabing table pero wala akong pakialam kung narinig man nila ang mga sinabi ko.
Mas nangingibabaw sa akin ang bigat ng nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung paano ako nakauwi sa bahay. Pagpasok ko ay humalik lang ako sa pisngi ni Papa nadatnan ko na nagbabasa ito ng dyaryo sa terrace.
Pinilit kong pasiglahin ang sarili kahit na gustong gusto ko nang yumakap kay Papa at ibuhos ang sakit na nararamdaman ko pero ayoko nang dagdagan pa ang isipin nito. Lalo’t sigurado ako na sasama ang loob nila ni Mama kapag nalaman ang paghihiwalay namin.
Dumiretso ako sa kwarto saka sumubsob sa kama at doon pinakawalan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
Sobrang sikip ng dibdib ko at hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Hindi ko akalain na darating kami sa puntong ito. Sana ay hindi totoo ang lahat ng ito. Sana ay isa lang itong masamang panaginip.
Hindi ko namalayan kung gaano katagal akong nakatulog. Pupungas-pungas na nangmulat ako ng mata at nabungaran ang seryosong mukha ni Jessica na siyang gumising sa akin.
“Kanina ka pa ipinapatawag ni Mama. Kakain na raw,” walang emosyong pakli nito.
Tumango ako kasabay ng muling paghapdi ng dibdib ko nang maalala ang nangyari kanina.
“Umiyak ka ba?”
Napatingin ako kay Jessica na nakakunot ang noo na tila pinagmamasdan ako.
Napakagat ako ng labi. Mas lalo akong nalungkot nang matitigan siya. Miss na miss ko na ang kakambal ko. Gusto ko siyang yakapin at ihinga ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Pero hindi ko magawa dahil sa harang na ayaw niyang alisin sa pagitan namin.
Yumuko ako saka tumango.
“Bakit?” walang gana pa rin nitong tanong. Tumalikod ito sa akin saka humarap sa salamin.
Sa puntong ito ay hindi ko na nagawang itago ang nararamdaman ko. Tuloy-tuloy na pumatak ang luha ko na kahit yata anong pigil ko ay hindi paaawat.
“Wala na kami ni Nolan,” mahinang sambit ko.
Sandali itong natigilan at mula sa likuran niya ay tanaw ko ang repleksyon niya sa salamin. Natigilan ito saka unti-unting humarap sa akin.
Umaasa ako na lalapitan niya ako at aaluin pero bahagya lang tumaas ang kilay nito saka bumuntong hininga pagkuwa’y hinarap nito ang pagpupusod ng buhok.
“Sa una lang masakit ‘yan,” pakli nito. “Lumabas ka na, kakain na tayo.”
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa tuluyang itong lumabas. Lalo naman nag-unahan sa pagpatak ang masaganang luha mula sa mga mata ko na hindi ko mapigilan. Lalo akong nakaramdaman ang kakaibang lungkot.
Sa loob lang ng dalawang linggo ay dalawa sa pinaka-importanteng tao sa buhay ko ang parehong nawala sa tabi.