Chapter 4

3593 Words
Chapter 4 Royal Dumungaw ako sa malaking bintana at tinanaw na lang ang lupain ng hasyenda. Wala akong magawa. Hindi ako makakatakas dito dahil sa higpit ng Quinn na iyon. Bawat galaw ko ay sinusuri niya. Palagi siyang nakaantabay o nakabantay sa akin at sa lalabasan ko. Kapag siya ang nakikita ko ay kinakabahan ako, pero no’ng dumating iyong William ay naiibsan ang kaba ko. Sa kanya lang yata ako napanatag dahil iba ang tinging binibigay sa akin, iyong normal na tingin. Samantalang iyong Quinn Altamirano..iba. Napakamot ako sa lalamunan sa pag-iisip ko na naman do’n sa lalaking iyon. Ilang sandali pa ay napatingin ako sa sariling suot. Hindi pa naman ako naiinitan pero kahapon ko pa suot itong kupasing maong na pantalon at malaking t-shirt. Nilingon ko ang isang antigong aparador. Nagdadalawang-isip kung bubuksan ko ba iyon at titingin ba ako doon, kukuha ng maisusuot. Hindi pa ako sigurado kung dapat pa ba akong magdalawang-isip dahil hostage ako hindi ba? Napanguso ako. Ganoon na nga ba ang maitatawag sa akin dito? Iyon ang sinabi ko sa kanya at iyon naman talaga ang tawag doon hindi ba? Labag sa karapatan ko ang mamalagi rito. Hindi niya ako pinayagang makauwi dahil mayroon daw siyang gustong makuha— Dalawang katok sa pinto at niluwa doon ang lalaking iyon. Pumasok siyang may dalang puting damit sa kanyang kamay. Isang beses niya lang akong tiningnan at saka nilapag sa ibabaw ng kama ang dala. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapaniwalaan na naging sikat na singer siya. Ibig sabihin no’n ay mabait siya at magiliw sa mga humahanga sa kanya, e bakit hindi ko maramdaman? Ah, baka balatkayo lang iyon at ito ang tunay niyang ugali. Mabagsik. Malupit. Iyong tanging katangian ng isang Altamirano. “Kung gusto mong maligo, ito ang damit na pamalit mo. Hindi ako makahiram sa mga katulong kasi..mukhang hindi magkakasya sa’yo.” Sabay sulyap sa mga dibdib ko! Naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko at halos umangat ang mga braso ko para takpan ang sa tingin ko ay minomolde niya ng tingin sa isip. “’Yang mga mata mo!” bulyaw ko. Doon lang tumaas ang mga mata niya sa mukha ko. Ngumisi at saka umiling. “Maligo ka at nang mahismasmasan ka.” Saka ako tinalikuran at iniwan sa kwarto. “Bwiset ka!” sigaw ko kahit na nakaalis na siya pero alam kong narining pa niya iyong sinigaw ko. Inis na nilapitan ko ang gilid ng kama at tiningnan ang damit na dinala niya sa akin. *** Hindi ako mapili sa damit, pero itong pinasuot niya sa akin ay halos duster na ng Nanay ko. Isang malaking puting t-shirt at maluwag na itim na shorts. Kahit yata hindi ako mag-shorts ay matatakpan pa rin ang mga hita ko. Naginhawaan ako pagkatapos maligo. Pero naasiwa ako sa suot ko. Damit panlalaki kasi ang mga ito. Mula sa puno ng hagdanan ay natanaw ko kaagad si Quinn na nakaupo sa sofa at may binabasa sa cellphone niya. Maliliit man ang hakbang ko ay nilingon niya ako sa unang tapak ko pa lang sa baitang. Napahawak ako nang mahigpit sa barandilya maging sa dulo ng t-shirt kong suot para ibaba pa iyon. Nakita ko ang pagkatigil niya. Hindi kumukurap. Humagod ang tingin niya sa akin, bahagyang tumigil sa mga hita ko at saka binalik pataas ang mga mata. Hindi ko siya masalubong ng tingin, tumikhim ako at nilalabanan ang pagkakagulo sa dibdib ko. At sa unang pagkakataon na siyang mas lalong nagpatibok ng mabilis sa puso ko ay nahuli ko ang paraan ng pagbasa niya sa kanyang labi na para bang ilang libong taon nang nauuhaw habang nakatingin sa akin. Iyong paraan na ngayon ko lang naramdaman. Hindi ko maalalang binigyan ako ng ganitong tingin ni Garett. Tumitibok pa rin ang puso ko kapag nakikita ko siya pero..hindi ganito ang ragasa. Hindi ganito kabilis. Nang marating ang huling baitang, pakiramdam ko ilang minuto kong tinahak ang hagdanan bago narating ang pinakadulo. Ingat na ingat sa paghakbang dahil kitang-kita ko ang hagod niya sa akin. Isang beses pa akong tumikhim pagkatapos. Nilipat ang tingin sa paligid at umaasang may darating na ibang tao. Ginusto ko ring pumunta na lang sa kusina kaysa ang magpatitig sa kanya. Pakiramdam ko, nilaan niya ang mga minutong ito para tiningnan ako nang walang sinasabi. “Ser dumating po ang mga pulis,” doon lang ako napatingin sa gawi niya nang pumasok si Rita galing sa labas. Napatuwid ako ng tayo nang makita ang mga kasunod niyang dalawang hindi unipormadong kapulisan. Tumayo si Quinn. Magkasingtaas pero parehong matangkad. Hindi nalalayo sa taas ni Quinn Altmirano. “Mr. Altamirano,” inabot no’ng isang lalaking nakauot ng itim na jacket na may puting panloob na t-shirt. Hindi matambok ang tiyan at halatang maalaga sa katawan. “Castiel.” Pormal sa tawag niya rito. “Sir,” tawag din niyong kasama at nakipagkamay. Lumagpas ang tingin iyong tinawag niyang Castiel at naabot ako. Sandali pa itong natigilan nang makita ako. Halos mapalunok ako nang tingnan niya ako ng maigi maging ang suot-suot ko. Feeling ko talaga may mali sa damit na binigay sa akin nitong si Quinn e. Ilang sandali niya akong tinitigan hanggang sa makita iyon ni Quinn. Tumikhim si Quinn. “Sa library tayo.” Maikling sabi niya at saka nagpauna umalis. Tinanguan na lang siya ng dalawa at sumunod. Habang ako naiwan na lang sa sala. Kung hindi pa ako tinawag ni Rita ay hindi pa ako makakagalaw sa kinatatayuan ko. “Mam Royal tara na po.” Untag niya sa akin. Nagulat man ay nagawa ko pa rin siyang ngitian. “Po?” tinawag niya akong mam? “Ipapasyal ko po kayo sa loob ng hasyenda.” Nakangiting sabi niya sa akin. Napanganga ako at lumapit sa kanya. “Ipapasyal? Pwede akong lumabas?” Kumunot ang noo niya at tumango. “Opo mam. Pwede po.” Sinulyapan ko ang daan patungo sa library niya. “Pinayagan niya akong lumabas ng bahay?” hindi pa rin makapaniwala. Napakamot na sa ulo si Rita. “Bisita naman po kayo dito mam ’di ba? Kaya pwede naman po kayong mamasyal sa loob ng hasyenda. Pwede din po natin daanan ang clubhouse, golf course at kahit ang parke.” Mabilis akong napatingin sa kanya. “Meron iyon lahat dito?!” Nginitian niya ako. “Opo mam. Hindi ko pa nga nasasabi iyong iba. Hindi ko pa rin napupuntahan at saka malayo na rin. Pero pwede rin tayong makapamasyal sa Azucarera kung may hindi aabutan ng dilim.” Natameme ako. Talagang ganito kalaki ang hasyenda Esperanza? Aabutan ng gabi kapag sinubukang libutin ang buong lupain? Kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at sumama na lang kay Rita. *** Nakipagkwentuhan ako kay Rita habang tinatahak namin ang daan papunta sa Tubuhan ng hasyenda. Ang sabi niya sa akin ay maraming trabahador ang hasyenda. Masaya at matiwasay daw ang pagpapalakad sa kanila kabaliktaran ng kwentong sinasabi sa amin sa hasyenda Rosemarie. Ang kwento kasi ng matatanda doon ay magulo sa kabilang hasyenda dahil sa lupang matagal nang pinag-aawayan. Kung kaya wala nga sa amin ang nagtakang lumipat sa kabila kahit na maraming trabahador ang kailangan doon. Sa malayo pa lang ay natanaw ko na ang nagtataasang tubo na tanim nila. Sinisinagan ng tumataas na sikat ng araw. Marami iyon at malawak. Napatingin ako kay Rita. “Hanggang saan ang taniman?” kuryoso kong tanong. Nagtaas siya ng kamay at nilagay sa tapat ng noo. Tumatama na kasi ang sinag ng araw sa mga mata namin. “Kung hanggang saan ang kayang tanawin ng mga mata natin, mam Royal.” Kunot-noo kong binalikan ng tingin ang lupa. Ilang sandali kong pinasadahan ng tingin ang napakalawak na lupang nakikita ng sariling mga mata hanggang sa mapagtanto ko ang nakikita. Namilog ang mga mata ko at binalingan ulit ang babae. “Ibig sabihin..lahat ng ito?” hindi ko mapaniwalaang kumpirma sa kanya. Nginitian niya ako at tinanguan. Napaawang ang labi ko. Napakalaki nga nga lupain nila. Ni hindi ko pa nga natatanaw mula dito ang kanilang Azucarera at ang sinasabi niyang Clubhouse. Panandalian kong nakalimutan ang pagkakahuli sa akin dito ni Quinn at namangha na lang sa nalaman at nakikita. Kinukwento sa akin ni Rita ang bawat lugar na nadadaanan namin. Lumilinga-linga ako at napansin ko ang ilang tauhan na nakabantay pala sa amin. iyong iba ay nakasunod pa ilang hakbang lang ang layo. “Malapit na tayo sa Azucarera, mam.” “Rita sino ’yung mga sumusunod sa atin?” tinuro ko iyong nasa tatlong lalaking naka-uniporme at patay-malisya pa kunwari na hindi ko sila tinuro. Palinga-linga sa paligid at nag-iwas ng tingin. “Sino po?” nilingon ang likuran namin. “Ah, mga tauhan po sa hasyenda, ni Ser Quentin.” Tiningnan niya ako at nginitian, pinagpatuloy ang paglalakad. “Bakit palaging nakasunod sa atin ang mga iyan? At sino si Quentin?” Nginitian niya ako. “Si Ser Quinn. Iyong ubod ng gwapong may-ari ng hasyenda. Siya ang nag-utos na bantayan tayo, ikaw.” Tumahip ang malakas na pintig sa dibdib ko. Binalewala ko iyon. “Quentin..Altamirano..” humaba pa ang nguso ko nang sabihin niyang ‘ubod ng gwapo’ ang karudumal-dumal na mukhang iyon. “Quentin Nicco V. Altamirano ang buo niyang pangalan. Ang gwapo hindi ba? Hindi lang sa pangalan pati sa personal!” sinundan niya iyon ng hagikgik kaya napalingon ako sa kanya. Namula pa ang mukha niya. Nagkibit-balikat ako. “Ayos lang.” Lumaki ang butas ng ilong niya. “Ano’ng ayos lang? Sikat na sikat iyon sa buong Pilipinas! Nagtu-tour pa iyon kahit sa labas ng bansa para msg-perform sa mga fans niya. Hindi lang dito talaga sumikat ang mga sinulat niyang kanta—pang-international din ang boses ni Ser! Noong kumanta nga iyon sa birthday party ng Senyor Eugenio, lahat kami ay nagtilian. Nagkaalaman din kung sino ang mga bading sa loob ng hasyenda!” napalakas ang tawa niya. Napailing ako. “Ngayon ko lang nalaman na singer pala siya at sikat. hindi ko kasi siya kilala.” “Imposible! Hindi mo nakikilala si Ser Quetin?” hindi makapaniwalang tanong. Umiling ako. “Kanina ko lang siya narinig na kumanta. Bumubuo yata ng kanta. Iyon lang ang unang beses.” Natigilan ito at humarap sa akin. Nanlalaki ang mga mata at hinawakan pa ako sa magkabilang balikat. “Gumagawa na siya ng kanta ulit? Tama ba ang pagkakarinig ko?!” Maging ako ay natigilan na rin. Alangan na tinanguan siya. “O-oo..kaninang umaga sa labas. May hawak pa ngang gitara. May papel at lapis na hawak.” Kung tama man ang pagkakaintindi ko na iyon ang itsura ng gumagawa ng kanta. Bigla siyang tumili at nagtatalon. Napaigtad naman ako sa gulat. Nagtakbuhan ang mga nagbabantay sa amin at parang mga timang na pinaligiran kami. Doon natauhan si Rita sa nagawang reaksyon. “Bakit ka sumisigaw, Rita? May nakita ba kayong nakapasok o kahina-hinala?” magkasunod na tanong kaagad noong isa. Natakot ako at kinabahan nang maglabas sila ang kanya-kanyang baril at tinutukan ang paligid. Kung titingnan silang maigi akala mo ay nasa pelikula kami at napakaimportante naming tao para bigyan ng ganitong sekyuridad. “Hindi-hindi Kuya Lito! Itago niyo na nga ’yang mga baril niyo at natatakot na si Mam Royal.” Napamaywang pa ito at tumikhim. Parang pinagsisihan ang nagawang pagtili. “Mam okay lang po ba kayo?” tanong sa akin noong isa. Binaba na nila ang mga baril at tinago. Tumango na lang ako dahil sa labis-labis na kaba sa dibdib. “Okay lang kami, Kuya! Tara na po, mam Royal.” Hinawakan niya ako sa braso at hinatak na sa kanila. Noong naglalakad na ay hindi pa rin mawala-wala ang malakas na t***k sa dibdib ko. Armado din pala ang mga tauhan niya. Kung sinubukan kong tumakas pala ay pwede din nila ako barilin kaagad! Natakot para sa sariling buhay. Napahawak ako sa dibdib at napapikit. “Ganoon ba talaga sila kung magbantay? Bantay-sarado talaga?” wala sa sariling tanong ko. Naringgan ko ang pagbuntong hininga niya. “Magmula nang ma-ospital ang Senyor Eugenio, naghigpit sa security si Ser Quentin. Nagdagdag pa dahil sa mga..patayan sa loob ng hasyenda.” Mahinang boses niyang sagot sa akin. Nilingon ko siya. “Totoo ba ang mga p*****n dito sa loob?” kinakabahang tanong ko. Namilog ang mga mata niya at hilaw na ngumiti. “Ayun na po pala ang Azucarera! Ililibot po kita,” pag-iiba ng usapan. Ramdam kong hindi siya komportableng pag-usapan iyon kaya hindi na ako nagpumilit pa. Nang makarating doon ay pinilit kong doon na lang ibigay ang pansin kahit na may namumuong katanungan sa akin. *** Mababait ang mga trabahador sa hasyenda Esperanza. Pinakilala akong bisita ni Rita. Gusto ko sanang sumagot na hindi pero hndi ko na nagawa pa at hinayaan na lang. Trenta minutos kaming nag-ikot doon at pinanood ang kanilang trabaho. May ganoon sa Rosemarie kaya nakaka-relate ako sa ginagawa nila. Kung minsan ay nagtatanong-tanong pa ako, namamangha pa sila kung minsan. Susunod sana naming puntahan ang parke pero nilapitan kami noong isa sa sumusunod sa amin at sinabihang pinapabalik na kami sa bahay ng amo nila. Hindi ko maiwasang mapaismid dahil nag-eenjoy ako sa pag-iikot sa lupain niya. Nahuli ako sa ganoong itsura ni Rita kaya pinakiusapan pa ang tauhan na dumaan na muna kahit sandali sa parke pero talagang bawal yatang nababali ang utos ng amo nila. Uwi kung uwi. Pabalik sa hasyenda ay iba ang tinahak naming daan kaya nakita namin ang isa pang malaking bahay, mas malaki nga lang iyong hasyenda kaysa rito. Mula sa pataas na damuhan ay may kulay pulang mga halaman na nakakorteng ‘Esperanza’ sa harap ng puting bahay. “Meron pang ibang bahay dito..” sabi ko habang nakatanaw puting bahay. “Iyan po ang Clubhouse.” “Clubhouse?” nabanggit kanina ni William na dito siya pansamantalang tumutuloy. “Ibig sabihin dito tumutuloy si William?” “Opo. Kahit iyong ibang kaibigan ni Ser na ubod din ng macho at gwapo ay dyan din tumutuloy kapag napapasyal dito.” Namumula na naman ang mukha niya. Tiningnan ko ulit ang puting bahay. Napahinto sa paglalakad nang makita kong lumabas doon si William na may hawak na libro. Kumunot ang noo niya ng makita kami. Nginitian ko siya at kinawayan pa. Nang makita kong lalabas siya para puntahan kami ay naglakad na rin ako para salubungin ang lalaki. “What are you doing here?” pambungad niyang tanong sa akin. Nginitian ko siya. “Namasyal lang po. Pinasyal ako ni Rita at inikot-ikot sa Azucarera.” Sinulyapan niya ang mga kasama ko. Lalo na ang tatlong lalaking nakatayo sa hindi kalayuan. “With an entourage?” Natawa ako roon. Napangiti na rin siya. Nang niyaya niya kaming pumasok sa loob ng clubhouse ay nagpaunlak agad ako dahil kuryoso rin ako sa itsura sa loob ng bahay na iyon. Akma akong tatawagin ni Rita pero hindi na niya tinuloy. Nagkatinginan na lang sila ng ibang tauhan. Mag-isa lang siya na nanunuluyan sa bahay. Naikwento niyang baka ilang araw na lang ay umuwi na rin siya maynila at miss na miss na raw niya ang mag-iina niya. Habang kinukwento niya ang tungkol sa pamilya ay hindi ko maiwasang mapatitig sa kanya. Nilagay ko pa ang dalawang palad sa ilalim ng baba at tinungkod sa lamensa habang nakikinig sa kanya. Halata sa kanyang mga mata na mahal na mahal niya ang mag-iina niya. Ilang beses niya ring binanggit ang salitang iyon, ‘mag-iina ko’. Hindi ko na nga naiinom ang orange juice na binigay niya sa akin at pinagmasdan na lang siya. “Siguro ay miss na miss ka na rin nila. Ilang linggo ka rin palang nandito.” Binaba niya ang tingin sa baso at tipid na ngumiti. “Baka mas lalo nga ’yon nagalit sa akin dahil hindi ako makabalik. Ang laki ng kasalanan ko kay Paula. Kaya kahit masakit, tinitiis ko munang lumayo para maparusahan ko ang sarili sa nagawa kong kasalanan.” Pinagmasdan ko siyang maigi. May mga tuyong sugat pa siya sa mukha. Anong klase bang pagpaparusa ang ginawa niya at hindi siya makauwi? Anong bang kasalanan iyon? “Nagpabugbog ka ba?” Nag-angat siya ng tingin sa akin. Ngumisi. “Higit pa doon.” Napangiwi ako. “Ang hindi sila makita ay parusa na.” Wala sa sariling sabi ko. Bumuntong hininga ako at nagbaba ng tingin sa sariling baso. Si Garett kaagad ang una kong naalala sa sitwasyong iyon. Iyong may nobyo ka nga pero parang wala rin. ‘Kami’ kapag nandyan siya. “And it damn hurt. I love her so much. I love my kids so much. They are my life. I really can’t wait to be totally healed and go home.” “Hayaan mo ipagdarasal kita para mapabilis ang pag-uwi mo.” Ngiti ko sa kanya. “Thank you.” Ngumiti rin siya sa akin. Iyong sanang sandaling pagdaan dito ay napatagal pa. Doon na nga ako pinakain ni William. Nagtulong-tulong kami sa niluto maging si Rita. Niyaya kong kumain iyong tatlo sa labas pero tumanggi. Pagkatapos naming kumain ay ako na ang nagpresintang maghugas ng mga plato kahit pa parehong ayaw nilang ibigay sa akin. Si Rita namin para nang kamatis ang mukha sa sobrang pula nang agawin sa kanya ni William ang mga pinggan. Kaya sa huli ay hinayaan na lang namin ang lalaki. Nagkwentuhan kami sa sala. Nabanggit na rin sa akin ni William ang tatlo pa raw nilang kaibigan. Para bang sinusuplayan niya ako ng mga impormasyon sa gawi niya. Tapos ay pinapakita pa sa akin ang mga litrato galing cellphone niya maging ang mga magaganda nitong mga asawa. Natuwa naman ako dahil feeling close na kami. “Royal!!” napaigtad ako nang may biglang sumigaw sa labas. Lahat kami ay napatingin na doon. Salubong na mga kilay at halatang galit na pumasok sa loob ng bahay ni Quinn. Agad na napatayo si Rita, napalunok pa. Natakot nang makita ang amo niya. Si William ay napasandal lang sa upuan niya. Sa aming lahat ay siya lang ang hindi nagulantang sa pasigaw na tawag niya sa akin. “Makasigaw naman.” Bulong ko na narinig pa rin ni William kaya tiningnan niya ako at ngumiti. Dere-deretso niya akong nilapitan at kinuha ang kamay ko, sapilitang tinayo at hinila paalis. Sa pagkabigla ko at pagkapahiya ay hinatak ko rin ang kamay ko sa mahigpit niyang hawak sa akin. “Ano ba! Nasasaktan ako!” impit akong sabi sa kanya. Nang makarating sa pintuan ay galit niya akong binalingan. Muntik na akong mapasinghap doon. “Masasaktan ka talaga kapag inulit mo pa ang pagsuway sa akin.” Matigas niyang sagot. “A-anong pagsuway ang sinasabi mo?!” Pero imbes na sagutin ako ay pinauna na niyang pauwiin ang mga tauhan niya kasama si Rita na ngayon ay namumutla na yata. Umalis kaming hindi na nakapagpalam sa kaibigan niya. Walang-modo din. Makulimlim at kumukulog na nang umalis kami sa puting bahay. Hila-hila niya pa rin ako habang tinatahak ang daan pauwi sa hasyenda. Kahit nauuna ay ramdam ko pa rin ang galit niya, sa higpit pa naman ng hawak niya sa akin. Hindi na ako nakatiis at umangil na ako sa pagkakahawak niya sa akin. “Ano ba?! Hindi naman ako tatakas!” sabay hila ko ulit sa kamay ko. Huminto siya at galit akong nilingon. Napaigtad ako nang kumulog ng malakas. “’Wag mong subukan ang pasensya ko sa’yo babae ka!” Nagulat ako sa bugso ng galit niya. “Ano’ng bang ginawa ko? Hindi naman ako nagtangkang tumakas sa hasyenda mo ah! Kaya ano’ng pinagpuputok ng buchi mo?!” ganting sigaw ko sa kanya. Pabalang niyang binitawan ang kamay ko. Sa pagkakabitaw niya pati ako ay halos tumilapon na rin. Hinilot ko ang kamay na mahigpit niyang hinawakan. “Kapag sinabi kong umuwi ka na, uuwi ka.” “Hindi mo ko tauhan na pwede mong utus-utusan!” masama kong tingin sa kanya. Inisang hakbang niya ako. “Nasa loob ka ng pagmamay-ari ko kaya pati ikaw ay pagmamay-ari ko rin. Kaya kong gawin ang lahat ng gusto kong gawin sa iyo. Tandaan mo ’yan.” Dumiin ang pagkakalapat ng labi ko. Nag-init ang lalamunan ko sa matatas niyang salita sa akin. Kailanman wala pang nagsalita sa akin ng ganito. Mapangmataas at mapang-angkin. At kailanman ay hindi inaangkin ang pagkatao. “Sumusobra ka na.” Madiin kong banta sa kanya. Ni hindi siya kumukurap. “Kung hindi ka naging mapangahas na tumuntong sa lupain ko, hindi mangyayari sa iyo ito. Kasalanan mo kung bakit ka ngayon nasa pagmamay-ari ko!” “Madalim noon kaya hindi ko alam na mali ang daan na tinahak ko! Ilang beses ko bang dapat na sabihin ’yan sa’yo!” “Then you’re a stupid woman!” Natigalgal ako. Mas lalong bumugso ang luha sa mga mata ko—hindi ko na napigil pa at kusa na iyong lumandas sa mukha ko. Tinulak ko siya bilang ganti. Ang sakit sa dibdib ng sinabi niya. Para akong pinipiga. Tinulak ko siya ulit at hindi kumibo. Tinitingnan lang ako. “Sumusobra ka na! Ang sakit mong magsalita!” galit na galit na rin ako. O baka napalagpasan ko pa ang galit niya sa akin. Nagtaas-baba ang dibdib ko. Tinitigan niya lang ako. Sa galit ay nilagpasan ko siya at nag-una na sa pag-uwi, pero bumuhos ang malakas na ulan. “s**t!” narinig kong bulalas niya sa likuran ko. Hindi ko na ininda ang malalaking patak ng ulan. Wala na akong pakielam kahit na maglakad sa gitna ng ulan. Ang sakit niyang magsalita. Hindi niya iniisip ang sasabihin bago pakawalan. “Royal magpatila muna tayo ng ulan!” hindi galit ang boses niya. “Magpatila mag-isa mo.” Sabi ko sa sarili. Hindi ako huminto sa paglalakad. “Ang tigas talaga ng ulo mo!” hinatak niya ako at halos patakbo akong hinila sa isang malaking puno. Sinandal niya ako sa katawan niyon at saka tumapat sa akin. Agad akong nag-iwas ng mukha dahil pagkakabangga niya sa akin. “S-sorry..” bulong niya. Hindi ako kumibo. Para saan kaya ang sorry na iyon? Sa kanina o sa pagkakabunggo niya sa akin at diin sa puno? Tinawag niya akong tanga. Hindi ko yata makakalimutan ito sa tanang buhay ko. Kumawala ang hikbi sa akin. Kaya sinilip niya ang mukha ko na pilit kong iniiwas sa kanya. “Royal..my lady,” mas banayad niyang tawag sa akin kahit nilalamon ng ulan ang boses. Basang-basa na rin ang damit niya. Tumutulo ang tubig ulan sa kanyang buhok. Hindi ko na mapigilan ang pagbuhos ng damdamin sa paghikbi—nauwi na pag-iyak ang sakit sa dibdib ko. “M-mahirap lang ako. H-hindi ako nakatapos ng pag-aaral dahil wala kaming sapat na pera. Pinangarap ko naman ang makatapos sa kolehiyo..may pangarap din naman ako, kaya alam kong hindi mahina ang ulo ko. H-hindi naman ako t-tanga, Quinn..” may kirot sa dibdib akong naramdaman at napaiyak na nang tuluyan. “Hey..my lady, I’m sorry. I’m so sorry. I didn’t mean what I said. ’Wag kang umiyak please..” Hinawakan niya ang mukha ko at inangat. Sinubukan kong tumahan pero sa dahil sa hiya at sakit ay hindi ko magawa. “Royal,” Humihikbi-hikbi akong nag-angat sa kanya ng tingin. Nagkatitigan kaming dalawa ng ilang segundo. Sa gitna ng ulan. Bago pa ako makaiwas ay mabilis na bumaba ang mukha niya at siniil ako ng halik sa labi. Natigagal ako sa kanyang ginawa. ****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD