Hindi ko na naabutan si Jessica paglabas ko ng bahay. Tumigil ako sandali at kinuha ang cellphone saka tiningnan ang contact list ko.
Hinanap ko ang number ng mga kaibigan nito at isa isang tinawagan pero halos lahat sila ay iisa lang ang sagot. Kung hindi sila tinawagan ni Jessica ay hindi nila alam kung saan ito posibleng magpunta.
Naisip kong puntahan ang pinaka-close nitong kaklase na si Vanessa.
Pero naalala ko na may usapan kami ni Nolan na magkikita ngayon kaya nagpasya akong tawagan muna siya upang magpaalam at pakiusapan itong mamaya na lang pumunta sa bahay pero hindi ko siya makontak. Unattended ang cellphone nito kaya dumiretso na ako sa bahay ni Vanessa.
Katulong lang ang naabutan ko sa bahay nila. Ayon dito ay umalis daw si Vanessa kasama ang Mommy at Daddy nito paluwas ng Maynila kaya umalis din agad ako.
Ilang beses kong tinawagan si Jessica pero hindi nito sinasagot ang telepono. Bumuga ako ng hangin at inilibot ang mga mata sa paligid habang iniisip kung saan ito pwedeng magpunta.
Pumara ako ng tricycle at nagpasyang puntahan sa bahay si Nolan. Magpapasama na lang ako rito na hanapin si Jessica.
Pero mabilis kong pinara ang tricycle ng mapadaan sa bake shop ni Tita Eva. Nasa harapan nito ang kotse ni Nolan na tingin ko ay kadarating lang din dahil naabutan ko pa ito na papasok pa lang sa loob ng bake shop.
“Si Mommy?” agad na tanong nito sa kahera. Mukha itong nagmamadali kaya hindi man lang ako nito napansin na kasunod lang niyang pumasok.
Hindi ako sigurado pero parang galit ang tono ng boses nito.
“Umalis si Ma’am Eva,” sagot ni Dina na tumayo pagkakita kay Nolan. Ito ang pinaka-close sa amin ni Nolan sa lahat ng crew ni Tita rito sa bake shop. Friendly kasi ito at parang Ate na rin namin, matanda kasi ito ng isang taon kay Nolan.
“Kakaalis lang niya. Hindi ba nagpaalam sa ‘yo?” sagot nito na may halong pagtataka.
“I shouldn’t have asked kung nagpaalam sa akin,” sagot nito saka yumuko at nag-umpisang tumipa sa cellphone nito.
Napatingin sa akin si Dina na bahagyang tumaas ang kilay. Napangiwi naman ako at sumenyas na ‘wag na lang niya itong pansinin.
Pero ngumuso lang ito at iniikot ang mga mata saka nagsalita. “Ang sungit nitong boyfriend mo? Nag-away ba kayo?”
Noon lang lumingon sa akin si Nolan na mukhang hindi talaga naramdaman ang presensya ko.
"Anika?"
Inalis nito ang pagkakalapat ng cellphone sa tenga saka lumapit sa ‘kin. Seryoso at lukot ang mukha nito.
“Ok ka lang ba?” nag-aalalang tanong ko. “Nakaistorbo ba ako?”
Ilang sandali niya akong tiningnan pero walang salitang lumabas sa bibig nito. Hindi ko alam kung gaano katagal na magkahinang ang mga mata namin pero isa lang ang nasisigurado ko, something isn’t right.
Maya maya ay pilit itong ngumiti saka umiling. Hinawakan niya ako sa kamay at iginiya sa isang bakanteng table.
“Ok ka lang?” muling tanong ko.
“Milktea, pampalamig ng ulo,” ani Dina habang ibinababa sa table ang dalawang baso ng milktea.
Nakangiting tumingin ako rito at nagpasalamat. Tumango naman ito saka bumaling kay Nolan na bahagya lang tumango sa kanya.
Naiiling naman itong tumalikod at iniwan kami at agad na lumapit sa counter at hinarap ang bagong dating na customer.
Muli kong tiningnan si Nolan. Tahimik ko siyang pinagmasdan na tila hindi niya nararamdaman ang presensya ko dahil busy ito sa pag-dial sa telepono niya at paghihintay ng sagot sa kabilang linya. Maya maya pa ay naiinis nitong ipinatong ang cellphone sa table.
Nanatili lang akong nakamasid sa kilos niya. He seems to be quite upset that I refuse to feel his resistance to share it with me.
Hindi naman kasi siya ganoon. Kahit gaano kabigat o kaliit ang problema niya ay agad niyang sinasabi sa akin. Hindi ko kailangang magtanong, he knew exactly how willing I am to listen.
Napakunot ang noo ko nang mapadako ang mga mata ko sa kanang kamay niya na nababalutan ng bandage. “Napa’no ‘yan?” tanong ko kasabay nang pag-abot ko doon upang tingnan iyon pero bigla niya iyong binawi.
Nagulat ako sa reaksyon niya kaya nagtatakang tumingin ako sa kanya. Mataman lang siyang nakatingin sa akin saka umiling. “Wala ‘to,” sambit nito na tila mas sumeryoso pa ang mukha.
Napakunot ang noo ko nang maalala ang tagpo kanina. Ito marahil ang tiningnan ni Jessica kanina na tila sinusuri nito.
Bumuga ako ng hangin saka tumango-tango at pilit na ngumiti. Pipilitin kong itaboy ang namumuong sama ng loob. Malakas ang kutob ko na may problema pero ayaw niyang sabihin sa akin. At ang nakakainis pa ay parang hangin lang ako sa harap niya ngayon.
“Anong oras ka pala umuwi galing Manila?”
“Kadarating ko lang,” bahagya itong ngumiti na halata namang napilitan lang. Kinuha nito ang cellphone at muling nagtipa doon pagkatapos ay muling inilapat sa tenga nito habang nakatingin sa labas. Pinagmasdan ko ang pagkunot ng noo nito at ang marahas nitong pagbuntong hininga.
“Si Jessica… Kasabay mo siya kanina—”
“Oo, I happened to see her along the way kaya isinabay ko na.”
“I see,” tumango-tango ako. “Pero bakit sa may kanto mo siya ibinaba?”
Lalong kumunot ang noo nito nang tingnan niya ako saka ibinaba ang hawak nitong telepono. “Are you trying to imply something?” he asked impatiently.
I frowned and shook my head. “Of course, not. I… I was just…”
Hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko nang tila inis na bumuntong hininga ito kasabay ng pag-iling na para bang isang malaking kasalanan ang tanong ko.
Napipikong umiling na lang ako. “Mukhang wala ka yata sa mood, saka na lang tayo mag-usap.”
Hinintay kong pigilan niya ako at humingi ng pasensya pero mataman niya lang akong tiningnan. Maya maya ay tumango ito at hindi kumibo.
Masama ang loob na tumayo ako at naglakad palabas. Bago tuluyang umalis ay nilingon ko muna siya na ngayon ay nakatayo na habang nakaharap sa bintana at may kausap na sa telepono.
I pouted my lips and left. Parang gusto ko ng umiyak.
This is the first time he treated me this way. Ano ba kasi ang problema niya at bakit ang bilis uminit ng ulo niya ngayon?
Bihira na nga lang kami magkita nitong nakaraang buwan dahil sabi niya ay may malaking project silang tina-trabaho at ngayon na lang sana kami magkakaroon ng quality time pero mukhang may problema pa siya.
Pero kailangan ko siyang unawain. Siguro ay pagod lang ito sa trabaho. O kaya ay nagkaroon ng problema sa trabaho nito kaya naaaburido ito. Bagay na wala naman akong maitutulong.
Humugot ako ng malalim na hininga saka ibinuga iyon at pilit na ngumiti. Alam kong hindi rin siya makakatiis at pupuntahan din niya ako.
Sa ngayon ay kailangan ko muna makausap ang kakambal ko.
Pumara ako ng tricycle at nagpahatid sa bahay.
Nasa may gate pala'ng ako ay narinig ko na ang malakas na boses ni Mama kausap nito si Papa.
They seem to have an argument. ‘Hays, another blow for today!’ bulong ng isip ko.
Napaisip ako kung anong meron sa araw na ‘to. Quota na yata ako. Pero alam kong hindi simpleng problema ang pinasok ni Jessica kaya hindi ito matatapos ng ganoon na lang lalo na kapag nalaman ng mga ito ang isa pang problema.
Atubili akong pumasok kaya naisip kong maghintay na muna sa labas habang nag-uusap pa sila.
Patalikod na ako nang marinig ang pangalan ko na tinawag ni Mama.
Napapikit ako na humarap sa kanila at napilitang pumasok. Tiningnan ko si Papa na malungkot ang mga matang tumingin sa akin.
“Papa,” bati ko rito saka hinalikan siya sa pisngi.
“Nasa’n si Jessica?” tanong ni Mama.
Umupo ako sa tabi ni Papa. “Hindi ko po alam. Kanina ko pa rin siya tinatawagan pero hindi siya sumasagot.”
Bahagyang napatingala si Mama habang hinihilot ang sariling noo. “Ano bang nangyayari sa kapatid mo?” tila nahihirapang tanong nito.
Naaawang tiningnan ko si Mama. Si Papa naman ay umiiling iling habang nakayuko.
“Kung ayaw niyang mag-aral, pwes, ititigil rin niya ang pagta-trabaho!” mariing sambit nito. “At ‘wag mo ko pipigilan, Ben. Lahat na nang gusto niya ay pinagbigyan natin pero hindi ko mapapalampas ang ginawa niyang ito,” galit na turan nito na mabilis na tinungo ang kwarto namin.
Gulat man sa narinig ay mabilis akong sumunod dito. Pati si Papa ay sumunod din sa amin.
Naabutan namin si Mama na hinahalungkat ang mga gamit ni Jessica. Isa isa niyang binuksan ang mga cabinet at drawer nito. Hindi niya pinansin si Papa nang pigilan ito bagkus ay marahas na tinabig ito.
“Ano bang ginagawa mo, Sandra? Hintayin natin si Jessica at pag-usapan natin ang problema. Hindi mo kailangan magalit ng ganyan,” mahinahong mungkahi ni Papa pero hindi siya pinakinggan nito. Patuloy ito sa paghahalungkat na hindi ko malaman kung ano bang hinahanap.
Hanggang sa tumigil ito nang tila natagpuan na ang hinahanap. Nanlalaki ang mga matang napatingin ako sa hawak nito.
“Ma, ano bang hinahanap mo? Tutulungan na kita.”
Lumapit ako rito para subukang ibaling ang atensyon nito sa iba at kunin ang hawak nito.
“Hindi na, nakita ko na,” pakli nito. “Hindi ba’t ito ang dahilan niya kung bakit siya nagta-trabaho?” Tukoy nito sa passbook na bahagya pang itinaas.
Nahigit ko ang hininga nang simulan nitong buklatin iyon.
Napalunok ako habang pinapanood itong titig na titig doon na tila hindi makapaniwala sa nakita. Ilang beses pa nitong binuklat iyon para siguraduhin kung tama ang nakikita niya pagkuwa’y tumingin ito sa akin at itinaas ang hawak na passbook.
“Anong ibig sabihin nito?”