Kabanata 6 - Modelo

1263 Words
Sobrang saya ko na matagal kong nakatabi si Rinniel kanina. Hindi ko na kailangan pang gumala sa engineering department para lang masilayan siya. Sapat na iyong kanina bago pumasok. Mas naging attentive ako sa classes. Ganito pala kapag inspired, lalong gaganahang mag-aral. Sana araw-araw ganito para naman mas sisipaging pumasok. Hinihintay ko ang message ni Rinniel para sa contract. Ilang araw kaya ang photoshoot na sinasabi nila? Sana hindi magtaka sila Mom at Dad kapag nakita nila ako sa site. Awasan na kaya dumiretso agad ako palabas ng room. Wala namang pumapansin sa akin kaya matiwasay lagi ang pagpasok at uwi ko. Pagkalabas ko ng gate ay naglakad na ako papuntang kanto kung nasaan ang driver ko. Napalingon ako sa aking likuran. Parang may tao sa likuran ko. Sanay kasi ako na wala masyadong estudyanteng naglalakad dito. Mga ibang tao lang din ang naglalakad sa area na ito. Paglingon ko ay may nakita akong lalaking naka earphone na seryoso lang siyang naglalakad at diretso ang tingin. Sa school din namin siya pumapasok at ngayon ko lang siya natyempuhan dito. Tumigil muna ako sa paglalakad dahil nagkunwari ako na may hinahanap sa bag. Ayoko kasing may makakita sa akin na maganda pala ang sasakyan ko. Napatingin ulit ako sa lalaki. Ngayon ko lang na-appreciate ang itsura niya. Sobrang gwapo niya pala at malakas din ang dating katulad ni Rinniel. Sikat kaya siya sa school o sadyang ayaw niya lang din sa atensiyon? Binaba ko ang aking tingin para hindi niya mapansin na nakatingin ako sa kaniya. Lumagpas na siya sa akin kaya medyo nakahinga ako nang maluwag. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa lumiko na siya sa kanto. Naglakad na ulit ako para makauwi na rin ako. Gusto kong kausapin si Charlie para maliwanagan sa trabahong sinasabi niya. Sinilip ko muna ang lalaking lumiko sa kanto. Wala na siya kaya siguradong may pinasukan iyong kanto. Bakit kaya? Scholar din kaya siya katulad ko? Parang naging interesado tuloy ako sa kaniya. "Ma'am Mori, sino po ang hinahanap ninyo?" tanong ni Manong. "May nakita lang po akong estudyante na naglakad kanina paliko sa may kanto po na ito. Napansin mo po ba?" sagot ko. "Iyong lalaki na akala ko mukhang modelo? Lumiko nga siya at hindi ko na napansin kung saang kanto ulit siya lumiko. Mabilis siyang maglakad e. Tumingin lang ako sa iyo saglit, bigla na lang siyang nawala," paliwanag ni Manong. Pinaandar na ni Manong ang sasakyan kaya sumakay na ako. Mahirap na kung may kaklase pa akong makakita sa akin. Ang lalaki na nakita ko kanina ay parang umiiwas din sa mga tao. Sa bilis ba naman niyang maglakad, tiyak na ayaw niya rin ng atensyon. Pag-uwi ko ay bumungad na agad si Charlie sa may sala. Mukhang hinihintay niya ako kanina pa. Tamang-tama lang na naghihintay siya dahil ako ang maraming tanong. "Hey! Ano iyong kanina? Mga pakulo mo talaga," tanong ko sa kaniya. "Ayaw mo ba iyon? At least ay mas napapalapit ka na kay Rinniel? Pwede ka pa namang umatras kung gusto mo. Ang pinsan natin ang kukunin ko, sige ka," banta niya sa akin. Padabog akong lumapit sa kaniya. Reklamo ko, "Ano ba iyan? Ako ang inalok tapos ipapasa sa iba? Pwede ba iyon? Siyempre dapat ako ang makakasama ni Rinniel, hindi ang bruha nating pinsan." "Iyon naman pala e. Siya kasi ang kinuha ng company na modelo para sa bago nating produkto. Kailangan natin ng maraming followers na modelo para sumikat agad ang produkto na iyon. Sakto na naisip kong bigyan siya ng assistant, tutal ay isang linggo rin gagawin ang photoshoot at video na pang-promote," paliwanag ni Charlie. Tama talaga na si Rinniel ang kinuha nila. Sobrang sikat kaya niya at malaki ang fan base sa bansang ito. Isa na ako sa nagha-handle ng fan base niya kaya alam na alam ko iyon. Tiyak na mas makakatulong ako sa pag-promote ng mga products namin. "Knowing na ang mga fans niya at binibili lahat ng mga pino-promote niya, tiyak na malaki ang magiging sales natin. Grabe, nakaka-proud iyan kung sakali. Ako na agad ang unang magsasabi sa kapwa fans ko ng produkto natin. Akalain mo na may purpose pala ang fan base namin sa business natin?" natatawang sabi ko. "Kaya nga e. Naalala ko na sobrang dami mo nga palang members sa group na ginawa mo. Ikaw pa talaga ang paparazzi nila para magbigay ng mga nagkalat na larawan ni Rinniel sa loob ng school," saad ni Charlie. "Well, hindi lang naman kasi ako ang fan niya sa school. May mga members din na kapwa estudyante ko. In fact, may mga kaklase pa nga ako. Hindi lang nila alam kung sino talaga ako. Wala akong profile picture sa dummy account ko, hindi ba?" proud pa na sabi ko. "Mag-iingat ka ha? Mali iyang ginagawa mo dahil kailangan din ni Rinniel ng privacy, lalo na sa loob ng school. Know your limitations. Madali na ring malaman kung sino ang mga tao behind different dummy accounts," paalala ni Charlie. "Oo, alam ko naman iyon. Isa pa, nakalimutan mo atang IT ang course ko. Bago ko pa iyan kinuha, marami na akong alam sa ganitong bagay kaya trust me, walang makakabuking sa ginagawa ko. Ikaw nga lang ang nakakaalam sa tungkol dito kaya ikaw ang huwag maingay," depensa ko naman. Marami na akong napag-aralang hacks sa computer kaya hindi naman ako makikita at mahahanap ng kung sino man. Kahit nga ang mga magagaling sa social media na miyembro namin, hindi magawang mahanap ang larawan ko. Nakaka-proud lang na marami akong alam na gawin. Kahit ang location ko ay hindi nila makikita. Kailangan pa nilang gumastos ng malaki para magbayad sa pinakamagagaling mag-hack ng accounts o makita ang details ng totoong users. "Oo, hindi ka nga makikilala sa social media mo, paano naman kung mahuli ka ni Rinniel sa personal?" tanong pa ni Charlie. "Hindi iyan. Huwag kang masyadong negative diyan. Basta tuloy pa rin ang aking mga ginagawa pero mas magiging maingat ako," pagbibigay assurance ko sa kaniya. Bumuntong hininga si Charlie. Alam ko namang ayaw niya sa ginagawa ko. Gustong-gusto ko lang talaga si Rinniel kaya ko ito ginagawa. "Kailan mo ito titigilan?" tanong niya. "Kapag siguro may asawa na siya? Ang jowa kasi ay naghihiwalay pa naman," sagot ko. Napailing na lamang si Charlie. Disappointed siya sa akin pagdating sa mga ganitong bagay at tanggap ko naman iyon. "Kung nag-aayos ka sana, mas malaki ang chance na pansinin ka niya. Bakit hindi mo subukang magbago? Mas magiging malapit ka naman sa kaniya kung malalaman niyang anak ka ng isa sa bigating owners ng kumpanya," suggestion ni Charlie. "Hay naku, Charlie. Hindi effective sa akin ang ganiyan. Alam mo namang ayoko ng atensyon kapag naging maganda ako sa paningin ng iba. Hindi naman ako naghahangad na maging kami ni Rinniel. Fan niya lang talaga ako," sagot ko. "Fan pero patay na patay sa kaniya. Ano kaya iyon?" natatawang sabi ni Charlie. "Anyway, ikaw naman ang bahala. Basta ang sa akin lang, mag-iingat ka at huwag masyadong obvious. Paano kita maipagtatanggol kapag na-bully ka na naman?" "Hindi na iyan. Kaya nga mag-aaral din ako ng self-defense simula next week para maalam na rin akong lumaban kapag alam kong kinakailangan," ika ko. Hinayaan na ako ni Charlie. Pumasok na rin siya sa kwarto niya para magbihis. Alam kong hirap na hirap na siya sa pagpapanggap ko bilang nerd. Hindi man lang niya masabi sa iba na may kapatid siya. Nagagawa niya pang magsinungaling dahil sa akin. Darating din ang panahon na babalik din sa normal ang lahat. Hindi lang sa ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD