MILES
Nag-overnight kami ng team sa condo unit ni Jared. Dapat ay magre-rent kami kahit isang kuwarto lang, pero nag-insist siya na sa condo niya na lang kami mag-stay for the night. Tutal, lima lang din naman kami at kayang i-accommodate ng unit niya.
Malaki ang condo unit para sa isang bachelor na kagaya ni Jared. Malinis at kumpleto sa lahat ng gamit. Parang mas malinis at maayos pa nga ang kuwarto niya kaysa sa kuwarto ko.
Ilang beses na rin naman akong nakitulog dito sa unit niya noong mga panahon ding puro overtime sa work at halos madaling araw na kaming umuwi. Mas malapit kasi itong condo niya kaysa sa bahay namin at hinihintay niya ako palagi para ihatid pauwi. Ayoko namang mapagod siya lalo kaya dito na lang ako minsan nakikitulog.
At gaya ngayon, may kinailangan kaming tapusing tasks ng team para sa ire-release naming project. Deployment iyon sa susunod na araw at kinailangan naming mag-overtime para tapusin ang ilang bugs sa system na nakita ng QA team.
Alas singko y medya pa lang ng umaga ay umalis na ang mga developers ko. Ako naman ay nag-stay na muna dito sa unit ni Jared. Mamayang tanghali pa kami papasok para may oras pa para makapagpahinga at matulog.
Tatlong araw na rin ang nakakalipas nang matapos ang birthday ko. I was drunk and wasted according to Jared. Hindi ko naman matandaan ang mga sinabi at pinaggagawa ko kaya siguro tama siya. Lasing nga talaga ako.
Naghihintay ako sa kanya habang umiinom sa bar counter. Super late na kasi siya. Si Dave pa nga ang kasama at kausap ko bago siya dumating. At iyon na ang huling natatandaan ko. The rest after that, it was all blurred to me.
Ang kuwento pa ni Jared, I sang to my heart's content. Nag-duet din daw kami bago ako tuluyang makatulog dahil sa sobrang kalasingan. Siya rin ang naghatid sa 'kin pauwi that night. Dahil nga malabo na sa' kin ang mga nangyari ng gabing iyon, nagpapasalamat pa rin ako dahil nandoon si Jared para asikasuhin ako.
Panay rin ang pagbibida ni Max kay Jared. Kung gaano raw ako kasuwerte at mayroong Jared Jimenez na handang intindihin at hintayin ako.
I couldn't agree more. Masuwerte nga ako na may isang Jared na dumating sa buhay ko. He would do his best to make me smile. He would always listen and be there for me without asking anything in return. He made me feel I wasn't alone anymore. At kung hindi dahil sa kanya, siguro hanggang ngayon ay malungkot pa rin ako at nagmumukmok habang naghihintay sa walang kasiguraduhang pagbabalik ni Nate.
Naalimpungatan ako nang marinig ang pagtunog ng phone. Dahil puyat, kinapa-kapa ko lang iyon sa bedside table at isang mata lang ang binuksan para silipin kung sino ang tumatawag nang ganito kaaga.
Ethan calling...
Kumunot ang noo ko. Ethan? Wala akong kilalang Ethan. I don't remember na my naka-register na Ethan sa phone book ko. And I don't even remember na pinalitan ko ng One Direction song na 'One Thing' ang ring tone ng phone ko. 'I'm Yours' ang ring tone ng phone ko.
Mula sa pagkakadapa, tumihaya ako sa pagkakahiga at pilit na iminulat ang mga mata. At doon ko lang napansin na hindi ko pala phone ang hawak ko. It was Jared's.
Kapag nakikitulog ako sa unit ni Jared, ang sariling kuwarto niya ang ipinapagamit niya sa 'kin at doon siya sa guest room niya. Minsan akong nakipagtalo sa kanya tungkol doon, pero dinalihan ako ng linyang 'My unit, my rule.' niya. At ang number one rule niya, ako ang gagamit ng kuwarto niya kapag dito ako natutulog. Ang tagal naming nagtalo dahil doon, pero ako na ang sumuko. Wala rin kasing patutunguhan kung magtatalo kami kung sino ang dapat matulog sa kuwarto niya. Tsk.
Muling tumawag ang caller. When I look at the time, it was only eight in the morning. Ilang oras pa lang ang tulog ko. Sa kabila ng antok, pilit akong bumangon mula sa kama. Baka importante ang tawag kaya nagpasya akong iabot na lang kay Jared.
Bago pa man ako makalabas, doon ko lang narinig ang lagaslas ng tubig na nagmumula sa loob ng banyo na nandito lang din sa loob ng kuwarto niya. Mukhang naliligo pa si Jared.
Tumayo ako sa harap ng pinto ng banyo at kumatok. "Jared! Jared, may tumatawag sa phone mo!" sigaw ko.
Narinig ko ang pagpihit ng shower at tumigil ang paglagaslas ng tubig. "Sino?" narinig kong tanong niya mula sa loob.
"Ethan ang naka-register na name."
"That's my best friend! Can you answer it for me, Miles? Just tell him I'll call him back pagkatapos kong maligo."
"Okay."
Pagkasabi ko no'n, muli na niyang binukan ang shower. Hindi na 'ko umalis sa tapat ng pintuan ng banyo nang sagutin ko ang tawag sa phone ni Jared.
"Hello?" bungad ko pagkasagot ng tawag. "Sorry. Jared is not on the phone right now. He'll call you back after taking a shower."
Wala akong narinig na sagot sa kausap ko. Akala ko nga ay naputol ang tawag, pero nang tingnan ko naman ang screen, connected pa rin naman iyon.
"Hello?" ulit ko. Naririnig ba niya ako?
May malakas na tumikhim mula sa kabilang linya. "Okay. Sorry if I disturb the both of you."
The call ended before I could even answer him back.
Nagsalubong ang kilay ko. Anong nakaabala sa 'ming dalawa ang sinasabi niya?
Napapikit at natampal ko na lang ang noo ko nang ma-realize kung ano ang ibig niyang sabihin doon. Iniisip siguro ngayon ng kausap ko kanina na may ginawa kami ni Jared base na rin sa pagkakasabi ko. At nakadagdag pa siguro ang lagaslas ng tubig sa banyo para marinig niya iyon sa background.
Pero, agad din akong natigilan nang biglang rumehistro sa utak ko ang boses na iyon. At paulit-ulit iyong umalingawngaw. His voice... sounds familiar.
Dahan-dahan kong inilayo ang phone sa tapat ng tainga ko at napatitig sa screen. Habang nakatitig sa pangalang nandoon, naramdaman ko ring biglang bumilis ang t***k ng puso ko.
Mahigit tatlong taon ko mang hindi narinig ang boses na 'yon, hindi ko naman nakalimutan ang tono ng boses niya. Nakaukit na iyon sa isip at puso ko. Besides, madalas ko ring pakinggan ang huling voice record na natanggap ko sa kanya noon kaya hindi ko puwedeng makalimutan. At kahit saglit lang kaming nag-usap ng Ethan na 'yon sa phone, hinding-hindi ako maaaring magkamali.
Without a doubt, that voice... He sounded like Nate's voice.