Chapter 20

1785 Words
“Icca, congrats! Balita ko nagpa-process ka na raw ng mga papeles mo papuntang abroad,” bati sa akin ni Princess na biglang sumulpot sa tabi ko. Nakangiti akong humarap sa kanya pagkatapos kong bayaran ang softdrinks na binili ko. Naisipan ko lang lumabas at bumili sa malapit na tindahan habang naghihintay kay Nolan. Pauwi na raw ito pero naipit sa traffic kaya natagalan. “Ikaw pala, Princess. Thank you, kumusta ka na?” “Ok naman, busy pa rin sa mga part time job,” nakangiting sagot nito. “Buti ka pa malapit mo ng matupad ang pangarap mo.” “Ikaw din naman, mabilis lang ang panahon. ‘Di mo mamamalayan graduate ka na—” “Anika, si kambal ba ‘yon?” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko at napasunod na lang ang mga mata ko sa itinuro nito. Mula sa harap ng tindahan na kinatatayuan namin ay nakita ko ang pag-alalay ni Nolan kay Jessica habang papalabas ito sa kotse nito. Napatingin ako sa paligid, isang kanto pa mula roon ang bahay namin. Lumapit ang dalawa sa compartment ng kotse at kinuha ni Nolan ang isang maliit na maleta na alam kong pag-aari ni Jessica. Iniabot nito ang maleta kay Jessica na agad naman kinuha nito. Napangiti ako pero agad din nawala kasabay nang pagtigil ko sa akmang paglapit sa kanila nang makita ko na hinawakan ni Jessica ang kamay ni Nolan na tila sinusuri iyon. Tiningnan ko ang magkahawak nilang mga kamay. Matagal na nakayuko doon si Jessica na tila hinahaplos iyon habang si Nolan ay umiiling na nakatingin din sa kamay niya. Tila ako napako sa kinatatayuan ko habang pilit kong iwinawaksi ang selos na bigla kong naramdaman. Maya maya ay kinuha ni Jessica ang maleta at nagpaalam kay Nolan saka nagsimulang maglakad papunta sa bahay namin. Si Nolan naman ay pumasok sa kotse at agad na umalis. Nagtatakang sinundan ko lang ng tingin ang papalayong sasakyan pagkatapos ay si Jessica na malapit na sa bahay. Tumikhim si Princess na nagpabalik sa ulirat ko. Nilingon ko siya na nakasunod din ang mga mata kay Jessica. Pilit ang ngiting tumingin ako sa kanya. “Baka nadaanan ni Nolan si Jessica kaya isinabay na,” sambit ko na hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang kinukumbinsi ko. “Ano nga ba ang pinag-uusapan natin?” Tumango-tango ito saka nag-aalangang tumingin sa akin. “Kapag free ka o kailangan mo ng kausap, tawagan mo ‘ko. Matagal na tayong hindi nakakapag-kwentuhan,” anito na hinawakan ang isang kamay ko. Bakas sa mukha nito ang simpatya na agad kong pinigilan. Alam kong wala naman dapat ipag-alala sa nasaksihan namin kaya mabilis kong pinalis ang namumuong konklusyon sa isip niya. “Ano ka ba? Wala naman ‘yon, ‘no?” pakli ko sabay subo sa straw ng softdrinks na binili ko. “Sama ka sa medical mission sa weekend, diyan sa kabilang Barangay para naman makapag-kwentuhan tayo.” “Oo, nabanggit na sa akin ‘yon ni Doc Benitez,” tukoy nito sa doktor na naka-assign sa bayan namin. Ilang sandali pa kaming nagkwentuhan pagkatapos ay kusa na itong nagpaalam. Nakangusong naglakad ako pabalik ng bahay. Muling pumasok sa isip ko ang nakita kanina. ‘Paano kaya nagkasama sina Nolan at Jessica? Si Nolan ay galing sa Maynila samantalang si Jess naman ay may photoshoot sa kabilang bayan mula pa kahapon,' tanong ko sa sarili ko. Lumingon ako para tingnan muli kung saan niya ibinaba si Jessica. Bakit kailangang doon pa bumaba si Jessica imbes na sa tapat ng bahay namin? Nagtataka rin ako kung bakit hindi dumiretso si Nolan sa bahay na madalas nitong gawin tuwing umuuwi ito galing sa isang linggong trabaho. Ipinilig ko ang ulo at pilit iwinaksi ang mga tanong sa isip ko habang kagat kagat ang straw ng softdrinks na nasa bibig ko. Pagpasok sa loob ng bahay ay naabutan ko si Jess na kausap si Mama. Mukhang mainit ang ulo nito habang nakapameywang ang isang kamay. Si Jess naman ay nakayuko habang tahimik na umiiyak. “Mama,” tawag ko rito na saglit lang akong tinapunan ng tingin. “Jess, anong nangyari?” “Huh?” Bumuga si Mama ng malakas na hangin saka tumingala pagkuwa’y muling nagsalita. “Ikaw Anika, sigurado ka ba na hindi mo alam ang pinaggagawa ng kapatid mo? O tinulungan mo siyang maglihim sa amin?” Napakunot ang noo ko na nilingon si Jessica na mahigpit na nakahawak sa suot nitong pantalon. “A..ano? Anong lihim?” nagtatakang tanong ko habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Bigla akong kinabahan nang maalala ang problema ni Jessica. Alam na ba ni Mama ang tungkol sa nawala niyang pera? Bahagyang pumikit si Mama habang hinihilot nito ang sariling noo. “Ayan kapatid mo, ilang buwan na pala na hindi pumapasok sa eskwelahan. Kung hindi ko pa nakausap ang Professor niya ay hindi ko pa malalaman,” galit na pahayag nito na idinuro si Jessica. “Ilang buwan na lang at ga-graduate ka na. Bakit hindi ka muna nag-focus doon kesa atupagin ‘yan trabaho mo? Ilang buwan na lang 'yon, Jessica! Sinayang mo pa ang pagkakataon na magkaroon ka ng diploma.” “Ma, sasabihin ko naman sa inyo ang tungkol doon. Humahanap lang po ako ng tyempo. S..saka—” “Saka ano? Saka mo sasabihin sa amin sa araw ng graduation? O magpapanggap ka pa rin na ga-graduate ka?” pasinghal na tanong nito. Napaawang ang labi ko na tumingin kay Jessica na walang nagawang sagot kundi ang umiling. Maging ako ay hindi aware sa kalagayan nito sa eskwelahan. Ang alam ko kasi ay patuloy pa rin itong pumapasok kahit na abala rin ito sa mga raket niya. Tumayo ako at kumuha ng isang basong tubig saka ibinigay kay Mama. Tinanggap naman niya iyon at agad na ininom. “Ma, ok lang ba na mamaya na natin pag-usapan ‘yan? Kadarating lang ni Jess,” mungkahi ko rito. Minsan lang magalit si Mama at alam ko na sa pagkakataong ito ay mahihirapan silang magkaintindihan ni Jessica. Hindi niya ako pinansin bagkus ay muling hinarap si Jessica . “Tingnan mo itong kakambal mo! Sigurado na ang kinabukasan niya. Palibhasa, marunong makinig sa amin kaya ayan makakapagtapos na siya ng pag-aaral at c*m laude pa. Ikaw? Pang habambuhay ba ‘yang pagmo-modelo mo?” “Ma, tama na,” awat ko rito. Tumingin ako kay Jessica na sandaling tumingin sa akin pagkatapos ay tumayo ito. Napalunok ako at tinanguan ito. “Magpapahinga lang po muna ako,” paalam nito na malungkot na tiningnan si Mama. Naaawang sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makapasok sa kwarto namin. Si Mama naman ay umiiling iling na tinapunan lang ito ng masamang tingin pagkatapos ay lumabas. Napakagat ako ng labi. Malamang ay nagtatampo ngayon si Jessica sa mga sinabi ni Mama. Hindi ako sang-ayon na ikumpara kami sa isa’t isa at hindi rin iyon ugali ni Mama kaya nagulat ako nang marinig iyon sa kanya. Siguro ay nadala lang ito ng galit at pagkagulat sa natuklasan. Naiintindihan ko si Mama sa tindi ng pagkadismaya niya dahil noon pa man ay paulit ulit na niya kaming pinapayuhan at hinihiling na makapagtapos kami sa pag-aaral. Iyon lang daw ay masaya na siya at ang makita kami na maging matagumpay sa kursong tinapos namin. Pero naiintindihan ko rin si Jessica. Gusto lang naman niya na makatulong sa pagpapagamot kay Papa kaya sinusunggaban nito ang bawat oportunidad na dumarating sa kanya para kumita ng pera tulad ng lagi nitong sinasabi. “What?!” bulalas ko nang muling maalala ang tungkol sa unang problema nito. ‘Sana naman ay nasolusyunan niya ang problemang iyon.’ Tahimik kong panalangin. Mabilis akong pumasok sa kwarto namin at naabutan ko siya na nakaupong nakatingin sa salamin sa harap ng maliit naming dresser. “Kambal,” mahinang tawag ko rito. Sumulyap ito sa akin habang patuloy na sinusuklay ang mahaba niyang buhok. “Intindihin mo na lang si Mama, nabigla lang ‘yon kanina.” Ngumiwi ito saka tumango-tango. Umupo ako sa gilid ng kama na paharap sa kanya. “Anong nangyari? Totoo ba na hindi ka na pumapasok?” Bumuntong hininga ito saka tumigil sa pagsusuklay pagkatapos ay humarap sa akin. “Three months,” tipid nitong sagot. “Three months ka nang hindi pumapasok?” tanong ko upang kumpirmahin kung tama ang pagkaintindi ko. “Paano nangyari ‘yon? Saan ka nagpupunta tuwing umaalis ka ng bahay?” Yumuko ito saka nilaro-laro ang hawak na suklay. “Hindi ko naman sinasadya at hindi ko intensyon na tumigil sa pag-aaral,” bulong nito. “So, saan ka nga nagpupunta?” Lumunok ito saka tumingin sa akin. “Binabawi ang perang ninakaw nila…” Lalong lumalim ang pagkunot ng noo ko. Sabi niya noon ay naghain na sila ng reklamo sa company na iyon at hinihintay na lang na ipatawag sila sa korte. “Walang nangyayari sa complaint namin kaya kailangan naming umaksyon at tutukan ang kasong ‘yon dahil kung hindi ay baka mas marami pa silang mabiktima.” “Pero delikado 'yon, 'di ba? Hindi ba dapat sabihin mo na lang kina Papa ang totoong nangyari para matulungan ka? Kung nalaman nila ‘yan siguradong hindi ka nila pababayaan na lumaban mag-isa. Hindi mo sana napabayaan ang pag-aaral mo—” “Pwede ba, Anika, hindi ko kailangan ang sermon mo!” pasigaw na pakli nito na ikinagulat ko. “Oo na, ikaw na ang matalino, masunurin at mabuting anak kaya hindi mo na kailangan pa na ipagdiinan sa akin ang pagkakamali ko!” Napaawang ang labi ko dahil sa pagkabigla at sandaling natigilan. Sinundan ko siya ng tingin habang may kinukuha ito sa loob ng dala niyang bag. “Teka, kambal. Hindi naman ‘yon ang ibig kong sabihin—” “Tama naman si Mama, ‘di ba?” Putol nito sa sasabihin ko. Paismid itong tumingin sa akin habang isinusuksok sa bulsa ng pantalon ang cellphone na kinuha niya sa bag niya. “Ikaw ‘yong mabait, matalino, magaling, masunurin, mabuti sa lahat ng bagay… perpektong anak!” halos pasigaw na bulalas nito. “Habang ako, isang malaking disappointment! Minsan na lang sana makakatulong sa pamilya, tatanga-tanga pa!” Pagkasabi niyon ay lumabas ito ng kwarto at pabalibag na isinara ang pinto. Wala akong nagawa kundi sundan siya ng tingin hanggang sa tuluyang itong makalabas. Hindi ko mapigilan ang mga luha ko dahil sa mga sinabi niya. Alam ko naman na hindi madali ang pinagdadaanan niya ngayon pagkatapos ay pinagsabihan ko pa. Tumayo ako at nagpasyang sundan si Jessica. Alam kong masamang masama ang loob niya sa mga nangyayari kaya hindi ko na siya dapat sinisi pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD